Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/22 p. 19-23
  • Bagaman Bingi at Bulag, Nakasumpong Ako ng Katiwasayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bagaman Bingi at Bulag, Nakasumpong Ako ng Katiwasayan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinadala sa Isang Pantanging Paaralan
  • Nakauwi Na, Ngunit Bumangon ang mga Problema
  • Mga Pagsisikap Upang Mapabuti ang Aking Buhay
  • Paglipat sa Washington, D.C.
  • Paghahanap sa Tunay na Relihiyon
  • Naging Palagay ang Aking Loob
  • Pagkasumpong sa Katiwasayan na Hinahanap Ko
  • Isang Panahon ng Pagsubok
  • Pinagpala ng Ating Maibiging Ama
  • Pahalagahan ang Ating mga Kapatid na Bingi!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Isang Wika na Iyong Nakikita!
    Gumising!—1998
  • Pakikinig sa Pamamagitan ng Iyong mga Mata
    Gumising!—1998
  • ‘Pinasinag ni Jehova ang Kaniyang Mukha sa Kanila’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/22 p. 19-23

Bagaman Bingi at Bulag, Nakasumpong Ako ng Katiwasayan

AYON SA SALAYSAY NI JANICE ADAMS

Mula pagkasilang, halos bingi na ako, ngunit natutuhan kong mamuhay sa daigdig ng mga nakaririnig. Pagkatapos, nang nasa kolehiyo, nabigla ako nang sabihin sa akin na ako ay mabubulag. Binigyan ako ng aking nagmamalasakit na tagapayo sa kolehiyo ng isang artikulo tungkol sa pamumuhay nang hindi nakakakita at nakaririnig. Agad-agad, natuon ang mga mata ko sa parirala na yaong mga kapuwa bingi at bulag ang pinakamalulungkot na tao sa daigdig. Napaiyak ako.

ISINILANG ako sa Des Moines, Iowa, E.U.A., noong Hulyo 11, 1954, ang tanging anak nina Dale at Phyllis Den Hartog. Hindi natanto ng aking mga magulang na sila ay kapuwa may naililipat na sakit sa gene na kilala bilang Usher’s syndrome, na ang palatandaan ay pagkabingi sapol sa pagkapanganak na may kalakip na unti-unting pagkabulag.

Sa simula ay hindi inakala ng aking mga magulang na may problema ako. Marahil, ito ay dahil sa naririnig ko pa rin ang ilang tunog na mabababa ang tono at kung minsan ay tumutugon ako sa mga tunog. Gayunman, nang hindi ako natutong magsalita, nalaman nila na mayroong malubhang problema. Sa wakas ay nasuri ng doktor ang aking pagkabingi nang ako ay mga tatlong taóng gulang.

Ang balitang ito ay nakapanlumo sa aking mga magulang. Gayunman, determinado sila na makatanggap ako ng pinakamainam na makukuhang edukasyon. Ipinasok ako sa isang napakahusay na preschool para sa mga nahihirapang makarinig. Ngunit yamang halos bingi na ako, bumagsak ako nang husto. Kung minsan ay nakikita ang aking pagkasiphayo dahil iniuuntog ko ang aking ulo sa dingding.

Ipinadala sa Isang Pantanging Paaralan

Ipinasiya ng aking mga magulang na ipasok ako sa Central Institute for the Deaf (CID), sa St. Louis, Missouri. Sa kabila ng malaking gastos at kalungkutan na dulot ng pagkakalayo ko sa edad na lima, inakala nila na ito ang pinakamabuti upang makaasa ako ng isang matagumpay at maligayang buhay. Nang panahong iyon ay talagang hindi kami makapagtalastasan ng aking mga magulang.

Minasdan ko si Inay habang iniimpake niya ang aking mga damit sa isang baul. Ang paglalakbay sakay ng kotse ay waring walang katapusan. Sa CID, natatandaan ko na nakita ko ang ibang maliliit na batang babae na walang mga nanay at naisip ko, ‘A, hindi na ako kailangang manatili rito kasi may nanay at tatay ako.’ Nang panahon na para umalis ang aking mga magulang, sinikap nilang ipaliwanag sa akin na babalik sila pagkalipas ng ilang buwan. Umiyak ako nang umiyak at kumapit sa kanila nang buong higpit, ngunit hinila akong palayo ng tagapamahalang babae upang makaalis sila.

Pakiramdam ko ay pinabayaan ako. Habang nag-iisa kasama ng ibang batang babae noong unang gabi namin sa paaralan, sinikap kong aliwin ang isang umiiyak na batang babae sa pamamagitan ng pagkukunwaring nakikipag-usap sa kaniya, bagaman ang totoo ay hindi ako makapagsalita nang panahong iyon. Pinagalitan ako ng tagapamahalang babae at naglagay ito ng dibisyon sa pagitan namin upang hindi kami makapag-usap. Mula noon ay nanatili na roon ang dingding. Nakapanlulumo ang pagkakabukod ko.

Unti-unti kong natanto na kaming lahat ay naroroon dahil hindi kami makarinig. Marahil, mahal pa rin ako ng aking mga magulang, ngunit ikinatuwiran ko na kasalanan ko ang pagbagsak ko sa preschool. Noong pagkakataong iyon ay determinado na akong magtagumpay at balang araw ay makabalik sa aking pamilya.

Napakahusay ng pagtuturo sa CID. Bagaman hindi kami pinahintulutang gumamit ng sign language, napakaraming itinuro sa bawat isa sa amin tungkol sa pagbasa ng galaw ng labi at sa pagsasalita. Binigyang-diin din ang lahat ng asignatura na itinuturo sa mga karaniwang paaralan. Bagaman naniniwala ako na ang oral-only approach (pasalita-lamang na pagtuturo), gaya ng tawag dito, ay hindi mabisa para sa maraming batang bingi, naging mabisa ito sa akin, at nakaramdam ako ng tagumpay. Taglay ang aking mga pantulong sa pandinig, natutuhan kong unawain ang mga galaw ng bibig at mahihinang tunog ng pagsasalita ng iba. Nagsimulang maintindihan ng karamihan sa mga taong nakaririnig ang aking bumuti, bagaman hindi pa mahusay, na pagsasalita. Lubos na nasiyahan ang aking mga magulang at ang paaralan sa aking tagumpay. Gayunman, nanabik pa rin akong makauwi.

Tuwing bakasyon sa tag-araw, magmamakaawa ako sa aking mga magulang na hayaan akong mamalagi sa amin at pumasok sa paaralan sa Iowa, ngunit wala pa ring mga programa roon. Pagbalik ko sa paaralan, pinadadalhan ako ni Inay ng isang liham bawat araw at nilalakipan ito ng isang piraso ng chewing gum. Pinakaiingat-ingatan ko ang gum na iyon dahil sa pag-ibig na kinakatawan nito! Sa halip na nguyain iyon, itinatabi ko ang bawat piraso, at lalo kong napahahalagahan ang mga ito kapag ako ay nanlulumo.

Nakauwi Na, Ngunit Bumangon ang mga Problema

Sa wakas, nang ako ay sampung taon na, iniuwi ako ng aking mga magulang. Tuwang-tuwa ako at nadama ko ang katiwasayan sa piling ng aking pamilya! Nagpatala ako sa isang lokal na pantanging paaralan sa Des Moines para sa mga batang hindi makarinig. Nang dakong huli ay inilipat ako sa karaniwang mga klase dahil mahusay-husay akong bumasa ng galaw ng labi at natuto akong magsalita sa paraang nauunawaan. Gayunman, maraming hamon sa aking bagong situwasyon.

Sa dormitoryo sa CID, nadama ko na tinanggap ako ng aking mga kasamahang bingi. Ngunit ngayon, kapag kinailangan kong makitungo sa higit pa sa isang tao nang sabay-sabay, ang aking mga kasanayan sa pagbasa ng galaw ng labi ay hindi makasabay sa mabilis na usapan. Kaya hindi ako nakakasali. Talagang gustung-gusto ko na ako ay tanggapin!

Umakay ito sa paghahangad ko na magustuhan ng mga tin-edyer na lalaki, na nauwi sa pagkakasangkot ko sa alanganing mga situwasyon. At hindi ako marunong tumanggi. Noong ako ay 14 na taóng gulang, ginahasa ako; ngunit wala akong pinagsabihan tungkol dito. Bagaman ang aking mga magulang ay laging nagmamalasakit at maibigin, nadama kong ako’y nag-iisa at walang kaya.

Sa pamamagitan ng aking mga pantulong sa pandinig, nasisiyahan ako sa musika kahit paano, ngunit hindi maganda ang pinipili kong musika. Nakinig ako sa malalakas na musikang may kaugnayan sa droga (acid rock). Naging palagian din ang paggamit ko ng marihuwana at lalo kong ibinukod ang aking sarili. Nagsisisi pa rin ako nang husto kapag ginugunita ko ang aking ginawa noong magulong mga taóng iyon at ang kirot na idinulot nito sa pamilya ko at sa akin.

Mga Pagsisikap Upang Mapabuti ang Aking Buhay

Sa buong panahong iyon, patuloy pa rin akong nagnanais na matuto at naghahangad na maging malikhain. Palagi akong nagbabasa, nagpipinta, nananahi, at nagbuburda. Mas marami akong gustong maisakatuparan sa aking buhay kaysa sa kinabukasang naghihintay sa mga kaibigan ko na droga na lamang ang pinagkakaabalahan. Kaya nagpatala ako sa isang karaniwang kolehiyo malapit sa aming tahanan upang maitaguyod ko ang aking interes sa sining. Nang panahong ito ay naipasiya ko na mag-aral ng sign language dahil nasiphayo ako na hindi ako makasabay sa aking mga kasamahan.

Sa wakas ay lumipat ako sa National Technical Institute for the Deaf sa Rochester, New York, upang magpakadalubhasa sa sining hinggil sa seramik. Bagaman palubha nang palubha ang kalagayan ng aking paningin​—isang katotohanan na sa paano man ay ayaw kong tanggapin​—sa pakiramdam ko ay waring nasa tamang landasin ang aking buhay. Subalit iminulat sa akin ng aking tagapayo sa kolehiyo ang katotohanan sa pagsasabi sa akin na di-magtatagal at mabubulag ako.

Hindi pa lubusang handa ang institusyon upang ilaan ang aking mga pangangailangan, at kinailangan kong umalis. Ano na ang gagawin ko ngayon? Bagaman nalungkot ako dahil alam ko na malapit na akong mabulag, determinado akong makahanap ng paraan upang makapamuhay nang mag-isa at huwag mauwi sa pagiging ‘isa sa pinakamalulungkot na tao sa daigdig,’ gaya ng pagkasabi ng artikulo na ibinigay sa akin ng tagapayo. Umuwi ako sa Iowa upang mag-aral na bumasa ng Braille at gumamit ng isang tungkod sa paglalakad.

Paglipat sa Washington, D.C.

Ang Gallaudet University sa Washington, D.C., ang tanging kolehiyo sa daigdig ukol sa malayang sining (liberal arts) para sa mga bingi, ay may pantanging mga serbisyo para sa mga estudyanteng bingi at bulag. Lumipat ako roon at nagtapos nang may karangalan noong 1979. Minsan pa, natuwa ako dahil nagtagumpay ako sa pag-aaral.

Gayunman, nadama ko pa rin na ako’y nakabukod sa aking mga kasamahan. Bagaman naglalaho na ang aking paningin, tamang-tama naman na natuto ako ng sign language sa panahon na nagsimula kong madama na para bang kabilang ako sa isang grupo, ang pamayanan ng mga Bingi. Ang sign language na ginagamit ko ay kapareho niyaong ginagamit ng iba pang bingi. Gayunman, dahil kailangan kong hawakan ang kanilang mga kamay upang maintindihan ko ang senyas nila, iniwasan ako ng ibang bingi dahil sa naiilang sila. Nagsimula akong mag-isip kung talaga kayang tatanggapin pa ako ng alinmang grupo ng mga tao.

Paghahanap sa Tunay na Relihiyon

Hindi naglaan ng kaaliwan sa akin ang relihiyon samantalang ako ay lumalaki. At sa kolehiyo, bagaman kumuha ako ng kurso sa relihiyon, hindi kailanman nasagot ang marami kong katanungan. Nang magtapos ako sa kolehiyo, nagpatuloy akong maghanap ng mga kasagutan. Nang panahong ito, hindi ako maligaya sa aking pakikisama, kaya nagsimula akong manalangin sa Diyos upang patnubayan ako.

Noong 1981, bumalik ako sa Gallaudet University upang magtapos sa pagpapakadalubhasa sa pagpapayo ukol sa rehabilitasyon. Patuloy akong nanalangin para humingi ng tulong upang masumpungan ang tunay na relihiyon. Maraming tao ang nag-alok sa akin na dalhin ako sa kani-kanilang simbahan, subalit sa iba’t ibang kadahilanan, hindi naman nila itinuloy ito. Pagkatapos ay nakilala ko si Bill, na nakaririnig nang normal at nag-aaral din upang magpakadalubhasa. Sa di-inaasahang paraan ay natuklasan niya na pareho kaming may interes sa Bibliya, at ikinuwento niya sa akin na marami siyang magagandang natututuhan mula sa mga Saksi ni Jehova.

Ang unang impresyon ko ay na ang mga Saksi ni Jehova ay isang kultong Judio, isang opinyon na nasumpungan kong karaniwan sa maraming bingi. Tiniyak sa akin ni Bill na hindi sila gayon, at sinabi niya na ang pinakamainam na paraan upang malaman ang tungkol sa kanila ay ang dumalo sa isa sa mga pulong nila. Talagang ayaw kong dumalo, ngunit naalaala ko ang aking panalangin. Atubili akong sumang-ayon, sa kondisyon na uupo kami sa hanay sa likuran upang makatakas kami sakaling gipitin nila kami.

Naging Palagay ang Aking Loob

Ninenerbiyos ako nang husto habang sakay kami ng kotse patungo sa pulong. Kapuwa kami nakasuot ng asul na maong at pranelang kamisadentro. Buti na lang at nahuli kami nang bahagya sa pagdating dahil bunga nito ay hindi na kami kinailangang makisalamuha sa sinuman bago ang pulong. Detalyadong ipinaliwanag ni Bill sa paraang naiintindihan ko ang lahat ng mga bagay na hindi ko naman makita ni marinig. Bagaman hindi ko lubusang naiintindihan kung ano ang nagaganap, humanga ako sa dalawang bagay: Madalas gamitin ng tagapagsalita ang Bibliya, at ang mga bata, na nakaupong kasama ng kanilang mga magulang, ay aktibong nakikibahagi sa mga pulong. Pagkatapos ng pulong, sa halip na gipitin, malugod kaming tinanggap, sa kabila ng aming pananamit at naiibang lahing pinagmulan.

Kaming dalawa lamang ang puting tao sa loob ng Kingdom Hall. Bagaman hindi ko alam na mayroon akong anumang pagtatangi laban sa mga itim, sa simula ay naiilang ako na naroon ako. Gayunman, ang mensahe ng katotohanan ng Bibliya ay lubhang nakahihikayat anupat hindi ako makahinto bagaman naiilang ako. Nagsimula kaming dumalo nang regular sa mga pagpupulong. Lalo pang isang hamon para sa akin ang bagay na walang bingi sa kongregasyong iyon. Kaya nang mabalitaan namin ang tungkol sa isa pang kongregasyon na doo’y may ilang bingi na dumadalo, nagsimula kaming dumalo roon. Muli, sa bagong kongregasyong ito, kami lamang ang mga puti na dumadalo. Gayunman, naging palagay ang loob namin dahil sa kanila.

Tinanggap namin ang alok na isang pag-aaral sa Bibliya. Sa wakas, nasasagot na ang aking mga katanungan. Hindi ko laging nauunawaan kaagad ang mga sagot, ngunit maka-Kasulatan ang mga ito. Sa pamamagitan ng higit na pagsasaliksik at pagbubulay-bulay, nang bandang huli ay naunawaan ko ang mga katotohanan sa Bibliya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nadama kong malapit ako kay Jehova bilang ang tunay na Diyos. Kasabay nito, naging matalik kaming magkaibigan ni Bill. Alam ko na gusto niya ako, ngunit nagulat ako nang hilingin niya na pakasalan ko siya. Tuwang-tuwa akong sumagot ng oo. Nabautismuhan si Bill di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal, at pagkatapos ay ako naman pagkaraan ng ilang buwan, noong Pebrero 26, 1983.

Pagkasumpong sa Katiwasayan na Hinahanap Ko

Sa simula ay nangamba ako na baka mapabukod ako dahil maliban sa akin ay dalawa lamang ang bingi sa aming kongregasyon, at hindi sila sanáy makipag-usap sa isa na parehong bingi at bulag. Masasabi ko na maibigin at magiliw ang aming kongregasyon, ngunit sa simula ay hindi ko magawang makipagtalastasan nang tuwiran sa kanila. Nakapagpalungkot ito sa akin. Maraming beses akong nasisiraan ng loob at nalulungkot. Gayunman, ang isang mabait na gawa ng isang espirituwal na kapatid ay makaaantig sa aking puso at makapagpapasigla sa akin. Pinatibay-loob din ako ni Bill na magpatuloy sa aking ministeryo at manalangin kay Jehova na akayin ang mas marami pang bingi upang mapabilang sa kongregasyon.

Nagpasiya akong kumuha ng isang asong tagaakay upang mas lalo akong makakilos nang mag-isa. Nakatulong din ang aso upang mapawi ang pagkadama ko na ako’y nag-iisa. Kapag nasa trabaho si Bill, makalalakad ako patungo sa Kingdom Hall upang makipagpulong sa grupo na nagtitipon upang makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Sa nakalipas na mga taon, nagkaroon ako ng apat na asong tagaakay, at bawat isa sa mga ito ay naging tulad ng isang miyembro ng pamilya.

Bagaman nakatutulong ang isang asong tagaakay, sabik ako sa higit pang pakikipag-ugnayan sa tao. Nang maglaon, pinagpala ni Jehova ang aming pagsisikap na makapaglinang ng interes sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga bingi. Ang interes ay lumago hanggang sa punto na isang kongregasyon na gumagamit ng sign language ang binuo sa Washington, D.C. Sa wakas, maaari na akong makipagtalastasan sa bawat miyembro ng kongregasyon!

Si Bill ay naging kuwalipikadong maglingkod bilang isang matanda at inatasan siya bilang punong tagapangasiwa sa kongregasyong gumagamit ng sign language. Nagkaroon ako ng matinding kasiyahan sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ibang bingi at sa iba na parehong bingi at bulag, na marami sa mga ito ay tapat na naglilingkod ngayon kay Jehova. Nagturo rin ako ng sign language sa mga nakaririnig na kapatid na babae upang lalo silang maging epektibo sa ministeryo para sa mga bingi.

Isang Panahon ng Pagsubok

Noong 1992, nadaig ako ng matinding panlulumo na may kinalaman sa pang-aabuso na naranasan ko bilang isang kabataan. Sa loob ng ilang taon, halos hindi ako makakilos. Pakiramdam ko ay wala akong kayang gawin​—hindi dahil sa ako ay bingi o bulag​—kundi dahil sa matinding pagkabagabag ng damdamin. Maraming beses na naisip kong hindi ko na kayang dumalo sa pulong o lumabas sa larangan, at magsusumamo ako kay Jehova upang bigyan ako ng lakas upang makapanatiling tapat. Bilang resulta, bihira akong lumiban sa pulong, at nanatili akong regular sa aking ministeryo sa mapanglaw na mga taóng iyon.​—Mateo 6:33.

Noong 1994, lumipat kami sa Vancouver, British Columbia, Canada, upang tumulong sa pagbuo ng isa pang kongregasyon na gumagamit ng sign language. Hindi naging madali ang paglipat. Iniwan ko ang isang pamilyar na lunsod lakip na ang maraming mahal na mga kaibigan. Bagaman hindi pa tapos ang aking panlulumo at kabalisahan, dahil sa kagalakan na makitang naitatag ang isang bagong kongregasyon sa Vancouver ay naging sulit ang lahat ng mga pagsasakripisyo. Nagkaroon ako ng mahal na mga kaibigan sa bagong kongregasyon, kaya palagay na ang loob namin doon.

Pinagpala ng Ating Maibiging Ama

Noong 1999, dinalaw naming mag-asawa at ng dalawa pang Saksi ang Haiti sa loob ng anim na linggo upang tumulong sa ministeryo ukol sa mga bingi. Sa pakikipagtulungan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon, nagturo kami sa isang klase ng sign language para sa mga miyembro ng kongregasyon at nangaral na kasama nila sa halos hindi pa nagagawang teritoryo ng mga bingi. Sa loob ng ilang linggo, mahigit na 30 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa mga interesadong bingi! Umuwi ako taglay ang panibagong espirituwal na lakas at nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir noong Setyembre 1999. Sa tulong ni Jehova, ng aking mahal na asawa, at ng isang matulunging kongregasyon, hindi napawi ng paminsan-minsang panlulumo ang aking kagalakan.

Sa paglipas ng mga taon, naranasan ko kung gaano kagiliw magmahal si Jehova. (Santiago 5:11) Kinakalinga niya ang lahat sa kaniyang bayan​—ngunit lalo na yaong may pantanging mga pangangailangan. Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, natanggap ko ang New World Translation of the Holy Scriptures pati na ang marami pang ibang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa Braille. Nasisiyahan ako sa mga kombensiyon at mga asamblea sa sign language. Maibiging tumutulong sa akin ang kongregasyon sa pamamagitan ng tactile interpreting, pagsesenyas nang nakalapat sa aking mga kamay, upang lubos akong makinabang sa lahat ng mga pulong. Sa kabila ng dobleng kapansanan, nakasumpong ako ng katiwasayan sa gitna ng bayan ni Jehova. Hindi lamang ako nakatatanggap kundi nakapagbibigay rin ako, at nagdudulot ito sa akin ng malaking kagalakan.​—Gawa 20:35.

Umaasa ako na tataglayin kong muli ang aking pandinig at ang aking paningin sa bagong sanlibutan ni Jehova. Samantala, hindi ako isa sa pinakamalulungkot na tao sa daigdig, kundi mayroon akong isang pandaigdig na pamilya ng milyun-milyong espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. Sa lahat ng ito, salamat kay Jehova, na siyang nangako na sa anumang paraan ay hindi niya ako iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan. Oo, sa kabila ng lahat ng mga hamon, masasabi ko: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.”​—Hebreo 13:5, 6.

[Larawan sa pahina 23]

Pagsesenyas nang nakalapat sa aking kamay

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking asawa, si Bill, sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share