Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Si apostol Pablo ba ay nagpapakita ng pagkamuhi sa isang lahi o bansa sa pamimintas sa lahat ng mga taga-Creta?
Hindi, si Pablo ay hindi napadala sa kaugalian na pamimintas sa lahat ng tao ng ibang lahi o bansa.
Ang tanong na ito ay nagbubuhat sa mga komento sa liham ni Pablo sa alagad na si Tito. Siya’y iniwan ni Pablo sa malaking isla ng Creta sa Mediteraneo upang kaniyang “ituwid ang mga bagay na hindi wasto at [upang] humirang ng nakatatandang mga lalaki sa bawat lunsod.” Binalangkas ni Pablo ang mga ilang kuwalipikasyon para sa matatanda sa kongregasyon ngunit pinayuhan si Tito: “May maraming mga suwail, na mapagsalita nang walang kabuluhan, at mga magdaraya, lalung-lalo na yaong mga lalaking mahigpit ang kapit sa pagtutuli. Kailangang mapatikom ang mga bibig ng mga ito, sapagkat ang mismong mga taong ito ang patuloy na nanggugulo sa buong mga sambahayan.”—Tito 1:5, 10, 11.
Si Pablo ay nagpatuloy sa Tito 1 talatang 12: “Sinabi ng isa sa kanila, na kanilang sariling propeta: ‘ang mga taga-Creta kailanpaman ay mga sinungaling, nakapipinsalang maiilap na hayop, matatakaw na walang hanapbuhay.’” Sa Tito 1 talatang 13, isinusog niya: “Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito’y patuloy na sawayin mo sila nang may kahigpitan, upang sila’y lumusog sa pananampalataya.”
Hinayaan ng maraming mga tagapagsalin ng Bibliya na ang komento ni Pablo na ‘tunay ang patotoong ito’ ay magpatuloy pagkatapos mismo ng kaniyang sinipi buhat sa isang propetang taga-Creta. Ang iba naman ay nagsisimula ng isang bagong parapo sa talatang 13.a Sa alinman sa dalawang ito, sa ano ba nagpapahayag si Pablo ng kaunting pagsang-ayon?
Tunay na hindi naman niya sinasang-ayunan ang anumang panglahatang pamimintas sa lahi o sa bansa ng mga taga-Creta. Matitiyak natin iyan, sapagkat batid ni Pablo na sa Creta ay mayroong mahuhusay na Kristiyano na aprobado ng Diyos at pinahiran ng Kaniyang banal na espiritu. (Gawa 2:5, 11, 33) Mayroong sapat na dami ng mga Kristiyanong tapat na bumubuo ng mga kongregasyon sa “mga lunsod.” Bagaman ang gayong mga Kristiyano ay hindi sakdal na mga tao, matitiyak natin na sila’y hindi naman mga sinungaling at mga matatakaw na tamad; disin sana ay hindi sila nagkamit ng patuloy na pagsang-ayon ni Jehova. (Filipos 3:18, 19; Apocalipsis 21:8) At gaya ng sa ngayo’y matatagpuan natin sa lahat ng bansa, marahil sa Creta ay mayroong naghihinanakit na tapat-pusong mga tao dahil sa mabababang pamantayan ng moral sa palibot nila at sila’y handang tumugon sa pabalitang Kristiyano.—Ezekiel 9:4; ihambing ang Gawa 13:48.
Sa kabilang dako naman, mayroon ding mga tao sa Creta na walang matataas na pamantayang-asal. Nakita ni Pablo na angkop sipiin ang mga pananalita na marahil ay nanggaling kay Epimenides, isang taga-Cretang makata (propeta o tagapagsalita) noong ikaanim na siglo B.C.E. Subalit si Pablo ay sumasang-ayon sa paglalarawang iyan bilang kapit sa isang partikular na bahagi ng populasyon ng Creta.
Ito ay yaong ‘mga walang kabuluhang mga masasalita at magdaraya ng pag-iisip’ na nakikihalubilo sa tapat na mga Kristiyano at kanilang sinusubok na ‘sirain ang buong mga sambahayan.’ Ang gayong sumisirang mga magdaraya ay tunay na angkop sa paglalarawan sa kanila na “mga sinungaling, nakapipinsalang maiilap na hayop,” na totoo rin naman sa mga tao sa ibang lugar. (2 Timoteo 3:6, 13) Isa pa, sinuman na nasa kongregasyon na at nadaya na lumakad sa mga daang iyon ay kailangang ‘sawayin nang may kahigpitan.’ Yaong mga nakikinabang buhat sa pagsaway ay maaari kung gayon na tulungan upang maging uliran kung tungkol sa mabubuting gawa at “mapapakinabangang pangungusap na hindi mamasamain.”—Tito 2:6-8.
Dito’y makikita natin ang isang babala na mag-ingat tayong lahat. Baka sa palibot natin ay sagana ang pagkamuhi nang dahil sa pinagmulang lahi o bansa ng mga iba. (Ihambing ang Juan 7:47-52.) Malamang na mayroon tayong napapakinggan na mga kapitbahay, kamag-aral, o mga kamanggagawa na namimintas sa mga ibang tao, tulad baga ng ‘Oh, ang mga taganorte ay pawang malalamig ang loob at walang pakiramdam’; ‘Aba, alam mo naman na pagkayayabang ang mga tagatimog na iyan’; o, ‘Pilegroso na pagtiwalaan ang mga taong nasa kabila pa roon ng hangganan.’
Pagsikapan nating iwasan ang mamintas ng ugali na marahil ay wala namang batayan o sobra-sobra. Ang iba ay baka higit na palakaibigan at madaling magpahayag ng kanilang damdamin, ang iba naman ay baka hindi gaanong palakibo o mabagal na tumugon sa mga hindi nila kakilala. Gayunman, tandaan natin na ang iba sa ating mga kapatid na Kristiyano ay tiyak na matatagpuan sa gitna ng mga tao na may ganoong lahi o bansa, pati na rin ang marami pang mga iba na hindi pa nagiging tunay na mga Kristiyano ngunit may kapuri-puring mga ugali at mga nagugutom sa katuwiran.
Idiniin ni apostol Pedro ang bagay na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kinalulugdan niya.” (Gawa 10:34, 35) Matitiyak nating lubos na sang-ayon diyan si Pablo, at mababanaag ang ganiyan ding saloobin sa kaniyang mga isinulat at pangungusap. Kailangang ganiyan din tayo.
[Talababa]
a Tingnan ang The New Berkeley Version at pati na rin ang mga salin ni R. F. Weymouth, F. A. Spencer, K. S. Wuest, at Abner Kneeland.