MULA SA AMING ARCHIVE
Ibinigay Nila ang Pinakamaganda
Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, nasira ang marami sa mga lunsod sa Germany, walang laman ang mga paaralan, hindi magamit ang mga ospital, at nagkalat ang mga bomba sa paligid. Kulang din ang suplay ng pagkain, kaya napakamahal ng mga bilihin. Halimbawa, sa black market, ang presyo ng kalahating kilo ng butter ay katumbas ng anim na linggong suweldo!
Kasama sa mga naapektuhan ang daan-daang Saksi ni Jehova na ilang taóng nakakulong sa mga bilangguan at kampong piitan dahil sa kanilang pananampalataya. Pinalaya sila noong 1945, pero damit-pampreso lang ang dala-dala nila. Nawalan naman ng ari-arian ang ilang Saksi. Ang iba naman, walang makain kaya hinimatay sila habang nagpupulong.
Tumulong Agad ang mga Saksi Mula sa Ibang Bansa
Ang mga Saksi ni Jehova mula sa ibang bansa ay agad na nagpadala ng mga pagkain at damit. Hinilingan ng pandaigdig na punong-tanggapan sa United States ang tanggapang pansangay sa Bern, Switzerland, na tulungan ang mga kapatid sa Germany. Bumisita sa Europe si Nathan H. Knorr, kinatawan ng punong-tanggapan, para organisahin at pabilisin ang relief operation.
Si Nathan H. Knorr na nagpapahayag sa Wiesbaden, Germany, noong 1947. Makikita sa itaas ang taunang teksto sa wikang German: “Purihin ninyo si Jehova, kayong lahat na mga bansa”
Maraming ibinigay na pagkain, damit, at pera ang mga Saksi na taga-Switzerland. Ipinadala muna ito sa Bern, at inayos ito doon bago ipadala sa Germany. Tumulong din ang ibang Saksi mula sa ibang bansa, gaya ng Sweden, Canada, at United States. Hindi lang mga kapatid sa Germany ang natulungan kundi pati na ang mga kapatid na naapektuhan ng digmaan sa Europe at Asia.
Kahanga-hangang Resulta
Sa loob ng ilang buwan, nakapagpadala ang sangay sa Switzerland ng kape, gatas, asukal, cereal, dried fruit, mga gulay, at de-latang karne at isda. Nagbigay rin sila ng pera.
Nakapagbigay rin ang mga Saksi na taga-Switzerland ng limang tonelada ng damit, gaya ng overcoat, damit para sa babae, at mga amerikana. Sinabi ng The Watchtower, isyu ng Enero 15, 1946: “Ibinigay ng mga kapatid, hindi ang mabababang klase, kundi ang pinakamagaganda. Talagang nagsakripisyo sila para matulungan ang mga kapatid sa Germany.”
Nagbigay rin ang mga Saksi na taga-Switzerland ng halos 1,000 pares ng sapatos. Tiniyak muna nila na wala itong sira bago nila ito ipinadala. Nagulat ang mga kapatid sa Wiesbaden, Germany nang makita nila na magagandang klase ang ipinadala sa kanila. Isinulat ng isang Saksi, “Walang ganito kagagandang klase ng damit sa mga tindahan sa Germany.”
Nagpatuloy ang pagpapadala ng relief hanggang noong Agosto 1948. Sa kabuoan, nakapagpadala ang mga Saksi na taga-Switzerland sa mga kapatid natin sa Germany ng 444 na crate ng relief good na may timbang na 25 tonelada. Gaya ng nabanggit na, hindi lang ang mga Saksi na taga-Switzerland ang tumulong sa relief work. Pero isa sila sa pinakamaliit na grupo na kasali sa relief work na ito. Noong panahong iyon, mayroon lang 1,600 Saksi sa Switzerland!
‘Mahalin Ninyo ang Isa’t Isa’
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) Pag-ibig ang nagpakilos sa bayan ni Jehova na magbigay, hindi ng kanilang tira-tira, kundi ng pinakamaganda. (2 Corinto 8:1-4) Mababasa sa isang liham mula sa Zurich na “marami sa mga kapatid ang walang-wala, pero gusto pa ring tumulong. Kaya ibinigay nila ang [kanilang] card para sa rasyon ng pagkain at pera.”
Nakabangon agad ang bayan ni Jehova sa Germany mula sa pang-uusig at hirap na epekto ng digmaan. Isa sa mga dahilan ay ang pagiging organisado at pagkabukas-palad ng mga kapatid na handang magsakripisyo dahil sa pag-ibig.