Bakit Binubugbog ng mga Lalaki ang mga Babae?
SINASABI ng ilang dalubhasa na mas malamang na mapatay ang mga babae ng kani-kanilang kinakasamang lalaki kaysa sa lahat ng pinagsama-samang uri ng mga gumagawa ng masama. Sa pagsisikap na ihinto ang hilig na ito ng pag-abuso sa asawa, isinagawa ang maraming pagsusuri. Anong uri ng lalaki ang nambubugbog sa kaniyang asawa? Paano mailalarawan ang kaniyang pagkabata? Marahas ba siya noong panahon ng ligawan? Paano tumutugon ang nambubugbog sa paggamot?
Ang isang bagay na natutuhan ng mga dalubhasa ay na hindi magkakatulad ang lahat ng nambubugbog. Ang isang uri ng nambubugbog ay isang lalaki na pabugsu-bugso ang karahasan. Hindi siya gumagamit ng isang sandata at wala siyang rekord ng pang-aabuso sa kaniyang kabiyak. Para sa kaniya, ang isang marahas na pangyayari ay di-pangkaraniwan at waring udyok ng panlabas na mga kalagayan sa kaniyang kapaligiran. Ang isang uri naman ay isang lalaki na nagkaroon na ng paulit-ulit na ugali ng pambubugbog. Ang kaniyang pag-abuso ay walang-tigil, at kaunti lamang ang palatandaan ng pagsisisi kung mayroon man.
Subalit, ang bagay na may iba’t ibang uri ng mga nambubugbog ay hindi nangangahulugan na ang ilang anyo ng pambubugbog ay hindi malubha. Tunay, ang anumang uri ng pisikal na pag-abuso ay maaaring makapinsala—makamatay pa nga. Kaya, ang bagay na ang karahasan ng isang tao ay hindi gaanong madalas o hindi gaanong matindi kaysa sa iba ay hindi nangangahulugang ito’y mapalalampas. Maliwanag na walang pambubugbog na maituturing na “katanggap-tanggap.” Gayunman, anu-anong salik ang maaaring magpangyari sa isang lalaki na pisikal na abusuhin ang babaing pinangakuan niyang pakamamahalin sa buong buhay niya?
Ang Kaugnayan ng Pamilya
Hindi kataka-taka, maraming mapang-abusong lalaki ang lumaki mismo sa mapang-abusong mga pamilya. “Karamihan ng mga nambubugbog ay lumaki sa mga sambahayan na parang ‘mga sona ng digmaan,’” ang sulat ni Michael Groetsch, na gumugol ng mahigit na dalawang dekada sa pagsasaliksik may kinalaman sa pag-abuso sa asawa. “Bilang mga sanggol at mga bata, lumaki sila sa isang palaaway na kapaligiran kung saan ‘normal’ ang emosyonal at pisikal na karahasan.” Ayon sa isang dalubhasa, “maaaring matutuhan [ng isang lalaking lumaki sa gayong kapaligiran] ang paghamak ng kaniyang ama sa mga babae sa napakaagang yugto ng buhay. Natututuhan ng batang lalaki na dapat ay laging supilin ng isang lalaki ang mga babae at na ang paraan upang manupil ay takutin sila, saktan sila, at hamakin sila. Kasabay nito, natututuhan niya na ang isang tiyak na paraan upang makamit ang pagsang-ayon ng kaniyang ama ay ang gumawi na gaya ng kaniyang ama.”
Nililiwanag ng Bibliya na ang paggawi ng isang magulang ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa isang bata, sa ikabubuti o sa ikasasama. (Kawikaan 22:6; Colosas 3:21) Mangyari pa, hindi maaaring gawing dahilan ang kapaligiran ng pamilya upang palampasin ang pambubugbog ng isang lalaki, subalit maaaring makatulong ito upang ipaliwanag kung saan nagmula ang marahas na ugali.
Impluwensiya ng Kultura
Sa ilang lupain ang pambubugbog sa babae ay itinuturing na katanggap-tanggap, normal pa nga. “Lubhang naniniwala ang maraming lipunan na may karapatan ang isang asawang lalaki na bugbugin o pisikal na takutin ang kaniyang asawa,” sabi ng isang ulat ng United Nations.
Kahit sa mga lupain kung saan ang pang-aabuso ay hindi itinuturing na katanggap-tanggap, maraming indibiduwal ang nagtataguyod ng marahas na paggawi. Ang di-makatuwirang pag-iisip ng ilang kalalakihan hinggil sa bagay na ito ay nakagigitla. Ayon sa Weekly Mail and Guardian ng Timog Aprika, natuklasan ng isang pagsusuri sa Cape Peninsula na ang karamihan ng mga lalaking nagsasabing hindi nila inaabuso ang kani-kanilang kabiyak ay nag-aakalang ang pananakit sa isang babae ay katanggap-tanggap at na ang gayong paggawi ay hindi matatawag na karahasan.
Maliwanag, ang gayong pilipit na pangmalas ay kadalasang nagsisimula sa pagkabata. Halimbawa, ipinakikita ng isang pagsusuri sa Britanya na 75 porsiyento ng mga batang lalaki na may edad 11 at 12 ang may palagay na katanggap-tanggap para sa isang lalaki na saktan ang isang babae kung ginagalit ang lalaki.
Hindi Dahilan Upang Palampasin ang Pambubugbog
Ang mga nabanggit na salik ay makatutulong upang ipaliwanag ang pag-abuso sa asawa, subalit hindi ito maaaring gawing dahilan upang palampasin ang pambubugbog. Sa simpleng pananalita, ang pambubugbog sa kabiyak ay isang malaking kasalanan sa paningin ng Diyos. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, mababasa natin: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”—Efeso 5:28, 29.
Malaon nang inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay, marami ang magiging “mapang-abuso,” “walang katutubong pagmamahal,” at “mababangis.” (2 Timoteo 3:1-3; The New English Bible) Ang pag-iral ng pag-abuso sa asawa ay isa lamang pahiwatig na tayo ay nabubuhay na sa mismong yugto ng panahon na sinasabi ng hulang ito. Subalit ano ba ang magagawa upang tulungan ang mga biktima ng pisikal na pang-aabuso? May pag-asa ba na mababago ng mga nambubugbog ang kanilang landasin ng paggawi?
[Blurb sa pahina 5]
“Ang isang nambubugbog na nanakit sa kaniyang asawa ay gaya ng isang kriminal na lalaking nanuntok ng isang estranghero.”—When Men Batter Women
[Kahon sa pahina 6]
Machismo—Isang Pandaigdig na Problema
Nakuha ng mga nagsasalita ng Ingles ang salitang “machismo” mula sa Latin Amerika. Tumutukoy ito sa agresibong pagmamataas ng lalaki at nagpapahiwatig ng mapang-abusong saloobin sa mga babae. Subalit ang machismo ay hindi lamang sa Latin Amerika, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga ulat.
Ehipto: Ipinahihiwatig ng isang tatlong-buwang pagsusuri sa Alexandria na ang karahasan sa sambahayan ang pangunahing sanhi ng mga pinsala sa kababaihan. Ito ang dahilan ng 27.9 porsiyento ng lahat ng pagdalaw ng mga babae sa lokal na mga pasilidad para sa dumaranas ng trauma.—Résumé 5 of the Fourth World Conference on Women.
Thailand: Sa pinakamalaking arabal ng Bangkok, 50 porsiyento ng mga babaing may-asawa ay regular na binubugbog.—Pacific Institute for Women’s Health.
Hong Kong: “Ang bilang ng mga babaing nagsasabi na sila’y binugbog ng kani-kanilang kinakasama ay lubhang dumami nang mahigit sa 40 porsiyento noong nakaraang taon.”—South China Morning Post, Hulyo 21, 2000.
Hapón: Ang bilang ng mga babaing naghahanap ng kanlungan ay tumaas mula sa 4,843 noong 1995 tungo sa 6,340 noong 1998. “Mga sangkatlo ang nagsabi na sila’y naghahanap ng kanlungan dahil sa marahas na paggawi ng kani-kanilang asawa.”—The Japan Times, Setyembre 10, 2000.
Britanya: “Isang panghahalay, panggugulpi o pananaksak ang nangyayari sa isang tahanan sa buong Britanya sa bawat anim na segundo.” Ayon sa isang ulat ng Scotland Yard, “ang pulisya ay nakatatanggap ng 1,300 tawag sa telepono mula sa mga biktima ng karahasan sa sambahayan araw-araw—mahigit na 570,000 sa isang taon. Walumpu’t isang porsiyento ay mga biktimang babae na sinaktan ng mga lalaki.”—The Times, Oktubre 25, 2000.
Peru: Pitumpong porsiyento ng lahat ng krimen na iniulat sa pulisya ay nagsasangkot sa mga babaing ginulpi ng kani-kanilang asawa.—Pacific Institute for Women’s Health.
Russia: “Sa loob ng isang taon, 14,500 babaing Ruso ang pinatay ng kani-kanilang asawa, at 56,400 pa ang nagkaroon ng kapansanan o malubhang nasugatan sa mga pag-aaway sa loob ng sambahayan.”—The Guardian.
Tsina: “Isa itong bagong problema. Mabilis itong dumarami, lalo na sa mga lunsod,” ang sabi ni Propesor Chen Yiyun, direktor ng Jinglun Family Center. “Hindi na nasasawata ng malakas na impluwensiya ng mga kapitbahay ang karahasan sa sambahayan.”—The Guardian.
Nicaragua: “Dumarami ang karahasan laban sa kababaihan sa Nicaragua. Sinasabi ng isang surbey na noon lamang nakaraang taon, 52 porsiyento ng mga babae sa Nicaragua ang dumanas ng isang anyo ng karahasan sa sambahayan sa kamay ng kanilang mga kasambahay na lalaki.”—BBC News.
[Kahon sa pahina 7]
Mga Palatandaan ng Panganib
Ayon sa isang pagsusuri na pinangasiwaan ni Richard J. Gelles sa University of Rhode Island, E.U.A., ang sumusunod ay mga palatandaan ng panganib para sa pisikal at emosyonal na pag-abuso sa kapaligiran ng sambahayan:
1. Ang lalaki ay nasangkot na noon sa karahasan sa sambahayan.
2. Wala siyang trabaho.
3. Gumagamit siya ng bawal na gamot nang di-kukulanging minsan sa isang taon.
4. Nang nakatira siya sa kanilang bahay, nakita niyang sinaktan ng kaniyang ama ang kaniyang ina.
5. Ang lalaki’t babae ay hindi kasal; nagsasama lamang sila.
6. Kung may trabaho, mababa ang suweldo niya.
7. Hindi siya nakapagtapos sa haiskul.
8. Siya ay nasa pagitan ng 18 at 30 taóng gulang.
9. Ang isa o kapuwa magulang ay naging marahas sa mga anak sa loob ng tahanan.
10. Ang kita ay mas mababa sa antas ng karukhaan.
11. Ang lalaki’t babae ay nagmula sa magkaibang kultura.
[Larawan sa pahina 7]
Maaaring lubhang maapektuhan ng karahasan sa sambahayan ang mga bata