Isang Aklat na Makatutulong Para Iligtas ang mga Pag-aasawa
ISANG BABAE NA NAGNGANGALANG LESLIE, sa Louisiana, E.U.A., ang nakatanggap ng tawag sa telepono noong nakaraang taon mula sa isang kinatawan ng Tulane University. Sinabi ng tumawag na ang Tulane, gayundin ang iba pang pamantasan, ay nagsasagawa ng isang surbey sa mga bagong kasal sa Louisiana.
Pagkatapos na pumayag na sumali sa surbey, nakatanggap ang babae ng isang talaan ng mga tanong, pinunan ito, at ipinadala ito kasama ng isang kopya ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Ipinaliwanag niya na silang mag-asawa ay mga Saksi ni Jehova at magkasama nilang pinag-aralan noon ang aklat na ito bilang paghahanda para sa pag-aasawa.
Pagkalipas ng ilang linggo, isang sulat ang natanggap mula sa direktor ng proyekto, na ganito ang sulat: “Kami’y labis na umaasa na ang mga lalaki’t babae na gaya ninyong mag-asawa ay makapagtuturo sa amin kung ano ang kailangan upang maging matatag at maligaya ang pag-aasawa. Ang katotohanan na kayo’y nagmula sa magkaibang kinalakhan ay isang mahalagang bagay dahil malimit na ito’y pinagmumulan ng suliranin sa pag-aasawa. Subalit ang inyong paghahanda para sa pag-aasawa, lalo na sa tulong ng mga babasahing gaya ng aklat na ipinadala ninyo, ay magpapangyari na malutas nang matagumpay ang anumang di-pagkakaunawaang bumabangon. At, mangyari pa, ang udyok ng relihiyon sa pag-aasawa ang pinakamahalagang bagay. Kapuwa kayo mapalad dahil sa pagkakaroon ng matibay na pananampalataya at pananalig sa tulong ng Diyos.
“Inilagay ko sa ibabaw ng aking mesa ang kopya ng aklat na ipinadala ninyo sa akin, at ipinakikita ko ito sa aking mga estudyante ngayon kapag humihingi sila sa akin ng payo tungkol sa pag-aasawa. Hindi pa ako kailanman nakakita ng ganitong aklat, at talagang napakaganda nito.”
Naniniwala kami na mapahahalagahan mo rin ang aklat na ito. Para sa iyong kopya, pakisuyong punan ang kasamang kupon at ihulog ito sa koreo sa direksiyong ipinakita sa kupon o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito. Makatatanggap ka ng espesipikong mga mungkahi na makatutulong upang malutas ang mga suliranin at gagawing kasiya-siya ang buhay pampamilya na nilayon ng Maylalang.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.