Ang Pulo na Lumitaw at Lumubog
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Italya
NOONG Hunyo 28, 1831, niyanig ng isang mapangwasak na lindol ang kanlurang baybayin ng pulo ng Sicilia sa Mediteraneo. Sa karagatan, naramdaman ng isang marino ang pagyanig at nag-akalang bumangga sa bahura ng buhangin ang kaniyang sasakyang-dagat.
Sa loob ng ilang araw pagkatapos nito, patuloy na naging maligalig ang katubigan malapit sa baybayin ng Sicilia. Lumutang sa ibabaw ng tubig ang patay na mga isda. Bumaho ang hangin sa amoy ng asupre. Inanod sa dalampasigan ang mga batong pomes.
Noong Hulyo 10, naglalayag sa Mediteraneo si Giovanni Corrao, ang kapitan ng barkong Teresina ng Naples, nang may makita siyang tanawing di-kapani-paniwala—isang pagkalaki-laking haligi ng tubig at usok na pumapailanlang 20 metro mula sa kapantayan ng dagat. Narinig din ang “pagkalakas-lakas na ingay na parang kulog.”
Inutusan ni Ferdinand II ng Kingdom of the Two Sicilies ang barkong pandigma na Etna upang magsiyasat sa mga bagay-bagay. Nabalitaan din ang mga pangyayaring ito hanggang sa Malta, na nang panahong iyon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Britanya. Upang hindi mahigitan, nagpadala rin ng mga barko si Sir Henry Hotham, ang Britanong bise almirante sa pulo, “upang malaman ang eksaktong posisyon sa mga tsart, at magmasid nang higit pa sa katangian ng kaganapan.”
Sa gayon nagsimula ang kontrobersiyang umiiral pa rin hanggang sa ngayon.
Lumitaw ang Isang Pulo
Pagsapit ng Hulyo 19, 1831, sa rehiyon sa pagitan ng Sicilia at ng baybayin ng Aprika, nakita ang isang bagong pulo—na lumitaw dahil sa pagsabog ng bulkan sa ilalim ng tubig. Binabaybay ni Charles Swinburne, ang kumandante ng Britanong batel na Rapid, ang kanluraning dulo ng Sicilia nang makita niya ang mataas at di-regular na haligi ng puting-puting usok o singaw. Pumihit si Swinburne patungo mismo roon. Nang gumagabi na, ang maliliwanag na pagsiklab ay sumabay sa usok, na kitang-kita pa rin kahit sa liwanag lamang ng buwan. Sumabog sa gitna nito ang napakaliwanag na apoy. Noong magbubukang-liwayway na, nang bahagyang humupa ang usok, nakita niya “ang isang maliit na burol na kulay itim ilang piye sa ibabaw ng dagat.”
Sa loob ng isang buwan, ang pulo ay tumaas nang mga 65 metro mula sa ibabaw ng tubig at may sirkumperensiya na mga tatlo at kalahating kilometro. “Likas lamang na napukaw ng pangyayaring ito ang pinakamasidhing interes sa mga pulong ito,” ang ulat ng Malta Government Gazette, “at marami nang tao ang dumagsa sa eksena.” Kabilang sa kanila si Propesor Friedrich Hoffmann, isang heologo na taga-Prussia na nagkataong nagsasaliksik noon sa Sicilia. Nakalapit si Hoffmann sa pulo sa distansiyang kulang sa isang kilometro at nakita niya iyon “nang napakalinaw.” Ngunit sa pangambang may maaaring maging panganib, tumangging tumapak sa pulo si Hoffmann.
Hindi gaanong nangamba si Kapitan Humphrey Senhouse, na noong Agosto 2, ayon sa ulat, ay dumaong sa pulo at nagtirik doon ng bandilang British Union Jack. Pinanganlan niyang Graham Island ang pulo, bilang parangal kay Sir James Graham, ang first lord ng Admiralty.
Ipinagkatiwala ng Catania University sa Sicilia ang pag-aaral tungkol sa pulo kay Carlo Gemellaro, propesor ng kasaysayan ng kalikasan. Pinanganlan niya itong Ferdinandea, na isinunod kay Ferdinand II. Yamang winalang-bahala ang balitang nakatirik na ang bandila roon, pormal na idineklara ni Ferdinand na bahagi ng kaniyang kaharian ang pulo, bagaman nasa labas na ito ng nasasakupang katubigan ng Sicilia.
Ang mga Pranses ang pinakahuli sa eksena. Pinanganlan ng heologong si Constant Prévost ang pulo na Julia, yamang lumitaw ito sa buwan ng Hulyo. Nagtirik din siya ng bandila ng kaniyang bansa sa pulo. Ang layunin ng ginawa niyang iyon, ayon sa isinulat niya, ay “ipaalam sa lahat ng susunod sa kanila na ang Pransiya ay walang pinalalampas na pagkakataon na magpakita ng interes sa siyentipikong mga bagay.”
Sumidhi ang pagtatalo sa pagmamay-ari ng pulo. Ayon sa kamakailang artikulo sa Times ng London, “muntikan nang maglaban-laban” ang Britanya, Italya, at Pransiya dahil sa katiting na lupaing ito.
Ang Paglubog ng Pulo
Hindi nagtagal ang kontrobersiya hinggil sa pulo—na tinatawag na Julia, Ferdinandea, o Grahama hanggang sa araw na ito. “Araw-araw ay paliit nang paliit ang pulo,” ang sulat ni Hoffmann pagkatapos dumalaw noong Setyembre, “at kung ang pagkawasak na ito, na nasaksihan natin, ay magpapatuloy . . . , sasapat na ang mga bagyo ng taglamig upang wasakin [ito] sa loob ng ilang buwan.”
Pagsapit ng Disyembre, gumuho na ang pulo at naging mapanganib na bahura na lamang ilang piye sa ilalim ng kapantayan ng dagat. “Ang natira na lamang sa Julia Island,” ang isinulat ng bulkanologong Italyano na si Giuseppe Mercalli, “ay ang maraming pangalang ibinigay rito ng mga manlalakbay mula sa iba’t ibang bansa na mapalad na nakasaksi sa panoorin ng pagbuo at pagkawala nito.”
Lilitaw Muli?
Tapos na ba ang kuwento? Hindi pa! Ang dakong dating kinaroroonan ng pulo ay aktibo pa rin sa heolohikal na diwa. Ayon sa istoryador na taga-Sicilia na si Salvatore Mazzarella, ito sa ngayon ay “mahalaga pa rin sa estratehikong paraan kung paano ito gayon noong ika-19 na siglo.” Naniniwala ang ilang heologo na lilitaw muli ang pulo. Tumitindi na ang tensiyon may kinalaman sa kung sino ang magmamay-ari ng di-pa-muling-lumilitaw na pulo.
Sa gayong paraan naging isang mapanglaw na namang pahina sa kuwento ng pamamahala ng tao ang ulat ng pulo na lumitaw—at lumubog. Angkop na inilarawan ito ng Italyanong mamamahayag na si Filippo D’Arpa nang tawagin niya ang ulat na ito bilang “metapora ng pagiging katawa-tawa ng kapangyarihan.”
[Talababa]
a Di-kukulangin sa apat pang pangalan ang iminungkahi para sa pulo—Corrao, Hotham, Nerita, at Sciacca.
[Larawan sa pahina 26]
Ipinintang larawan ng pagsabog noong 1831
[Credit Line]
Copyright Peter Francis/The Open University