Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/22 p. 20-24
  • Hindi Napahinto ng Digmaan ang Aming Pangangaral

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Napahinto ng Digmaan ang Aming Pangangaral
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hangaring Maglingkod sa Diyos
  • Simula ng Aking Pangangaral
  • Ginantimpalaan Dahil sa Pagtitiwala sa Diyos
  • Pangangaral sa Kalagitnaan ng Digmaan
  • Malaya na Muling Mangaral
  • Pinagbintangan na mga Espiya
  • Habang-Buhay na Pangangaral
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Iniwan ang Lahat Para Sundan ang Panginoon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Bahagi 3—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ibinibigay kay Jehova ang Nararapat sa Kaniya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/22 p. 20-24

Hindi Napahinto ng Digmaan ang Aming Pangangaral

AYON SA SALAYSAY NI LEODEGARIO BARLAAN

Noong 1942, panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ang Hapon at Estados Unidos ay nasadlak sa digmaan para sa Pilipinas, ang aking bayang tinubuan. Nasa kabundukan ako sa nayon ng Tabonan, kung saan ginawa akong bihag ng mga gerilya sa lugar na iyon na lumalaban sa mga Hapones. Binugbog ako, pinagbintangan na isang espiya, at pinagbantaang papatayin. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napunta sa situwasyong ito at kung paano ako nakaligtas.

IPINANGANAK ako noong Enero 24, 1914, sa bayan ng San Carlos, Pangasinan. Noong dekada ng 1930, pinag-aral ako ni Itay ng agrikultura. Tuwing Linggo, dumadalo ako ng Misa, at magsasalita ang pari tungkol sa mga Ebanghelyo​—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Dahil dito, ninais kong basahin ang mga ito.

Isang araw, nagpunta ako sa kumbento upang bumili ng isang kopya ng mga Ebanghelyo sa pamamagitan ng perang kinita ko sa pagbebenta ng ilang gulay. Sa halip, binigyan ako ng isang buklet na pinamagatang The Way to Heaven, at hindi ito naglalaman ng mga Ebanghelyo. Nadismaya ako dahil dito. Nang maglaon, upang matupad ang aking hangarin na magkaroon ng kopya ng mga Ebanghelyo, naglakbay ako patungong Maynila. Doon ay binigyan ako ng aking tiyo, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ng isang kopya ng kumpletong Bibliya.

Sa Maynila, nakilala ko ang ilang Saksi, na hinangaan ko sa kanilang kakayahang sumipi sa kasulatan. Sa kanila ko nalaman ang kasiya-siyang mga kasagutan sa maraming tanong. Sa wakas, dinala ako ng aking tiyo, si Ricardo Uson, sa isang pulong sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Nang papalapit na kami sa lugar, nagsindi ako ng sigarilyo. “Itapon mo iyan,” sabi ng tiyo ko. “Hindi naninigarilyo ang mga Saksi ni Jehova.” Kaya itinapon ko ang sigarilyo at hindi na ako muling nanigarilyo kailanman. Nakilala ko si Joseph Dos Santos, ang tagapangasiwa ng sangay, gayundin ang iba pang mga Saksi. Sa ngayon, pagkalipas ng lahat ng mga dekadang ito, naaalaala ko pa rin ang mahuhusay na Kristiyanong kapatid na iyon.

Ang Hangaring Maglingkod sa Diyos

Noong Oktubre 1937, nang ako’y isang estudyante sa Los Baños Agricultural College, hindi na ako dumalo ng Misa. Sa halip, nagbasa na lamang ako ng Bibliya at ng literaturang ibinigay sa akin ng aking tiyo. Dumalaw ang isang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa kampus ng kolehiyo, at bilang resulta ng mga pakikipag-usap sa isa sa kanila, si Elvira Alinsod, sumidhi ang aking hangarin na maglingkod sa Diyos na Jehova.

Nang sinabi ko sa aking mga propesor na plano kong huminto sa aking pag-aaral, tinanong nila: “Sino ang susuporta sa iyo?” Ipinaliwanag ko na ako’y nagtitiwala na kung paglilingkuran ko ang Diyos, susuportahan niya ako. Pagkatapos huminto sa pag-aaral, nagtungo ako sa opisina ng Samahang Watch Tower at iniharap ko ang aking sarili bilang isang boluntaryo, na nagpapaliwanag: “Nabasa ko na ang mga publikasyong Loyalty, Riches, at Where Are the Dead? Gusto ko na ngayong maglingkod kay Jehova nang buong-panahon.” Pinapunta ako sa Lalawigan ng Cebu upang sumama sa tatlong payunir, na siyang tawag sa mga buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.

Simula ng Aking Pangangaral

Noong Hulyo 15, 1938, sinalubong ako ni Salvador Liwag sa piyer nang dumating ako sa isla ng Cebu. Kinabukasan, sinimulan ko ang ministeryong pagbabahay-bahay. Walang nagsanay sa akin. Basta’t iniharap ko sa maybahay ang isang kard sa pagpapatotoo (testimony card) na doo’y ipinaliliwanag ang ating gawain. Sa katunayan, dalawang salita lamang ang alam ko sa Cebuano, ang wika sa lugar na iyon. Sa ganitong paraan nagsimula ang aking unang araw sa ministeryo.

Kapag nagsimula kaming magpatotoo sa isang bagong bayan, kinaugalian namin na magpunta muna sa munisipyo. Doon ay magpapatotoo si Brother Liwag sa alkalde; si Pablo Bautista naman, sa hepe ng pulis; at sa huwes naman si Conrado Daclan. Makikipag-usap naman ako sa postmaster. Pagkatapos ay pupuntahan namin ang terminal ng bus, mga kuwartel ng pulis, mga tindahan, at mga paaralan. Karagdagan pa, dadalawin namin ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Iniharap namin ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Enemies. Habang tinutularan ko ang paraan ng pagpapatotoo ng aking mga kasama, unti-unti akong natutong mag-Cebuano, at nagsimula akong makapagpasakamay ng mga aklat. Sa loob ng tatlong buwan ay natapos namin ang buong lalawigan ng Cebu​—54 na bayan. Pagkatapos ay itinanong ko kay Brother Liwag: “Puwede na po ba akong magpabautismo ngayon?”

“Hindi pa puwede, kapatid,” sagot niya. Kaya lumipat kami sa isa pang isla, sa Bohol, at nangaral doon sa loob ng isang buwan at kalahati, anupat nakubrehan namin ang 36 pang bayan. Itinanong kong muli kung puwede na akong magpabautismo. “Hindi pa puwede, Brother Barlaan,” ang sabi sa akin. Kaya nang matapos namin ang Bohol at nang sumunod ay ang Isla ng Camiguin, nagpunta kami sa malaking isla ng Mindanao at nangaral sa Lunsod ng Cagayan de Oro.

Sa panahong ito, sumama sa aming grupo si Virginio Cruz. Dati siyang guro sa isang pampublikong paaralan at nagbitiw siya sa pagiging guro upang maging isang payunir. Nagtungo kami sa iba pang mga bayan at nang maglaon ay nakarating kami sa Lawa ng Lanao. Habang naroroon, tinanong kong muli kung puwede na akong mabautismuhan. Sa wakas, noong Disyembre 28, 1938, pagkatapos ng mga anim na buwang pagpapayunir, binautismuhan ako ni Brother Cruz sa katubigan ng Lawa ng Lanao sa bayan ng Lumbatan.

Ginantimpalaan Dahil sa Pagtitiwala sa Diyos

Nang maglaon ay sumama ako sa tatlong payunir sa Negros Occidental. Sila ay sina Fulgencio de Jesus, Esperanza de Jesus, at Natividad Santos, na tinawag naming Naty. Sama-sama kaming nangaral sa maraming bayan sa lalawigang iyon. Talagang kailangan naming lubos na magtiwala kay Jehova, yamang kung minsan ay kaunti lamang ang aming pera. Minsan ay gusto naming maghanap ng isda upang aming iulam sa kanin. Natagpuan ko ang isang lalaki sa dalampasigan at itinanong ko kung puwedeng bumili ng isda, ngunit lahat ng kaniyang isda ay dinala na sa palengke. Gayunman, inalok niya sa akin ang isa na ibinukod niya para sa kaniyang sarili. Itinanong ko kung magkano iyon. “Hayaan mo na,” sabi niya. “Sa iyo na ang isda.”

Pinasalamatan ko siya. Ngunit nang papaalis na ako, natanto ko na ang isang isda ay hindi sasapat sa apat na tao. Nang ako’y padaan sa isang maliit na sapa, nagulat ako nang makita ko ang isang isda na nasa ibabaw ng isang bato, basa pa galing sa tubig. Inisip ko, ‘Patay na siguro iyon.’ Pinuntahan ko ang isda upang pulutin ito at nagulat ako na makitang buháy pa ito. Sinunggaban ko ito at mahigpit ko itong hinawakan, anupat kaagad-agad ay naalaala ko ang pangako ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33.

Pangangaral sa Kalagitnaan ng Digmaan

Nang maging siyam kami sa aming grupo ng mga payunir, dalawang grupo ang nabuo. Naatasan ang aming grupo sa Cebu. Disyembre 1941 na noon, at nagaganap na ang Digmaang Pandaigdig II sa Pilipinas. Nang kami ay nasa bayan ng Tuburan, isang Pilipinong tenyente ang pumunta sa aming kuwarto nang hatinggabi. “Mga anak, gumising kayo,” sabi niya. “Hinahanap kayo ng mga sundalo.” Pinaghinalaan kami na mga espiya ng Hapon kung kaya’t pinagtatanong kami nang gabing iyon.

Pagkatapos, inilagay kami sa bilangguan sa munisipyo. Hiniling sa amin ng hukbong sandatahan ng Estados Unidos na nasa Lunsod ng Cebu na bigyan sila ng mga kopya ng bawat isa sa aming mga aklat upang malaman nila kung kami nga ay mga espiya ng Hapon. Maraming tao na tagaroon ang dumalaw sa amin sa bilangguan, na nag-uusisa kung ano ang hitsura niyaong mga pinagbintangan na mga espiya ng Hapon. Ang ilan ay nagtanong, at nagpatotoo kami sa kanila tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Pagkatapos naming gugulin ang limang araw sa bilangguan, ang hepe ng pulis ay nakatanggap ng telegrama mula sa punong-tanggapan ng Hukbo ng Estados Unidos, na nag-uutos sa kaniya na palayain ang mga Saksi ni Jehova. Gayunman, itinagubilin niya sa amin na huwag nang mangaral pa dahil panahon na ngayon ng digmaan. Ipinaliwanag namin na hindi kami maaaring huminto sa pangangaral dahil sa may atas kami mula sa Diyos na gawin ito. (Gawa 5:28, 29) Nagalit ang hepe at sinabi niya: “Kung patuloy kayong mangangaral, hahayaan kong patayin kayo ng mga tao.”

Nang sumunod na mga araw, ipinahanap kami ng hepe ng pulisya upang muli kaming arestuhin. Nang maglaon, pinahinto kami ng isang pangkat ng mga sundalo ng Hukbo ng Estados Unidos, at isang tenyente na nagngangalang Soriano ang nagtanong kay Sister Santos: “Hihinto ka ba sa pangangaral?”

“Hindi,” tugon niya.

“Eh kung ipa-firing squad ka namin?” tanong niya.

“Hindi niyan mababago ang aming desisyon,” paliwanag niya.

Nang marinig nila ang tugon na iyon, isinakay kaming lahat sa isang trak na pangkargamento at dinala kami sa Lunsod ng Cebu, kung saan humarap kami kay Koronel Edmund. Ipinakilala kami ni Tenyente Soriano sa kaniya sa pagsasabing: “Ang mga ito ay mga Saksi ni Jehova. Sila’y mga espiya ng Hapon!”

“Mga Saksi ni Jehova?” tanong ng koronel. “Kilalang-kilala ko ang mga Saksi ni Jehova sa Amerika. Hindi sila mga espiya! Neutral sila.” Pagkatapos ay humarap siya sa amin at sinabi: “Dahil sa neutral kayo, hindi kayo mapalalaya.” Nang maglaon, pagkatapos na ikulong kami sa isang bodega nang ilang panahon, kinausap kami uli ni Koronel Edmund at itinanong: “Neutral pa rin ba kayo?”

“Opo, Ginoo, neutral pa rin kami,” tugon namin.

“Kung gayon, hindi kayo mapalalaya,” sabi niya, “dahil kapag pinalaya namin kayo, patuloy kayong mangangaral, at yaong mga makukumberte ninyo ay magiging neutral. At kung ang lahat ay ganiyan, di wala nang makikipaglaban.”

Malaya na Muling Mangaral

Nang maglaon, inilipat kami sa bilangguan sa Lunsod ng Cebu. Noong Abril 10, 1942, nilusob ng mga Hapon ang lunsod. Nagbagsakan ang mga bomba sa lahat ng dako, at nagkaroon ng malaking sunog! Nakita ng warden si Sister Santos, naroon sa kaniyang selda na malapit sa harapan ng bilangguan. “Naku po! Nasa loob pa rin ang mga Saksi ni Jehova!” ang sigaw niya. “Buksan ninyo ang pinto, at palabasin sila!” Nagpasalamat kami kay Jehova sa Kaniyang proteksiyon.

Karaka-raka ay nagtungo kami sa mga bundok upang maghanap ng mga kapuwa Saksi. May nasumpungan kaming isang Saksi sa bayan ng Compostela. Bago pa nito ay siya na ang nanguna sa gawaing pangangaral, ngunit ngayon ay nagpasiya siyang huminto sa pangangaral at lumipat sa Lunsod ng Cebu at bumuo ng isang negosyo na nagbebenta ng iba’t ibang paninda. Gayunman, ang aming desisyon ay magpatuloy sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos, anuman ang mangyari.

Marami kaming kopya ng buklet na Comfort All That Mourn, at puspusan kaming gumawa upang maipasakamay namin ang mga ito sa mga tao. Gayunman, pinagsikapan ng iba na takutin kami sa pagsasabing kapag nakita kami ng mga Hapon, kanilang pupugutin ang aming mga ulo. Di-nagtagal pagkatapos nito, inorganisa ang isang kilusang gerilya laban sa mga Hapones, at yaong isa na huminto sa pangangaral at nagpunta sa Lunsod ng Cebu upang magnegosyo ay inaresto. Nalungkot kami nang malaman namin na siya ay pinagbintangan na isang espiya ng Hapon at pagkatapos ay pinatay.

Pinagbintangan na mga Espiya

Samantala, patuloy kaming nangaral sa mga bundok. Isang araw, nalaman namin ang hinggil sa isang interesadong babae, ngunit upang mapuntahan siya, kailangan kaming dumaan sa ilang himpilan ng gerilya. Nakarating kami sa nayon ng Mangabon, kung saan nakatira ang babae, ngunit isang pangkat ng mga sundalo ang nakakita sa amin at sumigaw: “Ano ang layunin ng pagpunta ninyo rito?”

“Kami’y mga Saksi ni Jehova,” ang tugon ko. “Nais ba ninyong marinig ang mensahe na dala namin sa pamamagitan ng ponograpo?” Nang pumayag sila, pinatugtog ko ang plaka na The Value of Knowledge. Pagkatapos, siniyasat kami at pinagtatanong at pagkatapos ay dinala sa punong-himpilan ng gerilya sa nayon ng Tabonan. Nanalangin kami para sa proteksiyon ni Jehova yamang karaniwan nang nababalitaan na halos lahat ng dinadala roon ay pinapatay.

Binantayan kami at minaltrato. Ito na ang situwasyon na inilarawan ko sa pasimula, nang ako’y bugbugin at duruin ng tenyente at sinabi: “Espiya ka!” Sandaling nagpatuloy ang pagmamaltrato sa amin, ngunit sa halip na patayin, sinentensiyahan kami ng sapilitang pagtatrabaho.

Ang isa sa mga payunir na ipinakulong sa Tabonan ay ang aking kapatid na lalaki na si Bernabe. Bawat umaga ay pinakakanta sa amin na mga preso ang “God Bless America” at “God Bless the Philippines.” Sa halip ay kinakanta ng mga Saksi ang “Sino ang Nasa Panig ng Panginoon?” Minsan, sumigaw ang nangangasiwang opisyal: “Sinumang hindi kumakanta ng ‘God Bless America’ ay ibibigti roon sa puno ng akasya!” Pero sa kabila ng gayong mga pagbabanta, walang sinuman sa amin ang pinatay. Nang maglaon, inilipat kami sa iba pang mga kampo. Sa wakas, dumating ang aking mga papeles sa paglaya na may petsang Hulyo 1943. Nang mangyari ito, naging preso na ako sa loob ng walong buwan at sampung araw.

Habang-Buhay na Pangangaral

Ang aming hangarin na makita ang mga interesado na aming napangaralan noon ang nagpakilos sa amin na umakyat ng 60 kilometro patungo sa lunsod ng Toledo. Naitatag ang mga regular na pagpupulong doon, at maraming tao ang nabautismuhan sa kalaunan. Sa wakas, natapos ang digmaan noong 1945. Pagkalipas ng dalawang taon, halos siyam na taon pagkatapos ng aking bautismo, nakadalo ako sa aking unang kombensiyon, na ginanap sa Karerahan ng Santa Ana sa Maynila. Mga 4,200 ang nagtipon para sa pahayag pangmadla na “Ang Kagalakan ng Lahat ng Tao.”

Bago nagsimula ang digmaan, kami ay mga 380 Saksi sa Pilipinas, ngunit noong 1947, mayroon nang mga 2,700! Mula noon ay patuloy akong nagtamasa ng maraming pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova. Mula 1948 hanggang 1950, naglingkod ako bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa lugar ng Surigao. Noong 1951, pinakasalan ko si Natividad Santos, na lakas-loob na nangaral kasama ng aming grupo noong panahon ng digmaan. Pagkatapos ng aming kasal, naglingkod kami sa gawaing paglalakbay sa buong Mindanao mula 1954 hanggang 1972.

Upang kami’y mapalapit sa aming mga may edad nang mga magulang at makatulong sa kanila, naging mga special pioneer kami noong 1972. Bagaman kami’y kapuwa nasa mga edad 80 na, patuloy kaming nagpapayunir, anupat ang ginugol namin, kung pagsasamahin ang aming mga taon ng paglilingkuran, ay mahigit na 120 taon sa buong-panahong ministeryo. Kay laking kagalakan nga para sa amin na makitang lumago ang bilang ng mga naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Pilipinas tungo sa mahigit na 130,000! Hangad namin na matulungan ang marami pa na pahalagahan ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa upang matamasa ang tunay na kapayapaan at kaligayahan sa lupa.

[Blurb sa pahina 22]

Pinaghinalaan kami na mga espiya ng Hapon kung kaya’t pinagtatanong kami nang gabing iyon

[Larawan sa pahina 23]

Noong 1963, kasama ang aming mga kaibigan sa Isla ng Bohol. Kaming mag-asawa ay pang-apat at panlima mula sa kanan

[Larawan sa pahina 24]

Kasama ang aking asawa ngayon

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Larawan sa likuran: U.S. Signal Corps photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share