“Pagmamasid sa Daigdig” Ginagamit sa Paaralan
MABISANG ginamit ni Edelmira, isang 15-taóng-gulang na dalagita sa Estados Unidos, ang magasing Gumising! sa paaralan. Sa kaniyang liham sa mga tagapaglathala, sumulat siya:
“Tuwing Biyernes, mayroon po kaming takdang-aralin na mag-ulat hinggil sa isang kasalukuyang pangyayari. Nabasa ko po ang Gumising! na Abril 22, 2000 at nagpasiya na isalig ang aking ulat sa isang balita sa ‘Pagmamasid sa Daigdig’ na pinamagatang ‘Inamin ng Kompanya ng Tabako na Sanhi ng Kanser ang Paninigarilyo.’ Sumulat ako ng isang buod at binasa ito sa klase. Nakinig pong mabuti ang guro at ang mga estudyante. Nang matapos ako, tinanong ako ng isang kaklase—sa mismong harapan ng klase—kung natagalan ako sa paghanap ng aking impormasyon. Ibinigay ko po sa kaniya ang Gumising! May kasabikan niyang sinimulan na basahin ito, at isang kabataang lalaki na kakongregasyon po namin na kaklase naman niya sa sumunod na klase ay nagsabi na nang makita niya ang dalagita, binabasa pa rin nito ang magasin. Ngayon ay sinabi ng dalagita na nais niyang tumanggap ng bawat isyu ng kapuwa Gumising! at ng kasama nito na Ang Bantayan.
“Pinangyari po ng karanasang ito na ipagmalaki ko na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Itinuro nito sa akin na marami tayong pagkakataon na ipakipag-usap ang hinggil kay Jehova.” Ganito tinapos ni Edelmira ang kaniyang liham: “Nais ko po kayong pasalamatan sa inyong pagpapagal sa paggawa ng mga magasing ito. Pakisuyong ipagpatuloy po ninyo ang pag-iimprenta ng ‘Pagmamasid sa Daigdig’!”