Pagmamasid sa Daigdig
Mga Butil ng Kape na Walang Caffeine
Natuklasan ng mga siyentipiko sa Brazil na halos walang caffeine ang isang bagong uri ng Coffea arabica—ang pinakapopular na uri ng halamang kape, ang ulat ng pahayagang El País ng Espanya. Ang kapeng ito na likas na walang caffeine ay tumutubo sa Etiopia at isang mahalagang tuklas sa industriya ng kape. Mas gusto ng mga 10 porsiyento ng mga umiinom ng kape sa buong daigdig na walang caffeine ang kanilang kape, at lumalaki ang porsiyentong ito. Ang isang pangkaraniwang butil ng kape ay may mga 12 miligramo ng caffeine bawat gramo, ngunit ang bagong-tuklas na uri ay mayroon lamang 0.76 miligramo bawat gramo. Ganito ang iniulat ng El País: “Magastos ang proseso ng industriya sa pag-aalis ng caffeine, at ayon sa mga siyentipiko, sinisira nito, hindi lamang ang caffeine kundi pati na rin ang ilang mahahalagang sangkap na nagpapasarap sa kape.” Kaya lulutasin ng bagong halamang ito ang dalawang problemang idinulot ng proseso ng pag-aalis ng caffeine.
Kung Paano Kinokontra ng mga Gagamba ang Grabidad
“Isiniwalat ng mga siyentipiko ang sekreto kung bakit nakakakapit ang mga gagamba sa mga dingding at kisame,” ang sabi ng The Times ng London. Ang isang gagamba ay may walong paa. Sa dulo ng bawat paa ay may kumpol ng pagkaliliit na buhok, at bawat isa ay nababalutan ng mas maliliit pang buhok na tinatawag na mga setule. Napakadikit ng mga dulo ng 624,000 setule ng gagamba anupat kayang dalhin ng isang gagamba ang bigat na mga 170 beses ng kaniyang timbang habang nakakapit sa dingding o kisame. Gamit ang isang scanning electron microscope, pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Alemanya at Switzerland ang paa ng isang jumping spider. Ipinahiwatig sa mga natuklasan, ang paliwanag ng The Times, na “magiging posibleng gumamit ng katulad na mga pamamaraan upang makagawa ng bago at napakatibay na mga pandikit” na “hindi maaapektuhan ng halumigmig.” Idinagdag pa ni Propesora Antonia Kesel, ang nanguna sa pangkat ng mga mananaliksik: “Maguguniguni mo rin ang mga astronot na gumagamit ng mga kasuutang pangkalawakan na tumutulong sa kanila na kumapit sa mga dingding ng isang sasakyang pangkalawakan.”
Mga Kaso ng Pangingidnap sa Mexico
Isang kompanya sa seguridad ang naghinuha na ang Mexico ang ikalawa sa may pinakamaraming kaso ng pangingidnap sa Latin Amerika, anupat pumapangalawa lamang sa Colombia, ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. “Ang di-opisyal na mga pagtaya sa bilang ng mga kaso ng pangingidnap [noong 2003] ay umaabot sa 3,000.” Gayunman, maraming pangingidnap ang hindi isinusumbong, yamang mas gusto ng mga pamilya ng mga biktima na makipag-areglo sa mga kumidnap nang sila-sila lamang. Hindi rin kasama sa bilang na iyon ang tinatawag na mga express kidnapping, kung saan ang mga biktima ay pinupuwersang maglabas ng pera mula sa mga ATM machine at pagkatapos ay pinalalaya. Tinataya na di-kukulangin sa 16 na ganitong mga pangingidnap ang nagaganap araw-araw sa Mexico City, pero ang bilang na ito ay maaaring umaabot nang 80, ang sabi ng pahayagan. Ang nakababahala ay ang bagay na nagiging mas brutal ang mga pangingidnap, at mas maraming biktima ang pinapatay—kahit naibayad na ang pantubos.
Pinakamataas na Bilang ng May AIDS sa Isang Taon
Limang milyon katao ang nahawahan ng virus ng AIDS noong 2003, “ang pinakamataas na bilang sa loob ng isang taon mula nang magsimula ang epidemya dalawang dekada na ang nakalilipas,” ang ulat ng The Wall Street Journal. “Sa kabila ng pandaigdig na pagsisikap na labanan ang HIV sa papaunlad na mga bansa, patuloy na dumarami ang nahahawahan ng virus ng AIDS at milyun-milyon ang namamatay taun-taon dahil dito.” Ayon sa impormasyong inilathala ng UNAIDS, isang programa hinggil sa AIDS na tinutustusan ng United Nations at ng iba pang mga grupo, mga 3 milyon katao ang namatay dahil sa AIDS noong 2003 at mahigit sa 20 milyon ang namatay na mula nang unang masuri ang sakit noong 1981. Sa kasalukuyan, tinataya ng ahensiya ng UN na 38 milyon katao na ang nahawahan ng HIV. Ang timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, na may 25 milyong kaso, ang pinakaapektadong rehiyon, kasunod ang Timog at Timog-Silangang Asia kung saan 6.5 milyon ang nahawahan. “Sa buong daigdig, halos kalahati ng lahat ng bagong kaso ng HIV ay mga kabataang edad 15 hanggang 24,” ang sabi ng pahayagan.
Antuking mga Bata
“Ang pagtulog ay sinisimulang ituring na pag-aaksaya lamang ng panahon,” ang ulat ng pahayagang ABC sa wikang Kastila. “Maging ang pinakamusmos na mga bata ay natutulog nang mas kaunting oras kaysa sa kinakailangan upang lumaki silang may malusog na isip at katawan.” Ayon sa Sleep Unit ng Dexeus Hospital sa Barcelona, ang kakulangan ng tulog sa mga bata ay umaakay sa kabalisahan, pagkamayayamutin, pagiging mahina sa klase, at kalumbayan at maaari pa ngang pumigil sa paglaki. Sinisisi ng mga eksperto ang paggamit ng mga computer, telebisyon, cellphone, at video game bago matulog bilang dahilan ng kakulangan ng tulog sa maraming bata. Hindi lamang nito kinukuha ang oras ng pagtulog ng mga tao kundi inaalis din nito ang relaks na kondisyon na siyang kinakailangan upang makatulog. “Alam ng lahat ng bata na nakapipinsala ang paninigarilyo, pero walang sinuman ang nagsasabi sa kanila na kailangan nila ng sapat na tulog,” ang sabi ng sikologong si Victoria de la Fuente. “Kung hindi tayo kikilos, magkakaroon sila ng insomniya kapag naging mga adulto na sila.”
Limitasyon sa Pagtaas ng mga Puno
“Ang mga punong redwood ang pinakamatataas na bagay na nabubuhay sa Lupa, pero may limitasyon ang kanilang pagtaas na marahil ay hindi madaraig gaanuman kaganda ang mga kalagayan,” ang sabi ng pahayagang Las Vegas Review-Journal. Ipinahihiwatig ng isang pag-aaral sa kasalukuyang pinakamataas na puno sa daigdig (110 metro, humigit-kumulang na kasintaas ng isang 30-palapag na gusali) at sa apat na kauri nito na ang sukdulang taas na maaaring maabot ng isang redwood ay mga 130 metro. Yamang sumisingaw ang halumigmig sa mga dahon, dapat na maiakyat ang tubig mula sa mga ugat patungo sa pinakatuktok ng puno, anupat nilalabanan ang grabidad. Tinataya ng mga mananaliksik na ang pag-akyat na ito ay maaaring umabot nang 24 na araw. Habang dinadala ang tubig sa pamamagitan ng mga tubong tinatawag na mga xylem vessel, bumibigat ang tubig hanggang sa hindi na ito maiakyat at sa gayo’y humihinto ang suplay ng tubig, anupat nalilimitahan ang pagtaas ng puno. Ang pinakamataas na punong naitala, ang Douglas fir, ay umabot sa taas na mga 126 na metro.
Cell Phone Para sa Pananalangin ng mga Muslim
Mabibili na ngayon ang isang bagong cell phone na pinasadya para sa mga mámimiling Muslim. Ayon sa pahayagang Die Zeit ng Alemanya, nilalaman ng cell phone hindi lamang ang buong Koran kundi maipoprograma rin ito upang ipaalaala sa mga tapat na manalangin nang limang beses sa isang araw. Itinuturo pa nga nito kung nasaan ang Mecca mula sa 5,000 lunsod sa buong daigdig. Maaari nitong ipakita ang kalendaryong Western Gregorian o ang kalendaryong Islamic Hijri. Bagaman napakamahal ng cell phone na ito, ipinagmamalaking taglay nito ang pagsang-ayon ng isa sa mga nangungunang sentro sa pag-aaral ng Islam.
Lalong Dumidilim ang Lupa
“Nasumpungan ng mga siyentipiko na mas kaunti ang sinag ng araw na umaabot sa ibabaw ng lupa nitong nakalipas na mga dekada,” ang sabi ng Scientific American. “Ito ay hindi dahil sa dumidilim ang araw; sa halip, ang mga ulap, polusyon sa hangin at mga aerosol ang siyang humahadlang sa liwanag.” Mula noong huling bahagi ng dekada ng 1950 hanggang sa unang bahagi ng dekada ng 1990, daan-daang instrumento ang nakapag-ulat na nabawasan nang hanggang 10 porsiyento ang sinag ng araw na umaabot sa lupa. Mas malaki pa ang nabawas sa Asia, Europa, at Estados Unidos. Halimbawa, ang sinag ng araw sa Hong Kong ay nabawasan nang 37 porsiyento. Sumasang-ayon ang mga siyentipiko na hindi pa nila lubusang nauunawaan ang bagay na ito.