Malugod Kang Tinatanggap sa Pinakamahalagang Pagtitipon ng Taon!
Sa Huwebes, Marso 24, 2005, magaganap ang isang okasyon na hindi mo nais palampasin. Iyon ang araw na magtitipun-tipon sa kani-kanilang lugar ang mahigit sa anim na milyong Saksi ni Jehova kasama ng milyun-milyong kaibigan nila upang gunitain ang huling hapunan ni Jesus kasama ng kaniyang mga alagad. Alinsunod sa mga tagubilin ni Jesus, ang tinapay na walang lebadura at pulang alak ay ipapasa sa bawat pagpupulong, at ang kahulugan ng seremonyang ito ay ipaliliwanag sa pagpupulong.—Marcos 14:22-24.
Para sa maraming tao, ang okasyong ito ay kilala bilang Hapunan ng Panginoon. Tinatawag ito ng mga Saksi ni Jehova na Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Isa itong napakahalagang paalaala ng paghahaing ginawa ni Jesu-Kristo alang-alang sa makasalanang sangkatauhan noong siya ay mamatay. (Juan 3:16; 1 Juan 2:2) Pagkatapos ng kaniyang huling hapunan, inaresto si Jesus at nang maglaon ay namatay sa isang tulos gaya ng isang pangkaraniwang manggagawa ng kasamaan.—Juan 19:17, 18.
Malugod kang tatanggapin sa pantanging pagtitipon na ito, ang pinakamahalagang pagtitipon sa taunang kalendaryo ng mga Saksi ni Jehova. Pakisuyong alamin mula sa Kingdom Hall sa inyong lugar ang eksaktong oras at lokasyon ng pagpupulong sa inyong pamayanan.