Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bakit ba Magpapabautismo?
    Ang Bantayan—2002 | Abril 1
    • 5:9) Siyempre pa, hindi natin iniaalay ang ating sarili sa isang gawain o sa isang tao kundi sa Diyos mismo.

      15. Bakit inilulubog sa tubig ang mga kandidato sa bautismo?

      15 Kapag iniaalay natin ang ating sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ipinahahayag natin ang determinasyon na gamitin ang ating buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos gaya ng nakasaad sa Kasulatan. Bilang sagisag ng pag-aalay na iyan, ang mga kandidato sa bautismo ay inilulubog sa tubig, kung paanong si Jesus ay binautismuhan sa Ilog Jordan upang sagisagan ang paghaharap ng kaniyang sarili sa Diyos. (Mateo 3:13) Kapansin-pansin na nanalangin si Jesus noong napakahalagang okasyong iyon.​—Lucas 3:21, 22.

      16. Paano angkop na maipakikita ang ating kagalakan kapag nakikita nating binabautismuhan ang mga tao?

      16 Ang bautismo ni Jesus ay isang seryoso ngunit masayang pangyayari. Gayundin naman ang bautismong Kristiyano sa ngayon. Kapag nakikita nating sinasagisagan ng mga tao ang kanilang pag-aalay sa Diyos, ang ating kagalakan ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng may-paggalang na pagpalakpak at marubdob na pagpuri. Ngunit ang paghiyaw, pagsipol, at ang katulad nito ay dapat iwasan bilang paggalang sa kabanalan ng kapahayagang ito ng pananampalataya. Ipinahahayag natin ang ating kagalakan sa paraang may dignidad.

      17, 18. Ano ang tumutulong upang matiyak kung kuwalipikado para sa bautismo ang mga indibiduwal?

      17 Di-gaya niyaong mga nagwiwisik sa mga sanggol o pumipilit sa mga pulutong na magpabautismo bagaman walang kaalaman sa Kasulatan, hindi pinipilit kailanman ng mga Saksi ni Jehova ang sinuman na magpabautismo. Sa katunayan, hindi nila binabautismuhan yaong mga hindi kuwalipikado sa espirituwal na paraan. Bago pa nga maging di-bautisadong mángangaral ng mabuting balita ang sinuman, tinitiyak ng Kristiyanong matatanda na nauunawaan ng isang iyon ang saligang mga turo ng Bibliya, namumuhay na kasuwato ng mga ito, at sumasagot nang positibo sa tanong na gaya nito, “Talaga bang gusto mong maging isa sa mga Saksi ni Jehova?”

      18 Maliban sa ilang kaso, kapag ang mga indibiduwal ay makabuluhang nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at nagpapahayag ng hangaring magpabautismo, ang Kristiyanong matatanda ay nakikipag-usap sa kanila upang tiyakin na sila ay mga mananampalataya na nakapag-alay na kay Jehova at nakaaabot na sa mga kahilingan ng Diyos ukol sa bautismo. (Gawa 4:4; 18:8) Ang personal na mga sagot sa mahigit na 100 tanong hinggil sa mga turo ng Bibliya ay tumutulong sa matatanda na matiyak kung ang mga tumutugon ay nakaaabot sa maka-Kasulatang mga kahilingan ukol sa bautismo. Ang ilan ay hindi nagiging kuwalipikado at kung gayon ay hindi tinatanggap para sa bautismong Kristiyano.

      Mayroon Bang Pumipigil sa Iyo?

      19. Kung isasaalang-alang ang Juan 6:44, sino ang magiging mga kasamang tagapagmana ni Jesus?

      19 Marami sa mga pinilit na makibahagi sa maramihang pagpapabautismo ang marahil ay sinabihan na magtutungo sila sa langit kapag sila’y namatay. Ngunit tungkol sa mga sumusunod sa kaniyang yapak, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Inilapit ni Jehova kay Kristo ang 144,000 na magiging kasamang tagapagmana ni Jesus sa makalangit na Kaharian. Sinuman ay hindi kailanman pinababanal ng sapilitang pagbabautismo ukol sa gayong maluwalhating dako sa kaayusan ng Diyos.​—Roma 8:14-17; 2 Tesalonica 2:13; Apocalipsis 14:1.

      20. Ano ang maaaring tumulong sa ilan na hindi pa nababautismuhan?

      20 Lalung-lalo na mula noong kalagitnaan ng dekada 1930, ang pulu-pulutong na umaasang makaliligtas sa “malaking kapighatian” at mamumuhay sa lupa magpakailanman ay sumama sa hanay ng “ibang mga tupa” ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 14; Juan 10:16) Nagiging kuwalipikado sila sa bautismo dahil iniayon nila ang kanilang pamumuhay sa Salita ng Diyos at inibig nila siya nang ‘kanilang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip.’ (Lucas 10:25-28) Bagaman natatanto ng ilang tao na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘sumasamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan,’ hindi pa nila tinutularan ang halimbawa ni Jesus at ipinakikita ang pangmadlang katibayan ng tunay na pag-ibig at bukod-tanging debosyon kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo. (Juan 4:23, 24; Deuteronomio 4:24; Marcos 1:9-11) Ang taimtim at espesipikong panalangin hinggil sa mahalagang hakbanging ito ay maaaring magdulot sa kanila ng pampasigla at lakas ng loob upang lubusang sumunod sa Salita ng Diyos, gumawa ng walang-pasubaling pag-aalay sa Diyos na Jehova, at magpabautismo.

      21, 22. Anu-anong dahilan ang pumipigil sa ilan na mag-alay at magpabautismo?

      21 Ang ilan ay napipigilang mag-alay at magpabautismo dahil abalang-abala sila sa mga gawain ng sanlibutan o sa paghahanap ng kayamanan anupat kaunti na lamang ang kanilang panahon para sa espirituwal na mga bagay. (Mateo 13:22; 1 Juan 2:15-17) Kayligaya nga nila kung babaguhin nila ang kanilang mga pangmalas at tunguhin! Ang paglapit kay Jehova ay magpapayaman sa kanila sa espirituwal na paraan, tutulong upang mapawi ang kabalisahan, at magdudulot sa kanila ng kapayapaan at kasiyahan na bunga ng paggawa ng kalooban ng Diyos.​—Awit 16:11; 40:8; Kawikaan 10:22; Filipos 4:6, 7.

      22 Sinasabi naman ng iba na iniibig nila si Jehova ngunit hindi naman nag-aalay at nagpapabautismo dahil iniisip nila na sa gayong paraan ay maiiwasan nila ang pananagutan sa Diyos. Ngunit bawat isa sa atin ay dapat na magsulit sa Diyos. Nagkaroon tayo ng pananagutan nang marinig natin ang salita ni Jehova. (Ezekiel 33:7-9; Roma 14:12) Bilang isang ‘piniling bayan,’ ang sinaunang mga Israelita ay isinilang sa isang bansa na nakaalay kay Jehova, at kung gayon ay may obligasyon sila na paglingkuran siya nang tapat ayon sa kaniyang mga simulain. (Deuteronomio 7:6, 11) Sinuman ay hindi naisilang sa gayong bansa sa ngayon, ngunit kung nakatanggap tayo ng tumpak na maka-Kasulatang tagubilin, kailangang kumilos tayo ayon doon taglay ang pananampalataya.

      23, 24. Anong mga pangamba ang hindi dapat pumigil sa mga indibiduwal sa pagpapabautismo?

      23 Ang pangamba na hindi sapat ang kanilang kaalaman ay maaaring pumigil sa ilan para magpabautismo. Gayunman, tayong lahat ay marami pang dapat malaman dahil ‘hindi kailanman matutuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.’ (Eclesiastes 3:11) Isaalang-alang ang bating na Etiope. Bilang isang proselita, mayroon siyang nalalaman tungkol sa Kasulatan, ngunit hindi niya kayang sagutin ang bawat katanungan tungkol sa mga layunin ng Diyos. Gayunman, pagkatapos malaman ang tungkol sa paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, agad na nagpabautismo sa tubig ang bating.​—Gawa 8:26-38.

      24 Ang ilan ay nag-aatubiling mag-alay sa Diyos dahil natatakot silang mabigo. Sinabi ng 17-taong-gulang na si Monique: “Napipigilan akong magpabautismo dahil sa takot na hindi ko matupad ang aking pag-aalay.” Gayunman, kung magtitiwala tayo kay Jehova nang ating buong puso, ‘itutuwid niya ang ating mga landas.’ Tutulungan niya tayong ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’ bilang kaniyang tapat na nakaalay na mga lingkod.​—Kawikaan 3:5, 6; 3 Juan 4.

      25. Anong tanong ngayon ang nararapat na isaalang-alang?

      25 Dahil sa lubos na pagtitiwala kay Jehova at taos-pusong pag-ibig sa kaniya, taun-taon ay libu-libo ang napakikilos na mag-alay at magpabautismo. At tiyak na lahat ng nakaalay na lingkod ng Diyos ay nagnanais na maging tapat sa kaniya. Gayunman, nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib, at napapaharap tayo sa iba’t ibang pagsubok sa pananampalataya. (2 Timoteo 3:1-5) Ano ang magagawa natin upang matupad natin ang ating pag-aalay kay Jehova? Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.

  • Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Matatag na Puso
    Ang Bantayan—2002 | Abril 1
    • Patuloy na Maglingkod kay Jehova Nang May Matatag na Puso

      “Ang aking puso ay matatag, O Diyos, ang aking puso ay matatag.”​—AWIT 57:7.

      1. Bakit maaari tayong magkaroon ng pananalig na gaya niyaong kay David?

      MAAARING pangyarihin ni Jehova na maging matatag tayo sa pananampalatayang Kristiyano, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na Kristiyanismo bilang kaniyang nakaalay na mga lingkod. (Roma 14:4) Kaya naman, maaari tayong magkaroon ng pananalig na gaya niyaong sa salmistang si David, na naudyukang umawit: “Ang aking puso ay matatag, O Diyos.” (Awit 108:1) Kung matatag ang ating puso, mauudyukan tayong tuparin ang ating pag-aalay sa Diyos. At kapag tayo’y umasa sa kaniya ukol sa patnubay at lakas, maaari tayong maging di-natitinag, may matatag na determinasyon at paniniwala bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, “na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

      2, 3. Ano ang kahalagahan ng mga payo ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 16:13?

      2 Sa mga payong iniukol sa mga tagasunod ni Jesus sa sinaunang Corinto ngunit tiyak namang kumakapit sa mga Kristiyano sa ngayon, sinabi ni apostol Pablo: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo.” (1 Corinto 16:13) Sa Griego, bawat isa sa mga utos na ito ay nasa panahunang pangkasalukuyan, sa gayon ay humihimok ng patuluyang pagkilos. Ano ang kahalagahan ng payong ito?

      3 Maaari tayong ‘manatiling gising’ sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagsalansang sa Diyablo at pananatiling malapit sa Diyos. (Santiago 4:7, 8) Pinangyayari ng pananalig kay Jehova na manatili tayong nagkakaisa at ‘manindigang matatag sa pananampalatayang Kristiyano.’ Tayo​—kasali na ang maraming kababaihan sa gitna natin​—ay ‘nagpapakalalaki’ sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos nang may lakas ng loob bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. (Awit 68:11) ‘Nagpapakalakas’ tayo sa pamamagitan ng patuloy na pag-asa sa ating makalangit na Ama ukol sa lakas upang magawa ang kaniyang kalooban.​—Filipos 4:13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share