Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rs p. 303-p. 306
  • Pagsasarili

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsasarili
  • Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Kaparehong Materyal
  • Kasalanan
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Isang Kasiya-siyang Buhay—Bakit Napakailap?
    Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo
  • Makatuwiran ang Pag-asa sa Paraiso Bagaman Sumuway ang Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
rs p. 303-p. 306

Pagsasarili

Kahulugan: Isang kalagayan na kung saan ang isang tao ay hindi umaasa sa iba, o kaya’y nag-aangkin na hindi umaasa sa iba, hindi nasasakop ng kanilang pangangasiwa o impluwensiya. Palibhasa’y nagtataglay ng malayang pagpapasiya, kahit papaano, ang mga tao ay may likas na pagnanais ukol sa kasarinlan. Subali’t kung lalabis, ang hangaring ito ay maaaring umakay sa pagsuway, at pati na sa paghihimagsik.

Kapag iniwawaksi ng tao ang mga pamantayan ng Bibliya, sila ba’y tunay na nagiging malaya?

Roma 6:16, 23: “Hindi baga ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinakaalipin upang tumalima ay kayo’y mga alipin niyaong inyong tinatalima, maging ng kasalanan sa ikamamatay, o ng pagtalima sa ikapagiging matuwid? . . . Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, datapuwa’t ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang-hanggan kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”

Gal. 6:7-9: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya; sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang laman ay sa laman mag-aani ng kasiraan, datapuwa’t ang naghahasik ng sa espiritu ay sa espiritu mag-aani ng buhay na walang-hanggan. Kaya huwag tayong manghimagod sa paggawa ng mabuti.”

Kalinisang-asal sa sekso: “Ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Cor. 6:18) “Sinomang nagkakasala ng pangangalunya sa isang babae . . . ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kaw. 6:32) (Hinggil sa homoseksuwalidad, tingnan ang Roma 1:24-27.) (Ang lisyang pagtatalik sa sekso ay maaaring magdulot ng pansamantalang kasiyahan. Subali’t ito’y umaakay sa nakapandidiring mga sakit, di-kanaisnais na pagbubuntis, aborsiyon, pagseselos, isang budhing nababagabag, pagkaligalig ng damdamin, at ang tiyak na di-pagsang-ayon ng Diyos, na siyang kinasasalayan ng ating mga pag-asa ukol sa hinaharap na buhay.)

Materyalistikong mga tunguhin: “Ang mga nagsisipagnasang yumaman ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasamâ, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan. Sapagka’t ang pag-ibig sa salapi ay siyang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan, at sa pagsisikap na linangin ang pag-ibig na ito, ang iba ay nangasinsay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.” (1 Tim. 6:9, 10) “Sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.’ Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Diyos, ‘Ikaw na haling, sa gabing ito’y hihilingin nila ang iyong kaluluwa. Mapapasa kanino kaya ang mga bagay na ito na iyong inimbak?’ Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, subali’t hindi mayaman sa Diyos.” (Luc. 12:19-21) (Ang mga materyal na ari-arian ay hindi nagdudulot ng walang-hanggang kaligayahan. Ang pagsisikap na yumaman ay madalas humahantong sa malulungkot na sambahayan, pagkakasakit at espirituwal na pagkapahamak.)

Pagmamalabis sa alak: “Sino ang may kaabahan? Sino ang hindi mapalagay? Sino ang may pakikipag-alit? Sino ang may pagkabahala? Sino ang may mga sugat na walang kadahilanan? Sino ang nanlalabo ang paningin? Silang nagpapakabuyo sa alak, silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak. Sa wakas ito’y tumutuklaw na gaya ng isang ahas, at nagbibigay ng kamandag na gaya ng isang ulupong.” (Kaw. 23:29, 30, 32) (Sa pasimula ang pag-inom ay tila tumutulong upang malimutan ng isa ang kaniyang mga problema, subali’t hindi naman nakakalutas sa mga ito. Kapag natauhan na siya, ay naroroon pa rin ang mga suliranin, at madalas ay nadadagdagan pa. Kapag nagmalabis, ang alak ay maaaring makasira sa pagpipitagan ng isa sa sarili, sa kaniyang kalusugan, sa kaniyang buhay-pamilya, at sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa Diyos.)

Pagmamalabis sa droga: Tingnan ang mga pahina 133-139, sa ilalim ng “Mga Droga.”

Masasamang mga kasama: Kung sasabihin sa inyo ng magkakabarkada na alam nila kung papaano makakakuha ng maraming pera nang hindi nagsasangkot ng malaking trabaho, sasama ba kayo sa kanila? “Huwag kang sumama sa kanilang lakad. Pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas. Sapagka’t ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila’y nagmamadali sa pagbubo ng dugo.” (Kaw. 1:10-19) Kung ang isang tao ay hindi sumasamba kay Jehova, subali’t mukha naman siyang mabait, ituturing ba ninyo siya na mabuting kaibigan? Si Sechem ay anak ng isang pinunong Canaaneo, at sinasabi ng Bibliya na siya ang “pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama,” subali’t “kinuha niya [si Dinah] at sinipingan ito at kaniyang hinalay ito.” (Gen. 34:1, 2, 19) Dapat ba kayong mabahala dahil lamang sa ang ibang tao ay hindi naniniwala sa mga katotohanan na inyong natututuhan sa Salita ng Diyos? “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapakipakinabang na mga ugali.” (1 Cor. 15:33) Ano kaya ang madadama ni Jehova kung ang pipiliin ninyong kaibigan ay yaong mga hindi umiibig sa kaniya? Sa isang hari ng Juda na gumawa ng ganito, ay sinabi ng tagapagsalita ni Jehova: “Dahil dito ay sasa iyo ang poot mula sa harap ni Jehova.”​—2 Cron. 19:1, 2.

Sino ang humikayat sa mga tao upang makadama ng kalayaan na gawin ang sarili nilang mga pasiya nang hindi na isinasaalang-alang ang mga utos ng Diyos?

Gen. 3:1-5: “Ang ahas [na siyang ginamit ni Satanas bilang tagapagsalita; tingnan ang Apocalipsis 12:9] . . . ay nagsabi sa babae: ‘Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain sa alinmang punong-kahoy sa halamanan?’ Sumagot ang babae sa ahas: ‘Sa bunga ng mga punong-kahoy sa halamanan ay makakakain kami. Datapuwa’t sa bunga ng punong-kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Diyos, “Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay.” ’ Subali’t sinabi ng ahas sa babae: ‘Tunay na hindi kayo mamamatay. Sapagka’t talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging gaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.’ ”

Anong espiritu ang nagpapakilos sa isa kapag niwawalang-bahala niya ang kalooban ng Diyos upang masunod ang kaniyang personal na mga hangarin?

Efe. 2:1-3: “Kayo ang binuhay ng Diyos bagama’t kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, na inyong nilakaran noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito [na pinaghaharian ni Satanas], ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Oo, sa gitna ng mga yaon tayong lahat noong una ay namuhay ayon sa kahalayan ng ating laman, na ginagawa ang mga pita ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng iba.”

Anong malasariling mga saloobin ang dapat iwasan niyaong mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos?

Kaw. 16:18: “Ang pagpapalalo ay sinusundan ng kapahamakan, at ang mapagmataas na kaisipan ay sinusundan ng pagkabuwal.”

Kaw. 5:12: “Iyo ngang sasabihin: ‘Kinapootan ko ang disiplina at ang puso ko’y humamak sa saway!’ ” (Gaya ng ipinakikita ng konteksto, ang isa ay maaaring akayin ng ganitong saloobin sa malulubhang mga suliranin.)

Bil. 16:3: “Kaya, sila’y nangagpisan laban kina Moises at Aaron [na siyang ginamit ni Jehova bilang mga tagapangasiwa ng kaniyang bayan] at nagsabi sa kanila: ‘Tumigil na kayo, hindi ba’t ang buong kapisanan ay pawang mga banal at si Jehova ay nasa gitna nila? Bakit ba ninyo itinatanghal ang inyong mga sarili sa kapisanan ni Jehova?’ ”

Jud. 16: “Ang mga ito’y mga mapagbulong, mapagreklamo hinggil sa kalagayan nila sa buhay, na nangagsisilakad ayon sa kanilang sariling mga hangarin, at ang kanilang mga bibig ay nangagsasalita ng mga papuri, samantalang sila’y humahanga sa mga pagkatao ukol sa sarili nilang pakinabang.”

3 Juan 9: “Si Diotrepes, na gustong mapatanyag sa kanilang lahat, ay hindi tumatanggap ng anoman sa amin nang may pagpipitagan.”

Kaw. 18:1: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng sarili niyang nasa; lumalaban siya sa lahat ng magaling na karunungan.”

Sant. 4:13-15: “Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi: ‘Ngayon o bukas ay maglalakbay kami sa gayong bayan at titira kami doon nang isang taon, at kami’y mangangalakal at tutubo,’ gayong hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagka’t kayo nga’y isang singaw na lumilitaw sa sandaling panahon at pagdaka’y napapawi. Sa halip, ang dapat ninyong sabihi’y: ‘Kung loloobin ni Jehova, ay mangabubuhay kami at gagawin namin ang ganito o ganoon.’ ”

Kapag ang paghahangad sa kasarinlan ay umakay sa isa upang tularan ang sanlibutang nasa labas ng kongregasyong Kristiyano, kaninong pamumuno siya nagpapasakop? At papaano ito minamalas ng Diyos?

1 Juan 2:15; 5:19: “Huwag ninyong iibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nangasa sanlibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama.” “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.”

Sant. 4:4: “Sinoman ngang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share