Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwad na mga Fossil
  • Maruruming Lawa sa Kabundukan
  • Pasadyang mga Puntod
  • Mag-ingat sa Tingga sa mga Alahas
  • Likas na Tirahan​—Paraan sa Pangangalaga
  • Nagtagumpay sa Korte ang mga Saksi sa Russia
  • Pagkita ng Salapi Mula sa Donasyong mga Damit
  • Kung Bakit Nahihirapang Makipagtalastasan ang mga Bata
  • Naglalahong mga Wika
  • Problema sa Basura sa Lunsod ng Mexico
  • Ang Nauubos na Yaman ng Lupa
    Gumising!—2005
  • Nagtagumpay sa Korte ang Bayan ni Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Huwad na mga Fossil

“Sa loob ng 116 na taon, nakapalamuti ito sa mga bulwagan ng National Museum of Wales sa Cardiff​—ang fossil na kalansay ng isang 200m[ilyon]-taong-gulang na maninila na minsang nabuhay sa karagatan noong panahon ng Jurassic,” ang sabi ng pahayagang The Guardian ng Britanya. “Pagkatapos naipasiya ng mga namamahala sa museo sa Cardiff na ayusin ang nalabi ng hayop na ichthyosaurus na kumakain ng karne na nakatira sa karagatan​—at natanto nila na sila’y nalinlang.” “Nang alisin namin ang limang suson ng pintura, natuklasan namin na huwad pala ito na napakaingat at napakahusay ang pagkakagawa,” sabi ng tagapangalaga sa museo na si Caroline Buttler. “Ito pala’y pinagsamang dalawang uri ng ichthyosaurus at napakahusay na inayos ang huwad na mga bahagi.” Sa halip na itapon ito, ididispley ito ng museo bilang halimbawa ng isang huwad na fossil.

Maruruming Lawa sa Kabundukan

Ang mga lawa sa kabundukan ay hindi kasinlinis na gaya ng akala rito. “Maging ang pinakamatataas na lawa, gaya ng Schwarzsee sa itaas ng Sölden [Austria], ay napakarumi,” ulat ng magasing Aleman na natur & kosmos. Ang mga isda sa mga lawang nasa matataas na lugar ay may antas ng DDT na 1,000 ulit na mas mataas kaysa sa isda na matatagpuan sa mas mabababang lugar. Bakit? Sa tropikal na mga bansa, dinadala ng hangin ang nakalalasong kemikal dahil sa ebaporasyon at tinatangay ito ng hihip ng hangin sa ibang bahagi ng daigdig. Sa malalamig na lugar​—tulad ng mga lawa sa kabundukan​—namumuo at nagiging ulan ang maliliit na butil ng DDT. “Parang sinasahod ng pagkalamig-lamig na mga lawa sa kabundukan ang maliliit na butil,” sabi ng magasin, at “inaagaw ang DDT mula sa atmospera.” Ang DDT​—isang pestisidyo na nakalalason sa mga tao at mga hayop​—ay ipinagbawal na sa Europa sa loob ng mahigit na 20 taon, subalit ginagamit pa rin ito sa papaunlad na mga bansa.

Pasadyang mga Puntod

“Nagiging kausuhan sa paglilibing ang kakaibang mga puntod,” ang sabi ng Pranses na newsmagazine na L’Express. Nag-aalok ang mga tagagawa ng puntod na magtayo ng pasadyang mga libingan na may 25 iba’t ibang kulay, may bagong mga disenyo, at materyales na gaya ng kinulayan at pinalamutihang salamin o metal. Kasali sa nagawa nang mga puntod ay eskultura ng mga parakaida, isang aso at baka, isang wasak na tren, at malaking bariles​—na inorder ng isang negosyante ng alak. Sinasabi ng isang malaking kompanya na gumagawa ito ng di-kukulangin sa 80 kopya ng motorsiklo sa isang taon upang gawing dekorasyon sa mga puntod. Ayon sa artikulo, ang maaari lamang ipahintulot ng lokal na mga batas ay isang lapida at malaking tipak ng bato, subalit sinusuportahan ng batas ng Pransiya ang indibiduwal na mga paniniwala at pinagkakalooban ng “kalayaang magtayo” ang mga may-ari ng libingan.

Mag-ingat sa Tingga sa mga Alahas

“Kung malamang na ngunguyain o sisipsipin ng inyong anak ang alahas na maaaring may tingga, itapon agad ang mga bagay na ito,” ang payo ng isang ulat ng Health Canada. Isiniwalat ng mga pagsusuri sa laboratoryo sa mumurahing alahas na karaniwang ibinibili sa mga bata na ang karamihan sa mga sampol ay nagtataglay sa pagitan ng 50 at 100 porsiyentong tingga. “Ang paglunok kahit ng kakaunting tingga ay maaaring magdulot ng masasamang epekto sa pagsulong sa intelektuwal at pag-uugali ng mga sanggol at mga bata,” ang sabi ng ulat. Mangyari pa, mahirap matiyak ang dami ng tingga kung walang kagamitang pansuri. Kaya kung may kinalaman sa pangkaraniwan at mumurahin na pambatang mga alahas, ang pinakamahusay na paraan ay yaong inirekomenda sa pahayagang National Post: “Kapag nag-aalinlangan, itapon ito agad.”

Likas na Tirahan​—Paraan sa Pangangalaga

“Ang pangangalaga sa tirahan ng hayop [ang] paraan upang mapangalagaan ang buhay-ilang,” ang sabi ng pahayagang Times of Zambia. Sinasabi ng ulat na ang pinakamalaking salik na nakaiimpluwensiya sa pag-unti ng populasyon ng buhay-ilang ay ang pagsira sa tirahan ng mga hayop. “Ang labis na panginginain, mga sunog, pagkaagnas ng lupa, [at] pagbubungkal” ay kabilang sa mga sanhi ng problema. “Maliwanag na mahalaga ang agrikultura at hindi natin ito maaaring alisin,” ang paliwanag ng artikulo. Subalit sa mga lugar kung saan ang pagsasaka “ay hindi gaanong kapaki-pakinabang dahil sa di-matabang lupa,” maaaring maingatan ang likas na tirahan ng mga hayop, ang sabi ng Times. Nang dalhin ang mga hayop na inaalagaan sa mga lugar na ito, nahirapang labanan ng mga ito ang mga parasito gaya ng mga garapata at mga hanip, subalit “ang maiilap na hayop ay may likas na panlaban sa gayong mga insekto,” mula sa paglulubalob sa putikan at paggulong sa alikabok hanggang sa nalilinis dahil sa pagtuka ng mga ibon.

Nagtagumpay sa Korte ang mga Saksi sa Russia

Ang The New York Times noong Pebrero 24, 2001, ay nag-ulat: “Nakamit ng mga Saksi ni Jehova ang isang tagumpay ngayon [Pebrero 23], na posibleng magdulot ng napakalaking epekto, sa isang korte sa Moscow laban sa mga nagsakdal na nagsikap na ipagbawal ang grupo sa ilalim ng batas noong 1997 na nagbabawal sa mga relihiyosong sekta na nag-uudyok ng pagkapoot o walang-pagpaparaya.” Sinuspinde ang paglilitis noong Marso 12, 1999, at limang dalubhasa ang inatasan upang magsuri sa mga paniniwala ng mga Saksi. Pansamantalang itinigil ang kaso sa loob ng halos dalawang taon. Pagkatapos na ito’y muling buksan noong Pebrero 6, 2001, wala pang tatlong linggo nang ipasiya ng korte na walang saligan ang mga habla ng nagsakdal. Gayunman, hiniling ng mga nagsakdal sa Moscow City Court na ipag-utos ang muling paglilitis. Noong Mayo 30, ipinagkaloob ang kahilingang iyon, at ang kaso ay binuksan na naman sa korte upang muling litisin. “Ang Simbahang Ruso Ortodokso, na labis na salansang sa misyonerong mga gawain,” ang sabi ng Los Angeles Times, “ay isa sa pangunahing may-panukala ng batas sa relihiyon noong 1997, na puwersahang nagpahirap sa maraming denominasyon sa proseso ng pagrerehistro.”

Pagkita ng Salapi Mula sa Donasyong mga Damit

“Kaunting-kaunti lamang” na donasyong mga damit ang talagang nakararating sa mga talagang nangangailangan, sabi ng pahayagang Aleman na Südwest Presse. Sa Alemanya taun-taon, mahigit sa 500,000 toneladang damit ang ibinibigay bilang donasyon upang tulungan ang mahihirap. Subalit, pangkaraniwan na, ipinagbibili ito sa mga negosyante ng mga organisasyong nangongolekta ng mga damit, anupat ginagawang isang negosyo ang donasyong mga damit na kumikita ng ilang daang milyong mark ng Alemanya. Malimit na hindi alam ng mga nangongolekta kung ano ang nangyayari sa donasyong mga damit. Sinasabi ng artikulo: “Kung gusto mong matiyak na talagang napapakinabangan ng mahihirap ang iyong mga damit, kailangang ikaw mismo ang magbigay nito sa mahihirap o ipadala mo ang mga ito sa pinagkakatiwalaang mga tao sa lugar na may krisis.”

Kung Bakit Nahihirapang Makipagtalastasan ang mga Bata

Ayon sa pahayagang Berliner Morgenpost, isinisisi ng tagapagsalita para sa samahan ng mga doktor sa Berlin na espesiyalista sa sakit ng bata ang suliranin sa pakikipagtalastasan ng mga bata sa labis na panonood ng telebisyon at paggamit ng computer. Sinabi niya na ang mga bata, lalo na ang mga hindi pa nag-aaral, ay hindi dapat na gaanong manood ng TV o gumamit ng computer at dapat na mas marami ang oras sa pakikipagtalastasan at pinasisigla ng tunay na mga tao. Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng bagong pananaliksik, ang sabi ng The Sunday Times ng Britanya, na “dumaraming tao na nasa kanilang edad na lampas sa beinte at mahigit sa trenta ang dumaranas ng malalang pagkamalilimutin” at kawalang-kakayahan na “makilala ang mahalaga sa di-mahalagang mga bagay” dahil sa “labis-labis na pagtitiwala sa teknolohiya ng computer.”

Naglalahong mga Wika

Ipinaplano ng pinagsamang proyekto ng Brazil at Alemanya na gawing dokumentaryo ang katutubong mga wika sa Brazil na nanganganib na maglaho, ang ulat ng pahayagang Folha de S. Paulo sa Brazil. Umaasa ang mga mananaliksik na maiingatan ang mga wikang Trumai, Aweti, at Cuicuro sa pamamagitan ng paglikha ng tinipong impormasyon tungkol sa mga salita at tunog sa computer. Ayon sa dalubhasa sa wika na si Aryon Rodrigues, 180 lamang mula sa sinaunang 1,200 katutubong wika sa Brazil ang nanatili. Mula sa mga ito, di-kukulangin sa 50 ang sinasalita ng kakaunti pa sa 100 katao. Sa kaso ng isang wika, ang Makú, ang tanging nagsasalita nito ay isang 70-taong-gulang na balong lalaki na nakatira sa hilaga ng Brazil. Sinasabi ni Rodrigues na ang pag-iingat ng mga katutubong wika ay mahalaga sa pag-iingat ng tradisyunal na kultura ng mga tao.

Problema sa Basura sa Lunsod ng Mexico

Tatlumpung porsiyento ng mga basura sa Lunsod ng Mexico ang nananatili sa mga pampublikong lansangan na maaaring maging nakasasamang polusyon, sabi ng pinakahuling ulat ng pahayagang El Universal sa Lunsod ng Mexico. Binanggit ni Aarón Mastache Mondragón, kalihim pangkapaligiran, na 10 porsiyento lamang ng mga basura sa Lunsod ng Mexico ang nareresiklo at na halos 48 porsiyento ay hindi nabubulok. Salig sa impormasyon mula sa National Institute of Recyclers, gugugol ng isang buwan upang mabulok ang isang karton na etiketa; isang sanga ng kawayan, mula isa hanggang tatlong buwan; isang tuwalyang koton, mula isa hanggang limang buwan; isang medyas na lana, isang taon; may pinturang kahoy, halos isang taon; isang lata, 100 buwan; isang latang aluminyo, mula 200 hanggang 500 taon; at isang boteng babasagin, mahigit na isang milyong taon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share