Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
NOBYEMBRE 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 5-6
“Mas Marami ang Kasama Natin Kaysa sa mga Kasama Nila”
Eliseo
Iniligtas ang Israel Mula sa Sirya. Noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoram ng Israel, nagplano ang Sirya ng isang biglaang pagsalakay sa Israel. Ang mga pagmamaniobra ni Ben-hadad II ay di-miminsang binigo ni Eliseo, na nagsiwalat kay Haring Jehoram ng bawat galaw ng mga Siryano. Sa pasimula ay inakala ni Ben-hadad na may traidor sa kaniyang kampo. Ngunit nang matuklasan niya ang tunay na dahilan ng kaniyang suliranin, nagpadala siya ng isang hukbong militar sa Dotan, anupat pinalibutan ito ng mga kabayo at mga karong pandigma upang kunin si Eliseo. (LARAWAN, Tomo 1, p. 950) Takót na takót ang tagapaglingkod ni Eliseo, kaya nanalangin si Eliseo sa Diyos na idilat ang mga mata ng tagapaglingkod, “at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” Pagkatapos, habang papalapit ang mga hukbong Siryano, ipinanalangin ni Eliseo ang kabaligtarang uri ng himala, “Pakisuyo, bulagin mo ang bansang ito.” Sinabi ni Eliseo sa mga Siryano, “Sundan ninyo ako,” ngunit hindi niya kinailangang akayin sila sa kamay, na nagpapahiwatig na ang pagkabulag na iyon ay mental at hindi pisikal. Hindi nila nakilala si Eliseo, na pinuntahan nila upang dakpin, ni nalaman man nila kung saan niya sila dinadala.—2Ha 6:8-19.
Nakita ni Eliseo ang Maaapoy na Karo—Nakikita Mo Rin Ba?
Kahit napalilibutan na ng mga kaaway ang Dotan, nanatiling kalmado si Eliseo. Bakit? Dahil nakapaglinang siya ng matibay na pananampalataya kay Jehova. Kailangan din natin ang gayong pananampalataya. Kaya hilingin natin sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos para makapagpakita tayo ng pananampalataya at ng iba pang aspekto ng bunga ng espiritu.—Luc. 11:13; Gal. 5:22, 23.
Pagkabulag
Maliwanag na ang pagkabulag na sumapit sa hukbong militar ng mga Siryano dahil sa salita ni Eliseo ay mental na pagkabulag. Kung pisikal na pagkabulag ang pinasapit sa buong hukbo, lahat sana sila ay kinailangang akayin sa kamay. Ngunit inilalahad lamang ng ulat na sinabihan sila ni Eliseo: “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sundan ninyo ako.” Hinggil sa penomenong ito, sinabi ni William James sa kaniyang Principles of Psychology (1981, Tomo 1, p. 59): “Ang isang lubhang nakatatawag-pansing epekto ng diperensiya sa ‘cortex’ ay ang mental na pagkabulag. Hindi naman ito pagkabulag sa mga nakikita ng mata, kundi ang kawalan ng kakayahang maunawaan ang mga iyon. Sa sikolohiya, ito ay maaaring tukuyin bilang ang pagkawala ng mga ugnayan sa pagitan ng mga nakikita ng mata at ng kahulugan ng mga ito; at nangyayari ito kapag naharangan ang mga daanan sa pagitan ng mga sentro ng paningin at ng mga sentro para sa ibang mga ideya.” Lumilitaw na ito ang uri ng pagkabulag na inalis ni Jehova nang makarating sa Samaria ang hukbong Siryano. (2Ha 6:18-20) Maaaring mental na pagkabulag din ang dinanas ng mga lalaki ng Sodoma, yamang ipinakikita ng ulat na, sa halip na mabagabag sila dahil nawala ang kakayahan nilang makakita, pilit pa rin nilang hinahanap ang pinto ng bahay ni Lot.—Gen 19:11.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari
5:15, 16—Bakit hindi tinanggap ni Eliseo ang kaloob ni Naaman? Tinanggihan ni Eliseo ang kaloob sapagkat kinilala niya na ang makahimalang pagpapagaling kay Naaman ay dahil sa kapangyarihan ni Jehova, at hindi dahil sa kaniya. Hindi niya maaatim na gamitin ang katungkulang iniatas sa kaniya ng Diyos para sa kaniyang kapakinabangan. Hindi hinahangad ng tunay na mga mananamba sa ngayon ang personal na pakinabang mula sa paglilingkod kay Jehova. Isinasapuso nila ang payo ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:8.
NOBYEMBRE 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 7-8
“Pinangyari ni Jehova ang Di-inaasahan”
it-1 685
Eliseo
Gayunman, nang maglaon ay sumalakay si Ben-hadad II, hindi upang mandambong paminsan-minsan, kundi upang kubkubin ang Samaria. Napakatindi ng isinagawa niyang pagkubkob anupat iniulat sa hari na isang babae ang kumain sa sarili nitong anak. Bilang supling ni Ahab, ‘anak ng isang mamamaslang,’ si Haring Jehoram ay sumumpa na papatayin niya si Eliseo. Ngunit ang padalus-dalos na sumpang ito ay hindi naisagawa. Pagdating ni Jehoram sa bahay ng propeta kasama ang kaniyang ayudante, sinabi niya na wala na siyang kapag-a-pag-asang tutulungan siya ni Jehova. Tiniyak ni Eliseo sa hari na magkakaroon ng saganang pagkain sa susunod na araw. Tinuya ng ayudante ng hari ang hulang ito, kung kaya sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Narito, makikita mo iyon ng iyong sariling mga mata, ngunit mula roon ay hindi ka kakain.” Sa pamamagitan ng ingay na ipinarinig ni Jehova sa kampo ng mga Siryano, napaniwala sila na isang malaking hukbo ng magkakaanib na mga bansa ang papalapit laban sa kanila, at tumakas sila, anupat iniwan ang kampo pati na ang lahat ng panustos na pagkain doon. Nang matuklasan ng hari ang paglisan ng mga Siryano, inatasan niya ang ayudante upang mangasiwa sa pagbabantay sa pintuang-daan ng Samaria, at doon ay nayurakan ito at namatay nang dumaluhong ang gutóm na pulutong ng mga Israelita upang mandambong sa kampo. Nakita niya ang pagkain ngunit hindi siya nakakain mula roon.—2Ha 6:24–7:20.
Espirituwal na Hiyas
Lampara
Ang mga Hari sa Linya ni David. Itinatag ng Diyos na Jehova si Haring David sa trono ng Israel, at sa ilalim ng patnubay ng Diyos, si David ay napatunayang isang marunong na tagapatnubay at lider ng bansa. Dahil dito, tinawag siyang “lampara ng Israel.” (2Sa 21:17) Sa kaniyang tipan kay David ukol sa kaharian, nangako si Jehova: “Ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (2Sa 7:11-16) Alinsunod dito, ang dinastiya, o linya ng pamilya, ng mga tagapamahala mula kay David sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Solomon ay naging gaya ng isang “lampara” sa Israel.—1Ha 11:36; 15:4; 2Ha 8:19; 2Cr 21:7.
NOBYEMBRE 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 9-10
“Matapang Siya, Determinado, at Masigasig”
Jehu—Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
Kalunus-lunos ang kalagayan sa Israel nang atasan si Jehu. Ang bansa ay nasa ilalim ng masamang impluwensiya ni Jezebel na biyuda ni Ahab at ina ng haring si Jehoram. Itinaguyod ni Jezebel ang kulto ni Baal sa halip na ang pagsamba kay Jehova. Ipinapatay niya ang mga propeta ng Diyos, at pinasamâ ang bayan sa pamamagitan ng kaniyang “mga pakikiapid” at “panggagaway.” (2 Hari 9:22; 1 Hari 18:4, 13) Iniutos ni Jehova na puksain ang buong sambahayan ni Ahab, pati na sina Jehoram at Jezebel. Si Jehu ang mangunguna sa gawaing ito.
Jehu—Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
Dalawang mensahero ang isinugo kay Jehu pero hindi niya sinagot ang mga ito. Kaya humayo si Haring Jehoram at ang kaalyado nitong si Ahazias, na hari ng Juda, sakay ng kani-kaniyang karo, para salubungin si Jehu. Nang magtanong si Jehoram, “May kapayapaan ba, Jehu?,” sumagot si Jehu: “Anong kapayapaan ang maaaring umiral hangga’t naroon pa ang mga pakikiapid ni Jezebel na iyong ina at ang kaniyang maraming panggagaway?” Nabigla si Jehoram kaya tinangka nitong tumakas. Pero napakabilis ni Jehu! Agad niyang kinuha ang kaniyang busog at pinana sa puso si Jehoram, kaya nalugmok ito sa karo at namatay. Nakatakas si Ahazias pero tinugis siya ni Jehu at ipinapatay.—2 Hari 9:22-24, 27.
Ang susunod na pupuksain sa sambahayan ni Ahab ay ang balakyot na si Reyna Jezebel. Angkop lang na tawagin siya ni Jehu bilang ‘isinumpa.’ Nang makarating si Jehu sa Jezreel, nakita niya si Jezebel na nakadungaw sa bintana ng palasyo. Hindi na nagpaliguy-ligoy si Jehu. Agad niyang iniutos sa mga opisyal ng korte na ihagis si Jezebel mula sa bintana. Saka niyurakan ng mga kabayo ni Jehu ang masamang impluwensiyang ito sa Israel. Pagkatapos, ipinapatay ni Jehu ang maraming iba pa sa sambahayan ng balakyot na si Ahab.—2 Hari 9:30-34; 10:1-14.
Jehu—Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
Totoo, maraming pinadanak na dugo si Jehu. Pero inilalarawan siya sa Kasulatan bilang isang matapang na lalaking nagpalaya sa Israel mula sa paniniil ni Jezebel at ng pamilya nito. Ang makagagawa lamang nito ay isang lider na matapang, determinado, at masigasig. “Mahirap ang misyong ito at kailangang isagawa nang puspusan,” ang komento ng isang diksyunaryo sa Bibliya. “Malamang na hindi uubra ang mas malumanay na pamamaraan para mapawi ang pagsamba kay Baal sa Israel.”
Sa ngayon, may mga sitwasyon kung saan kailangang ipakita ng mga Kristiyano ang mga katangiang tulad ng kay Jehu. Halimbawa, ano ang gagawin natin kung natutukso tayong gumawa ng mga bagay na hinahatulan ni Jehova? Kailangang tanggihan natin ito agad nang may lakas ng loob. Ayaw nating magkaroon ng kaagaw si Jehova sa ating debosyon sa kaniya.
Espirituwal na Hiyas
Jehu—Tagapagtanggol ng Dalisay na Pagsamba
Malamang ay naniwala si Jehu na para mapanatili ang kasarinlan ng Israel mula sa Juda, kailangang magkahiwalay ang pagsamba ng dalawang kaharian. Kaya tulad ng naunang mga hari sa Israel, itinaguyod niya ang pagsamba sa guya. Pero kawalan ito ng pananampalataya kay Jehova, na nagluklok sa kaniya bilang hari.
Sinabi ni Jehova na ‘kumilos si Jehu nang mahusay sa paggawa ng tama sa paningin ng Diyos.’ Pero “si Jehu ay hindi nag-ingat sa paglakad sa kautusan ni Jehova na Diyos ng Israel nang kaniyang buong puso.” (2 Hari 10:30, 31) Kung iisipin natin ang lahat ng ginawa ni Jehu noong una, talagang hindi ito kapani-paniwala at nakalulungkot pa nga. Pero may mapupulot tayong aral dito. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang ating kaugnayan kay Jehova. Sa araw-araw, kailangan nating linangin ang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbubulay-bulay ng kaniyang Salita, at marubdob na pananalangin sa ating makalangit na Ama. Oo, patuloy tayong lumakad sa kautusan ni Jehova nang buong puso.—1 Cor. 10:12.
NOBYEMBRE 28–DISYEMBRE 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 11-12
“Hindi Nakaligtas sa Parusa ang Isang Masama at Ambisyosang Babae”
it-1 246
Athalia
Gaya ng kaniyang inang si Jezebel, ibinuyo ni Athalia ang kaniyang asawang si Jehoram na gawin ang masama sa paningin ni Jehova noong panahon ng walong-taóng paghahari nito. (1Ha 21:25; 2Cr 21:4-6) At gaya ng kaniyang ina, walang-patumanggang nagbubo ng dugo ng mga inosente si Athalia. Nang mamatay ang kaniyang balakyot na anak na si Ahazias pagkaraan ng isang-taóng paghahari nito, pinatay niya ang lahat ng iba pang nasa maharlikang linya, maliban sa sanggol na si Jehoas, na itinago ng mataas na saserdote at ng asawa nito, na tiya ni Jehoas. Pagkatapos ay ginawang reyna ni Athalia ang kaniyang sarili sa loob ng anim na taon, mga 905 hanggang 899 B.C.E. (2Cr 22:11, 12) Ninakaw ng kaniyang mga anak ang mga banal na bagay sa templo ni Jehova at inihandog ang mga iyon kay Baal.—2Cr 24:7.
it-1 246
Athalia
Nang sumapit si Jehoas sa edad na pitong taóng gulang, inilabas siya ng may-takot sa Diyos na mataas na saserdoteng si Jehoiada at kinoronahan siya bilang ang lehitimong tagapagmana ng trono. Nang marinig ni Athalia ang kaguluhan, sumugod siya sa templo at nang makita niya ang nangyayari ay nagsisigaw siya, “Sabuwatan! Sabuwatan!” Iniutos ng mataas na saserdoteng si Jehoiada na ilabas si Athalia mula sa bakuran ng templo upang patayin ito sa may pintuang-daan ng kabayo ng palasyo; maaaring siya ang kahuli-hulihang miyembro ng kasuklam-suklam na sambahayan ni Ahab. (2Ha 11:1-20; 2Cr 22:1–23:21) Nagkatotoo nga ang pananalitang ito: “Walang isa man sa salita ni Jehova ang mahuhulog sa lupa nang di-natutupad na sinalita ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab”!—2Ha 10:10, 11; 1Ha 21:20-24.
Espirituwal na Hiyas
it-1 1137
Jehoas
Pagkatapos nito, hangga’t nabubuhay ang mataas na saserdoteng si Jehoiada at gumaganap bilang ama at tagapayo ni Jehoas, ang batang monarka ay umuunlad. Palibhasa’y may asawa na siya sa edad na 21 taon, nagkaroon siya ng dalawang asawa, na ang isa sa kanila ay nagngangalang Jehoadan, at sa mga ito ay nagkaanak si Jehoas ng mga lalaki at mga babae. Sa ganitong paraan, ang linya ni David na umaakay tungo sa Mesiyas, na muntik nang lubusang maputol, ay muling tumibay.—2Ha 12:1-3; 2Cr 24:1-3; 25:1.
DISYEMBRE 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 13-15
“Pinagpapala Nang Husto ang Buong-Pusong Pagsisikap”
Lubusan Ka Bang Sumusunod sa Kristo?
11 Para ilarawan ang kahalagahan ng masigasig na paglilingkod sa Diyos, tingnan natin ang isang pangyayari sa buhay ni Haring Jehoas ng Israel. Palibhasa’y nababahala sa kahihinatnan ng Israel sa kamay ng Sirya, tumatangis na lumapit si Jehoas kay Eliseo. Sinabi sa kaniya ng propeta na buksan ang bintana at magpahilagpos ng palaso sa direksiyon ng Sirya, na nagpapahiwatig ng tagumpay laban sa bansang iyon sa tulong ni Jehova. Dapat na napalakas nito ang loob ng hari. Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Jehoas na kunin ang mga palaso at ihampas sa lupa. Tatlong beses itong inihampas ni Jehoas. Galit na galit si Eliseo, dahil ang lima o anim na ulit na paghampas sa lupa ay pahiwatig sana na “pababagsakin [ni Jehoas] ang Sirya hanggang sa pagtatapos.” Sa ginawang iyon ni Jehoas, tatlong beses lang siyang magtatagumpay. Dahil hindi siya naging masigasig, nalimitahan ang tagumpay niya. (2 Hari 13:14-19) Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Sagana tayong pagpapalain ni Jehova tangi lamang kung masigasig tayo at buong-puso sa ating paglilingkod.
‘Ang Tagapagbigay-Gantimpala sa mga May-Pananabik na Humahanap sa Kaniya’
Sino ang ginagantimpalaan ni Jehova? Ang “may-pananabik na humahanap sa kaniya,” ang sabi ni Pablo. Ang isang reperensiyang akda para sa mga tagapagsalin ng Bibliya ay nagsabi na ang salitang Griego na isinaling “may-pananabik na humahanap” ay hindi nangangahulugang “lumabas para maghanap,” kundi ng paglapit sa Diyos ‘sa pagsamba.’ Ipinaliliwanag ng isa pang reperensiya na ang pandiwang Griego na ito ay nasa anyong nagpapahiwatig ng marubdob at puspusang pagsisikap. Oo, ginagantimpalaan ni Jehova yaong ang pananampalataya ay nagpapakilos sa kanila na sambahin siya nang buong puso at may sigasig.—Mateo 22:37.
Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba? Nangako siya ng walang katumbas na gantimpala sa hinaharap na nagpapakita ng kaniyang pagkabukas-palad at pag-ibig—buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 21:3, 4) Ngayon pa lang, nararanasan na ng mga masikap na humahanap kay Jehova ang saganang pagpapala. Sa tulong ng kaniyang banal na espiritu at karunungan sa kaniyang Salita, mayroon silang makabuluhan at kasiya-siyang buhay.—Awit 144:15; Mateo 5:3.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari
13:20, 21—Sinusuhayan ba ng himalang ito ang pagsamba sa relihiyosong mga relikya? Hindi. Hindi kailanman ipinakikita sa Bibliya na sinamba ang mga buto ni Eliseo. Nangyari ang himalang ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos, at ito rin ang nagpangyari sa lahat ng himalang ginawa ni Eliseo noong nabubuhay pa siya.
DISYEMBRE 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 16-17
“May Hangganan ang Pasensiya ni Jehova”
Salmaneser
Panunupil sa Israel. Noong panahon ng paghahari ni Haring Hosea ng Israel (mga 758-740 B.C.E.), lumusob si Salmaneser V sa Palestina at si Hosea ay naging kaniyang basalyo na pinatawan ng taunang tributo. (2Ha 17:1-3) Gayunman, nang maglaon ay hindi nagbayad si Hosea ng tributo at natuklasang nakikipagsabuwatan kay Haring So ng Ehipto. (Tingnan ang SO.) Dahil dito, ikinulong ni Salmaneser si Hosea at pagkatapos nito ay kinubkob ang Samaria sa loob ng tatlong taon, anupat nang dakong huli ay bumagsak ang lubhang nakukutaang lunsod, at ang mga Israelita ay dinala sa pagkatapon.—2Ha 17:4-6; 18:9-12; ihambing ang Os 7:11; Eze 23:4-10.
it-2 614
Pagkabihag
Kapuwa sa hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel at sa timugang dalawang-tribong kaharian ng Juda, iisa ang pinakasanhi na humantong sa pagkabihag: ang pag-iwan sa tunay na pagsamba kay Jehova upang bumaling sa pagsamba sa huwad na mga diyos. (Deu 28:15, 62-68; 2Ha 17:7-18; 21:10-15) Sa bahagi naman ni Jehova, patuloy niyang isinugo ang kaniyang mga propeta upang babalaan ang dalawang bansa ngunit walang nangyari. (2Ha 17:13) Walang isa man sa mga hari ng sampung-tribong kaharian ng Israel ang lubusang lumipol sa huwad na pagsambang pinasimulan ng unang hari ng bansang iyon, si Jeroboam. Ang Juda naman, na kaniyang kapatid na kaharian sa T, ay hindi nagbigay-pansin kapuwa sa tahasang mga babala ni Jehova at sa pagkabihag na dinanas ng Israel. (Jer 3:6-10) Nang maglaon, ang mga tumatahan sa dalawang kahariang iyon ay dinala sa pagkatapon, anupat bawat bansa ay nakaranas ng mahigit sa isang lansakang pagpapatapon.
Espirituwal na Hiyas
it-2 1065
Samaritano
Ang terminong “mga Samaritano” ay unang lumitaw sa Kasulatan pagkatapos na malupig ang sampung-tribong kaharian ng Samaria noong 740 B.C.E.; ikinapit ito sa mga naninirahan sa hilagang kaharian bago ang panlulupig na iyon upang mapaiba sila sa mga banyagang dinala roon nang dakong huli mula sa ibang mga bahagi ng Imperyo ng Asirya. (2Ha 17:29) Waring hindi inalis ng mga Asiryano ang lahat ng mga Israelitang naninirahan sa Samaria, sapagkat ipinahihiwatig ng ulat sa 2 Cronica 34:6-9 (ihambing ang 2Ha 23:19, 20) na noong panahon ng paghahari ni Haring Josias ay may mga Israelita pa rin sa lupaing ito. Sa kalaunan, ang terminong “mga Samaritano” ay nangahulugang mga inapo ng mga naiwan sa Samaria at ng mga dinala roon ng mga Asiryano. Kaya naman tiyak na ang ilan sa mga ito’y mga anak sa pakikipag-asawa sa banyaga. Nang maglaon pa, ang pangalang ito’y mas nagkaroon ng relihiyosong kahulugan. Ang “Samaritano” ay tumukoy sa isang miyembro ng sektang lumaganap sa sinaunang Sikem at Samaria at nanghahawakan sa mga paniniwalang ibang-iba sa Judaismo.—Ju 4:9.
DISYEMBRE 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 18-19
“Ang Ginagawa ng mga Kaaway Para Pahinain Tayo”
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari
18:19-21, 25—Nakipag-alyansa ba sa Ehipto si Hezekias? Hindi. Hindi totoo ang paratang ni Rabsases, gaya rin ng kaniyang pag-aangkin na may “kapahintulutan mula kay Jehova” ang pagdating niya. Kay Jehova lamang umasa ang tapat na si Haring Hezekias.
“Huwag Kang Matakot. Ako ang Tutulong sa Iyo”
Gumamit si Rabsases ng tusong mga pangangatuwiran para mag-alinlangan ang mga Judio. Sinabi niya: “Hindi ba [kay Jehova] ang matataas na dako at ang mga altar na inalis ni Hezekias? . . . Si Jehova ang nagsabi sa akin, ‘Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’” (2 Hari 18:22, 25) Pinalabas ni Rabsases na hindi ipaglalaban ni Jehova ang Kaniyang bayan dahil galit Siya sa kanila. Pero ang totoo, nalulugod si Jehova kay Hezekias at sa mga Judiong nanumbalik sa tunay na pagsamba.—2 Hari 18:3-7.
Pitong Pastol, Walong Duke—Sino ang Inilalarawan Nila Ngayon?
14 Ang hari ng Asirya ay nagkampo sa Lakis, sa timog-kanluran ng Jerusalem. Mula roon, nagpadala siya ng tatlong mensahero para pasukuin ang lunsod. Ang kaniyang tagapagsalita, na tinatawag na Rabsases, ay gumamit ng iba’t ibang taktika. Sa wikang Hebreo, hinimok niya ang bayan na huwag makinig sa hari kundi magpasakop sa mga Asiryano; nagsinungaling siya at nangakong dadalhin sila sa isang lupain kung saan mamumuhay sila nang maalwan. (Basahin ang 2 Hari 18:31, 32.) Pagkatapos, sinabi ni Rabsases na kung paanong hindi naprotektahan ng mga diyos ng mga bansa ang kanilang mga mananamba, hindi rin maililigtas ni Jehova ang mga Judio mula sa kamay ng mga Asiryano. Hindi sumagot ang bayan sa mga kasinungalingan at paninirang-puring iyon. Sa ngayon, tinutularan ng mga lingkod ni Jehova ang gayong halimbawa.—Basahin ang 2 Hari 18:35, 36.
yb74 177 ¶1
Bahagi 2—Alemanya
Madalas na dinaraya ng SS ang mga kinukumbinsi nilang pumirma ng deklarasyon. Pero kapansin-pansin na kapag napapirma na nila ang isang tao, lalo nila itong tutuyain at uusigin. Kinumpirma iyan ni Karl Kirscht. Sinabi niya: “Ang mga saksi ni Jehova ang pinakamadalas na maging biktima ng pandaraya sa mga kampong piitan. Ito ang naiisip nilang paraan para makumbinsi ang mga saksi. Paulit-ulit nilang ginagawa iyon. May ilang pumirma, pero karamihan sa mga ito, mahigit isang taon pang naghintay bago mapalaya. Sa panahong iyon, madalas silang insultuhin ng SS sa harap ng ibang tao. Tinatawag silang mapagpaimbabaw at duwag, at kapag lalaya na sila, palalakarin muna sila sa harap ng mga kapatid bago lumabas ng kampo para mapahiya sila.”
Espirituwal na Hiyas
Arkeolohiya
Bilang ilustrasyon, sinasabi sa rekord ng Bibliya na si Haring Senakerib ng Asirya ay pinatay ng kaniyang dalawang anak, sina Adramelec at Sarezer, at hinalinhan sa trono ng isa pa niyang anak, si Esar-hadon. (2Ha 19:36, 37) Gayunman, isang kronikang Babilonyo ang nagsabi na, noong ika-20 ng Tebet, pinatay si Senakerib ng kaniyang anak sa isang paghihimagsik. Gayundin ang sinasabi ng ulat ni Berossus, isang Babilonyong saserdote noong ikatlong siglo B.C.E., at ni Nabonido, hari ng Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E., anupat sa wari’y isa lamang sa mga anak ni Senakerib ang pumaslang sa kaniya. Gayunman, sa isang mas bagong-tuklas na piraso ng Prisma ni Esar-hadon, ang anak na humalili kay Senakerib, malinaw na sinasabi ni Esar-hadon na ang kaniyang mga kapatid (anyong pangmaramihan) ay naghimagsik at pinatay ng mga ito ang kanilang ama at pagkatapos ay tumakas. Bilang komento rito, si Philip Biberfeld, sa Universal Jewish History (1948, Tomo I, p. 27), ay nagsabi: “Ang Babylonian Chronicle, si Nabonid, at si Berossus ay mali; ang ulat ng Bibliya lamang ang napatunayang tama. Ito’y napatotohanan sa lahat ng maliliit na detalye sa pamamagitan ng inskripsiyon ni Esarhaddon at napatunayang mas tumpak may kinalaman sa pangyayaring ito sa kasaysayan ng Babilonya at Asirya kaysa sa mismong impormasyon mula sa mga Babilonyo. Napakahalagang kilalanin ang bagay na ito sa pagsusuri maging ng magkakapanahong mga mapagkukunan ng impormasyon na hindi kaayon ng sinasabi ng Bibliya.”
DISYEMBRE 26–ENERO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 20-21
“Kumilos si Jehova Dahil sa Panalangin”
Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng Isang Hari
23 Sa panahong si Senakerib ay unang nakipaglaban sa Juda, si Hezekias ay nagkasakit nang malubha. Sinabi sa kaniya ni Isaias na siya’y mamamatay. (Isaias 38:1) Ang 39 na taóng gulang na hari ay nabalisa. Ang kaniyang ikinababahala ay hindi lamang ang kaniyang kapakanan kundi ang kinabukasan ng kaniyang bayan. Ang Jerusalem at ang Juda ay nanganganib na sakupin ng mga Asiryano. Kung si Hezekias ay mamamatay, sino ang mangunguna sa pakikipaglaban? Sa panahong iyon, walang anak si Hezekias na hahalili sa panunungkulan. Sa marubdob na panalangin ay nagsumamo si Hezekias kay Jehova na pagpakitaan siya ng awa.—Isaias 38:2, 3.
Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso!
16 Nang maglaon, nagkasakit si Hezekias at muntik nang mamatay. Nagsumamo siya kay Jehova na alalahanin kung paano siya lumakad sa harap Niya. (Basahin ang 2 Hari 20:1-3.) Bagaman pinagaling siya ni Jehova, alam natin mula sa Kasulatan na hindi na makahimalang nagpapagaling ang Diyos sa ngayon at hindi niya pinahahaba ang ating buhay. Pero gaya ni Hezekias, masasabi natin kay Jehova sa panalangin: “Lumakad ako sa harap mo na may pagkamatapat at may pusong sakdal.” Naniniwala ka ba na kaya at gusto ni Jehova na alalayan ka sa panahon ng iyong pagkakasakit?—Awit 41:3.
Paano Ako Matutulungan ng Panalangin?
Noong panahon ng Bibliya ang mga taong may pananampalataya ay tumanggap ng tuwiran—makahimala pa nga—na mga sagot sa kanilang mga panalangin. Halimbawa, nang malaman ni Haring Hezekias na mayroon siyang nakamamatay na sakit, nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siya. Tumugon ang Diyos: “Narinig ko ang iyong panalangin. Nakita ko ang iyong mga luha. Narito, pagagalingin kita.” (2 Hari 20:1-6) Naranasan din ng iba pang mga lalaki’t babae na may takot sa Diyos ang pamamagitan ng Diyos alang-alang sa kanila.—1 Samuel 1:1-20; Daniel 10:2-12; Gawa 4:24-31; 10:1-7.
Espirituwal na Hiyas
Pangnibel, Kasangkapang
Maaaring gamitin ang kasangkapang pangnibel upang maitayo nang wasto ang isang gusali o upang masuri ang tibay nito at kung karapat-dapat pa itong panatilihin. Inihula ni Jehova na gagamitin niya sa suwail na Jerusalem “ang pising panukat na ginamit sa Samaria at gayundin ang kasangkapang pangnibel na ginamit sa sambahayan ni Ahab.” Sinukat ng Diyos ang Samaria at ang sambahayan ni Haring Ahab at nasumpungan niyang ang mga ito ay masama o liko sa moral, anupat humantong iyon sa kanilang pagkapuksa. Sa katulad na paraan, hahatulan ng Diyos ang Jerusalem at ang mga tagapamahala nito, anupat ilalantad niya ang kanilang kabalakyutan at pasasapitin niya ang pagkapuksa ng lunsod na iyon. Aktuwal na naganap ang mga pangyayaring ito noong 607 B.C.E. (2Ha 21:10-13; 10:11) Sa pamamagitan ni Isaias, ipinagbigay-alam sa balakyot na mayayabang at sa mga tagapamahala ng bayan na nasa Jerusalem ang kanilang dumarating na kapahamakan at ang kapahayagan ni Jehova: “Katarungan ang gagawin kong pising panukat at katuwiran ang kasangkapang pangnibel.” Isisiwalat ng mga pamantayan ng tunay na katarungan at katuwiran kung sino talaga ang mga lingkod ng Diyos at kung sino ang hindi, anupat alinman sa kaligtasan o pagkapuksa ang ibubunga nito.—Isa 28:14-19.