May Dahilan Pa ba Para Umasa?
“Ang isang problema sa maiigting na pag-aasawa ay ang matibay na paniniwalang hindi na bubuti pa ang mga bagay-bagay. Binibigo ng gayong paniniwala ang pagbabago sapagkat inaalis nito sa iyo ang pangganyak na sumubok ng anumang bagay na positibo.”—DR. AARON T. BECK.
GUNIGUNIHIN mong may nararamdaman kang masakit at nagpunta ka sa doktor upang magpatingin. Balisa ka—at nararapat lamang. Kung tutuusin, ang iyong kalusugan—maging ang iyo mismong buhay—ay maaaring nanganganib. Subalit ipagpalagay nang pagkatapos ng pagsusuri, sinabi sa iyo ng doktor ang mabuting balita na bagaman ang problema mo ay hindi pangkaraniwan, ito ay maaaring gamutin. Sa katunayan, sinasabi sa iyo ng doktor na kung maingat mong susundin ang isang makatuwirang programa ng pagkain at ehersisyo, makaaasa ka ng ganap na paggaling. Walang alinlangang ikaw ay makadarama ng malaking ginhawa at may kagalakan mong susundin ang kaniyang payo!
Ihambing mo ang tagpong ito sa paksang isinasaalang-alang. Ikaw ba’y may nadaramang sakit sa iyong pag-aasawa? Sabihin pa, ang lahat ng pag-aasawa ay may kani-kaniyang mga problema at mga di-pagkakasundo. Kaya ang basta pagkakaroon ng ilang problema sa inyong pagsasama ay hindi nangangahulugan na ang iyong pag-aasawa ay walang pag-ibig. Subalit paano kung ang problema ay magpatuloy sa loob ng mga linggo, buwan, o mga taon pa nga. Kung gayon, tama lamang na ikaw ay mabahala, sapagkat hindi na ito maliit na bagay lamang. Oo, maaaring maapektuhan ng uri ng iyong pag-aasawa ang halos lahat ng bahagi ng iyong buhay—at ng iyong mga anak. Halimbawa, pinaniniwalaang ang kaigtingan sa pag-aasawa ay maaaring maging isang pangunahing dahilan sa mga problemang gaya ng panlulumo, mababang produksiyon sa trabaho, at pagbagsak ng mga anak sa paaralan. Subalit hindi lamang iyan. Kinikilala ng mga Kristiyano na ang kaugnayan nila sa kanilang kabiyak ay maaaring makaapekto sa kanila mismong kaugnayan sa Diyos.—1 Pedro 3:7.
Ang bagay na may mga problema sa pagitan ninyong mag-asawa ay hindi nangangahulugan na ang situwasyon ay wala nang pag-asa pa. Ang pagharap sa katotohanan ng pag-aasawa—na magkakaroon ng mga problema—ay makatutulong sa mag-asawa na makatuwirang malasin ang kanilang mga problema at pagsikapan na lutasin ito. Ganito ang sabi ng isang asawang lalaki na nagngangalang Isaac: “Hindi ko alam na normal lamang pala para sa mga mag-asawa na makaranas ng saya at lungkot sa kanilang pagsasama. Akala ko’y may problema sa amin!”
Kahit na kung ang iyong pag-aasawa ay nauwi na sa isang walang pag-ibig na kalagayan, maaari pa itong iligtas. Ipagpalagay nang ang mga sugat ng damdamin mula sa isang maligalig na pagsasama ay maaaring malalim, lalo na kung ang mga problema ay nagpapatuloy sa loob ng mga taon. Gayunman, may matibay na dahilan pa rin para umasa. Mahalagang salik ang pangganyak. Kahit na ang dalawang tao na may malulubhang problema sa pag-aasawa ay maaaring gumawa ng mga pagbabago kung ito’y mahalaga sa kanilang dalawa.a
Kaya tanungin mo ang iyong sarili, ‘Gaano kalakas ang pagnanais kong matamo ang isang kasiya-siyang ugnayan?’ Kayo ba ng iyong kabiyak ay handang magsumikap upang mapabuti ang inyong pagsasama? Ganito ang sabi ni Dr. Beck, na sinipi kanina: “Madalas akong magulat sa kung paano natutulungan ang isang tila masamang ugnayan kapag ang mga mag-asawa ay gumagawang magkasama upang ituwid ang mga pagkakamali at pagtibayin ang positibong mga katangian ng kanilang pagsasama.” Subalit kumusta naman kung ang iyong asawa ay ayaw makipagtulungan upang bumuti ang inyong pagsasama? O paano kung ang lalaki o ang babae ay waring di-alintana ang hinggil sa bagay na may problema? Wala bang saysay na ikaw lamang ang magsumikap upang magtagumpay ang inyong pagsasama? Hindi naman! “Kung ikaw ay gagawa ng ilang pagbabago,” sabi ni Dr. Beck, “ito mismo ay maaaring mag-udyok ng pagbabago sa iyong kabiyak—napakadalas na gayon nga ang nangyayari.”
Huwag kaagad maghinuha na hindi ito maaaring mangyari sa iyong kalagayan. Ang gayong negatibong kaisipan sa ganang sarili ay maaaring maging ang pinakamalaking banta sa inyong pagsasama! Ang isa sa inyo ay kailangang gumawa ng unang hakbang. Maaari kayang ikaw? Minsang masimulan ito, maaaring makita ng iyong asawa ang kapakinabangan ng pakikipagtulungan sa iyo sa pagtatayo ng isang mas maligayang pag-aasawa.
Kaya, ano ang magagawa mo—bilang isang indibiduwal o bilang mag-asawa—upang iligtas ang inyong pag-aasawa? Ang Bibliya ay isang mabisang tulong sa pagsagot sa katanungang ito. Tingnan natin kung paano.
[Talababa]
a Walang alinlangan, sa ilang sukdulang kaso, maaaring may makatuwirang mga dahilan para sa mag-asawa na maghiwalay. (1 Corinto 7:10, 11) Isa pa, ang Bibliya ay nagpapahintulot para sa diborsiyo dahil sa pakikiapid. (Mateo 19:9) Ang pakikipagdiborsiyo sa isang di-tapat na kabiyak ay isang personal na pasiya, at hindi dapat gipitin ng iba ang pinagkasalahang kabiyak na magpasiya sa paano man.—Tingnan ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, pahina 158-61, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.