Ang Malupit na Asiria—Ang Ikalawang Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig
Ang mga natuklasan ng mga arkeologo na mga palasyo ng sinaunang mga hari ng Asirio ay makapagdaragdag sa iyong pagtitiwala sa Bibliya bilang wastong kasaysayan. Ano ba ang ipinakikita ng mga natuklasang ito kung tungkol sa kasaysayan sa Bibliya, at ano ang dapat na maging kahulugan nito sa iyo?
ANG mga Asirio ay isang marahas at mahilig makipagdigma na mga tao. Sila’y nakapagpaunlad ng isang malawak at malupit na imperyo na lumaganap buhat sa kanilang sariling lupain sa dulong hilaga ng kapatagan ng Mesopotamia. Maraming ulit na sila’y tinutukoy sa Bibliya, palibhasa’y mga kaaway sila ng Juda at Israel.
Ang pagkaalam ng higit pa tungkol sa sinaunang mga taong ito ay tunay na tutulong sa atin na maunawaan ang mga bagay na sinasabi ng Bibliya. Maging ang sariling mga rekord man ng Asiria ay nagpapatunay sa pagiging totoo ng kasaysayan ng Bibliya at ng hula nito. Subalit saan ba nanggaling ang mga Asirio?
Ang malalakas na mga taong ito, na ang pagkalarawan sa kanilang sarili’y may malalagong kilay at mga balbas, ay mga inapo ni Asshur, isang apo ni Noe. Ang totoo, ang salitang Hebreo ring iyan ay nangangahulugan ng kapuwa “Asshur” at “Asiria(no).” Si Nimrod, na tinutukoy sa Bibliya na “isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova,” ang nagtatag ng mga lunsod ng Nineve at Calah. Ang dalawang siyudad na ito, pati na rin ang Asshur at Khorsabad, nang bandang huli ay naging mga kabisera ng Asiria.—Genesis 10:8-12, 22.
Ang aklat ng Nahum ay may pambungad na ganito: “Ang salita laban sa Nineve,” ang kabisera ng Asiria. Bakit? Sapagkat, gaya ng pagkalarawan ng bandang huli ni propeta Nahum, ang Nineve ay isang “lunsod ng dugong nabubo . . . pawang puno ng pandaraya at ng pagnanakaw.” (Nahum 1:1; 3:1) Siya ba’y lumalabis sa kaniyang sinabi? Malayo!
Ang mga Asirio ay may walang katulad na kabantugan ng kalupitan. Makikita sa mga dekorasyon sa kanilang sariling malalaking palasyo ang kanilang pandarambong, panununog, at mga pagwawasak na ginawa nila sa sunud-sunod na mga bansa. Ipinangangalandakan ng kanilang haring si Ashurnasirpal na kaniyang tinakpan ang isang haligi ng balat ng katawan ng kaniyang mga kaaway. Kaniyang sinabi: “Ang maraming mga nabihag ko sa kanila, ay sinunog ko . . . sa iba ay pinutol ko ang kanilang mga ilong, ang kanilang mga tainga at ang kanilang mga daliri, at marami ang inalisan ko ng mga mata. Gumawa ako ng isang haligi para sa mga buháy at ang isa naman ay para pagsabitan ng mga ulo.”
Ang Impuwensiya ng Relihiyon
Sa kabila nito, ang mga taong ito ay napakarelihiyoso. Nasasabi tungkol sa sinaunang mga Asirio: “Ang pakikipagdigma ang gawain ng bansa, at ang mga saserdote ay walang lubay ng pag-uudyok para makipagdigma. Ang malaking panustos sa kanila ay kinukuha sa mga nasamsam sa pakikidigma . . . Ang lahing ito ng mga manloloob ay labis-labis na relihiyoso.”—Ancient Cities, W. B. Wright, pahina 25.
Ang kanilang relihiyon ay minana ng mga Asirio buhat sa Babilonya. Ganito ang sabi ng The Illustrated Bible Dictionary: “Sa kalakhang bahagi ang relihiyon ng Asiria ay walang gaanong ipinagkakaiba sa relihiyon ng Babilonya, na pinagkunan nila nito.” Ang isang tatak ng Asiria, ngayo’y nakadispley sa British Museum sa London, ay nagpapakita ng kanilang pambansang diyos na si Asshur na may tatlong ulo. Ang paniniwala sa trinidad ng mga diyos ay palasak sa kanilang pagsamba. Kaya naman, kalakip ng kanilang kasaysayan ang kalupitan at karahasan, hindi kataka-taka na isulat ng propeta ng Bibliya na si Nahum na ang kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova, “ay maghihiganti at may silakbo ng galit” laban sa mga Asirio.—Nahum 1:2.
Nang bumagsak ang Nineve, ang pagkapuksa nito ay lubus-lubusan na anupa’t sa loob ng daan-daang taon ay nakalimutan maging ang kinatatayuan nito. May mga kritiko na nanlilibak sa Bibliya, at sinasabi na hindi kailanman umiral ang siyudad na ito. Subalit umiral nga ito! Ito’y muling natuklasan, at ang natuklasan ng mga arkeologo ay tunay na kapana-panabik malaman!
Natuklasan ang mga Dakilang Palasyo
Noong 1843 ang ahente ng konsuladong Pranses na si Paul-Émile Botta ay naghukay sa Khorsabad, sa pag-asa niyang narito ang sinaunang Nineve. Sa halip, siya’y nakatuklas ng magagandang palasyo ni “Sargon na hari ng Asiria,” na binanggit ang pangalan sa Bibliya sa Isaias 20:1. Sinasabi ng mga kritiko na ang Bibliya raw ay mali dahilan sa ito ang tanging sinaunang dokumento na bumabanggit sa haring ito. Subalit si Sargon ay talagang nabuhay, sapagkat natuklasan ng mga arkeologo ang kaniyang 200-silid na palasyo, at nakatagpo rin sila ng isang di-kapani-paniwalang kabang-yaman ng mga kasulatan at iba pang mga bagay-bagay. Kasali na rito ang taunang nasusulat na kasaysayan ni Sargon na nagpapatunay, ayon sa punto de vistang Asirio, ng mga pangyayaring binanggit sa Bibliya. Sapol noong kalagitnaang-ika-19 na siglo, si Sargon ay isa sa mga pinakabantog na mga haring Asirio, bagama’t maraming mga detalye tungkol sa kaniya ang hindi pa kompleto.
Pagkatapos, noong 1847, si Austin Henry Layard ay nakatuklas sa palasyo ni Sennacherib sa Nineve, mga 19 na kilometro sa gawing timog-kanluran ng Khorsabad. Ito rin ang mismong si Sennacherib na marahas na mananalansang sa Jerusalem at binabanggit sa pangalan 13 beses sa Bibliya. Sinuri ni Layard ang 71 silid ng palasyong ito. Ito’y marangyang nagagayakan ng mga larawan ng digmaan, tagumpay, at mga seremonyang relihiyoso.
At lalong kamangha-mangha, natuklasan ng mga arkeologo ang sariling mga ulat ng kasaysayan ni Sennacherib—taunang mga report ng mga pangyayari, na nakasulat sa mga silindrong luwad, o mga prismo. Ang isa ay iniingatan sa Oriental Institute of the University of Chicago, at ang isa pa, ang Taylor Prism, ay nasa British Museum.
Ano ba ang ipinakita ng mga natuklasang ito? Na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga taong ito at sa mga pangyayari na kinasangkutan nila ay totoong-totoo—kahit na sa pagbibigay ng pangalan ng mga haring Asirio!
Ang mga Haring Asirio
Ang mga pangalan ng sinaunang mga haring ito ay kataka-taka sa iyo kung pakikinggan mo, gayunman ay mabuti na makilala kahit man lamang ang pito sa kanila, yamang sila ay may malapit na kaugnayan sa mga pangyayaring inilalahad ng Bibliya.
Si Shalmaneser III ang kasunod ng kaniyang amang si Ashurnasirpal na lumuklok sa trono. Ang kaniyang tanyag na Black Obelisk, na natuklasan sa Nimrud (Calah) at idinispley sa British Museum, ay isang alsadong larawan na nagpapakitang si Haring Jehu ng Israel ay nagbabayad ng buwis sa kaniya, marahil sa pamamagitan ng isang sinugo niya.—Ihambing ang mga kalagayan na binanggit sa 2 Hari 10:31-33.
Nang malaunan sa siglo ring iyan, humigit-kumulang taóng 844 B.C.E., ang propetang si Jonas ay sinugo upang magbigay ng babala sa Nineve tungkol sa napipintong pagkapuksa.a Ang siyudad ay nagsisi at hindi pinuksa. Bagama’t hindi natin alam na eksakto kung sino ang hari ng Nineve nang mangyari ito, mahalagang malaman na ang yugtong ito ang panahon na palubog na ang pagkaagresibo ng Asiria.
Si Tiglath-pileser III (tinatawag din na Pul) ang siyang unang haring Asirio na binanggit ang pangalan sa Bibliya. Siya’y umabante hanggang hilagang kaharian ng Israel noong panahon ng paghahari ni Menahem (791-780 B.C.E.) Sang-ayon sa Bibliya siya’y binayaran ni Menahem ng isang libong talentong pilak upang siya’y umatras na.—2 Hari 15:19, 20.
Sa kaniyang sariling mga kasaysayan na natuklasan sa Calah, ang pangyayaring ito sa Bibliya ay pinagtitibay ni Tiglath-pileser, na ang sabi: “Ako’y tumanggap ng buwis buhat kay . . . Menahem ng Samaria.”
Bumagsak ang Samaria
Subalit, ang Samaria at ang bahagi nito na hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel ay may suliranin hindi lamang sa pakikitungo sa mga Asirio kundi pati rin sa pakikitungo sa Maylikha ng langit at lupa, si Jehovang Diyos. Sila’y tumalikod sa pagsamba sa kaniya at hinalinhan iyon ng may kaguluhan at lasingang pagsamba kay Baal. (Oseas 2:13) Bagama’t sila’y binigyan ng saganang babala sa pamamagitan ng mga propeta ni Jehova, tumanggi silang magbalik-loob. Kaya’t ang propetang si Oseas ay kinasihan na sumulat: “Ang Samaria at ang kaniyang hari ay tunay na patatahimikin, gaya ng isang nabakling munting sanga na nakalutang sa ibabaw ng tubig.” (Oseas 10:7; 2 Hari 17:7, 12-18) Sinasabi ng Bibliya na ganito ang ginawa ng mga Asirio sa Israel—at ganito rin ang sinasabi ng sariling mga kasaysayan ng mga Asirio, gaya ng makikita natin.
Si Shalmaneser V, na humalili kay Tiglath-pileser, ang lumusob sa hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel at kinubkob niya ang matibay na nakukutaang kabisera ng Samaria. Pagkaraan ng tatlong-taóng pagkubkob, ang Samaria ay bumagsak (noong 740 B.C.E.), gaya ng sinabi ng mga propeta ni Jehova na mangyayari.—Mikas 1:1, 6; 2 Hari 17:5.
Si Sargon II ang humalili kay Shalmaneser at marahil siya ang lubusang sumakop sa Samaria, sapagkat ang pasimula ng kaniyang paghahari ay sinasabing kasabay ng taon ng pagbagsak ng lunsod. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos bumagsak ang Samaria, ang Israel ay “dinalang bihag sa Asiria” ng hari ng Asiria. (2 Hari 17:6) Isang nakasulat na ulat sa Asirio, na natagpuan sa Khorsabad, ang nagpapatotoo nito. Dito’y sinasabi ni Sargon: “Aking kinubkob at nasakop ko ang Samaria, at dinala kong bihag ang 27,290 mga naninirahan dito.”
Sinasabi pa rin ng Bibliya na pagkatapos na dalhin ang mga Israelita, ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao galing sa ibang rehiyon “at sila’y pinatahan sa mga lunsod ng Samaria kahalili ng mga anak ni Israel; at sila’y nagsimulang ariin ang Samaria at manahan sa mga lunsod nito.”—2 Hari 17:24.
Ang mga rekord ba ng Asiria ay nagpapatunay rin nito? Oo, ang sariling mga kasulatan ni Sargon, na nakasulat sa Nimrud Prism, ay nagsasabi: “Muli kong itinayo ang lunsod ng Samaria . . . Dinala ko rito ang mga tao galing sa mga bansang sinakop ng aking sariling mga kamay.”—Illustrations of Old Testament History, R. D. Barnett, pahina 52.
Iniligtas ang Jerusalem
Si Sennacherib na anak at kahalili ni Sargon, ay kilalang-kilala ng mga nag-aaral ng Bibliya. Noong 732 B.C.E. ang mahilig sa digmaang haring ito ay kumilos upang ang kaniyang makapangyarihang hukbo ay mailaban sa timugang kaharian ng Juda.
Sinasabi ng Bibliya na “si Sennacherib na hari sa Asiria ay umahon laban sa lahat ng nakukutaang mga lunsod ng Juda at kaniyang pinagsasakop ang mga iyon.” Ang hari ng Jerusalem na si Ezekias, palibhasa’y natakot sa bantang ito, ay “nagsugo sa hari ng Asiria sa Lachis” at nag-alok na suhulan siya ng malaking halaga.—2 Hari 18:13, 14.
Pinatutunayan ba ni Sennacherib na siya’y nasa Lachis? Tiyak na gayon nga! Siya’y nagdispley ng mga larawan ng pagkubkob na ito na nasa malalaking panel sa kaniyang malawak na palasyo na pinag-aralan ng mga arkeologo sa Nineve. Sa mga detalyadong panel na ito na nasa British Museum ay makikita ang pag-atake sa Lachis. Ang mga tao’y dumadagsa ng pagsuko. Ipinaparada ang mga bihag. Ang iba’y nakabayubay sa mga poste. Ang iba naman ay nagpapatirapa kay Sennacherib mismo, na siyang mismong binanggit sa Bibliya. Nakasulat sa isang korteng-sinsil na sulat cuneiform ang nagsasabi: “Si Sennacherib, hari ng daigdig, hari ng Asiria, ay umupo sa isang nímedu-trono at tinanaw niya ang dumaraang samsam (na kinuha) sa Lachis.”
Sinasabi ng Bibliya na si Ezekias ay nagbayad ng buwis na “tatlong daang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.” (2 Hari 18:14, 15) Ang pagbabayad na ito ay pinatutunayan sa mga kasulatan ni Sennacherib, bagama’t sinasabi niya na ang tinanggap niya’y “800 talentong pilak.”
Bagama’t nagbayad ng gayong halaga, ang mga mensahero ng haring Asirio ay nagsitayo sa labas ng mga pader ng Jerusalem, kanilang tinuya ang Diyos na Jehova, at pinagbantaan nila ang kaniyang banal na siyudad. Sa pamamagitan ni Isaias, na nasa loob ng Jerusalem, sinabi ni Jehova tungkol kay Sennacherib: “Siya’y hindi paririto sa lunsod na ito, o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban doon. Sa daang kaniyang dinaanan upang makaparito, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito.”—2 Hari 18:17–19:8, 32, 33.
Pinigil ba ni Jehova si Sennacherib, gaya ng ipinangako niya? Nang mismong gabing iyon 185,000 mga Asirio ang pinuksa sa pamamagitan ng anghel ng Diyos! Si Sennacherib ay umatras at umalis sa Nineve, at nang maglaon ay pinatay ng dalawa sa kaniyang sariling mga anak nang siya’y yumuyuko sa kaniyang diyos na si Nisroch.—2 Hari 19:35-37.
Mangyari pa, ang mayabang na si Sennacherib ay hindi maaasahan na ipangangalandakan ang pagkalipol na ito ng kaniyang mga kawal. Subalit ang kaniyang sinasabi ay nakatutuwang malaman. Ang kaniyang nakasulat na kasaysayan, na nasusulat sa kapuwa Oriental Institute Prism at sa Taylor Prism, ay nagsasabi: “Tungkol kay Ezekias, na Judio, hindi siya napasakop sa aking pamatok, aking kinubkob ang 46 ng kaniyang matitibay na lunsod, napapaderang mga kuta at di-mabilang na maliliit na bayan-bayan na nasa karatig, at sinakop ko (ang mga ito) . . . Siya naman ay ginawa kong isang bihag sa Jerusalem, sa kaniyang palasyo, mistulang isang ibong nasa hawla.” Sinasabi ni Sennacherib na “ang kakila-kilabot na kaningningan ng aking pagpupuno” ang dumaig kay Ezekias. Subalit, hindi niya sinasabing kaniyang nabihag si Ezekias o nasakop ang Jerusalem, gaya ng kaniyang sinabi tungkol sa “matitibay na lunsod” at “at maliliit na bayan-bayan.” Bakit hindi? Gaya ng ipinakikita ng Bibliya, ang pinakamagagaling na kawal na sinugo ni Sennacherib upang gawin iyon ay nalipol!
Si Esar-haddon, isang nakababatang anak na lalaki at kahalili ni Sennacherib ay makaitlong binanggit sa Bibliya—sa Ikalawang Hari, Ezra, at Isaias. Nakasulat sa Bibliya na nabihag ng mga Asirio ang hari ng Juda na si Manases. Natagpuan ng mga arkeologo ang isang listahang Asirio na doo’y kasali si “Manases na hari ng Juda” sa mga nagbayad ng buwis kay Esar-haddon.—2 Cronica 33:11.
Si Ashurbanipal, anak ni Esar-haddon, ay inaakala na siyang “ang dakila at kagalang-galang na si Asenappar” na binanggit sa Ezra 4:10. Siya ang nagpalawak sa imperyong Asirio sa pinasukdulang lawak nito.
Wakas ng Isang Kapangyarihan sa Daigdig
Dahilan sa kabalakyutan ng Asiria, itinakda na ito’y puksain. Ang propeta ni Jehova na si Nahum ay sumulat na ang kabisera nito na Nineve ay mabuksan sa “pintuan ng mga ilog . . . at ang palasyo mismo [ay] aktuwal na matutunaw.” Nanakawin ang mga pilak at ginto, ang lunsod ay magigiba, at sasabihin ng mga tao: “Ang Nineve ay hinubaran ng kaniyang mga ari-arian! Sino ba ang makikiramay sa kaniya?”—Nahum 2:6-10; 3:7.
Ito ba’y nangyari rin? Pasagutin natin ang mga sumakop sa Nineve. Noong 632 B.C.E. ang mga Babiloniko at mga Medo ay nagsagawa ng masaklap na paghihiganti sa kabisera ng Asiria. Ganito ang ulat tungkol sa Babilonya: “Ang maraming samsam na nakuha sa lunsod at templo ay kanilang dinala at ang lunsod ay [ginawang] isang bunton ng kagibaan.”
Dalawang malalaking bunton ngayon ang makikita sa lugar ng dati’y mapagmataas na kabiserang lunsod na ito. Ito’y isang walang imik na patotoo ng katotohanan na walang bansa—kahit na rin ang hambog at marahas na Asiria—ang makahahadlang sa tiyak na katuparan ng mga hula ni Jehova.
[Talababa]
a Tungkol sa mga petsa, ating tinatanggap ang kronolohiya na ipinakikita ng Bibliya, na naiiba sa sinaunang mga petsa na batay sa di-gaanong mapanghahawakang mga aklat ng sanlibutan. Para sa isang detalyadong pagtalakay sa kronolohiya sa Bibliya, tingnan ang Aid to Bible Understanding, pahina 322-48, lalo na ang seksiyon tungkol sa Asiria, pahina 325-6.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
IMPERYONG ASIRIO
Nineve
Babilonya
Damasco
Samaria
Lachis
Jerusalem
ARABIA
EHIPTO
Malaking Dagat
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na karapatang-ari ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Larawan sa pahina 25]
Si Haring Ashurbanipal ay nagbubuhos ng handog na alak sa pinatay na mga leon. Hindi ba ito’y nagpapagunita sa iyo kay Nimrod?
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
[Mga larawan sa pahina 26]
Isang alsadong larawan sa Asiria tungkol sa pagsalakay sa tulong ng isang pangkubkob na makina laban sa nakukutaang lunsod ng Lachis sa Juda
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
Burol ng Lachis. Ang mahalagang himpilang ito sa timog-kanluran ang nagsisilbing bantay sa maburol na bansa ng Juda hanggang sa kubkubin ng mga Asirio ang Lachis at sakupin ito
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 27]
Alsadong larawan ni Sargon II (sa kaliwa) na nakaharap sa isang opisyal na Asirio na marahil ay ang Erederong Prinsipeng si Sennacherib
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London