Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/8 p. 4-6
  • Bakit Kumukupas ang Pag-ibig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Kumukupas ang Pag-ibig?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkabigo​—“Hindi Ito ang Inaasahan Ko”
  • Di-Pagkakasundo​—“Magkaibang-Magkaiba Kami”
  • Pag-aaway​—“Lagi Kaming Nagtatalo”
  • Kawalan ng Pagmamalasakit​—“Suko na Kami”
  • Makapagtatagumpay ang Pag-aasawa sa Daigdig sa Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Kung Malapit Nang Mapatid ang Tali ng Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • May Dahilan Pa ba Para Umasa?
    Gumising!—2001
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/8 p. 4-6

Bakit Kumukupas ang Pag-ibig?

“Waring mas madaling umibig kaysa sa manatiling umiibig.”​—DR. KAREN KAYSER.

ANG dumaraming pag-aasawa na walang pag-ibig ay marahil hindi nakapagtataka. Ang pag-aasawa ay isang masalimuot na ugnayang pantao, at marami ang pumapasok dito nang walang gaanong paghahanda. “Tayo ay hinihilingan na magpakita ng kakayahan sa pagmamaneho kapag kumukuha ng lisensiya sa pagmamaneho,” ang sabi ni Dr. Dean S. Edell, “subalit isang pirma lamang ang kailangan upang makakuha ng lisensiya sa pag-aasawa.”

Kaya, bagaman maraming pag-aasawa ang nagtatagumpay at talagang maligaya, marami ang dumaranas ng kaigtingan. Marahil ang isa o ang kapuwa mag-asawa ay pumapasok sa pag-aasawa taglay ang mataas na mga inaasahan subalit walang mga kasanayan na kailangan para sa pangmatagalang pagsasama. “Kapag ang mga tao ay unang naging malapit,” paliwanag ni Dr. Harry Reis, “nakadarama sila ng matinding katiyakan mula sa isa’t isa.” Nadarama nila na para bang ang kanilang kabiyak “ang tanging tao sa lupa na may pangmalas na katulad ng sa kanila. Kung minsan ang damdaming iyan ay kumukupas, at kapag ito’y kumupas, maaaring lubhang makapinsala ito sa pag-aasawa.”

Mabuti naman, maraming pag-aasawa ang hindi humahantong sa puntong iyan. Subalit isaalang-alang natin sandali ang ilang dahilan na sa ilang kaso ay nagpakupas ng pag-ibig.

Pagkabigo​—“Hindi Ito ang Inaasahan Ko”

“Nang mapangasawa ko si Jim,” sabi ni Rose, “akala ko’y kami ang lokal na bersiyon ng ‘Sleeping Beauty’ at Makisig na Prinsipe​—pawang kuwento ng pag-ibig at pagmamahal at konsiderasyon sa isa’t isa.” Subalit, pagkalipas ng ilang panahon, ang “prinsipe” ni Rose ay waring hindi na gaanong makisig. “Bigung-bigo ako sa kaniya,” ang sabi niya.

Maraming pelikula, aklat, at popular na mga awit ang nagbibigay ng di-makatotohanang paglalarawan tungkol sa pag-ibig. Samantalang nagliligawan, maaaring akalain ng lalaki at babae na nagkakatotoo na ang kanilang pangarap; subalit pagkalipas ng ilang taon ng pag-aasawa, sila’y naghihinuha na sila nga ay nangangarap lamang! Kung ang pag-aasawa ng isa ay hindi nakatutugon sa mga inaasahan gaya sa isang kathang-isip na kuwento ng pag-ibig, ang maaari pang maremedyuhang pag-aasawa ay parang isang ganap na kabiguan.

Sabihin pa, ang ilang inaasahan sa pag-aasawa ay lubhang naaangkop naman. Halimbawa, angkop lamang na asahan ang pag-ibig, atensiyon, at suporta mula sa isang kabiyak. Gayunman, maging ang mga hangaring ito ay maaaring hindi matupad. “Halos nadarama ko na wala akong asawa,” ang sabi ni Meena, isang asawang babae sa India na nasa kabataan pa. “Nadarama kong ako’y nag-iisa at pinabayaan.”

Di-Pagkakasundo​—“Magkaibang-Magkaiba Kami”

“Kaming mag-asawa ay magkasalungat sa halos lahat ng bagay,” ang sabi ng isang babae. “Walang araw na lumilipas na hindi ko lubhang pinagsisisihan ang pasiya kong magpakasal sa kaniya. Talagang hindi kami magkabagay.”

Karaniwan nang hindi nangangailangan ng matagal na panahon upang matuklasan ng mag-asawa na sila ay hindi magkatulad na gaya ng inaakala nila noong panahon ng ligawan. “Kadalasang ipinakikita ng pag-aasawa ang mga katangian na hindi nila mismo nabatid noong sila’y dalaga’t binata pa,” ang sulat ni Dr. Nina S. Fields.

Bunga nito, pagkatapos ng kasal ang ilang mag-asawa ay maaaring maghinuha na sila ay lubhang di-magkabagay. “Sa kabila ng ilang pagkakahawig sa hilig at personalidad, karamihan ng tao ay pumapasok sa pag-aasawa na may malaking pagkakaiba sa istilo, mga pag-uugali, at saloobin,” ang sabi ni Dr. Aaron T. Beck. Hindi alam ng maraming mag-asawa kung paano papagkakasunduin ang mga pagkakaibang iyon.

Pag-aaway​—“Lagi Kaming Nagtatalo”

“Nagulat kami sa kung gaano kadalas kaming mag-away​—nagsisigawan pa nga, o mas masahol pa, walang imik na nagdadabog sa loob ng ilang araw,” ang sabi ni Cindy, sa paggunita sa unang mga araw ng kaniyang pag-aasawa.

Sa pag-aasawa, hindi maiiwasan ang mga di-pagkakasundo. Subalit paano ba ito haharapin? “Sa isang mabuting pag-aasawa,” ang sulat ni Dr. Daniel Goleman, “malayang naipahahayag ng mag-asawa ang isang reklamo. Subalit kadalasang sa silakbo ng galit ang mga reklamo ay naipahahayag sa mapangwasak na paraan, bilang pag-atake sa pagkatao ng asawa.”

Kapag nangyari ito, ang usapan ay nagiging isang digmaan kung saan ang mga pangmalas ay ipinagtatanggol taglay ang mabalasik na determinasyon at ang mga salita ay nagiging mga sandata sa halip na mga kasangkapan sa pag-uusap. Ganito ang sabi ng isang pangkat ng mga eksperto: “Ang isa sa pinakanakapipinsalang bagay tungkol sa mga pagtatalo na lumalaki at hindi masawata ay ang hilig ng mga mag-asawa na magsabi ng mga bagay na nagsasapanganib sa napakahalagang salik ng kanilang pag-aasawa.”

Kawalan ng Pagmamalasakit​—“Suko na Kami”

“Suko na ako sa pagsisikap na magtagumpay ang aming pag-aasawa,” ang pagtatapat ng isang babae pagkalipas ng limang taóng pagsasama. “Alam ko na hindi na ito kailanman magtatagumpay ngayon. Kaya ang ikinababahala ko na lamang ay ang aming mga anak.”

Sinasabing ang tunay na kabaligtaran ng pag-ibig ay hindi ang pagkapoot kundi ang kawalan ng pagmamalasakit. Tunay, ang pagwawalang-bahala ay mapangwasak din sa pag-aasawa na gaya ng alitan.

Gayunman, nakalulungkot na ang ilang asawa ay lubhang nasanay na sa isang pag-aasawang walang pag-ibig anupat hindi na sila umaasa ng anumang pagbabago. Halimbawa, isang asawang lalaki ang nagsabi na ang kaniyang 23 taóng pag-aasawa ay katulad ng “pagkakaroon ng isang trabahong hindi mo gusto.” Sabi pa niya: “Ginagawa mo ang iyong buong makakaya sa gayong kalagayan.” Sa katulad na paraan, isang asawang babae na nagngangalang Wendy ang nawalan na ng pag-asa na bubuti pa ang kaugnayan niya sa kaniyang asawa na pitong taon na niyang kasama. “Maraming beses ko na itong sinubukan,” aniya, “at lagi niya akong binibigo. Nanlumo ako bunga nito. Ayaw ko nang maranasan itong muli. Kung aasa ako, masasaktan lamang ako. Mas mabuti pang huwag na lang akong umasa​—hindi nga ako gaanong masisiyahan, subalit sa paano man ay hindi ako manlulumo.”

Ang pagkabigo, di-pagkakasundo, pag-aaway, at kawalan ng pagmamalasakit ay ilan lamang sa mga dahilan na maaaring pagmulan ng isang pag-aasawang walang pag-ibig. Maliwanag, may iba pa​—ang ilan dito ay binabanggit sa kahon sa pahina 5. Anuman ang dahilan, may pag-asa pa ba para sa mga mag-asawa na waring nakulong sa isang pag-aasawang walang pag-ibig?

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

PAG-AASAWANG WALANG PAG-IBIG​—IBA PANG DAHILAN

• Salapi: “Maaaring isipin ng isa na ang pagbabadyet ay makatutulong upang pagkaisahin ang mag-asawa sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagsasama ng kanilang tinatangkilik para sa mga pangangailangan sa buhay, at pagtatamasa sa mga bunga ng kanilang mga pagpapagal. Subalit dito man, ang maaaring magbuklod sa mag-asawa sa isang magkasamang pakikipagsapalaran sa negosyo ay kadalasang nagiging dahilan ng kanilang paghihiwalay.”​—Dr. Aaron T. Beck.

• Pagiging Magulang: “Nasumpungan namin na 67 porsiyento ng mga mag-asawa ang nakararanas ng labis na kawalang-kasiyahan sa pag-aasawa pagkasilang ng kanilang unang anak, at walong ulit na mas maraming pag-aaway. Bahagi ng dahilan nito ay pagod na ang mga magulang at wala nang gaanong panahon para sa kanilang sarili.”​—Dr. John Gottman.

• Panlilinlang: “Ang pagtataksil ay karaniwan nang nagsasangkot ng panlilinlang, at ang panlilinlang, sa katunayan, ay isang pagkakanulo ng pagtitiwala. Yamang ang pagtitiwala ay kinikilala bilang isang mahalagang bahagi sa lahat ng matagumpay at pangmatagalang pag-aasawa, nakapagtataka ba na maaaring wasakin ng panlilinlang ang ugnayan ng mag-asawa?”​—Dr. Nina S. Fields.

• Pagtatalik: “Kapag ang mga tao’y nagsampa ng demanda para sa diborsiyo, nakagigitla na karaniwan ang kalagayan ng hindi pagtatalik sa loob ng maraming taon. Sa ilang kaso ay hindi kailanman nagkaroon ng pagtatalik, at sa iba naman, ang pagtatalik ay walang damdamin, isang parausan lamang ng pisikal na mga pangangailangan ng kabiyak.”​—Judith S. Wallerstein, clinical psychologist.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

PAANO NAAAPEKTUHAN ANG MGA ANAK?

Maaari bang maapektuhan ng uri ng inyong pag-aasawa ang inyong mga anak? Ayon kay Dr. John Gottman, na nagsaliksik sa mga mag-asawa sa loob ng mga 20 taon, ang sagot ay oo. “Sa dalawang sampung-taóng pagsusuri,” aniya, “nasumpungan namin na ang mga sanggol ng hindi maliligayang magulang ay mayroong mas mabilis na tibok ng puso sa panahon ng paglalaro at hindi nila kayang pakalmahin ang kanilang sarili. Sa kalaunan, ang di-pagkakasundo ng mag-asawa ay humahantong sa mas mababang antas ng paggawa sa paaralan, anuman ang IQ ng mga anak.” Sa kabaligtaran naman, sinasabi ni Dr. Gottman na ang mga anak ng mga mag-asawang magkasundo “ay mas magaling kapuwa sa akademiko at sa pakikihalubilo sa iba, sapagkat ipinakita sa kanila ng kanilang mga magulang kung paano makitungo sa ibang tao nang may paggalang at lutasin ang mga suliranin ng damdamin.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share