Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w09 12/15 p. 15-19
  • Panatilihin ang Kagalakan sa Mahihirap na Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panatilihin ang Kagalakan sa Mahihirap na Panahon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jehova​—“Maligayang Diyos”
  • Mahalaga ang Pagiging Makatuwiran
  • Malugod sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
  • “Maligaya ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova!”
  • Hayaan Mong Paginhawahin Ka ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Kung Paano Nakasumpong ng Kapayapaan si Hana
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Magtiwala kay Jehova—“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ibinuhos Niya sa Diyos ang Laman ng Kaniyang Puso
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
w09 12/15 p. 15-19

Panatilihin ang Kagalakan sa Mahihirap na Panahon

“Ang lahat ng nanganganlong [kay Jehova] ay magsasaya; hanggang sa panahong walang takda ay hihiyaw sila nang may kagalakan.”​—AWIT 5:11.

1, 2. (a) Ano ang ilang dahilan ng matinding kalungkutan sa ngayon? (b) Bukod sa mga problemang nararanasan ng lahat, ano pa ang dapat batahin ng mga tunay na Kristiyano?

ANG mga Saksi ni Jehova ay apektado ng mga problemang dinaranas ng sangkatauhan. Marami sa kanila ang naging biktima ng krimen, digmaan, at iba pang kawalang-katarungan. Matinding kalungkutan ang dulot ng kalamidad, kahirapan, sakit, at kamatayan. Tama ang isinulat ni apostol Pablo: “Alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Nararanasan din natin ang epekto ng ating di-kasakdalan. Gaya ni Haring David, baka masabi rin natin: “Ang sarili kong mga kamalian ay dumaan sa ibabaw ng aking ulo; tulad ng mabigat na pasan ay napakabigat ng mga iyon para sa akin.”​—Awit 38:4.

2 Bukod sa mga problemang nararanasan ng lahat, may pasan pang makasagisag na pahirapang tulos ang mga tunay na Kristiyano. (Luc. 14:27) Oo, gaya ni Jesus, ang kaniyang mga alagad ay kinapopootan din at pinag-uusig. (Mat. 10:22, 23; Juan 15:20; 16:2) Kaya para masundan ang Kristo, kailangan nating magpunyagi nang buong-lakas at magbata habang hinihintay ang mga pagpapala sa bagong sanlibutan.​—Mat. 7:13, 14; Luc. 13:24.

3. Bakit masasabing hindi naman kailangang magdusa ang mga Kristiyano para mapalugdan ang Diyos?

3 Ibig bang sabihin nito, napakalungkot na ng buhay ng mga tunay na Kristiyano? Puro dalamhati na lang ba ang mararanasan natin hanggang sa dumating ang wakas? Maliwanag na gusto ni Jehova na maging masaya tayo habang hinihintay nating matupad ang kaniyang mga pangako. Ang mga tunay na mananamba ay paulit-ulit na inilalarawan ng Bibliya bilang isang maligayang bayan. (Basahin ang Isaias 65:13, 14.) “Ang lahat ng nanganganlong [kay Jehova] ay magsasaya; hanggang sa panahong walang takda ay hihiyaw sila nang may kagalakan,” ang sabi ng Awit 5:11. Oo, maaari tayong makadama ng lubos na kagalakan, kapayapaan ng isip, at pagkakontento sa kabila ng mga problema. Tingnan natin kung paano tayo matutulungan ng Bibliya na maharap ang mga pagsubok nang may kagalakan.

Si Jehova​—“Maligayang Diyos”

4. Ano ang nadarama ng Diyos kapag winawalang-bahala ang kaniyang kalooban?

4 Isaalang-alang ang halimbawa ni Jehova. Bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, siya ang may awtoridad sa buong uniberso. Nasa kaniya na ang lahat at hindi niya kailangan ang sinuman. Sa kabila nito, siguradong nasaktan pa rin si Jehova nang magrebelde at maging Satanas ang isa sa kaniyang espiritung mga anak. Tiyak na nasaktan siya nang magrebelde ang iba pang mga anghel. Isipin-isipin din kung gaano kasakit sa Diyos nang talikuran siya nina Adan at Eva, ang kaniyang obra maestra sa lupa. Mula noon, bilyun-bilyon na sa kanilang mga inapo ang naghimagsik sa awtoridad ni Jehova.​—Roma 3:23.

5. Ano ang labis na nagpapalungkot kay Jehova?

5 Tuloy pa rin ang rebelyong sinimulan ni Satanas. Mga 6,000 taon nang nakikita ni Jehova ang idolatriya, karahasan, pagpaslang, at kahalayan. (Gen. 6:5, 6, 11, 12) Bukod diyan, marami na siyang narinig na kasinungalingan at pamumusong. Kung minsan, mga tunay na mananamba pa niya ang nagpapasamâ ng kaniyang loob. Ang isang halimbawa nito ay ang binabanggit sa Awit 78:40, 41: “Kay dalas nilang maghimagsik laban sa kaniya sa ilang, pinagdaramdam nila siya sa disyerto! At paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” Tiyak na napakasakit kay Jehova kapag tinatalikuran siya ng kaniyang mga lingkod. (Jer. 3:1-10) Oo, nangyayari ang masasamang bagay, at labis itong nagpapalungkot kay Jehova.​—Basahin ang Isaias 63:9, 10.

6. Paano hinaharap ng Diyos ang nakalulungkot na mga sitwasyon?

6 Pero kahit nasasaktan si Jehova, patuloy pa rin siyang kumikilos. Kapag nagkakaroon ng problema, umaaksiyon siya agad para hindi lumala ang sitwasyon. May mga hakbang din siyang ginawa na sa dakong huli ay tutupad sa kaniyang layunin. Kaya naman masayang umaasa si Jehova na maipagbabangong-puri ang kaniyang soberanya at tatanggap ng pagpapala ang kaniyang mga tapat na mananamba. (Awit 104:31) Oo, sa kabila ng napakaraming upasala sa kaniya, “maligayang Diyos” pa rin si Jehova.​—1 Tim. 1:11; Awit 16:11.

7, 8. Kapag may masamang nangyayari, paano natin matutularan si Jehova?

7 Siyempre pa, hindi natin mapapantayan ang kakayahan ni Jehova sa paglutas ng problema. Pero puwede natin siyang tularan sa pagharap dito. Natural lang na malungkot tayo kapag may masamang nangyayari, pero huwag namang puro lungkot na lang. Nilalang tayo ayon sa wangis ni Jehova, kaya mayroon tayong praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip na tutulong sa atin na masuri ang mga problema at lutasin ang mga ito hangga’t maaari.

8 Makakatulong nang malaki kung tatanggapin natin na may mga problemang hindi talaga natin kayang solusyonan. Kung masyado nating poproblemahin ang mga ito, lalo lang tayong makukunsumi at mawawalan tayo ng kagalakan sa tunay na pagsamba. Matapos gawin ang ating buong makakaya, makabubuting magtuon na tayo ng pansin sa mga bagay na mas makabuluhan. May magagandang halimbawa sa Bibliya.

Mahalaga ang Pagiging Makatuwiran

9. Paano ipinakita ni Hana na makatuwiran siya?

9 Tingnan natin ang halimbawa ni Hana, na naging ina ni propeta Samuel. Lungkot na lungkot siya dahil hindi siya magkaanak at tinutuya siya dahil dito. Kung minsan pa nga, hindi siya makakain at palaging umiiyak. (1 Sam. 1:2-7) Noong minsang dumalaw siya sa santuwaryo ni Jehova, “mapait ang kaniyang kaluluwa, at siya ay nagsimulang manalangin kay Jehova at tumangis nang lubha.” (1 Sam. 1:10) Matapos ibuhos ni Hana ang kaniyang damdamin kay Jehova, nilapitan siya ng mataas na saserdoteng si Eli at sinabi: “Yumaon kang payapa, at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.” (1 Sam. 1:17) Tiyak na napag-isip-isip ni Hana na nagawa na niya ang lahat ng puwede niyang gawin. Pero kung tungkol sa kaniyang pagiging baog, wala na siyang magagawa rito. Kaya naging makatuwiran si Hana. “Yumaon [siya] sa kaniyang lakad at kumain, at ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.”​—1 Sam. 1:18.

10. Paano naging makatuwiran si Pablo sa pagharap sa isang problemang hindi niya kayang solusyonan?

10 Ganiyan din ang saloobin ni apostol Pablo nang mapaharap siya sa problemang nagpahirap sa kaniya nang husto. Tinawag niya itong “tinik sa laman.” (2 Cor. 12:7) Anuman ang problemang ito, ginawa ni Pablo ang magagawa niya​—nanalangin siya kay Jehova na alisin ito. Ilang beses siyang nakiusap kay Jehova? Tatlong beses. Pero sinabi ng Diyos kay Pablo na ang “tinik sa laman” ay hindi Niya makahimalang aalisin. Tinanggap ito ni Pablo at pinagtuunan ng pansin ang paglilingkod kay Jehova.​—Basahin ang 2 Corinto 12:8-10.

11. Paano makakatulong ang panalangin at pagsusumamo para makayanan natin ang problema?

11 Hindi naman ipinakikita ng mga halimbawang ito na hindi na natin dapat ipanalangin kay Jehova ang mabibigat na problema. (Awit 86:7) Sa halip, hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Paano kaya tutugon si Jehova sa gayong pagsusumamo at pakiusap? Sinasabi ng Bibliya: “At ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:6, 7) Oo, maaaring hindi alisin ni Jehova ang ating problema. Pero babantayan, o iingatan, niya ang ating kakayahang pangkaisipan bilang sagot sa ating panalangin. Matapos manalangin, baka mapag-isip-isip nating mapanganib pala kung magpapadaig tayo sa kabalisahan.

Malugod sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos

12. Bakit mapanganib kung lagi na lang tayong malungkot?

12 Sinasabi ng Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Sinasabi ng isa pang kawikaan: “Dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.” (Kaw. 15:13) Sa sobrang lungkot, hindi na nakapagbabasa at nakapagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos ang ilang Kristiyano. Naging rutin na lang ang kanilang panalangin, at baka ibinubukod pa nga nila ang kanilang sarili sa kanilang mga kapananampalataya. Kaya talagang mapanganib kung lagi na lang tayong malungkot.​—Kaw. 18:1, 14.

13. Bumanggit ng ilang gawain na magpapatibay at magpapasaya sa atin.

13 Sa kabilang banda, kung positibo tayo, maitutuon natin ang ating isip sa mga bagay na magpapagalak sa atin. Isinulat ni David: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.” (Awit 40:8) Kapag nagkaproblema tayo, huwag na huwag nating ihihinto ang ating magandang kaugalian sa pagsamba. Sa katunayan, panlaban sa lungkot ang kasiya-siyang mga gawain. Sinasabi sa atin ni Jehova na masisiyahan tayo sa regular na pagbabasa at pag-aaral ng kaniyang Salita. (Awit 1:1, 2; Sant. 1:25) Sa Banal na Kasulatan at sa mga Kristiyanong pagpupulong, nakatatanggap tayo ng “kaiga-igayang mga pananalita” na magpapatibay at magpapasaya sa atin.​—Kaw. 12:25; 16:24.

14. Anong pangako ni Jehova ang nagpapasaya sa atin sa ngayon?

14 Maraming ibinibigay sa atin ang Diyos na nagdudulot sa atin ng kagalakan. Ang pangako niyang ililigtas tayo ay talagang nagpapasaya sa atin. (Awit 13:5) Anuman ang nararanasan natin ngayon, alam nating gagantimpalaan ng Diyos ang mga marubdob na humahanap sa kaniya. (Basahin ang Eclesiastes 8:12.) Ganiyan katibay ang pagtitiwala ni propeta Habakuk, anupat nasabi niya: “Bagaman ang puno ng igos ay hindi mamulaklak, at hindi magkaroon ng aanihin sa mga punong ubas; ang bunga ng punong olibo ay maaaring magmintis, at ang hagdan-hagdang lupain ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay maaaring mahiwalay sa kural, at hindi magkakaroon ng bakahan sa mga kulungan; gayunman, sa ganang akin, magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.”​—Hab. 3:17, 18.

“Maligaya ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova!”

15, 16. Bumanggit ng ilang regalo ng Diyos na natatamasa natin habang hinihintay ang mga pagpapala sa hinaharap.

15 Habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa sa hinaharap, gusto ni Jehova na masiyahan tayo sa mabubuting bagay na ibinibigay niya sa ngayon. Sinasabi ng Bibliya: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa [sangkatauhan] kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Ecles. 3:12, 13) Kasali sa ‘paggawa ng mabuti’ ang paggawa ng kabutihan sa iba. Sinabi ni Jesus na may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Ang pagpapakita ng kabaitan sa ating asawa, anak, magulang, at iba pang kamag-anak ay talagang nakapagpapasaya. (Kaw. 3:27) Ang pagiging mabait, mapagpatuloy, at mapagpatawad sa ating mga kapananampalataya ay nagdudulot din ng malaking kagalakan, at nakalulugod ito kay Jehova. (Gal. 6:10; Col. 3:12-14; 1 Ped. 4:8, 9) At talaga namang kasiya-siya ang pakikibahagi sa ministeryo nang may pagsasakripisyo.

16 Binanggit sa Eclesiastes 3:13 ang mga simpleng bagay na ikinasisiya natin, gaya ng pagkain at pag-inom. Oo, kahit na dumaranas tayo ng mga pagsubok, nasisiyahan pa rin tayo sa anumang materyal na regalo mula kay Jehova. Nariyan din ang napakagandang paglubog ng araw, kahanga-hangang tanawin, nakatutuwang kakulitan ng batang mga hayop, at iba pang magagandang bagay sa kalikasan. Libre lang ang mga ito pero talaga namang napapahanga tayo at napapasaya nito. Kapag pinag-iisipan natin ang gayong mga bagay, sumisidhi ang ating pag-ibig kay Jehova, ang Tagapagbigay ng lahat ng mabubuting bagay.

17. Ano ang kailangan para lubusang mapawi ang ating mga problema? Ano ang nakaaaliw sa atin sa ngayon?

17 Kung iibigin natin ang Diyos, susundin ang kaniyang mga utos, at mananampalataya sa haing pantubos, darating ang panahon na lubusang mapapawi ang ating mga problema at matatamasa natin ang walang-hanggang kasiyahan. (1 Juan 5:3) Samantala, nakaaaliw malaman na alam ni Jehova ang mga nakapipighati sa atin. Sumulat si David: “Ako ay magagalak at magsasaya sa iyong maibiging-kabaitan, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian; nalaman mo ang tungkol sa mga kabagabagan ng aking kaluluwa.” (Awit 31:7) Dahil sa pag-ibig ni Jehova sa atin, ililigtas niya tayo sa kapahamakan.​—Awit 34:19.

18. Bakit maligaya ang bayan ng Diyos?

18 Habang hinihintay natin ang katuparan ng kaniyang mga pangako, tularan sana natin si Jehova, ang maligayang Diyos. Huwag sana nating hayaang makahadlang sa ating paglilingkod ang negatibong damdamin. Kapag may dumating na mga problema, gamitin sana natin ang kakayahang mag-isip at praktikal na karunungan. Tutulungan tayo ni Jehova na makontrol ang ating damdamin at makagawa ng mga paraan upang hindi tayo madaig ng mabibigat na problema. Masiyahan nawa tayo sa mabubuting bagay na nagmumula sa kaniya, pisikal man o espirituwal. Kung mananatili tayong malapít sa Diyos, magiging masaya tayo dahil “maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”​—Awit 144:15.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Kapag napapaharap sa problema, paano natin matutularan si Jehova?

• Paano makakatulong sa atin ang pagiging makatuwiran para makayanan ang mga problema?

• Kahit nagkakaproblema, paano tayo magkakaroon ng kaluguran sa paggawa ng kalooban ng Diyos?

[Mga larawan sa pahina 16]

Nalulungkot si Jehova sa masasamang bagay na nangyayari

[Credit Line]

© G.M.B. Akash/Panos Pictures

[Mga larawan sa pahina 18]

May mga inilaan si Jehova para mapanatili ang ating kagalakan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share