Bagaman nalutas na ng unang-siglong lupong tagapamahala ang isyu ng pagtutuli, may ilang nag-aangking Kristiyano na matitigas pa rin ang ulo at ayaw magpatalo. Tinawag sila ni apostol Pablo bilang “nagkukunwaring mga kapatid” na “gustong pilipitin ang mabuting balita tungkol sa Kristo.”—Gal. 1:7; 2:4; Tito 1:10.
Lumilitaw na gustong payapain ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo ang kalooban ng mga Judio, upang maiwasan nila ang marahas na pagsalansang ng mga ito sa Kristiyanismo. (Gal. 6:12, 13) Ikinakatuwiran ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo na maituturing lamang na matuwid ang isa kung susunod siya sa Kautusang Mosaiko pagdating sa mga bagay na gaya ng pagkain, pagtutuli, at mga Judiong kapistahan.—Col. 2:16.
Siyempre, naaasiwa ang mga may ganitong paniniwala kapag may kasama silang mananampalatayang Gentil. Nakalulungkot, nakadama rin ng ganiyan ang ilang kinikilalang Kristiyanong Judio. Halimbawa, nang dumalaw sa Antioquia ang mga kinatawan ng kongregasyon sa Jerusalem, hindi sila nakisama sa kanilang mga kapatid na Gentil. Maging si Pedro na nakikisalamuha na noon sa mga Gentil ay lumayo rin—ni ayaw man lang makisalo sa kanila sa pagkain. Oo, lumihis siya sa mismong simulaing ipinaglaban niya noon. Kaya mariing pinayuhan ni Pablo si Pedro.—Gal. 2:11-14.