Paghuhugpong ng Sanga ng Olibo
Karaniwan lang ang paghuhugpong noong panahon ng Bibliya. Kadalasan na, inilalagay ang sanga ng isang puno na namumunga ng maganda sa katawan ng isang puno na hindi gaanong maganda ang bunga para gumanda ang bunga nito. Makikita sa ilustrasyon ni apostol Pablo tungkol sa punong olibo ang ginagawa noon na paghuhugpong. (Ro 11:17-24) Ikinumpara niya ang mga pinahirang Kristiyanong Gentil sa mga sanga ng ligáw na olibo na inihugpong sa “inaalagaang punong olibo.” (Ro 11:24) Ang ganitong paghuhugpong ay binanggit ng isang Romanong sundalo at magsasaka noong unang siglo C.E. na si Lucius Junius Moderatus Columella, na sumulat ng maraming akda tungkol sa agrikultura. Ganito ang ipinayo niyang gawin sa malulusog na punong olibo na hindi namumunga: “Makabubuting butasan ito at isiksik sa butas ang sangang pinutol mula sa ligáw na punong olibo; ang resulta, mamumunga ito nang sagana dahil nalahian ito ng mabungang supang.” Ipinapaalala ng ilustrasyon ni Pablo na dapat magkaisa ang lahat ng pinahirang Kristiyano, Judio man o Gentil. (Ro 2:28, 29; 11:17, 18) Makikita rito ang iba’t ibang paraan ng paghuhugpong na posibleng ginamit noong unang siglo C.E.
1. Binubutasan ang gilid ng sanga ng puno, at isinisiksik ang supang na mula sa ibang puno
2. Hinihiwaan ang dulo ng pinutol na sanga; isinisiksik dito ang supang at itinatali para hindi ito matanggal
3. Tinatanggalan ng manipis na balat ang sanga, at isang supang na nakakabit sa isang piraso ng balat ng puno ang itinatapal dito
Kaugnay na (mga) Teksto: