Mas Masalimuot Kaysa sa Inaakala
Ipinalalagay ng teoriya ng chemical evolution na ang buhay sa lupa ay sumulong sa pamamagitan ng kusang pagsasama-sama ng mga kemikal sa nakalipas na bilyun-bilyong taon.
Hindi iginigiit ng teoriyang ito na tuwirang binago ng isang aksidente ang walang buhay na bagay na maging mga ibon, reptilya, o iba pang masasalimuot na anyo ng buhay. Sa halip, inaangkin nito na ang sunud-sunod na kusang pagsasama-sama ng mga kemikal ay, sa dakong huli, nagsibol ng napakasimpleng mga anyo ng buhay gaya ng mga lumot at iba pang mga organismong may iisang selula.
Batay sa mga napag-alaman sa ngayon tungkol sa mga organismong ito na may iisang selula, makatuwiran bang ipalagay na ang mga ito ay napakasimple anupat basta na lamang lumitaw ang mga ito? Bilang halimbawa, gaano kapayak ang mga lumot na may iisang selula? Ating suriin ang isa sa mga uri nito, ang mga berdeng lumot na may iisang selula na uring Dunaliella mula sa grupong Volvocales.
Kakaibang Organismo na May Iisang Selula
Ang mga selulang Dunaliella ay ovoid, o hugis-itlog, at napakaliliit—mga sampung micron ang haba. Kung pagdudugtung-dugtungin, kailangan ng mga 1,000 nito upang makagawa ng isang sentimetro. Ang bawat selula ay may dalawang tulad-latigong flagella sa dulo nito, na nagpapangyari ritong makalangoy. Katulad ng mga halaman, ginagamit ng mga selulang Dunaliella ang potosintesis upang maglaan ng enerhiya. Gumagawa ang mga ito ng pagkain mula sa carbon dioxide, mga mineral, at iba pang sustansiya na nasipsip ng selula, at ang mga ito ay nagpaparami sa pamamagitan ng paghahati ng selula.
Ang Dunaliella ay maaari pa ngang mabuhay sa isang matapang na timplada ng asin. Ito ay isa lamang sa kakaunting uri ng organismo na maaaring mabuhay at magparami sa Dagat na Patay, na mas maalat nang walong beses kaysa sa karaniwang tubig-dagat. Ang tinatawag na simpleng organismong ito ay maaaring makatagal sa biglaang mga pagbabago sa maalat na kapaligirang kinabubuhayan nito.
Isaalang-alang, bilang halimbawa, ang Dunaliella bardawil, na matatagpuan sa mabababaw na latian ng tubig-alat sa disyerto ng Sinai. Ang tubig sa mga latiang ito ay maaaring mabilis na tumabang sa panahon ng bagyong makulog o kaya nama’y labis na umalat kapag sumingaw ang tubig dahil sa matinding init ng disyerto. Ito’y dahilan na rin sa kakayahan nitong gumawa at mag-ipon ng glycerol na tamang-tama ang dami kaya hindi naaapektuhan ng gayong malalaking pagbabago ang maliit na lumot na ito. Napakabilis ding nakagagawa ang Dunaliella bardawil ng glycerol, maging sa loob ng ilang minuto na magbago ang alat ng tubig, anupat nakagagawa o nakapagbabawas ng glycerol kung kinakailangan upang makabagay sa kapaligiran. Ito ay mahalaga sapagkat sa ilang tirahan nito, ang alat ay maaaring lubhang magbago sa loob lamang ng ilang oras.
Yamang nabubuhay sa mabababaw na latian sa disyerto, ang Dunaliella bardawil ay nakahantad sa matinding sikat ng araw. Mapipinsala nito ang selula kung hindi dahil sa pananggalang na iskrin na inilalaan ng isang pangulay na nasa selula. Kapag inalagaan sa ilalim ng kaayaaya at malusog na kalagayan, halimbawa kapag may makukuhang sapat na nitroheno, ang isang inalagaang Dunaliella ay may matingkad na berdeng kulay, na taglay ang isang berdeng kulay ng chlorophyll na nagsisilbing pananggalang na iskrin. Sa ilalim ng mga kalagayang salat sa nitroheno at mataas na antas ng alat sa tubig, temperatura, at tindi ng liwanag, nagbabago ang kulay ng mga selula mula sa pagiging berde tungo sa pagiging kulay kahel o pula. Bakit? Sa ilalim ng gayong hindi kaayaayang mga kalagayan, nagaganap ang isang masalimuot na prosesong biyokemikal. Bumababa ang antas ng chlorophyll, at isang kahaliling pangulay, ang beta-carotene, ang sa halip ay inilalabas nito. Kung hindi dahil sa kakaibang kakayahan nito na maglabas ng pangulay, mamamatay ang selula. Ang paglitaw ng napakaraming sangkap na beta-carotene—hanggang 10 porsiyento ng bigat ng tuyong lumot sa ganitong mga kalagayan—ang dahilan ng pagbabago ng kulay nito.
Sa Estados Unidos at Australia, upang makakuha ng likas na beta-carotene na maaaring kainin ng tao na ipinagbibili, inaalagaan ang Dunaliella sa malalaking lawa sa komersiyal na paraan. Bilang halimbawa, may malalaking pagawaan nito sa timugan at kanluraning Australia. Maaari ring gumawa ng beta-carotene sa artipisyal na paraan. Gayunman, dalawang kompanya lamang ang may mga napakamahal at masalimuot na biyokemikal na mga planta na may kakayahang gumawa nito nang maramihan. Ang mga naisagawa ng tao sa loob ng mga dekada at ang napakalalaking puhunan sa pananaliksik, sa pagpapasulong at sa mga pagawaan, ay napakadali namang nagagawa ng Dunaliella. Ginagawa ito ng simpleng lumot na ito sa isang munting pabrika na napakaliit para makita, anupat pagkabilis-bilis na gumagawa sa ilalim ng nagbabagong kalagayan ng kapaligiran nito.
Ang isa pang kakaibang kakayahan ng uring Dunaliella ay makikita sa isa pang uri na tinatawag na Dunaliella acidophila, na unang natuklasan noong 1963 sa mga bukal at mga lupa na nagtataglay ng maasidong asupre. Karaniwan nang nagtataglay ang mga kapaligirang ito ng napakaraming sulfuric acid. Sa mga pag-aaral na ginawa sa laboratoryo, ang uring ito ng Dunaliella ay maaaring mabuhay sa isang timplada ng sulfuric acid, na mga 100 beses na mas maasido kaysa sa katas ng lemon. Sa kabilang dako, maaari namang mabuhay ang Dunaliella bardawil sa isang kapaligirang may napakaraming alkalino. Ipinakikita nito ang lawak ng kakayahan ng Dunaliella na makibagay sa kapaligiran.
Ilang Bagay na Dapat Pag-isipan
Ang di-pangkaraniwang mga kakayahan ng Dunaliella ay kapansin-pansin. Gayunman, ang mga ito’y kaunti lamang sa maraming lubhang kagila-gilalas na mga katangian na ginagamit ng mga organismong may iisang selula upang makaligtas at patuloy na mabuhay sa pabagu-bago at kung minsan ay di-kaayaayang mga kapaligiran. Ang mga katangiang ito ang nagpapangyari sa Dunaliella na makatugon sa mga pangangailangan nito sa paglaki, makapamili ng makakain, makapag-alis ng mga nakapipinsalang sangkap, makapaglabas ng dumi, makaiwas o madaig ang mga sakit, makatakas sa mga maninila, magparami at iba pa. Ginagamit ng tao ang halos 100 trilyong selula upang magawa ang lahat ng ito!
Makatuwiran bang sabihin na ang lumot na ito na may iisang selula ay isa lamang simple, sinaunang anyo ng buhay na nagkataong umiral mula sa ilang mga amino acid sa isang organic soup? Tama bang ipalagay na nagkataon lamang ang mga kababalaghang ito ng kalikasan? Higit ngang makatuwiran na kilalaning ang pag-iral ng mga bagay na nabubuhay ay dahil sa isang dalubhasang Disenyador na lumikha ng buhay para sa isang layunin. Ang gayong katalinuhan at pagkamalikhain, na hindi natin lubos na maunawaan, ay mahalaga sa pagkalikha ng napakamasalimuot at magkakatuwang na kalikasan ng mga bagay na nabubuhay.
Ang isang maingat na pagsusuri sa Bibliya, na hindi nahahaluan ng relihiyoso at makasiyensiyang doktrina, ay nagsisiwalat ng kasiya-siyang mga sagot sa mga katanungan hinggil sa pinagmulan ng buhay. Dahil sa gayong pagsusuri, higit na nabigyan ng kabuluhan ang buhay ng milyun-milyong tao, kabilang na ang mga dalubhasa sa siyensiya.a
[Talababa]
a Pinasisigla namin ang aming mga mambabasa na suriin ang mga publikasyong Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at Is There a Creator Who Cares About You?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 26]
Dulong kaliwa: Paggawa ng beta-carotene sa komersiyal na paraan na ginagamit ang “Dunaliella”
Kaliwa: Pinalaking anyo ng inalagaang “Dunaliella” na kulay kahel, na kakikitaan ng mataas na antas ng beta-carotene
[Credit Line]
© AquaCarotene Limited (www.aquacarotene.com)
[Larawan sa pahina 26]
Dunaliella
[Credit Line]
© F. J. Post/Visuals Unlimited
[Larawan sa pahina 27]
Isang kuha mula sa isang scanning electron microscope na nagpapakita ng nucleus (N), chloroplast (C), at Golgi (G)
[Credit Line]
Larawan mula sa www.cimc.cornell.edu/Pages/dunaLTSEM.htm. Ginamit nang may kapahintulutan