Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 10/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tumataas ang Krimen sa Ekonomiya sa Europa
  • Pagkaligtas sa mga Aksidente ng Eroplano
  • “Techno-Stress”
  • Isinusulat ng mga Bata ang Kanilang Sariling Aklat
  • Hindi na Mabisa ang Isang Gamot sa Malarya
  • Hindi Maaaring Pagsabayin ang Inuming De-Alkohol at Pagbibisikleta
  • Papel Mula sa mga Halamang Saging
  • Ang Nakapagpapagaling na Bisa ng Pulot-Pukyutan
  • Ang Paglaho ng Pako
  • Edukasyon sa Magandang Asal
  • Ang Iyong mga Kuko—Inaalagaan Mo ba ang mga Ito?
    Gumising!—1998
  • Pako
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Papel—Ang Maraming-Gamit na Produktong Iyon!
    Gumising!—1986
  • Pulot-Pukyutan—Isang Matamis na Tagapagpagaling
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 10/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Tumataas ang Krimen sa Ekonomiya sa Europa

“Kapansin-pansing lumulubha ang krimen sa ekonomiya mula noong 1998,” ayon sa isang ulat na pinagtibay ng mga parlamentaryo ng Council of Europe. Ano ba ang krimen sa ekonomiya? Itinatala ng ulat mula sa Committee on Economic Affairs and Development ang “pangangalakal sa mga tao, pagpupuslit ng ipinagbabawal na droga at iba pang kontrabando, pamemeke, krimen sa kapaligiran, cybercrime, pandaraya sa pagbabayad ng buwis, ilegal na pagkuha ng pondo, katiwalian at pangangalakal sa impluwensiya.” Yamang napapansin na ang ganitong uri ng krimen ay lalong nauugnay sa pulitika, nagbabala ang ulat: “Maaaring maglaho ang determinasyon ng Europa na labanan ito at mabigo sa pakikipagbaka.” Sinabi ng awtor ng report na si Vera Squarcialupi ng Italya: “Ang kapangyarihan ng batas, na siyang pinakabuhay ng sibilisadong lipunan, ang unang maaapektuhan.”

Pagkaligtas sa mga Aksidente ng Eroplano

“Mahigit sa 95% ng mga pasahero ang nakaliligtas sa mga aksidente ng mga komersiyal na eroplano,” sabi ng pahayagang National Post ng Canada. Ayon sa Post, natuklasan ng isang pag-aaral ng U.S. National Transportation Safety Board na ang karamihan sa mga pasahero ay nakaliligtas kahit sa “malulubhang aksidente” na nagdudulot ng malaki-laking pinsala sa eroplano. Si Art LaFlamme, director general ng abyasyong sibil sa Transport Canada, ay nagpaliwanag: “Ang karamihan talaga sa mga aksidente ay nagaganap sa panahon ng paglipad at paglapag. Ang mga ito ang uri na hindi naiuulat sa mga ulong balita, at karamihan sa mga aksidenteng ito ay lubhang maliligtasan. Kaya talagang idiniriin namin ang pagbibigay ng mga tagubiling pangkaligtasan.” Ang mga madalas maglakbay ay may tendensiya na hindi pansinin ang mga instruksiyong pangkaligtasan. Ngunit tulad ng sinabi ng isang babaing tagapagsalita ng isang kompanya ng eroplano, “napakahalaga na magbigay-pansin ang mga tao. Sa panahon ng kagipitan, nakasalalay ang buhay nila rito.”

“Techno-Stress”

Ang “techno-stress”​—ang pagkasiphayo mula sa panggigipit na gumamit ng bagong teknolohiya​—ay sinasabing lumalaki, iniuulat ng magasing Maclean’s ng Canada. Ipinahihiwatig ng mga pagsusuri na ang mga sanhi ay mula sa “walang-katapusang proseso ng pag-aaral kung paano gagamitin ang mga bagong teknolohiya hanggang sa hindi na makilala ang kaibahan ng buhay sa trabaho at sa tahanan bilang resulta ng mga bagong kagamitan o pamamaraan tulad ng e-mail, call-forwarding at mga cellular phone.” Paano mo mahaharap ang mga ito? Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagtatakda ng mga hangganan. Pagpasiyahan kung ang partikular na gamit ay talagang magpapasimple sa iyong buhay o higit na magpapasalimuot dito. Asahang ikaw ay magtatakda ng panahon upang sapat na mapag-aralan ang bagong teknolohiya para makita ang lubos na mga kapakinabangan nito. “Maglaan ng panahon bawat araw na isaisantabi ang bagong teknolohiya,” at maglaan ng panahon sa iba pang mga priyoridad. “Sinisimulan ng mga tao ang kanilang araw sa pamamagitan ng paggawa ng pangunahing pagkakamali na buksan ang kanilang e-mail, sa halip na isakatuparan ang isang plano,” sabi ng eksperto sa produksiyon sa Vancouver na si Dan Stamp. “Ang pinakamainam na isa’t kalahating oras ng araw ay ginugugol sa talagang walang katuturan.”

Isinusulat ng mga Bata ang Kanilang Sariling Aklat

Sa pagsisikap na itaguyod ang pagbabasa, pinasisigla ang mga bata sa paaralan sa Zambia na isulat at lagyan ng larawan ang kanilang sariling maiikling aklat, ulat ng Zambia Daily Mail. “Karamihan sa mga aklatan sa mga paaralan ay may mga babasahin hinggil sa mga bagay at kalagayan na lubos na hindi nauunawaan ng mga batang taga-Zambia,” sabi ng isang ulat ng pamahalaan. “Ang bentaha sa pagsusulat ng mga bata ng kanilang sariling aklat ay na ang mga aklat nila ay salig sa kanilang sariling kakayahan ng pag-iisip at larangan ng interes.” Ang ilan sa mga kuwento ay maaaring maging bahagi ng aklatan ng paaralan o ng silid-aralan, basahin sa radyo, o kaya’y ilathala pa nga. Sinabi ng Daily Mail: “Ito ay isang napakamurang paraan ng pagdaragdag ng suplay ng babasahin yamang nangangailangan lamang ito ng papel at panulat. Ito’y isa ring paraan upang magamit ang kayamanan na sagana (mga mag-aaral) upang lumikha ng isang kayamanan na bihira at mahal (mga aklat).”

Hindi na Mabisa ang Isang Gamot sa Malarya

‘Ang Chloroquine, ang pinakalaganap na inireresetang gamot sa Zambia laban sa malarya, ay hindi na ipamamahagi ng mga parmasya ng pamahalaan bilang pangunahing panggamot sa sakit’ at hahalinhan ito ng mas mabisang gamot, ulat ng Times of Zambia. Naganap ang pagpapahinto sa pamamahagi ng gamot pagkatapos ipahiwatig ng isang pagsusuri na “ang di-pagtalab ng Chloroquine ang dahilan ng pagkamatay ng 12,000 sa 25,000 mga batang wala pang limang taóng gulang dahil sa malarya taun-taon sa Zambia.” Ang pagbabago ay isinagawa na rin sa karamihan ng mga lupain sa silangan at timog Aprika. “Bagaman matagumpay na nagamit ang Chloroquine sa bansa sa loob ng mahigit na 30 taon, hindi na ito mabisa sa paggamot sa malarya, na di-hamak na nananatiling nangungunang mamamatay-tao sa bansa,” sabi ng Times.

Hindi Maaaring Pagsabayin ang Inuming De-Alkohol at Pagbibisikleta

Ang pagbibisikleta pagkatapos uminom ng inuming de-alkohol ay maaaring kasingpanganib ng pagmamaneho ng kotse pagkatapos uminom, ulat ng magasing New Scientist. “Ang pagbibisikleta ay nangangailangan ng mas mataas na antas ng kasanayang psychomotor at pisikal na koordinasyon kaysa sa pagmamaneho ng kotse, kaya mas malakas pa nga ang epekto ng inuming de-alkohol,” sabi ni Guohua Li ng Johns Hopkins University sa Maryland, E.U.A. Pinag-aralan ni Li at ng kaniyang mga kasama ang 466 na siklista at nasumpungan na yaong nakainom ng apat o limang inumin ay 20 beses na malamang na malubhang masaktan o mamatay. Kahit ang pag-inom ng isang inumin lamang ay nagpangyari na anim na beses na mas mapanganib ang pagbibisikleta. “Ang mas masama pa riyan,” sabi ng New Scientist, “kapag mas marami ang nainom ng mga siklista, mas malamang na hindi sila magsuot ng helmet.”

Papel Mula sa mga Halamang Saging

Pagkatapos na anihin ang mga saging, kadalasan nang iniiwan lamang ang mga tangkay sa lupa bilang pataba. Gayunman, si Propesor Hiroshi Morishima ng Nagoya City University ay nagtagumpay sa paggawa ng papel mula sa mga tangkay ng saging, ulat ng pahayagang Asahi Shimbun ng Hapon. Ang mga himaymay ng halaman “ay mahahaba’t matitibay at halos kapareho ng kalidad ng materyales na ginagamit sa paggawa ng papel mula sa abaka.” Maihahambing ang kalidad ng papel na ginawa ng makina mula sa tangkay ng saging sa karaniwang copy paper, at napatunayang mas matibay pa kaysa sa niresiklong copy paper. “Ang mga saging ay itinatanim sa 123 bansa sa buong daigdig at 58,000,000 tonelada ang naaani taun-taon, na nagpapangyari rito na maging maaasahang mapagkukunan ng papel,” sabi ng pahayagan.

Ang Nakapagpapagaling na Bisa ng Pulot-Pukyutan

Bukod sa nakalulugod na lasa nito, matagal nang kilalá ang pulot-pukyutan sa nakapagpapagaling na bisa nito. Ayon sa pahayagang The Australian, ipinakita ng isang pangkat ng mananaliksik mula sa mga unibersidad sa Queensland at Sydney kung bakit isang mabisang pamatay-baktirya ang pulot-pukyutan. Kapag inihalo ang pulot-pukyutan sa tubig at ipinahid sa mga sugat o pasò, isang likido sa pulot-pukyutan ang nagkakaroon ng reaksiyon sa asukal upang gumawa ng agua oksihenada, na kilalang-kilala bilang bleach na ginagamit sa bahay. Hindi lamang pinapatay ng kemikal na ito ang mga baktiryang gaya ng Staphylococcus aureus kundi tumutulong din ito sa kakayahan ng kalamnan na kumpunihin ang sarili.

Ang Paglaho ng Pako

“Di-maikakaila na tapos na ang kasikatan ng karaniwang pako,” sabi ng The Toronto Star. Iniuulat ng pahayagan na ang kahilingan para sa karaniwang mga pako “ay halos nabawasan nang kalahati nitong nakalipas na ilang taon.” Ang pagsulong ng mga pneumatic nailer, o nail gun, ay nakababawas sa pangangailangan sa karaniwang pako sa Hilagang Amerika. Ang mga tindahan ng hardware sa Estados Unidos ay nag-ulat na ang mga propesyonal na tagapagtayo ay bihirang bumili ng karaniwang pako, at sa halip ay mas pinipili ang paggamit ng mga nail gun, na nagiging lalong magaan. Bakit hindi lumilipat ang mga tagagawa ng karaniwang mga pako sa paggawa ng pneumatic nail? “Sa katulad na dahilan na hindi lumipat ang mga kompanya ng tren sa negosyo ng pag-eeroplano,” sagot ng Star. “Talagang magkaibang produkto ito.”

Edukasyon sa Magandang Asal

Sa nakalipas na walong taon, nag-aalok ang Massachusetts Institute of Technology ng isang walang-bayad na kurso sa magandang asal para sa lahat ng estudyante nito. Bakit? Inilarawan ni Travis Merritt, dating dekano sa kapakanan ng hindi-pa-nagsipagtapos na mga estudyante, ang mga estudyante bilang karaniwan nang “walang istilo, walang alam sa moda, at kulang sa kagandahang asal,” ulat ng magasing New Scientist. Kasama sa isang-araw na kurso ang instruksiyon hinggil sa mga paggawi sa hapag-kainan, pananamit, magandang asal sa negosyo at sa paggamit ng cell-phone, at mga pamamaraan kung paano makikipagkilala sa iba. Tinuturuan ang mga estudyante ng mga bagay na tulad ng kung paano lumakad at bumahin nang maingat, at pinaaalalahanan din sila na ang “kaunting kumustahan ay isang pag-uusap, hindi isang pagtatanong.” Isang tagapagturo, si Roseanne Thomas, ang nagdiin ng kahalagahan ng pagsasabi ng “salamat” kapag nakatanggap ng papuri. “Ito’y mga pangunahing kasanayan na kailangan saanman sa buhay,” sabi ni Thomas. “Sa tingin ko’y nagugulat sa paanuman ang mga tao kapag natanto nila na ang mga kasanayan sa pakikipagkapuwa-tao ay napakahalaga upang magtagumpay.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share