Pananagumpay kay Satanas at sa Kaniyang mga Gawa
“Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo,at tatakas siya mula sa inyo.”—SANTIAGO 4:7.
1. Papaano nakaapekto ngayon sa sangkatauhan ang “kamay ng balakyot na isa”?
MAY katumpakang sinabi ni Job: “Ang lupa mismo ay naibigay sa kamay ng balakyot na isa.” (Job 9:24) At napapaharap tayo ngayon sa pinakamapanganib na panahon sa buong kasaysayan ng tao. Bakit? Sapagkat ito ang “mga huling araw” ng makademonyong pamamahala ni Satanas sa lupa. Hindi kataka-taka na, sa ilalim ng udyok ni Satanas, ‘ang mga taong balakyot at mga impostor ay sumusulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligáw at nailíligáw.’ (2 Timoteo 3:1, 13) Bukod diyan, ang mga pag-uusig, kawalan ng katarungan, kalupitan, krimen, paghihirap sa kabuhayan, malulubhang karamdaman, hapdi ng katandaan, panlulumo—ang mga ito at iba pa ay totoong nakasisira ng ating loob.
2. Papaano natin mapagtatagumpayan ang mga pagsalakay ni Satanas sa ngayon?
2 Nakapako ang pagsalakay ng mahigpit na kaaway, si Satanas na Diyablo, sa sangkatauhan at lalo na sa tunay na mananamba sa Diyos. Ang kaniyang hangarin ay ang italikod mula sa Diyos ang lahat ng posibleng maging tagapag-ingat ng katapatan at mapuksa silang kasama niya at ng kaniyang demonyong mga anghel. Gayunman, makatitiyak tayo na kung tayo’y tapat na makapagtitiis, tatakas ang Diyablo sa atin. Gaya ni Jesus, tayo’y maaaring ‘matuto ng pagkamasunurin’ sa Diyos dahil sa mga bagay na ating pinagtiisan, at sa pamamagitan ng Kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, maaaring maabot natin ang walang-hanggang buhay.—Hebreo 5:7, 8; Santiago 4:7; 1 Pedro 5:8-10.
3, 4. (a) Anu-anong panlabas na pagsubok ang kinaharap ni Pablo? (b) Ano ang pananagutan ni Pablo bilang isang Kristiyanong matanda?
3 Si apostol Pablo ay sinubok din sa maraming paraan. Bilang paglalahad ng kaniyang kredensiyal bilang ministro ni Kristo, isinulat niya: “Ako ay higit na namumukod-tanging gayon: sa mga pagpapagal ay lalong sagana, sa mga bilangguan ay lalong madalas, sa mga hampas ay labis-labis, sa bingit ng kamatayan ay madalas. Mula sa mga Judio ay limang ulit na tumanggap ako ng apatnapung hampas kulang ng isa, tatlong ulit na hinampas ako ng mga pamalo, minsang ako ay binato, tatlong ulit na nakaranas ako ng pagkawasak ng barko, isang gabi at isang araw ang ginugol ko sa kalaliman; sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga panganib sa mga ilog, sa mga panganib sa mga tulisan, sa mga panganib sa aking sariling lahi, sa mga panganib sa mga bansa, sa mga panganib sa lunsod, sa mga panganib sa ilang, sa mga panganib sa dagat, sa mga panganib sa gitna ng mga bulaang kapatid, sa pagtatrabaho at pagpapagal, sa mga gabing walang tulog ay madalas, sa gutom at uhaw, sa pag-iwas sa pagkain ay maraming ulit, sa ginaw at kahubaran.
4 “Bukod pa sa mga bagay na iyon na panlabas, may dumaragsa sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon. Sino ang mahina, at hindi ako mahina? Sino ang natitisod, at hindi ako galit na galit?” (2 Corinto 11:23-29) Samakatuwid, nanatiling tapat si Pablo sa harap ng pag-uusig at pagsubok mula sa labas, at bilang isang Kristiyanong matanda, malaking pananagutan niya na mapalakas ang mahihinang kapatid sa kongregasyon, anupat tinutulungan silang makapanatiling tapat. Anong inam na halimbawa para sa Kristiyanong matatanda sa ngayon!
Katapatan sa Ilalim ng Pag-uusig
5. Ano ang sagot sa tuwirang pag-uusig?
5 Anu-anong paraan ang ginagamit ni Satanas upang masira ang katapatan? Gaya ng binanggit sa itaas, ang isa sa pinakamalupit na paraan ni Satanas ay ang tuwirang pag-uusig, subalit may kasagutan. Pinapayuhan tayo ng Efeso 6:10, 11: “Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Isuot ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana [o, “mga tusong gawa,” talababa] ng Diyablo.”
6. Papaano maipakikitang ang mga Saksi ni Jehova ay lumalabas na “lubusang nagtatagumpay”?
6 Kadalasan sa mga huling araw na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay kinakailangang humarap sa mga pagsubok. Kaya nga, masasabi natin kasama ni Pablo: “Sa lahat ng mga bagay na ito ay lumalabas tayong lubusang nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin.” (Roma 8:37) Ito’y pinatunayan ng rekord ng katapatan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan ng Alemanya, Austria, Polandya, at Yugoslavia noong panahon ng Nazi sa pagitan ng 1933 at 1945, sa ilalim ng paniniil ng Komunista sa Silangang Europa sa pagitan ng 1945 at 1989, at noong panahon ng pag-uusig na naranasan sa mga bahagi ng Aprika at Latin Amerika kamakailan.
7. Anong nakaaantig-damdaming mga halimbawa ng katapatan ang iniulat mula sa Etiopia?
7 Ang mga Saksi ni Jehova sa Etiopia ay naglaan ng isang nakaaantig-damdaming halimbawa ng katapatan sa pagitan ng 1974 at 1991. Isa sa mahilig sa pulitikang nandárakip ay nagsabi ng ganito sa isang kapatid na nakabilanggo: “Mas mabuti pang magpakawala ng mga leon sa zoo kaysa sa pakawalan kayong muli!” Pinahirapan ng malulupit na mga mang-uusig na ito ang mga lingkod ni Jehova, at pagkaraan ng ilang taon iniutos ng korte sa apelasyon ang pagbitay. Itinanghal sa publiko ang bangkay ng isang kapatid na lalaki bilang babalang halimbawa. Ang ibang kapatid na nag-apela laban sa sentensiyang kamatayan ay pinalaya ng mas maunawaing hukuman, at ang ilan sa tapat na mga ‘dumaig’ na ito ay nagkaroon ng mga bahagi sa programa sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon sa Addis Ababa maaga noong 1994.a—Juan 16:33; ihambing ang 1 Corinto 4:9.
8. Papaano sinikap ni Satanas na pakinabangan ang “paglipol sa lahing minoridad”?
8 Nabigo si Satanas na sirain ang katapatan ng gayong taimtim na mga kapatid sa pamamagitan ng tuwiran at harapang pagsalakay. Kaya, ano pa ang ibang tusong paraan na ginagamit niya? Ganito ang sinabi ng Apocalipsis 12:12 tungkol sa mga huling araw: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Dahilan sa nabigong lipulin ang tapat na bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-uusig, sa kaniyang galit ay tinangka niyang pagpapatayin ang buong populasyon, na walang-pagsalang ang intensiyon ay upang kasamang malipol ang bayan ni Jehova. Kaya nga ang tinatawag na paglipol sa lahing minoridad ay isinagawa sa mga bahagi ng dating Yugoslavia, at ang sadyang pagpatay ng buong pamayanan ay tinangka sa Liberia, Burundi, at Rwanda.
9. Bakit madalas na nabibigo ang mga taktika ni Satanas? Magbigay ng mga halimbawa.
9 Gayunman, madalas na ang sariling mga taktika ni Satanas ay sa kaniya rin tumatama, dahil sa ang satanikong pagpapahirap ay gumigising sa tapat-pusong mga tao upang maunawaan na ang tangi nilang pag-asa ay nakasalalay sa Kaharian ng Diyos, na buong-sigasig na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 12:21) Tunay, ang mga interesado ay nagsasama-sama sa Kaharian! Halimbawa, sa ginigiyagis-ng-digmaang Bosnia at Herzegovina, 1,307 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong Marso 26, 1994, 291 ang kahigitan noong nakaraang taon. Ang pinakamatataas na bilang ay naiulat sa Sarajevo (414), Zenica (223), Tuzla (339), Banja Luka (225), at sa iba pang bayan. Sa kalapit na Croatia ay may pinakamataas na bilang na 8,326. Ang karahasan na nagaganap sa palibot nila ay hindi nakahadlang sa mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing iyon sa pagtupad sa utos na ‘patuloy na ihayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa siya ay dumating.’—1 Corinto 11:26.
Sa Ginigiyagis-ng-Digmaang Rwanda
10, 11. (a) Ano ang naganap sa tinatawag na Kristiyanong Rwanda? (b) Papaano ipinahayag ng tapat na mga misyonero ang kanilang sarili?
10 Noong 1993, sa Rwanda, na may 2,080 mamamahayag ng Kaharian, 4,075 ang dumalo sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon, at 230 ang nabautismuhan. Sa mga ito, 142 ang agad na nag-aplay sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer. Ang idinaraos na mga pag-aaral ng Bibliya sa tahanan ay umabot sa 7,655 noong 1994—maliwanag na napakarami ang taliwas sa kagustuhan ni Satanas! Bagaman ang karamihan sa populasyon ay nag-aangking Kristiyano, ang pagpapatayan sa magkabilang tribo ay pinasimulan. Inamin ng L’Osservatore Romano ng Batikano: “Ito’y isang pusakal na sadyang pagpatay ng buong pamayanan, na sa kasawiang-palad ay kasangkot maging ang mga Katoliko.” Tinatayang kalahating milyong mga lalaki, mga babae, at mga bata ang namatay, at mga dalawang milyon ang nawalan ng tahanan o napilitang tumakas. Palibhasa’y pinananatili ang kanilang mapayapang Kristiyanong neutralidad, sinikap ng mga Saksi ni Jehova na magsama-sama. Daan-daan sa ating mga kapatid na lalaki at babae ang napatay. Ngunit sa isang kongregasyon na may 65 mamamahayag ng Kaharian, na doo’y 13 ang napatay, sumulong ang bilang ng dumadalo sa pulong sa 170 noong Agosto 1994. Ang mga tulong mula sa mga Saksi sa ibang lupain ang ilan sa mga naunang nakarating. Pumapailanlang ang ating mga panalangin para sa mga nakaligtas.—Roma 12:12; 2 Tesalonica 3:1, 2; Hebreo 10:23-25.
11 Sa gitna ng malaking takot, ang tatlong misyonero na nasa Rwanda ay nakatakas. Isinulat nila: “Nauunawaan namin na ang ating mga kapatid sa buong daigdig ay kinakailangang humarap sa ganitong mga kalagayan o sa mas malala pa nga, at alam namin na ito’y bahagi lamang ng tanda ng mga huling araw ng balakyot na sistemang ito. Gayunman, kapag ang isa’y aktuwal na nasangkot, ito’y nagdudulot ng lubos na kabatiran sa katotohanan ng mga bagay-bagay at nagiging dahilan upang mapagkilala kung gaano kahalaga ang buhay. Ang ilang kasulatan ay nagkakaroon ng panibagong kahulugan para sa amin, at kami’y totoong nasasabik sa pagsapit ng panahong ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa. Samantala ay ibig naming manatiling abala sa paglilingkod kay Jehova.”
Mga Kabataang Tagapag-ingat ng Katapatan
12, 13. (a) Anong nag-iingat-ng-katapatang hakbangin ang ginawa ng isang kabataan? (b) Saan maaaring makasumpong ng pampalakas-loob ang mga kabataan sa ngayon?
12 Binanggit ni Jesus na yaong mga itinakwil ng mga miyembro ng pamilya dahil sa katotohanan ay gagantimpalaan ng “sandaang ulit.” (Marcos 10:29, 30) Ito’y naging totoo kay Entellia, isang sampung-taóng-gulang na batang babae sa hilagang Aprika, na inibig ang pangalan ng Diyos—Jehova—karaka-raka pagkarinig niya nito. Nakipag-aral siya sa mga Saksi ni Jehova at naglakad nang tig-90 minuto papunta at pauwi sa pulong, kahit na madalas na sinasaraduhan siya ng kaniyang sumasalansang na pamilya sa kaniyang pag-uwi. Sa edad na 13, nagsimula siyang mangaral sa bahay-bahay, at lalo nang tumindi ang pagsalansang ng pamilya. Isang araw, itinali ng mga kamag-anak ang kaniyang mga kamay at paa at inihiga siya sa nakadadarang na init ng araw sa loob ng pitong oras, na paminsan-minsang sinasabuyan siya ng maruming tubig. Buong-lupit na binubugbog nila siya, anupat napinsala ang isa sa kaniyang mga mata, at sa bandang huli ay pinalayas siya sa kanilang tahanan. Gayunman, nakapagtrabaho siya sa isang ospital at sa wakas ay naging isang nars. Sa edad na 20 siya’y nabautismuhan at agad na nagpalista bilang auxiliary pioneer. Palibhasa’y humanga sa kaniyang katapatan, pinabalik siya ng kaniyang pamilya sa kanilang tahanan, at siyam sa kanila ang tumanggap ng pag-aaral ng Bibliya sa tahanan.
13 Nakamit ni Entellia ang labis na pampalakas-loob mula sa Awit 116, lalo na ang mga Aw 116 talatang 1-4, na paulit-ulit niyang binabasa: “Aking iniibig, sapagkat dinirinig ni Jehova ang aking tinig, ang aking mga pamanhik. Dahil ikinikiling niya ang kaniyang pakinig sa akin, at sa aking buong mga araw ay tatawag ako. Ang mga lubid ng kamatayan ay pumulupot sa akin at ang nakababagabag na mga kalagayan ng Sheol mismo ay nakasumpong sa akin. Kabagabagan at pighati ay patuloy kong nasusumpungan. Ngunit sa pangalan ni Jehova ako’y patuloy na tumawag: ‘Ah, Jehova, iligtas mo ang aking kaluluwa!’ ” Sinasagot ni Jehova ang ganiyang mga panalangin!
14. Papaano nagpakita ng bukod-tanging katapatan ang mga Saksing taga-Polandya?
14 Gaya noong panahon ni Jesus, malimit na ginagamit ni Satanas ang relihiyosong panatisismo upang paypayan ang apoy ng pag-uusig—ngunit nabigo. Bukod-tangi ang halimbawa ng ating mga kapatid sa Polandya, ayon sa pagkalarawan sa 1994 Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Maging ang mga kabataan ay hinilingang patunayan ang kanilang mga sarili na mga tagapag-ingat ng katapatan. Noong 1946 isa sa mga ito ay ang 15-taóng-gulang na babae na pinagsabihan: “Mag-antandâ ka lamang. Kung hindi ay isang bala ang naghihintay sa iyo!” Palibhasa’y iningatan ang katapatan, kinaladkad siya sa kagubatan, buong-lupit na pinahirapan, at binaril.—Ihambing ang Mateo 4:9, 10.
Iba Pang Tusong mga Paraan ni Satanas
15, 16. (a) Ano ang makademonyong patakaran ni Satanas, at papaano natin siya malalabanan? (b) Bakit hindi kailangang matisod ang ating mga kabataan?
15 Ang makademonyong patakaran ni Satanas ay tunay ngang “mamunò o mamuksa”! Marami siyang malulupit na armas sa kaniyang arsenál. Hindi kataka-taka, kung gayon, na magbabala si apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako. Dahil dito ay kunin ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos, upang makalaban kayo sa balakyot na araw at, pagkatapos ninyong magawa nang lubusan ang lahat ng mga bagay, ay makatayong matatag.” (Efeso 6:12, 13) Ang mga pagnanasa sa materyal, mababang-uri ng paglilibang at propaganda, satanikong musika, panggigipit ng mga kasamahan sa paaralan, pang-aabuso sa droga, at paglalasing—alinman dito ay makapagwawasak ng ating buhay. Kaya nga, nagpatuloy sa pagpapayo ang apostol: “Higit sa lahat, kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipangsusugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.”—Efeso 6:16.
16 Lumilitaw na ito’y lalo nang kailangan ngayon dahil sa kakaibang musika na ginagawang palasak ni Satanas sa sanlibutang ito. Sa ilang kaso ay may tuwirang kinalaman sa Satanismo. Ganito ang sabi ng ulat mula sa tanggapan ng serip sa San Diego County (E.U.A.): “Nagkaroon dito sa amin ng konsiyerto na kung saan kasama ng banda ang 15,000 kabataan na ang inuusal ay ‘Sanatas’—iyon ay, Satanas na binaybay nang pabaligtad.” Inilalarawan ang Satanismo bilang isang lubák na doo’y natatalisod ang mga kabataan “sapagkat sila’y nagpapagala-gala nang desperado, galít at nag-iisa.” Kayong mga kabataan sa Kristiyanong kongregasyon, hindi kailangang kayo’y matisod! Pinaglalaanan kayo ni Jehova ng espirituwal na kalasag na hindi kailanman matutusok ng mga sibat ni Satanas.—Awit 16:8, 9.
17. Papaano mapaglalabanan ang panlulumo?
17 Ang satanikong nag-aapoy na mga suligi ay dinisenyo upang paglaruan ang mga emosyon. Sa pamamagitan ng mga kaigtingan sa buhay, gaya ng pisikal na karamdaman o isang kalagayan ng matinding panlulumo, mapangyayari ng ating kaaway na ang ilan ay magkaroon ng damdamin ng kawalang-halaga. Baka ang isa’y mapanghinaan ng loob dahil wala siyang gaanong oras na nagugugol sa paglilingkod sa Diyos o dahil sa hindi nakadadalo sa ilang pulong sa kongregasyon. Ang mapagmahal na pangangalaga ng matatanda at ng iba pang mababait na mga kapatid ay makatutulong upang mapaglabanan ang mahihirap na álalahanín. Palaging tandaan na iniibig ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. (1 Juan 4:16, 19) Ang Awit 55:22 ay nagsasabi: “Ihagis ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ay aalalay sa iyo. Kailanman ay hindi niya hahayaan ang matuwid na isa na makilos.”
18. Anong satanikong mga pakana ang pinagpupunyagian ng ilan?
18 Ang tusong “mga pakana” ni Satanas ay lumitaw kamakailan sa iba pang anyo. Sa ilang lupain maraming may sapat na gulang ang nakararanas ng umuukilkil na mga kaisipang naghahatid ng di-mapaglabanang sapantaha na noong sila’y mga bata pa sila’y makasadistang inabuso ng satanikong mga kulto. Saan nanggaling ang gayong mga hinagap? Sa kabila ng malawakang pagsasaliksik, nagkakaiba-iba pa rin ang pala-palagay ng mga espesyalista ng sanlibutan. Ipinalalagay ng ilan ang gayong kaisipan bilang aktuwal na mga alaala ng kahapon, ang iba nama’y bilang mga guniguni—marahil ay ginanyak ng nakapag-aalinlangang therapy—at sa iba pa’y bilang isang uri ng guniguni na sanhi ng ilang mapapait na karanasan sa buhay noong kanilang kabataan.
19. (a) Anu-anong kaisipan ang kinailangang paglabanan ni Job? (b) Papaano maaaring sundin ng matatanda ang halimbawa ni Elihu?
19 Kapansin-pansin na kinailangang paglabanan ng lingkod ng Diyos na si Job ang “mga kaisipang nakababagabag” na idinulot ni Satanas sa pamamagitan nina Eliphaz at Sophar. (Job 4:13-18; 20:2, 3) Sa gayon ay nakaramdam si Job ng “pagkayamot,” na naging dahilan upang siya’y magbigay-daan sa “pabigla-biglang salita” tungkol sa “pagkasindak” na nagpapahirap sa kaniyang isip. (Job 6:2-4; 30:15, 16) Matamang nakinig kay Job si Elihu at buong-katapatang tinulungan siyang makita ang pinakamatalinong pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay. Gayundin sa ngayon, ipinamamalas ng maunawaing matatanda na sila’y nagmamalasakit sa mga nahahapis sa pamamagitan ng hindi pagdaragdag ng higit pang “pabigat” sa kanila. Sa halip, gaya ni Elihu, matiyaga nilang pinakikinggan sila at pagkatapos ay hinahaplusan ng nakagiginhawang langis ng Salita ng Diyos. (Job 33:1-3, 7; Santiago 5:13-15) Samakatuwid, sinuman na ang emosyon ay binabagabag ng mapapait na karanasan, totoo man ito o guniguni, o “tinatakot . . . ng mga panaginip, at ng mga pangitain” gaya ni Job, ay maaaring makasumpong ng nakagiginhawang maka-Kasulatang kaaliwan sa loob ng kongregasyon.—Job 7:14; Santiago 4:7.
20. Papaano maaaring matulungan ang nababagabag na mga Kristiyano upang mapanatili ang kanilang espirituwal na panimbang?
20 Sa kasalukuyan ang isang Kristiyano ay makatitiyak na, sa anumang paraan, si Satanas ang nasa likod ng nakapanghihilakbot na mga kaisipang ito. Kung ang ilan sa kongregasyon ay dumaranas nito, sila’y matalino sa pagkakita na ang gayong nakatatakot na mga sapantaha ay tuwirang pagtatangka ni Satanas upang sirain ang kanilang espirituwal na panimbang. Sila’y nangangailangan ng matiyaga at maunawaing pagsuporta ayon sa Kasulatan. Sa pamamagitan ng buong-pananalanging pag-asa kay Jehova at sa kapakinabangan mula sa espirituwal na pagpapastol, yaong dumaranas ng pagkabagabag ay makaaasa ng lakas na higit sa karaniwan. (Isaias 32:2; 2 Corinto 4:7, 8) Sa gayon ay tapat silang makapagtitiis at di-makapapayag na makaapekto sa kapayapaan ng kongregasyon ang masasama at kinamumuhiang kaisipan. (Santiago 3:17, 18) Oo, masasalansang nila ang Diyablo, anupat ipinakikita ang gayunding espiritu na gaya ng ginawa ni Jesus nang sabihin niya: “Lumayas ka, Satanas!”—Mateo 4:10; Santiago 4:7.
21. Papaano nagbababala ang Kasulatan hinggil sa mapanlinlang na mga pamamaraan ni Satanas?
21 Alam natin na ang balak ni Satanas sa papaano man ay pasamain ang ating mga isipan, gaya ng babala ni apostol Pablo sa 2 Corinto 11:3: “Ngunit natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” Ang kasalukuyang paglipol sa lahat ng laman, o lipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos, ay nagpapaalaala sa atin ng hamak na kalagayang idinulot ng “mga Tagapagbuwal” na masasama at mararahas na anak ng mga nagsiping na anghel at tao noong panahon ni Noe. (Genesis 6:4, 12, 13, talababa; Lucas 17:26) Samakatuwid, hindi kataka-taka na si Satanas ay gumagamit ng tusong mga gawa at mapanlinlang na mga pamamaraan upang ibuhos ang kaniyang galit, lalo na sa bayan ng Diyos.—1 Pedro 5:8; Apocalipsis 12:17.
22. Kapag wala na sa ating landas si Satanas, anu-anong pagpapala ang maaaring asahan?
22 Hindi man lamang nabanggit si Satanas sa katapusang kabanata ng aklat ng Bibliya na Job. Ang kaniyang balakyot na hamon na ang mga tao’y hindi makapag-iingat ng katapatan sa Diyos ay napatunayang mali sa pamamagitan ng katapatan ni Job. Gayundin, sa malapit na hinaharap kapag ang “isang malaking pulutong” na mga tagapag-ingat ng katapatan ay “lumabas mula sa malaking kapighatian,” magaganap ang paghahagis kay Satanas sa kalaliman. Ang nananalig na mga lalaki at babae, kasama na ang tapat na si Job, ay sasama sa “malaking pulutong” na iyon, upang tamasahin ang paraisong pagpapala, na mas kahanga-hanga pa sa naging gantimpala ni Job!—Apocalipsis 7:9-17; 20:1-3, 11-13; Job 14:13.
[Talababa]
a Tingnan ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 177.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong mainam na halimbawa ng katapatan ang ipinakita nina Job, Jesus, at Pablo?
◻ Papaano hinaharap ng mga tagapag-ingat ng katapatan si Satanas?
◻ Papaano malalabanan ng mga kabataan ang mga tusong paraan ni Satanas?
◻ Ano ang magagawa upang mapagtagumpayan ang satanikong mga pakana?
[Larawan sa pahina 7]
Sa Etiopia, sina Meswat at Yoalan ay naglilingkod ngayon kay Jehova nang buong-panahon gaya ng halimbawa ng kanilang ama, na ipinapatay
[Larawan sa pahina 7]
Si Entellia, isang kabataang tagapag-ingat ng katapatan sa hilagang Aprika