Sila ay Pinagmamasdan
DALAWANG tin-edyer ang dumaan sa isang restawran upang mag-almusal sa isang maliit na bayan sa Ohio, E.U.A. Gaya ng nakaugalian na nila, sila’y yumuko at nanalangin nang tahimik bago sila kumain.
Pagkatapos, isang babae na nagmamasid sa kanila ang lumapit sa kanilang mesa at kinuha ang kuwenta ng kanilang babayaran. Sinabi niya sa kanila: “Sa isang daigdig na marami tayong naririnig na masasamang bagay tungkol sa ating mga kabataan, nakatutuwang makakita ng dalawang binatilyong hindi nagmamadali upang pasalamatan ang Diyos para sa kanilang pagkain. Ako na ang magbabayad ng inyong almusal.”
Ang mga batang lalaki ay natigilan subalit nagawa nilang pasalamatan ang babae. Pagkatapos ay nangatuwiran sila na hindi nila hahayaang isipin ng babae na sila’y nananalangin sa basta sinumang Diyos. Kaya ang isa sa kanila ay nagtungo sa babae at, pagkatapos siyang pasalamatan muli, nagpaliwanag na sila’y mga Saksi ni Jehova.
Kaugalian na ng mga Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya na kasama ng kani-kanilang pamilya. Gayon ang ginawa ng mga magulang ng mga batang lalaking ito. Ang isa sa mga publikasyon na pinag-aaralan ng mga pamilya ay Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Sa 19 na kabanata nito, kalakip sa aklat na ito ang isa tungkol sa panalangin na pinamagatang “Kung Papaano Ka Mapapalapít sa Diyos.”
Maaari kang humiling ng isang kopya ng 192-pahinang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ito kung pupunan mo ang kalakip na kupon at ihuhulog sa koreo sa direksiyong inilaan o sa isang angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.