Ang Pinakamahusay na Paraan Upang Masapatan ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
BAKIT BA KAILANGAN ng mga tao ang relihiyon? Maaaring sabihin ng ilan na bumabaling ang mga tao sa espirituwal na mga bagay upang makasumpong ng katiwasayan sa isang di-tiwasay na daigdig. Ngunit higit pa rito ang nasasangkot. Binanggit ng isang artikulo mula sa babasahing American Sociological Review: “Hindi lamang ang pangangailangan ukol sa katiwasayan ang pang-akit ng relihiyon. Palaging hinahanap ng mga tao ang mga sagot sa mga tanong na tulad ng: Saan tayo nanggaling? Saan tayo patungo? Bakit tayo naririto?”
Walang alinlangan na sasang-ayon ka na ang mga iyon ay malalalim at mahahalagang tanong. Yamang mahahalagang tanong ang mga ito, hindi ba’t humihiling ito ng mapagkakatiwalaang mga sagot? Napakahalaga at napakaselan ng gayong mga tanong upang masagot ng basta pagpili ng mga relihiyosong paniniwala mula sa iba’t ibang tradisyon dahil sa personal itong nakaaakit sa atin. Upang makahanap tayo ng matatag at mapagkakatiwalaang mga kasagutan sa mas malalalim na katanungan sa buhay, tiyak na kailangan natin ang mas mahusay na paraan.
Mayroon bang mas mahusay na paraan? Si Ferrar Fenton, isang tagapagsalin ng Bibliya, ay may sinabing kapansin-pansin hinggil sa aklat na iyon. Tinawag niya itong “ang tanging susi na nagsisiwalat sa Hiwaga ng Sansinukob sa Tao, at sa Hiwaga ng Tao sa Kaniyang Sarili.” Oo, sinasagot ng Bibliya ang mga tanong hinggil sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Sinasabi sa atin nito kung saan tayo nanggaling, kung ano ang kahulugan ng buhay, kung paano tayo makasusumpong ng kaligayahan, at kung anong kinabukasan ang naghihintay sa atin. Walang ibang aklat sa kasaysayan ang may impluwensiyang katulad niyaong sa Bibliya; ni may anumang ibang aklat na nakaligtas sa napakaraming matitinding pagsalakay. Subalit bakit napakaraming tao ang nagwawalang-bahala sa kakaibang aklat na ito sa kanilang paghahanap ng mga kasagutan sa mga katanungan hinggil sa buhay?
Maraming tao ang hindi nag-ukol ng panahon upang isaalang-alang ang malalalim na pagkakaiba sa pagitan ng Bibliya at ng mga nakilala nilang simbahan. Nakikita nila kung paano nagpapatayan sa isa’t isa ang tinaguriang mga Kristiyano salig sa pangalan ng Diyos. Marami ang nagrereklamo, gaya ng sinabi ng The Guardian, na ang “mga pari ay higit na interesado sa ngayon sa pangongolekta ng salapi kaysa sa pagpapastol.” Marahil ay inaakala nila na sinasang-ayunan o kinukunsinti ng Bibliya ang gayong paggawi. Ang totoo, inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na “ibigin . . . ang isa’t isa,” at sinasabi nito sa mga nangangaral ng salita, “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Juan 13:34; Mateo 10:8) Samakatuwid, makatuwiran ba na hatulan ang Bibliya salig sa mga gawa ng mga tao na nag-aangking gumagalang dito ngunit hindi naman ito sinusunod?
Marami ang naniniwala na ang Bibliya ay di-makasiyensiya, sumasalungat sa sarili, at makaluma. Ngunit ipinakikita ng masusing pagsusuri ang kabaligtaran. Totoo, ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa siyensiya. Gayunman, kapag binabanggit nito ang mga paksang may kinalaman sa siyensiya—tulad ng pagkakasunud-sunod ng paglitaw sa lupa ng mga bagay na may buhay, hugis ng lupa, o ang tamang paggamot sa nakahahawang mga sakit—lahat ng sinasabi ng Bibliya ay tama. Sa kabaligtaran, naglalaman ito ng mga pananalitang lubhang nauuna pa sa nalalaman ng siyensiya noong panahong isulat ang mga iyon. At bagaman ang Bibliya ay binubuo ng 66 na aklat na isinulat sa loob ng 1,600 taon, lahat ng mga aklat na iyon ay nagkakasuwato sa isa’t isa. Karagdagan pa, ipinakikita ng Bibliya ang kakaibang kaunawaan hinggil sa kalikasan ng tao, na nagpapangyaring ito’y maging napapanahon sa ngayon nang higit kailanman.
Ang kamangha-manghang aklat na ito ay may mahalagang bagay na sinasabi hinggil sa pagsamba sa Diyos. Sinasabi nito na ang gayong pagsamba ay dapat na isagawa, hindi batay sa mga pamantayan ng tao, kundi sa mga pamantayan ng Diyos. (Juan 5:30; Santiago 4:13-15; 2 Pedro 1:21) Ngunit iilang tao lamang ang talagang sumusunod sa simulaing iyan. Mula pa noong sinaunang panahon, gumawa na ng mga relihiyon ang mga tao upang bumagay sa kanilang sariling mga layunin. Totoo iyan kapag naglililok ang mga tao ng kanilang mga diyos mula sa mga piraso ng kahoy at sinasamba ang mga ito. Totoo ito kapag ang mga institusyon ng relihiyon ay nagtuturo ng mga doktrina na kanilang inimbento. At hindi ba’t totoo rin ito sa mga indibiduwal na bumubuo ng pansariling relihiyon upang bumagay sa kanilang sariling mga kagustuhan?
Isaalang-alang ang isang mapagpipilian. Bakit hindi gawin ang gaya ng ginawa ng isang punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos? Kagaya ng paraang ginamit niya sa paglilitis ng mga kaso sa korte, walang-pagtatanging sinuri niya ang ebidensiya na nagtataguyod at sumasalungat sa pagiging makatotohanan ng Bibliya. Ano ang resulta? Sinabi niya: “Napagpasiyahan ko na ang Bibliya ay isang aklat na hindi mula sa tao, na ito ay nagmula sa Diyos.”
Paano ka mismo makagagawa ng gayunding pagsusuri? Bilang mungkahi, maaari mong subukin na sistematikong pag-aralan ang Bibliya, na sinusuri ang mga sagot sa mga tanong na ibinangon sa pasimula ng artikulong ito. May mga anim na milyong Saksi ni Jehova, sa 235 bansa, na gumawa ng gayong pag-aaral. Kusa nilang inilalaan ang kanilang panahon upang ibahagi sa iba ang kanilang natutuhan. Ang iniaalok nilang walang-bayad na kurso na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay nakatutulong sa milyun-milyon na masumpungan ang pananampalataya na higit pa sa isang kausuhan o sa indibiduwal na kagustuhan. Ang tunay at dalisay na Kristiyanismo na iniharap sa Bibliya ay hindi lamang basta ibang relihiyon. Kumakatawan ito sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Kaya bakit pa natin pipiliin ang iba?—Juan 17:17.
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang pinakamahusay na paraan upang masapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan ay ang matuto hinggil sa Diyos mula sa Bibliya at makisama sa mga tunay na mananamba