-
Si Jehova—“Tagapagsiwalat ng mga Lihim”Ang Bantayan—2012 | Hunyo 15
-
-
Si Jehova—“Tagapagsiwalat ng mga Lihim”
“Totoo nga na ang Diyos ninyo ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.”—DAN. 2:47.
1, 2. Ano ang isiniwalat sa atin ni Jehova, at bakit niya ito ginawa?
ANONG mga gobyerno ang nangingibabaw sa lupa bago wakasan ng Kaharian ng Diyos ang pamamahala ng tao? Alam natin ang sagot—ipinaalam ito sa atin ng “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” ang Diyos na Jehova. Tinutulungan niya tayong matukoy ang mga pamahalaang iyon sa pamamagitan ng mga isinulat ni propeta Daniel at ni apostol Juan.
2 Nagsiwalat si Jehova sa mga lalaking iyon ng mga pangitain tungkol sa mababangis na hayop. Sinabi rin niya kay Daniel ang kahulugan ng pangitain hinggil sa isang pagkalaki-laking imaheng metal. Ipinasulat ni Jehova ang mga ulat na iyon sa Bibliya para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Gusto niyang patibayin ang ating pag-asa na malapit nang durugin ng kaniyang Kaharian ang lahat ng pamahalaan ng tao.—Dan. 2:44.
3. Para maintindihan ang hula, ano muna ang dapat nating maunawaan, at bakit?
3 Isinisiwalat ng mga hula nina Daniel at Juan ang pagkakakilanlan ng walong hari, o mga pamamahala ng tao, at ang pagkakasunud-sunod ng paglitaw ng mga ito. Pero hindi natin maiintindihan ang mga hulang ito kung hindi natin nauunawaan ang kahulugan ng kauna-unahang hula na nakaulat sa Bibliya. Bakit? Dahil ang katuparan ng hulang iyon ang siyang tema ng Bibliya. Dito nakasalalay ang lahat ng iba pang hula sa Bibliya.
ANG ULO NG SERPIYENTE AT ANG MABANGIS NA HAYOP
4. Sino ang bumubuo sa binhi ng babae, at ano ang gagawin ng binhing iyon?
4 Di-nagtagal matapos ang paghihimagsik sa Eden, nangako si Jehova na isang “babae” ang magluluwal ng isang “binhi.”a (Basahin ang Genesis 3:15.) Pagdating ng panahon, ang binhing iyon ang susugat sa ulo ng serpiyente, si Satanas. Nang maglaon, isiniwalat ni Jehova na ang binhi ay magmumula kay Abraham, magiging kabilang sa bansang Israel, magmumula sa tribo ni Juda, at magiging inapo ni Haring David. (Gen. 22:15-18; 49:10; Awit 89:3, 4; Luc. 1:30-33) Ang pangunahing bahagi ng binhing iyon ay si Kristo Jesus. (Gal. 3:16) Ang pangalawahing bahagi ng binhi ay ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Gal. 3:26-29) Si Jesus at ang mga pinahirang ito ang bumubuo sa Kaharian ng Diyos, na gagamitin ng Diyos para durugin si Satanas.—Luc. 12:32; Roma 16:20.
5, 6. (a) Ilang kapangyarihan ang tinukoy nina Daniel at Juan? (b) Saan kumakatawan ang mga ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis?
5 Sinasabi rin ng unang hulang ibinigay sa Eden na si Satanas ay magluluwal ng isang “binhi.” Ang kaniyang binhi ay makikipag-alit, o mapopoot, sa binhi ng babae. Sino ang bumubuo sa binhi ng serpiyente? Lahat ng tumutulad kay Satanas na napopoot sa Diyos at sumasalansang sa Kaniyang bayan. Sa buong kasaysayan, inorganisa ni Satanas ang kaniyang binhi upang bumuo ng iba’t ibang gobyerno, o kaharian. (Luc. 4:5, 6) Pero iilang kaharian lang ng tao ang nagkaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos—sa bansang Israel man o sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Bakit mahalaga ang detalyeng ito? Dahil iyan ang paliwanag kung bakit walong kapangyarihan lang ang inilalarawan sa mga pangitain nina Daniel at Juan.
6 Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ang binuhay-muling si Jesus ay nagbigay kay apostol Juan ng nakagigitlang mga pangitain. (Apoc. 1:1) Sa isa sa mga ito, nakita ni Juan ang Diyablo, inilalarawan bilang dragon, na nakatayo sa buhanginan ng malawak na dagat. (Basahin ang Apocalipsis 13:1, 2.) Nakakita rin si Juan ng isang kakaibang hayop na umahon sa dagat na iyon at tumanggap ng dakilang awtoridad mula sa Diyablo. Nang maglaon, ipinaliwanag ng isang anghel kay Juan na ang pitong ulo ng isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na siyang larawan ng mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, ay kumakatawan sa “pitong hari,” o mga gobyerno. (Apoc. 13:14, 15; 17:3, 9, 10) Nang isulat ni Juan ang pangitain, lima sa mga iyon ang bumagsak na, isa ang nasa kapangyarihan, at ang isa ay “hindi pa dumarating.” Saan tumutukoy ang mga kaharian, o mga kapangyarihang pandaigdig, na iyon? Talakayin natin ang bawat ulo ng mabangis na hayop na inilalarawan sa Apocalipsis. Makikita rin natin kung paanong ang mga isinulat ni Daniel ay nagdagdag ng mahahalagang detalye hinggil sa mga kahariang ito, kung minsan, maraming siglo bago pa lumitaw ang mga kahariang ito.
EHIPTO AT ASIRYA—ANG UNANG DALAWANG ULO
7. Sa ano kumakatawan ang unang ulo, at bakit?
7 Ang unang ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Ehipto. Bakit? Sapagkat ang Ehipto ang unang kapangyarihang pandaigdig na nakipag-alit sa bayan ng Diyos. Ang mga inapo ni Abraham—na pagmumulan ng ipinangakong binhi ng babae—ay dumami sa Ehipto. Pagkatapos, siniil ng Ehipto ang Israel. Sinikap ni Satanas na lipulin ang bayan ng Diyos bago pa man dumating ang binhi. Paano? Inudyukan niya si Paraon na patayin ang lahat ng batang lalaking Israelita. Binigo iyon ni Jehova at pinalaya ang kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Ex. 1:15-20; 14:13) Pagkatapos, ibinigay niya sa mga Israelita ang Lupang Pangako.
8. Sa ano kumakatawan ang ikalawang ulo, at ano ang tinangka nitong gawin?
8 Ang ikalawang ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Asirya. Tinangka rin ng makapangyarihang kaharian na ito na lipulin ang bayan ng Diyos. Totoo, ginamit ni Jehova ang Asirya para parusahan ang sampung-tribong kaharian dahil sa kanilang idolatriya at paghihimagsik. Pero pagkatapos ay sinalakay ng Asirya ang Jerusalem. Malamang ay gustong lipulin ni Satanas ang maharlikang angkan na pagmumulan ni Jesus. Ang pagsalakay na ito ay hindi bahagi ng layunin ni Jehova kung kaya makahimala niyang iniligtas ang kaniyang tapat na bayan at pinuksa ang mga mananalakay.—2 Hari 19:32-35; Isa. 10:5, 6, 12-15.
BABILONYA—ANG IKATLONG ULO
9, 10. (a) Ano ang ipinahintulot ni Jehova na gawin ng mga Babilonyo? (b) Para matupad ang hula, ano ang kailangang mangyari?
9 Ang ikatlong ulo ng mabangis na hayop na nakita ni Juan ay kumakatawan sa kaharian na ang kabisera ay Babilonya. Pinahintulutan ni Jehova ang mga Babilonyo na pabagsakin ang Jerusalem at dalhing bihag ang kaniyang bayan. Pero bago nito, binabalaan ni Jehova ang mapaghimagsik na mga Israelita na sasapit sa kanila ang ganitong trahedya. (2 Hari 20:16-18) Inihula niya na mapuputol ang linya ng mga taong hari na sinasabing umuupo sa “trono ni Jehova” sa Jerusalem. (1 Cro. 29:23) Pero ipinangako rin ni Jehova na isang inapo ni Haring David, isa na may “legal na karapatan,” ang darating para kuning muli ang awtoridad na iyon.—Ezek. 21:25-27.
10 Ipinahihiwatig din ng isa pang hula na ang mga Judio ay sumasamba sa templo sa Jerusalem kapag dumating ang ipinangakong Mesiyas, o Pinahiran. (Dan. 9:24-27) Ayon sa isang naunang hula, na isinulat bago dalhing bihag ang Israel sa Babilonya, ang taong ito ay ipanganganak sa Betlehem. (Mik. 5:2) Para matupad ang mga hulang iyon, ang mga Judio ay kailangang mapalaya mula sa pagkakabihag, makabalik sa kanilang sariling lupain, at kailangan nilang maitayong muli ang templo. Pero walang patakaran ang Babilonya na magpalaya ng mga bihag. Paano mapagtatagumpayan ang hadlang na iyan? Isiniwalat ni Jehova ang sagot sa kaniyang mga propeta.—Amos 3:7.
11. Sa anu-anong paraan inilalarawan ang Imperyo ng Babilonya? (Tingnan ang talababa.)
11 Kasama si propeta Daniel sa mga bihag na dinala sa Babilonya. (Dan. 1:1-6) Ginamit siya ni Jehova para isiwalat ang sunud-sunod na mga kahariang papalit sa kapangyarihang pandaigdig na iyon. Isiniwalat ni Jehova ang mga lihim na iyon sa pamamagitan ng iba’t ibang simbolo. Halimbawa, binigyan niya ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ng isang panaginip tungkol sa pagkalaki-laking imahen na gawa sa iba’t ibang metal. (Basahin ang Daniel 2:1, 19, 31-38.) Isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ni Daniel na ang ulong ginto ng imahen ay kumakatawan sa Imperyo ng Babilonya.b Ang kapangyarihang pandaigdig naman na papalit sa Babilonya ay isinasagisag ng dibdib at mga bisig na pilak. Ano ang kapangyarihang ito, at paano nito pakikitunguhan ang bayan ng Diyos?
MEDO-PERSIA—ANG IKAAPAT NA ULO
12, 13. (a) Ano ang isiniwalat ni Jehova hinggil sa pagkatalo ng Babilonya? (b) Bakit angkop na ilarawan ang Medo-Persia bilang ikaapat na ulo ng mabangis na hayop?
12 Mahigit isang siglo bago ang panahon ni Daniel, isiniwalat ni propeta Isaias ang mga detalye tungkol sa kapangyarihang pandaigdig na tatalo sa Babilonya. Sinabi ni Jehova hindi lang ang paraan ng pagbagsak ng lunsod ng Babilonya kundi pati ang pangalan ng lulupig dito. Siya ay si Ciro na Persiano. (Isa. 44:28–45:2) Tumanggap si Daniel ng dalawa pang pangitain hinggil sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia. Sa isang pangitain, ang kahariang ito ay inilalarawan bilang isang oso na nakataas sa isang tagiliran. Sinabihan ito na “kumain . . . ng maraming laman.” (Dan. 7:5) Sa isa pang pangitain, nakita naman ni Daniel ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito bilang barakong tupa na may dalawang sungay.—Dan. 8:3, 20.
13 Ginamit ni Jehova ang Imperyo ng Medo-Persia para matupad ang hula hinggil sa pagbagsak ng Babilonya at pagsasauli sa mga Israelita sa kanilang sariling lupain. (2 Cro. 36:22, 23) Pero tinangka ring lipulin ng kapangyarihang ito ang bayan ng Diyos. Iniuulat ng aklat ng Bibliya na Esther ang tungkol sa pakana ng punong ministro ng Persia na si Haman. Pinlano niya ang paglipol sa lahat ng Judiong naninirahan sa malawak na Imperyo ng Persia at nagtakda siya ng petsa kung kailan ito ipatutupad. Pero muling ipinagsanggalang ni Jehova ang Kaniyang bayan mula sa matinding poot ng binhi ni Satanas. (Es. 1:1-3; 3:8, 9; 8:3, 9-14) Kaya naman angkop na inilalarawan ang Medo-Persia bilang ikaapat na ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis.
GRESYA—ANG IKALIMANG ULO
14, 15. Anong mga detalye ang isiniwalat ni Jehova hinggil sa sinaunang Imperyo ng Gresya?
14 Ang ikalimang ulo ng mabangis na hayop ng Apocalipsis ay ang Gresya. Gaya ng pakahulugan ni Daniel sa panaginip ni Nabucodonosor, ang kapangyarihang ito ay isinasagisag ng tiyan at mga hitang tanso ng imahen. Nakatanggap din si Daniel ng dalawang pangitain na nagbibigay ng mahahalagang detalye hinggil sa imperyong ito at sa pinakaprominenteng tagapamahala nito.
15 Sa isang pangitain, nakakita si Daniel ng isang leopardo na may apat na pakpak. Tumutukoy ito sa Gresya na manlulupig nang napakabilis. (Dan. 7:6) Sa isa pang pangitain, inilarawan ni Daniel kung paano mabilis na pinatay ng isang kambing na may malaking sungay ang isang barakong tupa na may dalawang sungay, ang Medo-Persia. Sinabi ni Jehova kay Daniel na ang kambing ay sumasagisag sa Gresya at ang malaking sungay ay lumalarawan sa isa sa mga hari nito. Iniulat pa ni Daniel na ang malaking sungay ay mababali at apat na mas maliliit na sungay ang hahalili rito. Bagaman ang hulang ito ay isinulat mga dalawang siglo bago pa mangibabaw ang Gresya, nagkatotoo ang bawat detalye nito. Si Alejandrong Dakila, na pinakaprominenteng hari ng sinaunang Gresya, ang nanguna sa pakikipaglaban sa Medo-Persia. Pero di-nagtagal, nabali ang sungay na ito dahil ang dakilang hari ay namatay sa rurok ng kaniyang kapangyarihan, sa edad lang na 32. Pagkatapos, ang kaharian niya ay pinaghati-hatian ng apat sa kaniyang mga heneral.—Basahin ang Daniel 8:20-22.
16. Ano ang ginawa ni Antiochus IV?
16 Matapos lupigin ang Persia, pinamahalaan ng Gresya ang Israel. Nang panahong iyon, ang mga Judio ay nakabalik na sa Lupang Pangako at naitayo na nilang muli ang templo sa Jerusalem. Sila pa rin ang piling bayan ng Diyos, at ang muling-itinayong templo pa rin ang sentro ng tunay na pagsamba. Pero noong ikalawang siglo B.C.E., ang Gresya, na ikalimang ulo ng mabangis na hayop, ay sumalakay sa bayan ng Diyos. Si Antiochus IV, isa sa mga tagapagmana ng nahati-hating imperyo ni Alejandro, ay naglagay ng paganong altar sa bakuran ng templo sa Jerusalem at nag-utos na ang sinumang makikibahagi sa pagsamba ng mga Judio ay parurusahan ng kamatayan. Napakatindi ng poot ng binhi ni Satanas! Pero di-nagtagal, ang Gresya ay napalitan bilang kapangyarihang pandaigdig. Ano ang magiging ikaanim na ulo ng mabangis na hayop?
ROMA—ANG IKAANIM NA ULO, “NAKATATAKOT AT KAHILA-HILAKBOT”
17. Anong malaking papel ang ginampanan ng ikaanim na ulo sa katuparan ng Genesis 3:15?
17 Roma ang nangingibabaw na kapangyarihan nang matanggap ni Juan ang pangitain hinggil sa mabangis na hayop. (Apoc. 17:10) Malaking papel ang ginampanan ng ikaanim na ulong ito sa katuparan ng hula sa Genesis 3:15. Ginamit ni Satanas ang mga Romanong opisyal para sugatan “sa sakong” ang binhi. Paano? Nilitis nila si Jesus sa maling paratang na sedisyon at ipinapatay siya. (Mat. 27:26) Pero mabilis ding gumaling ang sugat na iyon dahil binuhay-muli ni Jehova si Jesus.
18. (a) Anong bagong bansa ang pinili ni Jehova, at bakit? (b) Paano patuloy na nagpahayag ng matinding poot sa binhi ng babae ang binhi ng serpiyente?
18 Ang mga lider ng relihiyon ng Israel ay nakipagsabuwatan sa Roma laban kay Jesus, at itinakwil din siya ng karamihan sa bansang Israel. Kaya itinakwil ni Jehova ang likas na Israel bilang kaniyang bayan. (Mat. 23:38; Gawa 2:22, 23) Pumili siya ng isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 3:26-29; 6:16) Ang bansang iyon ay ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano na binubuo ng mga Judio at mga Gentil. (Efe. 2:11-18) Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang binhi ng serpiyente ay patuloy na napoot at nakipaglaban sa binhi ng babae. Hindi lang miminsang tinangka ng Roma na lipulin ang kongregasyong Kristiyano—ang pangalawahing bahagi ng binhi.c
19. (a) Paano inilarawan ni Daniel ang ikaanim na kapangyarihang pandaigdig? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na araling artikulo?
19 Sa panaginip ni Nabucodonosor na ipinaliwanag ni Daniel, ang Roma ay isinasagisag ng mga binting bakal. (Dan. 2:33) Nakakita rin si Daniel ng pangitain na naglalarawan hindi lang sa Imperyo ng Roma kundi pati sa kapangyarihang pandaigdig na magmumula sa Roma. (Basahin ang Daniel 7:7, 8.) Sa loob ng maraming siglo, ang Roma ay nagtinging “nakatatakot at kahila-hilakbot at may di-pangkaraniwang lakas” sa kaniyang mga kaaway. Pero sinasabi ng hula na “sampung sungay” ang magmumula sa imperyong ito. Pagkatapos, “isa pang sungay, na maliit,” ang lilitaw at magiging mas makapangyarihan kaysa sa iba. Sa ano kumakatawan ang sampung sungay, at ano ang maliit na sungay? Aling bahagi ng pagkalaki-laking imahen na nakita ni Nabucodonosor ang katumbas ng maliit na sungay na ito? Sasagutin ng artikulo sa pahina 14 ang mga tanong na ito.
[Mga talababa]
a Ang babaing ito ay kumakatawan sa tulad-asawang organisasyon ni Jehova na binubuo ng mga espiritung nilalang sa langit.—Isa. 54:1; Gal. 4:26; Apoc. 12:1, 2.
b Ang ulo ng imahen sa aklat ng Daniel at ang ikatlong ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis ay parehong lumalarawan sa Babilonya. Tingnan ang tsart sa pahina 12-13.
c Nang wasakin ng Roma ang Jerusalem noong 70 C.E., hindi na Israel ang piling bayan ng Diyos. Kaya ang pagwasak sa Jerusalem ay hindi katuparan ng Genesis 3:15.
-
-
Isinisiwalat ni Jehova ang “Kailangang Maganap sa Di-kalaunan”Ang Bantayan—2012 | Hunyo 15
-
-
Isinisiwalat ni Jehova ang “Kailangang Maganap sa Di-kalaunan”
“Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.”—APOC. 1:1.
1, 2. (a) Paano nakatutulong sa atin ang mga hula nina Daniel at Juan? (b) Sa ano kumakatawan ang unang anim na ulo ng mabangis na hayop?
TINUTULUNGAN tayo ng mga hula nina Daniel at Juan na maunawaan ang kahulugan ng mga nangyayari at mangyayari sa daigdig. Ano ang matututuhan natin kung paghahambing-hambingin natin ang pangitain ni Juan hinggil sa mabangis na hayop, ang ulat ni Daniel hinggil sa nakatatakot na hayop na may sampung sungay, at ang pagpapakahulugan ni Daniel sa pagkalaki-laking imahen? Paano ito dapat makaapekto sa atin?
2 Talakayin natin ang pangitain ni Juan hinggil sa mabangis na hayop. (Apoc., kab. 13) Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang unang anim na ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Lahat ng ito ay napoot sa binhi ng babae. (Gen. 3:15) Ang Roma, na ikaanim na ulo, ay nanatiling makapangyarihan maraming siglo matapos isulat ni Juan ang kaniyang pangitain. Pero ang Roma ay hahalinhan ng kapangyarihang pandaigdig na isinasagisag ng ikapitong ulo. Ano ito, at paano ito makikitungo sa binhi ng babae?
NAGING MAKAPANGYARIHAN ANG BRITANYA AT ANG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA
3. Sa ano kumakatawan ang nakatatakot na hayop na may sampung sungay, at ano ang inilalarawan ng sampung sungay?
3 Malalaman natin kung saan tumutukoy ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop ng Apocalipsis kabanata 13 kung paghahambingin natin ang pangitain ni Juan at ang pangitain ni Daniel hinggil sa isang nakatatakot na hayop na may sampung sungay.a (Basahin ang Daniel 7:7, 8, 23, 24.) Ang hayop na nakita ni Daniel ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma. (Tingnan ang tsart sa pahina 12-13.) Noong ikalimang siglo C.E., nagsimulang magkawatak-watak ang Imperyo ng Roma. Ang sampung sungay na tumubo sa ulo ng nakatatakot na hayop na iyon ay kumakatawan sa mga kahariang nagmula sa imperyong iyon.
4, 5. (a) Ano ang ginawa ng maliit na sungay? (b) Saan kumakatawan ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop?
4 Apat sa mga sungay, o kaharian, na tumubo sa ulo ng mabangis na hayop, ang binigyan ng pantanging pansin. Tatlo ang nabunot dahil sa pagsulpot ng “isa pang sungay, na maliit.” Natupad ang hulang ito nang maging prominente ang Britanya, na dating himpilan ng Imperyo ng Roma. Bago ang ika-17 siglo, hindi gaanong makapangyarihan ang Britanya. Mas maimpluwensiya pa rito ang tatlong ibang rehiyon ng sinaunang Imperyo ng Roma—ang Espanya, Netherlands, at Pransiya. Isa-isang binunot ng Britanya ang mga kapangyarihang iyon, anupat inalis sila sa kanilang katanyagan. Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-18 siglo, ang Britanya ay nagsimula nang maging makapangyarihan sa daigdig. Pero nang panahong iyon, hindi pa ito ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop.
5 Bagaman nangibabaw ang Britanya, ang mga kolonya nito sa Hilagang Amerika ay tumiwalag. Pero ang Estados Unidos ay pinahintulutang lumakas, at pinrotektahan ito ng kapangyarihang pandagat ng Britanya. Nang magsimula ang araw ng Panginoon noong 1914, ang Britanya ang naging pinakamalaking imperyo sa kasaysayan at ang Estados Unidos naman ang pinakamakapangyarihan pagdating sa komersiyo.b Noong Digmaang Pandaigdig I, ang Estados Unidos ay nagkaroon ng espesyal na alyansa sa Britanya. Lumitaw na ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop bilang ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Paano pinakitunguhan ng ulong ito ang binhi ng babae?
6. Paano pinakitunguhan ng ikapitong ulo ang bayan ng Diyos?
6 Sa pasimula pa lamang ng araw ng Panginoon, sinalakay na ng ikapitong ulo ang bayan ng Diyos—ang nalalabing mga kapatid ni Kristo sa lupa. (Mat. 25:40) Ipinahiwatig ni Jesus na sa kaniyang pagkanaririto, isang nalabi ng binhi ang magiging aktibo sa lupa. (Mat. 24:45-47; Gal. 3:26-29) Nakipagdigma ang Anglo-Amerika sa mga banal na ito. (Apoc. 13:3, 7) Noong Digmaang Pandaigdig I, siniil nito ang bayan ng Diyos, ipinagbawal ang ilan sa kanilang literatura, at ibinilanggo ang mga kinatawan ng uring tapat na alipin. Sa loob ng ilang panahon, halos napatigil ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop ang gawaing pangangaral. Patiunang nakita ni Jehova ang pangyayaring ito at isiniwalat niya ito kay Juan. Sinabi rin ng Diyos kay Juan na ang pangalawahing bahagi ng binhi ay muling pasisiglahin para sa higit pang espirituwal na gawain. (Apoc. 11:3, 7-11) Ipinakikita ng makabagong-panahong kasaysayan ng mga lingkod ni Jehova na nangyari nga ang mga ito.
ANG KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG NA ANGLO-AMERIKANO AT ANG MGA PAANG BAKAL AT LUWAD
7. Ano ang kaugnayan ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop at ng pagkalaki-laking imahen?
7 Ano ang kaugnayan ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop at ng pagkalaki-laking imahen? Ang Britanya—at kung palalawakin, pati ang Estados Unidos—ay nagmula sa Imperyo ng Roma. Ano ang sinasabi tungkol sa mga paa ng imahen? Inilalarawan ang mga ito bilang pinaghalong bakal at luwad. (Basahin ang Daniel 2:41-43.) Ang deskripsiyong ito ay tumutukoy sa panahon kapag naging prominente ang ikapitong ulo—ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Kung paanong ang bakal na hinaluan ng luwad ay mas mahina kaysa sa purong bakal, ang Anglo-Amerika ay mas mahina rin kaysa sa kapangyarihang pinagmulan nito. Sa anong paraan?
8, 9. (a) Paano ipinakita ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig ang tulad-bakal na lakas nito? (b) Saan kumakatawan ang luwad sa paa ng imahen?
8 May mga panahong ipinakikita ng ikapitong ulo ng mabangis na hayop ang tulad-bakal na katangian nito. Halimbawa, nagtagumpay ito noong Digmaang Pandaigdig I. Noong Digmaang Pandaigdig II, nakita rin ang kapangyarihan ng ikapitong ulo.c Pagkatapos ng digmaang iyon, paminsan-minsan ay ipinakikita pa rin ng ikapitong ulo ang tulad-bakal na mga katangian nito. Pero mula nang lumitaw ito, ang bakal ay nahaluan ng luwad.
9 Matagal nang sinisikap ng mga lingkod ni Jehova na maunawaan ang makasagisag na kahulugan ng mga paa ng imahen. Sinasabi ng Daniel 2:41 na ang pinaghalong bakal at luwad ay iisang “kaharian,” hindi marami. Kaya ang luwad ay kumakatawan sa mga elemento sa ilalim ng pamamahala ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, mga elementong nagpapahina rito kung ihahambing sa purong bakal na Imperyo ng Roma. Ang luwad ay tinukoy bilang “supling ng sangkatauhan”—ang karaniwang mga tao. (Dan. 2:43) Sa ilalim ng Anglo-Amerika, ang mga tao ay nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga kampanya para sa karapatang sibil, mga unyon, at kilusang militante. Pinahihina ng karaniwang mga tao ang tulad-bakal na lakas ng Anglo-Amerika. Bukod diyan, dahil sa nagkakasalungatang mga ideolohiya at mahihigpit na labanan sa eleksiyon, humina ang kapangyarihan maging ng kilaláng mga lider, anupat nahihirapan silang ipatupad ang kanilang mga patakaran. Inihula ni Daniel: “Ang kaharian ay magiging malakas nang bahagya at magiging marupok nang bahagya.”—Dan. 2:42; 2 Tim. 3:1-3.
10, 11. (a) Ano ang mangyayari sa “mga paa” ng imahen? (b) Ano ang masasabi natin tungkol sa bilang ng mga daliri sa paa ng imahen?
10 Ngayong ika-21 siglo, patuloy ang espesyal na alyansa ng Britanya at Estados Unidos, anupat kadalasa’y magkasama nilang hinaharap ang mga pangyayari sa daigdig. Ipinakikita ng mga hula hinggil sa pagkalaki-laking imahen at sa mabangis na hayop na wala nang kapangyarihang pandaigdig na hahalili sa Anglo-Amerika. At bagaman mas mahina ito kaysa sa kapangyarihang isinasagisag ng mga binting bakal, hindi ito kusang babagsak.
11 May pantanging kahulugan ba ang bilang ng mga daliri sa paa ng imahen? Pag-isipan ito: Sa ibang pangitain, bumanggit si Daniel ng espesipikong mga numero—halimbawa, ang bilang ng sungay sa ulo ng iba’t ibang hayop. May kahulugan ang mga bilang na iyon. Pero nang ilarawan niya ang imahen, hindi binanggit ni Daniel ang bilang ng mga daliri. Kaya walang pantanging kahulugan ang bilang ng mga daliri sa paa, kung paanong wala ring pantanging kahulugan ang bilang ng mga bisig, kamay, daliri, binti, at paa ng imahen. Pero espesipikong sinabi ni Daniel na ang mga daliri sa paa ng imahen ay gawa sa bakal at luwad. Batay sa kaniyang paglalarawan, masasabi natin na ang Anglo-Amerika ang kapangyarihang pandaigdig na nangingibabaw kapag ang “bato,” na kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, ay tumama sa mga paa ng imahen.—Dan. 2:45.
ANG ANGLO-AMERIKA AT ANG MABANGIS NA HAYOP NA MAY DALAWANG SUNGAY
12, 13. Saan kumakatawan ang mabangis na hayop na may dalawang sungay, at ano ang ginawa nito?
12 Bagaman ang Anglo-Amerika ay pinaghalong bakal at luwad, ipinakikita ng mga pangitaing ibinigay ni Jesus kay Juan na ang kapangyarihang ito ay patuloy na gaganap ng malaking papel sa mga huling araw. Paano? Nakita ni Juan sa pangitain ang isang mabangis na hayop na may dalawang sungay at nagsasalitang gaya ng isang dragon. Saan kumakatawan ang kakaibang hayop na ito? Mayroon itong dalawang sungay, kaya isa itong tambalang kapangyarihan. Nakikita ni Juan ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, pero sa naiibang papel nito.—Basahin ang Apocalipsis 13:11-15.
13 Itinataguyod ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ang paggawa ng isang larawan ng mabangis na hayop na may pitong ulo. Isinulat ni Juan na ang larawang ito ng mabangis na hayop ay lilitaw, maglalaho, at muling babangon. Ganiyan nga ang nangyari sa isang organisasyong itinaguyod ng Britanya at ng Estados Unidos, isang organisasyong may layuning pagkaisahin at katawanin ang mga kaharian sa daigdig.d Lumitaw ang organisasyong ito pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I at nakilala bilang Liga ng mga Bansa. Naglaho ito nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Noong digmaang iyon, ipinahayag ng bayan ng Diyos na ayon sa hula ng Apocalipsis, muling babangon ang larawan ng mabangis na hayop. At bumangon nga ito—bilang ang United Nations.—Apoc. 17:8.
14. Sa anong diwa “ikawalong hari” ang larawan ng mabangis na hayop?
14 Sinabi ni Juan na ang larawang ito ng mabangis na hayop ay “ikawalong hari.” Sa anong diwa? Hindi ito ikawalong ulo ng orihinal na mabangis na hayop, kundi larawan lamang ng mabangis na hayop na iyon. Ang kapangyarihan nito ay nagmumula sa mga bansang miyembro nito, lalo na sa pangunahing tagapagtaguyod nito, ang Anglo-Amerika. (Apoc. 17:10, 11) Pero tumanggap ito ng awtoridad na kumilos bilang hari at magsagawa ng espesipikong atas na magiging mitsa ng sunud-sunod na pangyayaring babago sa takbo ng kasaysayan.
LALAMUNIN NG LARAWAN NG MABANGIS NA HAYOP ANG PATUTOT
15, 16. Saan kumakatawan ang patutot, at ano ang nangyari sa mga sumusuporta sa kaniya?
15 Ayon kay Juan, isang makasagisag na patutot ang nakaupo at nagmamaniobra sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na larawan ng mabangis na hayop. Ang pangalan ng patutot ay “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 17:1-6) Angkop nga na ang patutot na ito ay kumakatawan sa lahat ng huwad na relihiyon, pangunahin na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sinusuportahan ng mga relihiyosong organisasyon ang larawan ng mabangis na hayop at sinisikap na impluwensiyahan ito.
16 Pero sa araw ng Panginoon, nakikita ng Babilonyang Dakila ang mabilis na pagkatuyo ng tubig na kinauupuan niya—ang mga taong sumusuporta sa kaniya. (Apoc. 16:12; 17:15) Halimbawa, nang unang lumitaw ang larawan ng mabangis na hayop, nangingibabaw sa mga bansa sa Kanluran ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan—ang maimpluwensiyang bahagi ng Babilonyang Dakila. Sa ngayon, nawala na ang paggalang at suporta ng masa sa mga simbahan at sa kanilang mga ministro. Sa katunayan, marami ang naniniwala na ang relihiyon ay nakadaragdag sa kaguluhan o nagiging sanhi mismo nito. Parami nang paraming militanteng grupo ng mga intelektuwal sa Kanluran ang nananawagan na wakasan na ang impluwensiya ng relihiyon sa lipunan.
17. Ano ang malapit nang mangyari sa huwad na relihiyon, at bakit?
17 Gayunman, hindi basta-basta maglalaho ang huwad na relihiyon. Ang patutot ay mananatiling maimpluwensiya, at sisikapin niyang mapasunod ang mga hari hanggang sa itanim ng Diyos ang isang ideya sa puso ng mga nasa kapangyarihan. (Basahin ang Apocalipsis 17:16, 17.) Malapit nang udyukan ni Jehova ang pulitikal na mga elemento ng sistema ni Satanas—kinakatawanan ng United Nations—na salakayin ang huwad na relihiyon. Wawasakin nila ang impluwensiya at kayamanan nito. Waring imposibleng mangyari ito noong nagdaang mga dekada. Pero ngayon, nanganganib nang mahulog ang patutot mula sa likod ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Gayunman, hindi siya dadausdos sa kinauupuan niya kundi biglang-bigla siyang babagsak.—Apoc. 18:7, 8, 15-19.
ANG KATAPUSAN NG MABABANGIS NA HAYOP
18. (a) Ano ang gagawin ng mabangis na hayop, at ano ang magiging resulta nito? (b) Ayon sa Daniel 2:44, anong mga kaharian ang wawasakin ng Kaharian ng Diyos? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.)
18 Matapos mawasak ang huwad na relihiyon, ang mabangis na hayop—ang pulitikal na kaayusan ni Satanas sa lupa—ay uudyukang sumalakay sa Kaharian ng Diyos. Pero dahil hindi nila maabot ang langit, ibubuhos ng mga hari sa lupa ang kanilang galit sa mga taong sumusuporta sa Kaharian ng Diyos. Tiyak ang kalalabasan. (Apoc. 16:13-16; 17:12-14) Inilalarawan ni Daniel ang mangyayari sa pangwakas na digmaan. (Basahin ang Daniel 2:44.) Ang mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, ang larawan nito, at ang mabangis na hayop na may dalawang sungay ay pupuksain.
19. Sa ano tayo makapagtitiwala, at ngayon na ang panahon para gawin ang ano?
19 Nabubuhay tayo sa panahon ng ikapitong ulo. Wala nang panibagong ulo na lilitaw sa mabangis na hayop bago ito puksain. Ang Anglo-Amerika ang siyang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig kapag nilipol ang huwad na relihiyon. Matutupad ang mga hula nina Daniel at Juan hanggang sa kaliit-liitang detalye. Makapagtitiwala tayong malapit nang maganap ang pagpuksa sa huwad na relihiyon at ang digmaan ng Armagedon. Patiunang isiniwalat ng Diyos ang mga detalyeng ito. Magbibigay-pansin ba tayo sa makahulang mga babala? (2 Ped. 1:19) Ngayon na ang panahon para pumanig kay Jehova at suportahan ang kaniyang Kaharian.—Apoc. 14:6, 7.
[Mga talababa]
a Sa Bibliya, ang bilang na sampu ay karaniwang sumasagisag sa isang kumpletong grupo—sa kasong ito, sa lahat ng kahariang nagmula sa Imperyo ng Roma.
b Umiiral na ang Imperyo ng Britanya at ang Estados Unidos noong ika-18 siglo. Pero ayon sa pangitain ni Juan, ang mga ito ay magiging isang tambalang kapangyarihang pandaigdig sa pagsisimula pa ng araw ng Panginoon. Ang mga pangitaing nakaulat sa Apocalipsis ay mga hula hinggil sa “araw ng Panginoon.” (Apoc. 1:10) Noon lamang Digmaang Pandaigdig I nagsimulang kumilos ang ikapitong ulo bilang tambalang kapangyarihang pandaigdig.
c Patiunang nakita ni Daniel ang gagawing pagpuksa ng haring ito sa digmaang iyon. Isinulat niya: “Sa kamangha-manghang [kakila-kilabot na] paraan ay manggigiba siya.” (Dan. 8:24) Halimbawa, walang kapantay ang panggigiba, o pagwasak, ng Estados Unidos nang magbagsak ito ng dalawang bomba atomika sa isang kaaway ng Anglo-Amerika.
d Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 240, 241, 253.
[Kahon sa pahina 17]
SAAN TUMUTUKOY ANG PANANALITANG “LAHAT NG MGA KAHARIANG ITO”?
Sinasabi ng hula sa Daniel 2:44 na “dudurugin . . . at wawakasan [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito.” Ang tinutukoy lang ng hulang ito ay ang mga kahariang inilalarawan ng iba’t ibang bahagi ng imahen.
Paano naman ang lahat ng iba pang pamahalaan ng tao? Sinasagot ito ng isang katulad na hula sa Apocalipsis. Ipinakikita ng hulang iyon na ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay titipunin laban kay Jehova sa “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apoc. 16:14; 19:19-21) Kaya hindi lang ang mga kahariang inilalarawan ng imahen ang mapupuksa sa Armagedon kundi ang lahat ng iba pang pamahalaan ng tao.
-
-
Isiniwalat ang Walong HariAng Bantayan—2012 | Hunyo 15
-
-
Isiniwalat ang Walong Hari
Kung magkasamang isasaalang-alang ang mga aklat ng Bibliya na Daniel at Apocalipsis, matutukoy natin hindi lang ang pagkakakilanlan ng walong hari, o mga pamamahala ng tao, kundi pati ang pagkakasunud-sunod ng mga ito. Maiintindihan natin ang mga hulang iyon habang nauunawaan natin ang kahulugan ng kauna-unahang hula na nakaulat sa Bibliya.
Sa buong kasaysayan, inorganisa ni Satanas ang kaniyang binhi upang bumuo ng iba’t ibang gobyerno o kaharian. (Luc. 4:5, 6) Pero iilang kaharian lang ng tao ang nagkaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos—sa bansang Israel man o sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. Walo lamang sa gayong mga kapangyarihan ang inilalarawan sa mga pangitain nina Daniel at Juan.
[Chart/Mga larawan sa pahina 12, 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA HULA SA MGA HULA SA
AKLAT NG DANIEL APOCALIPSIS
1. Ehipto
2. Asirya
3. Babilonya
4. Medo-
Persia
5. Gresya
6. Roma
7. Britanya at
E.U.A.a
8. Liga ng mga Bansa
at United Nations*
BAYAN NG DIYOS
2000 B.C.E.
Abraham
1500
Bansang Israel
1000
Daniel 500
B.C.E./C.E.
Juan
Israel ng Diyos 500
1000
1500
2000 C.E.
[Talababa]
[Mga larawan]
Ang pagkalaki-laking imahen (Dan. 2:31-45)
Apat na mabangis na hayop na umahon mula sa dagat (Dan. 7:3-8, 17, 25)
Ang barakong tupa at ang kambing (Dan., kab. 8)
Ang mabangis na hayop na may pitong ulo (Apoc. 13:1-10, 16-18)
Itinataguyod ng hayop na may dalawang sungay ang paggawa ng larawan ng mabangis na hayop (Apoc. 13:11-15)
[Credit Lines]
Photo credits: Egypt and Rome: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Medo-Persia: Musée du Louvre, Paris
-