Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Dapat Ba Akong Magpabautismo?​—Bahagi 1: Ang Kahulugan ng Bautismo
    Tanong ng mga Kabataan
    • Kabataang lalaki na binabautismuhan sa isang pool sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.

      TANONG NG MGA KABATAAN

      Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 1: Ang Kahulugan ng Bautismo

      Taon-taon, maraming kabataang pinalaki sa pamilyang Saksi ang nababautismuhan. Pinag-iisipan mo na bang magpabautismo? Kung oo, kailangan mo munang maintindihan ang kahulugan ng pag-aalay at bautismo.

      • Ano ang bautismo?

      • Ano ang pag-aalay?

      • Bakit mahalaga ang bautismo?

      • Ang sinasabi ng ibang kabataan

      • Mga maling akala at ang totoo

      Ano ang bautismo?

      Sa Bibliya, ang bautismo ay ang lubusang paglulubog sa tubig—hindi lang basta pagwiwisik nito—at napakahalaga ng kahulugan nito.

      • Sa paglubog sa iyo sa tubig sa panahon ng bautismo, ipinapakita mo sa iba na hindi ka na mabubuhay para lang gawin ang gusto mo.

      • Sa pag-ahon sa iyo sa tubig, ipinapakita mo na mamumuhay ka na sa paraang gusto ng Diyos.

      Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mo sa lahat na kinikilala mong si Jehova ang may awtoridad na magtakda ng pamantayan ng tama at mali at na nangako kang lagi mong gagawin ang gusto niya.

      Pag-isipan: Bakit mo gugustuhing sumunod kay Jehova sa buong buhay mo? Tingnan ang 1 Juan 4:19 at Apocalipsis 4:11.

      Ano ang pag-aalay?

      Bago ka magpabautismo, kailangan mo munang ialay ang sarili mo kay Jehova. Paano?

      Sa personal mong panalangin, ipapangako mo kay Jehova na paglilingkuran mo siya magpakailanman at na gagawin mo ang gusto niya anuman ang mangyari o gawin ng iba.

      Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mo sa iba na nakapag-alay ka na. Ipinapakita rin nito na si Jehova na ang nagmamay-ari sa iyo, hindi na ang sarili mo.—Mateo 16:24.

      Pag-isipan: Bakit mapapabuti ka kung si Jehova na ang nagmamay-ari sa iyo? Tingnan ang Isaias 48:17, 18 at Hebreo 11:6.

      Bakit mahalaga ang bautismo?

      Sinabi ni Jesus na dapat magpabautismo ang mga gustong maging alagad niya. (Mateo 28:19, 20) Kaya kahilingan pa rin ang bautismo para sa mga Kristiyano. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na kailangan ito para maligtas.—1 Pedro 3:21.

      Pero dapat na ang motibo mo sa pagpapabautismo ay dahil mahal mo si Jehova at mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo sa kaniya. Dapat na ang saloobin mo ay katulad ng sa salmista, na nagsabi: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin? . . Tatawag ako sa pangalan ni Jehova. Tutuparin ko ang mga panata ko kay Jehova.”—Awit 116:12-14.

      Pag-isipan: Anong kabutihan ang ginawa sa iyo ni Jehova, at paano mo iyon gagantihan? Tingnan ang Deuteronomio 10:12, 13 at Roma 12:1.

      Ang sinasabi ng ibang kabataan

      Si Mijin.

      “Sa pag-aalay, nangako ka kay Jehova, at seryosong bagay iyan. Pero kapag nakapag-alay ka na kay Jehova, tatanggap ka ng maraming pagpapala. Ang totoo, mas alam niya kung ano ang makakabuti sa atin kaysa sa sarili natin.”—Mijin.

      Si Ember.

      “Naipakita na ni Jehova kung gaano ka niya kamahal. Kapag nagpabautismo ka, maipapakita mo namang mahal na mahal mo siya. Napakalaking pribilehiyo at pagpapala ang mabautismuhan!”—Ember.

      Si Julian.

      “Ang pinakamahalagang desisyon na puwedeng gawin ng isang tao ay ang ialay ang buhay niya sa Diyos at magpabautismo. Pero huwag kang matakot. Kung handa ka na at tama ang motibo mo, ito ang pinakamagandang desisyon na magagawa mo.”—Julian.

      Mga maling akala at ang totoo

      MALING AKALA — Mga adulto lang ang puwedeng magpabautismo.

      ANG TOTOO​— Hindi sukatan ang edad sa pagpapabautismo, kundi nasusukat ito sa pag-ibig ng isa kay Jehova at sa kagustuhan niyang sundin Siya. Halimbawa, nakapaglingkod sa Diyos sina Jose, Samuel, at Josias kahit noong bata pa sila. Ganiyan din ang ginagawa ng maraming kabataan sa ngayon.

      Sinasabi ng Bibliya: “Kahit bata ay makikilala sa kilos niya, kung ang ugali niya ay malinis at matuwid.”—Kawikaan 20:11.

      MALING AKALA — Kung nagpapabautismo na ang mga kaibigan mo, dapat magpabautismo ka na rin.

      ANG TOTOO — Personal na desisyon ang pag-aalay at pagpapabautismo, at gagawin mo iyon dahil iyon talaga ang gusto mo. Hindi mo ito gagawin dahil lang sa nagpapabautismo na ang mga kaedaran mo o dahil iniisip mo na ito ang inaasahan sa iyo ng iba.

      Sinasabi ng Bibliya: “Kusang-loob na ihahandog ng bayan [ng Diyos] ang kanilang sarili.”—Awit 110:3.

      MALING AKALA — Kung hindi ka pa bautisado, hindi ka mananagot sa mga ginagawa mo.

      ANG TOTOO — Mananagot ka kay Jehova, hindi kapag nabautismuhan ka na, kundi kapag alam mo na ang tama at mali.

      Sinasabi ng Bibliya: “Kung alam ng isang tao kung paano gawin ang tama pero hindi niya ito ginagawa, nagkakasala siya.”—Santiago 4:17.

      TIP: Kung sa tingin mo, mabigat na pananagutan ang mag-alay at magpabautismo, bakit hindi suriin ang sarili mo at tingnan kung paano mo madadaig ang takot? Makakatulong sa iyo ang Kabanata 3 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2.

      Review: Bakit mahalaga ang bautismo?

      • Sinabi ni Jesus na dapat magpabautismo ang mga gustong maging alagad niya.

      • Ang bautismo ay kailangan para maligtas.

      • Isang malaking pribilehiyo ang maglingkod kay Jehova bilang nakaalay at bautisadong Kristiyano.

  • Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 2: Paghahanda Para sa Bautismo
    Tanong ng mga Kabataan
    • Kabataang babae na nagre-research tungkol sa pagpapabautismo, gamit ang Bibliya at mga publikasyon.

      TANONG NG MGA KABATAAN

      Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 2: Paghahanda Para sa Bautismo

      Kung sinusunod mo na ang mga pamantayan sa Bibliya at nagsisikap na maging kaibigan ng Diyos, natural lang na pinag-iisipan mo na ang pagpapabautismo. Paano mo malalaman na handa ka na?a

      Sa artikulong ito

      • Sapat na ba ang alam ko?

      • Ano’ng dapat kong gawin?

      • Ang sinasabi ng ibang kabataan

      Sapat na ba ang alam ko?

      Kapag naghahanda ka para sa bautismo, hindi mo kailangang mag-memorize ng mga impormasyon, gaya ng ginagawa ng isang tao para makapasa sa exam. Ang kailangan mong gawin ay gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para maging kumbinsido ka na talagang totoo ang itinuturo ng Bibliya. (Roma 12:1) Halimbawa:

      • Kumbinsido ka bang may Diyos at na dapat mo siyang sambahin?

        Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.”—Hebreo 11:6.

        Tanungin ang sarili: ‘Bakit ako naniniwala sa Diyos?’ (Hebreo 3:4) ‘Bakit dapat ko siyang sambahin?’—Apocalipsis 4:11.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?”

      • Kumbinsido ka bang mula sa Diyos ang mensahe ng Bibliya?

        Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, pagsaway, pagtutuwid, at pagdidisiplina ayon sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.

        Tanungin ang sarili: ‘Bakit ako naniniwala na ang nilalaman ng Bibliya ay hindi mula sa tao?’—Isaias 46:10; 1 Tesalonica 2:13.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?—Bahagi 1: Basahin ang Iyong Bibliya.”

      • Kumbinsido ka bang ginagamit ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano para gawin ang kalooban niya?

        Sinasabi ng Bibliya: “Sumakaniya [sa Diyos] nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at ni Kristo Jesus, sa lahat ng henerasyon magpakailanman.”—Efeso 3:21.

        Tanungin ang sarili: ‘Ano ang tingin ko sa mga natututuhan ko sa Kristiyanong pagpupulong—mula sa tao o mula kay Jehova?’ (Mateo 24:45) ‘Dumadalo ba ako sa pulong kahit hindi makakadalo ang mga magulang ko (kung payag naman sila)?’—Hebreo 10:24, 25.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Bakit Magandang Dumalo sa mga Pulong sa Kingdom Hall?”

      Ano’ng dapat kong gawin?

      Hindi mo kailangang maging perpekto para mabautismuhan. Pero dapat makita sa iyo na gusto mo talagang “talikuran . . . ang masama at gawin ang mabuti.” (Awit 34:14) Halimbawa:

      • Sinusunod mo ba ang mga pamantayan ni Jehova?

        Sinasabi ng Bibliya: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.”—1 Pedro 3:16.

        Tanungin ang sarili: ‘Naipapakita ko ba na ang kakayahan kong umunawa ay nasanay nang makakilala ng tama at mali?’ (Hebreo 5:14) ‘May pagkakataon na bang nakapanindigan ako sa panggigipit ng mga kasama ko? Natutulungan ba ako ng mga napili kong kaibigan na gawin ang tama?’—Kawikaan 13:20.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Ko Sasanayin ang Konsensiya Ko?”

      • Naiintindihan mo bang may pananagutan ka sa mga ginagawa mo?

        Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.

        Tanungin ang sarili: ‘Honest ba ako sa sarili ko at sa iba?’ (Hebreo 13:18) ‘Inaamin ko ba ang pagkakamali ko? O itinatago ko iyon o sinisisi ang iba?’—Kawikaan 28:13.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Ko Haharapin ang Aking mga Pagkakamali?”

      • Sinisikap mo bang makipagkaibigan kay Jehova?

        Sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.

        Tanungin ang sarili: ‘Ano’ng ginagawa ko para mapalapít kay Jehova?’ Halimbawa, ‘Gaano ako kadalas magbasa ng Bibliya?’ (Awit 1:1, 2) ‘Regular ba akong nananalangin?’ (1 Tesalonica 5:17) ‘Espesipiko ba akong manalangin? Kaibigan ba ni Jehova ang mga kaibigan ko?’—Awit 15:1, 4.

        Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?—Bahagi 2: Kung Paano Mag-e-enjoy sa Pagbabasa ng Bibliya” at “Bakit Kailangan Kong Manalangin?”

      TIP: Para makapaghanda sa bautismo, basahin ang kabanata 37 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Gawin ang worksheet sa pahina 308 at 309.

      a Basahin ang artikulong “Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 1,” na tungkol sa kahulugan at kahalagahan ng pag-aalay sa Diyos at pagpapabautismo.

      Ang sinasabi ng ibang kabataan

      Si Gabriella.

      “Nakatulong sa ’kin ang worksheet sa bautismo sa aklat na Tanong ng mga Kabataan. Nakita ko ang mga kailangan ko pang i-improve bago ako magpabautismo. Tinulungan din ako nitong magkaroon ng mga goal na puwede kong abutin pagkatapos ng bautismo ko. Malaking responsibilidad ang pag-aalay kay Jehova, pero ito rin ang pinakamagandang pribilehiyo na puwede mong matanggap.”—Gabriella.

      Si Caleb.

      “Sa Bibliya, sinabi kay Timoteo: ‘Patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan.’” (2 Timoteo 3:14) “Pag-aralan mong mabuti ang Salita ng Diyos para talagang makumbinsi ka na totoo ang mga itinuturo nito. Kay Jehova ka mag-aalay—hindi sa ibang tao—kaya y’ong nararamdaman ni Jehova ang dapat na maging pinakamahalaga sa ’yo kapag pinag-iisipan mong magpabautismo.”—Caleb.

      Review: Paano ako maghahanda para sa bautismo?

      Suriin ang mga pinapaniwalaan mo. Kumbinsido ka bang may Diyos? Na dapat mo siyang sambahin? Na ang Bibliya ay Salita ng Diyos? Na gumagamit si Jehova ng isang organisasyon para gawin ang kalooban niya?

      Suriin ang paggawi mo. Sinusunod mo ba ang mga pamantayan ni Jehova? Naiintindihan mo bang may pananagutan ka sa mga ginagawa mo? Sinisikap mo bang makipagkaibigan kay Jehova?

  • Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 3: Ano’ng Pumipigil sa Akin?
    Tanong ng mga Kabataan
    • Isang lalaking binabautismuhan sa lawa habang pinapanood siya ng iba.

      TANONG NG MGA KABATAAN

      Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 3: Ano’ng Pumipigil sa Akin?

      Natatakot ka bang mag-alay kay Jehova at magpabautismo? Matutulungan ka ng artikulong ito na malabanan iyan.

      Sa artikulong ito

      • Paano kung makagawa ako ng malubhang pagkakamali pagkatapos kong magpabautismo?

      • Paano kung natatakot ako sa responsibilidad ng pagiging bautisado?

      • Paano kung pakiramdam ko, hindi ako karapat-dapat maglingkod kay Jehova?

      • Ang sinasabi ng ibang kabataan

      Paano kung makagawa ako ng malubhang pagkakamali pagkatapos kong magpabautismo?

      Bakit may ganiyang pag-aalala? Baka may kilala kang nakagawa ng malubhang pagkakamali at kinailangan siyang alisin sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13) Kaya nag-aalala ka na baka mangyari din iyan sa iyo.

      “No’ng pinag-iisipan kong magpabautismo, takot na takot ako na baka may magawa akong mali. Siguradong malaking kahihiyan ’yon sa mga magulang ko.”—Rebekah.

      Sabi ng Bibliya: “Iwan ng masama ang landas niya . . . Manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, sa ating Diyos, dahil magpapatawad siya nang lubusan.”—Isaias 55:7.

      Pag-isipan ito: Totoo, inaalis sa kongregasyon ang mga nagkasala na hindi nagsisisi. Pero nagpapakita ng awa si Jehova sa mga mapagpakumbabang nagsisisi at handang magbago.—Awit 103:13, 14; 2 Corinto 7:11.

      Isa pa, kahit hindi ka perpekto, malalabanan mo ang tukso sa tulong ni Jehova. (1 Corinto 10:13) Sino ba ang nagdedesisyon sa gagawin mo? Ikaw, o ang ibang tao?

      “Natatakot akong magkasala pagkatapos ng bautismo ko, pero naisip ko na isang malaking pagkakamali kung hindi ako magpapabautismo. Na-realize ko na hindi ako dapat magpapigil sa mga bagay na iniisip kong baka mangyari.”—Karen.

      Tandaan: Nasa iyo rin naman kung pipiliin mong huwag gumawa ng malubhang pagkakamali—gaya ng ginagawa ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova.—Filipos 2:12.

      Baka makatulong ito: Basahin ang “Paano Ko Malalabanan ang Tukso?”

      Paano kung natatakot ako sa responsibilidad ng pagiging bautisado?

      Bakit may ganiyang pag-aalala? Baka may kilala kang mga kabataan na lumipat ng lugar malayo sa pamilya at mga kaibigan nila para mas makapaglingkod kay Jehova. Kaya nag-aalala kang iyan din ang inaasahan sa iyo.

      “Mas marami nang puwedeng gawing paglilingkod kapag bautisado ka na, pero may ilan na hindi pa handa para dito o wala sa kalagayan para gawin ito.”—Marie.

      Sabi ng Bibliya: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—Galacia 6:4.

      Pag-isipan ito: Imbes na ikumpara ang sarili mo sa iba, magpokus sa sinasabi ng Marcos 12:30: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo.”

      Pansinin na dapat mong paglingkuran si Jehova nang buong puso mo—hindi puso ng iba. Kung talagang mahal mo si Jehova, makakahanap ka ng pagkakataon para mapaglingkuran siya nang buong makakaya mo.

      “Seryosong bagay ang pagpapabautismo, pero hindi ito pabigat. Kung sasama ka sa mabubuting kaibigan, matutulungan ka nila. Ang totoo, mas magiging masaya ka kapag tumatanggap ka na ng responsibilidad. Kung hindi ka magpapabautismo, ipinapahamak mo lang ang sarili mo.”—Julia.

      Tandaan: Pahalagahan ang pagmamahal ni Jehova sa iyo. Matutulungan ka nitong ibigay ang buong makakaya mo sa kaniya.—1 Juan 4:19.

      Baka makatulong ito: Basahin ang “Gaano Ako Karesponsable?”

      Paano kung pakiramdam ko, hindi ako karapat-dapat maglingkod kay Jehova?

      Bakit may ganiyang pag-aalala? Si Jehova ang Kataas-taasan sa buong uniberso; wala lang ang tao kumpara sa kaniya! Kaya baka naiisip mong hindi ka napapansin ni Jehova.

      “Saksi ni Jehova ang mga magulang ko, kaya naisip kong baka ‘namana’ ko lang sa kanila ang kaugnayan ko kay Jehova at na hindi naman talaga ako inilapit ni Jehova sa kaniya.”—Natalie.

      Sabi ng Bibliya: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.”—Juan 6:44.

      Pag-isipan ito: Nag-iisip ka nang magpabautismo—posibleng patunay iyan na mas inilalapit ka pa ni Jehova sa kaniya. Hindi ba tama lang na kumilos ka rin para mas mapalapít sa kaniya?

      Tandaan din na si Jehova—hindi ikaw o ang sinuman—ang pumipili ng mga ilalapit niya sa kaniya. At tinitiyak sa iyo ng Salita niya na kapag ‘lumapit ka sa Diyos, lalapit siya sa iyo.’—Santiago 4:8.

      “Dahil nakilala mo si Jehova at inilapit ka niya sa kaniya, patunay iyan na mahal ka niya. Kaya kapag naiisip mong ’di ka karapat-dapat maglingkod sa kaniya, tandaan mong hindi siya sang-ayon diyan. At siyempre, laging tama si Jehova.”—Selina.

      Tandaan: Kung naaabot mo ang mga kahilingan sa Bibliya para sa bautismo, kuwalipikado ka nang maglingkod kay Jehova. At tandaan, karapat-dapat siya sa pagsamba mo.—Apocalipsis 4:11.

      Baka makatulong ito: Basahin ang “Bakit Kailangan Kong Manalangin?”

      Ang sinasabi ng ibang kabataan

      Si Skye.

      “Huwag kang magpapigil sa pagpapabautismo dahil lang sa natatakot kang magkamali. Para lang ’yang pagsali sa takbuhan. Baka sa takot mong madapa, hindi ka na sumali. Pero kapag nadapa ka, puwede ka namang bumangon. Hindi ka makakarating sa finish line kung hindi ka tatakbo.”—Skye.

      Si Vinicio.

      “Hindi dahil takót kang mabangga, hindi ka na kukuha ng lisensiya. Ganiyan din ang bautismo. Dapat tayong magpokus sa pagkakaroon ng matibay na pakikipagkaibigan kay Jehova imbes na mag-alala sa puwedeng mangyari.”—Vinicio.

      Review: Ano’ng pumipigil sa akin na magpabautismo?

      • Takot na makagawa ng malubhang pagkakamali. Nasa iyo rin naman kung pipiliin mong huwag gumawa ng malubhang pagkakamali—gaya ng ginagawa ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova.

      • Takot sa mga responsibilidad. Pahalagahan ang pagmamahal ni Jehova sa iyo. Matutulungan ka nitong ibigay ang buong makakaya mo sa kaniya.

      • Takot na baka hindi ka karapat-dapat. Kung naaabot mo ang mga kahilingan sa Bibliya para sa bautismo, kuwalipikado ka nang maglingkod kay Jehova. At tandaan, karapat-dapat siya sa pagsamba mo.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share