Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w19 Agosto p. 26-28
  • Pananampalataya—Isang Katangiang Nakakapagpalakas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananampalataya—Isang Katangiang Nakakapagpalakas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO ANG PANANAMPALATAYA?
  • KAILANGAN ANG TAMANG KALAGAYAN NG PUSO
  • NAGKAROON SI DAVID NG MALAKAS NA PANANAMPALATAYA
  • PALAKASIN ANG IYONG PANANAMPALATAYA
  • MANAMPALATAYA KAY JESUS
  • “PATIBAYIN NINYO ANG INYONG KABANAL-BANALANG PANANAMPALATAYA”
  • Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • “Bigyan Mo Kami ng Higit Pang Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Isagawa ang Pananampalataya Salig sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
w19 Agosto p. 26-28

Pananampalataya​—Isang Katangiang Nakakapagpalakas

  • PAG-IBIG

  • KAGALAKAN

  • KAPAYAPAAN

  • PAGTITIIS

  • KABAITAN

  • KABUTIHAN

  • PANANAMPALATAYA

  • KAHINAHUNAN

  • PAGPIPIGIL SA SARILI

MAKAPANGYARIHAN ang pananampalataya. Halimbawa, gustong sirain ni Satanas ang kaugnayan natin kay Jehova, pero ang pananampalataya natin ang magsisilbing “panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.” (Efe. 6:16) Dahil dito, nahaharap natin ang gabundok na mga problema. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung may pananampalataya kayo na kasinliit ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at lilipat ito.” (Mat. 17:20) Dahil mapapatibay nito ang kaugnayan natin sa Diyos, dapat nating pag-isipan ang mga tanong na ito: Ano ang pananampalataya? Paano nakakaapekto sa pananampalataya natin ang kalagayan ng ating puso? Paano natin mapapalakas ang ating pananampalataya? At kanino tayo dapat manampalataya?—Roma 4:3.

ANO ANG PANANAMPALATAYA?

Ito ay hindi lang basta paniniwala o pagtanggap sa katotohanan, dahil kahit “ang mga demonyo ay naniniwala [sa Diyos] at nangangatog.” (Sant. 2:19) Kung gayon, ano ang pananampalataya?

Ang daigdig kapag tiningnan mula sa kalawakan

Kung paanong nagtitiwala tayo na laging magkakaroon ng araw at gabi, nagtitiwala rin tayo na laging magkakatotoo ang salita ng Diyos

Sa Bibliya, mayroon itong dalawang aspekto. Una, “ang pananampalataya ay ang paghihintay sa mga bagay na may garantiya.” (Heb. 11:1a) Kung may pananampalataya ka, buo ang pagtitiwala mong matutupad ang lahat ng sinasabi ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Kung masisira ninyo ang tipan ko sa araw at ang tipan ko sa gabi, para hadlangan ang pagdating ng araw at gabi sa takdang panahon nito, saka lang masisira ang tipan ko sa lingkod kong si David.” (Jer. 33:20, 21) Natatakot ka bang baka hindi na sumikat at lumubog ang araw, at mawala na ang araw at gabi? Kung sa tingin mo ay imposibleng tumigil ang pag-ikot ng mundo sa axis nito at sa araw, dapat mo bang pagdudahang tutuparin ng Maylalang nito ang kaniyang mga pangako? Siyempre hindi!—Isa. 55:10, 11; Mat. 5:18.

Ikalawa, ang pananampalataya ay “ang malinaw na katibayan na ang hindi nakikita ay totoo.” Masasabing ito ay “malinaw na katibayan,” o “nakakukumbinsing ebidensiya,” na ang isang bagay ay totoo kahit hindi nakikita. (Heb. 11:1b; tlb.) Sa anong paraan? Ipagpalagay nang tinanong ka ng isang bata, ‘Paano n’yo po nalamang may hangin?’ Kahit hindi mo nakikita ang hangin, malamang na magbigay ka ng mga ebidensiyang nagpapatunay na may hangin—paghinga, mga napapagalaw ng hangin, at iba pa. Kapag nakumbinsi siya, maniniwala siyang totoo ito kahit hindi nakikita. Ganoon din ang pananampalataya; nakasalig ito sa matibay na ebidensiya.—Roma 1:20.

KAILANGAN ANG TAMANG KALAGAYAN NG PUSO

Dahil nakasalig sa ebidensiya ang pananampalataya, ang isa ay kailangan munang magkaroon ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan” para magkaroon ng pananampalataya. (1 Tim. 2:4) Pero hindi pa ito sapat. May binanggit si apostol Pablo na isang ‘puso na may pananampalataya.’ (Roma 10:10) Kaya ang katotohanan ay hindi lang dapat paniwalaan; dapat din itong pahalagahan. Sa ganito lang mauudyukan ang isang tao na manampalataya at mamuhay ayon sa katotohanan. (Sant. 2:20) Kapag ang isa ay hindi taimtim na nagpapahalaga sa katotohanan, baka hindi pa rin niya tanggapin kahit ang nakakukumbinsing ebidensiya. Baka kasi hindi niya mabitiwan ang mga dati pa niyang pinaniniwalaan o ayaw niyang papigil sa mga gusto niyang gawin. (2 Ped. 3:3, 4; Jud. 18) Iyan ang dahilan kung bakit noong panahon ng Bibliya, hindi lahat ng nakakita ng himala ay nanampalataya. (Bil. 14:11; Juan 12:37) Ang banal na espiritu ng Diyos ay nagbubunga lang ng pananampalataya sa mga buong pusong tumatanggap sa katotohanan.—Gal. 5:22; 2 Tes. 2:10, 11.

NAGKAROON SI DAVID NG MALAKAS NA PANANAMPALATAYA

Isa si Haring David sa mga may malakas na pananampalataya. (Heb. 11:32, 33) Pero hindi lahat sa pamilya nila ay mayroon nito. Halimbawa, may pagkakataong nagpakita ng kawalan ng pananampalataya si Eliab, panganay na kapatid ni David, nang pagalitan niya si David sa reaksiyon nito sa hamon ni Goliat. (1 Sam. 17:26-28) Walang sinumang isinilang na may pananampalataya, at hindi rin ito namamana sa mga magulang. Kaya ang pananampalataya ni David ay dahil sa sarili niyang kaugnayan sa Diyos.

Sa Awit 27, sinabi ni David kung paano siya nagkaroon ng gayong pananampalataya. (Tal. 1) Binulay-bulay niya ang mga karanasan niya at kung ano ang ginawa ni Jehova sa kaniyang mga kaaway. (Tal. 2, 3) Pinahalagahan niya ang kaayusan ni Jehova sa pagsamba. (Tal. 4) Sumamba siya sa Diyos sa tabernakulo kasama ang mga kapananampalataya niya. (Tal. 6) Taimtim siyang nanalangin kay Jehova. (Tal. 7, 8) Nagpaturo din siya tungkol sa daan ng Diyos. (Tal. 11) Napakahalaga kay David ng katangiang ito kaya nasabi niya: “Nasaan na ako ngayon kung wala akong pananampalataya?”—Tal. 13.

PALAKASIN ANG IYONG PANANAMPALATAYA

Magkakaroon ka rin ng pananampalatayang gaya ng kay David kung tutularan mo ang saloobin at paggawing sinasabi sa Awit 27. Ang pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman, kaya habang pinag-aaralan mo ang Bibliya at ang mga publikasyong salig dito, mas nagiging madaling magkaroon ng katangiang ito ng bunga ng espiritu. (Awit 1:2, 3) Magbulay-bulay kapag nag-aaral para lumago ang pagpapahalaga mo kay Jehova. Habang lumalago ang pagpapahalaga mo sa kaniya, lalo kang nauudyukang ipakita ang pananampalataya mo sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong at pagsasabi sa iba ng iyong pag-asa. (Heb. 10:23-25) Maipapakita rin natin iyan kapag lagi tayong ‘nananalangin at hindi sumusuko.’ (Luc. 18:1-8) Kaya ‘laging manalangin’ kay Jehova, at magtiwalang “nagmamalasakit siya sa [iyo].” (1 Tes. 5:17; 1 Ped. 5:7) Dahil sa pananampalataya, gagawin natin ang tama, at kapag ginagawa natin ang tama, mas lalakas ang pananampalataya natin.—Sant. 2:22.

MANAMPALATAYA KAY JESUS

Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin.” (Juan 14:1) Kaya dapat tayong manampalataya hindi lang kay Jehova, kundi pati kay Jesus. Paano natin maipapakitang nananampalataya tayo kay Jesus? May tatlong paraan.

Si Jesus at ang kaniyang 11 tapat na apostol

Ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesus?

Una, isipin mong regalo sa iyo ng Diyos ang pantubos. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang buhay ko . . . ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.” (Gal. 2:20) Kung nananampalataya ka kay Jesus, maniniwala kang para sa iyo ang pantubos—na ito ay saligan para mapatawad ka sa mga kasalanan mo, nagbibigay sa iyo ng pag-asang mabuhay magpakailanman, at pinakamatibay na patotoo na mahal ka ng Diyos. (Roma 8:32, 38, 39; Efe. 1:7) Tutulungan ka nitong maalis ang mga negatibong nadarama mo tungkol sa iyong sarili.—2 Tes. 2:16, 17.

Ikalawa, lumapit kay Jehova sa panalangin salig sa hain ni Jesus. Dahil sa pantubos, puwede tayong manalangin kay Jehova at “malayang magsalita, para tumanggap tayo ng awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa atin sa tamang panahon.” (Heb. 4:15, 16; 10:19-22) Napapalakas tayo ng panalangin para maging determinadong mapaglabanan ang tukso.—Luc. 22:40.

Ikatlo, sundin si Jesus. Sumulat si apostol Juan: “Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ang sumusuway sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay na iyon, kundi mananatili sa kaniya ang poot ng Diyos.” (Juan 3:36) Ipinakita ni Juan na kabaligtaran ng pananampalataya ang pagsuway. Kaya masasabing nananampalataya ka kay Jesus kapag sinusunod mo siya. Sinusunod mo naman si Jesus kapag tinutupad mo ang “kautusan ng Kristo,” ang lahat ng itinuro at iniutos niya. (Gal. 6:2) Sinusunod mo rin si Jesus kapag nagpapagabay ka sa kaniya sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45) Kapag sinusunod mo si Jesus, magiging matatag ka anumang unos ang dumating sa buhay mo.—Luc. 6:47, 48.

“PATIBAYIN NINYO ANG INYONG KABANAL-BANALANG PANANAMPALATAYA”

Minsan, sinabi ng isang lalaki kay Jesus: “May pananampalataya ako! Pero tulungan mo akong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya!” (Mar. 9:24) May pananampalataya naman ang lalaki, pero mapagpakumbaba niyang inamin na kailangan niya ng higit pa. Gaya ng lalaking ito, may mga pagkakataong mangangailangan din tayo ng higit na pananampalataya. At mapapalakas natin ang ating pananampalataya ngayon pa lang. Gaya ng nabanggit na, lumalakas ang ating pananampalataya kapag pinag-aaralan natin ang Bibliya at binubulay-bulay iyon, na nagpapalago ng ating pagpapahalaga kay Jehova. Lalakas din ito kung tayo—kasama ng mga kapatid—ay sasamba kay Jehova, mangangaral tungkol sa ating pag-asa, at matiyagang mananalangin. Bukod diyan, kapag pinalakas natin ang ating pananampalataya, tatanggapin natin ang pinakamagandang gantimpala. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Mga minamahal, patibayin ninyo ang inyong kabanal-banalang pananampalataya . . . para mapanatili ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.”—Jud. 20, 21.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share