Magsagawa ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya sa May Pintuan at sa Telepono
1, 2. Ano pa ang puwedeng gawin para makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga taong abala?
1 Abala ang mga tao sa ngayon. Gayunman, marami ang interesado sa espirituwal na mga bagay. Paano natin masasapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan? (Mat. 5:3) Maraming mamamahayag ang nakikipag-aral sa mga tao sa may pintuan o sa telepono. Maaari mo rin bang mapalawak ang iyong ministeryo sa ganitong paraan?
2 Para makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, kailangan na handa tayong itanghal ang isang pag-aaral kailanma’t may pagkakataon. Paano at saan ito magagawa?
3. Paano maitatanghal sa may-bahay ang pag-aaral sa Bibliya sa may pintuan?
3 Sa May Pintuan: Kapag nakatagpo ka ng taong gustong makipag-usap tungkol sa Bibliya, buksan ang publikasyong patiuna mong inihanda, marahil sa pahina 16 at 17 ng pinakabagong pampublikong edisyon ng Ang Bantayan, o sa isang angkop na parapo sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, at simulan ang pag-aaral. Basahin ang parapo, isaalang-alang ang tanong, at talakayin ang isa o dalawang binanggit na teksto. Karaniwan nang magagawa ito sa may pintuan sa loob ng lima o sampung minuto. Kung nasiyahan siya sa inyong pag-uusap, isaayos na talakayin ang isa o dalawang parapo sa susunod na pagdalaw.
4. Anong karanasan ang nagpapakitang maaaring mas gusto ng maraming taong abala ang pag-aaral sa Bibliya sa telepono?
4 Sa Telepono: Mas gusto ng ilang tao na makipag-aral ng Bibliya sa telepono. Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan: Habang nangangaral sa bahay-bahay, natagpuan ng isang sister ang isang ina na medyo bata pa at abala sa kaniyang sekular na trabaho. Nang hindi siya muling matagpuan ng sister sa bahay, nagpasiya itong tawagan siya sa telepono. Sinabi ng babae na talagang wala siyang panahon para pag-usapan ang Bibliya. Sinabi ng sister: “Sa loob ng 10 o 15 minuto, may matututuhan kang bagong bagay, kahit sa telepono.” “Kung sa telepono lang, OK!” ang sagot ng babae. Di-nagtagal, regular na silang nag-aaral sa telepono.
5. Bakit dapat nating pagsikapang dagdagan ang panahon na ginugugol natin sa pag-aaral sa may pintuan?
5 Mga Pag-aaral sa Bibliya sa Loob ng Bahay: Dapat bang makontento na lang tayo sa pagdaraos ng pag-aaral sa may pintuan? Hindi. Bagaman makabubuting huwag magtagal sa unang mga pag-aaral, kapag naging regular na ito at nalinang na ang interes ng may-bahay, maaaring gumugol ng mas mahabang panahon sa pag-aaral. Mahalaga ito. Upang ilarawan, ang isang batang kulang sa pagkain ay maaaring pakanin nang paunti-unti sa simula hanggang maibalik ang kaniyang gana. Pero hindi natin aasahang babalik ang kaniyang lakas at lálakí siyang normal kung paunti-unti lang ang ipinakakain sa kaniya sa loob ng maraming buwan. Sa katulad na paraan, ang isang estudyante sa Bibliya ay nangangailangan ng mas pormal at regular na pag-aaral upang maging may-gulang na lingkod ng Diyos.—Heb. 5:13, 14.
6. Anu-ano ang pakinabang ng pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa loob ng bahay o sa isang pribadong lugar?
6 Mas magandang magdaos ng pag-aaral sa isang pribadong lugar, gaya sa loob ng bahay o sa iba pang angkop na dako. Mas makatutulong ito sa estudyante na matuto at maunawaan ang Salita ng Diyos. (Mat. 13:23) Mas makatutulong din ito sa guro para maibagay ang pinag-aaralang materyal sa pangangailangan ng estudyante. Bukod diyan, ang mas mahabang panahon ng pag-aaral ay makatutulong para magkaroon ng lubusang pag-aaral ng Salita ng Diyos na nakapagpapatibay ng pananampalataya.—Roma 10:17.
7. Paano natin maililipat ang pag-aaral mula sa may pintuan tungo sa loob ng bahay?
7 Paano mo maililipat ang pag-aaral mula sa may pintuan tungo sa loob ng bahay? Pagkatapos ng ilang maiikling pag-aaral, bakit hindi imungkahi ang pag-aaral nang mas matagal at may espesipikong haba ng panahon? O maaari kang magtanong, “May panahon ka ba ngayon para maupo at pag-usapan ito?” o “Gaano katagal mo gustong pag-usapan ngayon ang paksang ito?” Kung hindi magtagumpay ang iyong mga pagsisikap, ipagpatuloy ang maiikling pag-aaral sa may pintuan. Sa isang angkop na panahon, subukan muling ilipat ito sa loob ng bahay.
8. Ano ang dapat na maging layunin natin sa pagsasagawa ng ating ministeryo?
8 Habang patuloy nating hinahanap ang mga karapat-dapat, tandaan na ang ating layunin ay tulungan ang mga tapat-puso na maging nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova. Pagpalain nawa niya ang ating mga pagsisikap habang isinasagawa natin ang ating ministeryo taglay sa isipan ang layuning ito.—2 Tim. 4:5.