Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kapangyarihang Mangulit”
  • Mga Adultong Kumakain ng Pagkain ng Sanggol
  • Ang Pagkasugapa sa Paninigarilyo ay Maaaring Magsimula Agad
  • Umamin ang mga Simbahan sa Paggamit ng Sapilitang Pagpapatrabaho
  • Mapagagaling ba Agad ng mga Zinc Lozenge ang Sipon?
  • Pag-aangkat ng mga Pari
  • Maaari Kang Magkasakit Dahil sa mga Pinatuyong Pagkain ng Alagang Hayop
  • Mga Kapsulang Nakakakita
  • Lumalalang Panlulumo sa Trabaho
  • Ang Sari-saring Kawan ng Templo
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Kapangyarihang Mangulit”

Ang pamilihan sa Britanya “ay dinaragsa ng bagong henerasyon ng mga kabataang magastos, lubhang makabago at sunod-sa-moda,” ulat ng The Times ng London. “Sa edad na 10 hanggang 13, sapat na ang kanilang gulang upang magpasiya sa sarili kung ano ang bibilhin ngunit bata pa rin upang magamit ang ‘kapangyarihang mangulit’ para bayaran ng kanilang mga magulang ang mamahaling bagay na gusto nila,” sabi pa ng pahayagan. Si Piers Berezai ng Datamonitor, ang kompanyang nananaliksik sa gusto ng mga mámimilí, ay nagsabi: “Dahil sa pagdami ng diborsiyo at mga babaing nagtatrabaho, ang pagkadama ng mga magulang ng pagkukulang ay gumaganap ng lumalaking papel para palitan ng salapi ang panahon na dapat sanang ginugol nang magkasama. Natututuhan ng mga anak na mabisang kasangkapan ang pangungulit upang makuha ang gusto nila. Ang mga magulang, na bihirang nakikita ang kanilang mga anak, ay mas madaling mahikayat at mas malamang na pagbigyan ang kanilang mga anak.”

Mga Adultong Kumakain ng Pagkain ng Sanggol

Dumaraming pagkain ng sanggol ang kinakain ng mga adulto, ulat ng ahensiya ng balita sa Alemanya na dpa-Basisdienst. Sampung porsiyento ng produksiyon ng isang malaking tagagawa ng pagkain ng sanggol sa Alemanya ang ipinagbibili sa sambahayan na walang mga bata. Paborito ng mga tao na may iba’t ibang edad at antas sa buhay ang puding na gatas at nilagang prutas para sa mga sanggol. Yamang ang isang takdang sukat ay may 100 kalori lamang, mas gusto ng mga adultong palaisip sa timbang na gawing meryenda ang pagkain ng sanggol. Tinutugunan ng mga tagagawa ang kausuhang ito sa pamamagitan ng pagrerekomenda sa kanilang mga produkto para sa mga “bata at matanda” at ng paglalaan ng mga resipe na may produkto nila. Gayunman, hindi natutuwa ang German Nutrition Society sa kausuhan. Ayon sa tagapagsalita nito na si Anette Braun, hindi kailangan ng mga nasa hustong gulang ang gayong pantanging inihandang mga pagkain malibang may sakit sila. Dapat nilang nguyain ang kanilang pagkain. “Tutal, iyan ang dahilan kung bakit tayo may ngipin,” sabi ni Braun.

Ang Pagkasugapa sa Paninigarilyo ay Maaaring Magsimula Agad

Pinatunayan ng mga mananaliksik sa University of Massachusetts na ang ilang tao ay kakikitaan ng pagkasugapa “sa loob lamang ng ilang araw pagkaraan ng kanilang unang paninigarilyo,” sabi ng isang ulat ng Associated Press. Sinubaybayan ng pag-aaral ang kaugalian sa paninigarilyo ng 681 kabataang nasa pagitan ng edad 12 at 13 sa loob ng isang taon at itinala ang mga sintomas na nagpapakita ng pagkasugapa. “May hinala na maraming tao ang agad-agad na nagiging sugapa,” sabi ni Dr. Richard Hurt, “ngunit ito talaga ang kauna-unahang matibay na ebidensiyang taglay namin na nangyayari nga ito.” Ganito ang sabi ng direktor ng pangkat ng mananaliksik na si Dr. Joseph DiFranza: “Ang talagang mahalagang ipinahihiwatig ng pag-aaral na ito ay na dapat nating babalaan ang mga bata na hindi ka maaaring basta manigarilyo lamang paminsan-minsan o mag-eksperimento sa sigarilyo sa loob ng ilang linggo at pagkatapos ay hihinto na.”

Umamin ang mga Simbahan sa Paggamit ng Sapilitang Pagpapatrabaho

Kamakailan lamang, nanghilakbot ang taong-bayan ng Alemanya nang malaman na noong Digmaang Pandaigdig II, kapuwa ang mga simbahang Katoliko at Evangelical ay gumamit ng sapilitang pagpapatrabaho. Ayon sa isang tagapagsalita para sa German Catholic Bishops’ Conference, “ang mga manggagawa ay nagtrabaho sa mga ari-arian na pinangangasiwaan ng simbahan​—sa mga bukirin ng mga monasteryo at gayundin sa mga ubasan at mga ospital,” ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ang pinakamalalaking institusyong pangkapakanan at panlipunan ng Simbahang Evangelical sa Europa ay “gumamit ng sapilitang manggagawa sa buong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig,” sabi ng Süddeutsche Zeitung. Kapuwa ang mga simbahang Katoliko at Evangelical ay nangako ng ilang milyong deutsche mark upang bayaran ang nabubuhay pang mga sapilitang manggagawa, na karamihan ay mga sibilyan mula sa mga bansa sa Silangang Europa.

Mapagagaling ba Agad ng mga Zinc Lozenge ang Sipon?

Sa loob ng maraming taon, pinagtalunan ng mga mananaliksik kung ang zinc ba ay nakatutulong sa mga tao na pagalingin ang sipon. Natuklasan sa isang pag-aaral kamakailan na “ang mga [zinc] lozenge (tableta) na sinisipsip bawat ilang oras sa pagsisimula ng sipon ay nagpapaikli nang halos kalahati sa katamtamang itatagal nito,” ulat ng Science News. Karagdagan pa, ang mga nakibahagi sa pag-aaral na gumamit ng mga zinc lozenge bawat dalawa hanggang tatlong oras sa loob ng apat o limang araw ay “nag-ulat ng mas madalang na pag-ubo at pagtulo ng sipon” kaysa sa mga uminom ng mga placebo. Gayunman, ang ilang tao na umiinom ng zinc ay nakaranas ng masamang epekto gaya ng hindi pagkadumi at panunuyo ng bibig, sabi ng magasin.

Pag-aangkat ng mga Pari

Palibhasa’y nababahala sa kakulangan ng mga pari sa mauunlad na bansa, ang Simbahang Katoliko ay nagsimulang mag-angkat ng mga pari upang punan ang pangangailangan, ulat ng magasin sa Italya na L’Espresso. “Sa Italya, Europa, at Hilagang Amerika, ang mga seminaryo ay nagiging di-mabunga at hindi na kayang palitan ng mga diyosesis ang kanilang mga pari,” ang sabi ng magasin. Upang mapunan ang mga bakanteng parokya, inaangkat ang mga pari mula sa Brazil, India at Pilipinas. “Ang kalakarang ito ay nagsisimula pa lamang,” sabi ng L’Espresso, “ngunit binabago nito ang simbahan. . . . Sa Italya, mayroon nang 1,131 pari mula sa labas ng European Union na nasa peyrol ng Bishops’ Conference, samakatuwid nga, 3 porsiyento ng kabuuan.” Sa gayon, ang Italya ay nagiging ‘teritoryo ng misyonero,’ sabi ng magasin.

Maaari Kang Magkasakit Dahil sa mga Pinatuyong Pagkain ng Alagang Hayop

“Ang mga pagkain ng alagang hayop na gawa sa mga pinatuyong tainga, paa, baga, at buto ng mga baboy at mga baka ay isinangkot sa pagkalason ng mga tao sa Salmonella,” ulat ng FDA Consumer. Ayon sa mga opisyal ng kalusugan sa Canada, sa loob ng mahigit na isang taon, mahigit na 35 taga-Canada ang ginamot dahil sa pagkalason sa salmonella matapos humawak ng mga pinatuyong tainga ng baboy. Iminungkahi ni Gloria Dunnavan, direktor ng Division of Compliance for the Food and Drug Administration’s Center for Veterinary Medicine, na hawakan ng mga mámimilí ang pinatuyong bahagi ng hayop gaya ng paghawak nila sa hilaw na karne. “Sa ibang pananalita, maghugas ng iyong kamay sa pamamagitan ng sabon at mainit na tubig matapos humawak, iwasang ilagay ang pagkain ng hayop sa mga lugar na pinagpapatungan ng pagkain (gaya ng mga patungan sa kusina), at huwag hayaang isubo ng mga bata ang kanilang kamay matapos hawakan [ang mga ito],” sabi ng magasin.

Mga Kapsulang Nakakakita

Isang kompanya sa Israel ang nakagawa ng isang kapsula na matapos lulunin ay nagsisilbing isang maliit na video camera upang mapag-aralan ang mga karamdaman sa maliit na bituka, ang ulat ng pahayagan sa Mexico na Excelsior. Ang maliit na kamera ay nagpapadala ng mga signal sa isang pantanging sinturon na nakasuot sa balakang ng pasyente. Pagkatapos nito ay pinoproseso ng isang computer ang mga larawan at pinag-aaralan ng mga espesyalista. Ang maliit na kamera ay inilalabas sa likas na paraan. Ayon kay Dr. Blair Lewis, isa sa mga kapakinabangan ng pamamaraang ito ng pagsusuri ay na hindi ito masakit. Ang isa sa mga nag-imbento ng kapsula, na si Propesor Paul Swain, ay nagsabi na “magiging posible na makunan ng larawan ang ibabang bahagi ng maliit na bituka nang hindi kinakailangang painumin ng pampamanhid ang pasyente at kahit na siya’y naglalakad pa.” Nagbigay ng pahintulot ang U.S. Food and Drug Administration upang subukin ang kapsulang ito sa 20 pasyente sa New York at London.

Lumalalang Panlulumo sa Trabaho

“Ang kaigtingan, kabalisahan at panlulumo sa trabaho ay nakaaapekto sa isa sa bawat 10 manggagawa sa buong daigdig,” ulat ng pahayagan sa Paris na International Herald Tribune. Natuklasan ng isang pag-aaral ng UN International Labor Organization na gumagastos ang Europa at Estados Unidos ng mahigit sa $120 bilyon bawat taon dahil sa kaigtingang sanhi ng trabaho. Ang pagtaas ng panlulumo na kaugnay sa trabaho ay sinasabing dahilan na rin, sa isang bahagi, sa pagsulong ng teknolohiya, na nakaragdag ng kaigtingan sa mga manggagawa. Iniulat ng Tribune na sa Estados Unidos, mga “200 milyong araw ng pagtatrabaho ang nasasayang taun-taon dahil sa mga suliranin sa mental na kalusugan na kaugnay sa trabaho” at nasa Finland, mahigit na kalahati sa mga manggagawa ang dumaranas ng mga suliranin na kaugnay ng kaigtingan. Karagdagan pa, mga 30 porsiyento ng mga manggagawa sa Britanya ay sinasabing may mga suliranin sa mental na kalusugan, at 5 porsiyento ang dumaranas ng labis na panlulumo.

Ang Sari-saring Kawan ng Templo

Isang lumang templo ng Budista sa Hapon ang umaakit hindi lamang ng mga mananamba. Mula nang kumpunihin ang templo noong 1955, ang mga ibong karpenteros (woodpecker) ay humugos na rito. Ang maliliit na butas na ginawa nila sa templo “ay napakarami anupat akala ng mga turista ay bahagi ito ng disenyo​—upang makapasok ang sikat ng araw at lumiwanag ang looban,” sabi ng Asahi Evening News. Naghihinagpis ang punong pari na hanggang sa ngayon ay bigo ang lahat ng pagsisikap na maitaboy ang mga ibon mula sa templo. Itinayo noong 1286, ang pangunahing bulwagan ng Daizenji Temple sa Yamanashi Prefecture ay opisyal na kinikilala bilang isang pambansang yaman.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share