Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/22 p. 16-18
  • “Dapat Ko Bang Subukan ang Pakikipag-date sa Internet?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Dapat Ko Bang Subukan ang Pakikipag-date sa Internet?”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pang-akit ng Pakikipag-date sa Internet
  • Tamang Pagkakilala sa Isa’t Isa?
  • Mga Aktuwal na Pagkikita
  • Ang mga Panganib ng Pagmamadali
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Kailan Ako Puwede Nang Makipag-date?
    Gumising!—2007
  • Talaga Bang Mapanganib ang Pakikipag-date sa Internet?
    Gumising!—2005
  • May Sariling Tuntunin Ba ang mga Saksi ni Jehova Pagdating sa Pakikipag-date?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/22 p. 16-18

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

“Dapat Ko Bang Subukan ang Pakikipag-date sa Internet?”

“Araw-araw kaming nag-uusap sa pamamagitan ng E-mail. Gumawa na kami ng mga plano kung saan kami titira at magtatrabaho. Ako sana ang kukuha ng mga ‘engagement ring’ namin. Wala pang isang buwan kaming magkakilala at hindi pa kami nagkikita nang personal.”​—Monika, Austria.a

GUSTUNG-GUSTO mong may makilala​—isa na maaari mong mapangasawa. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagtatagumpay ang mga pagsisikap mong makahanap ng isa na magugustuhan mo. Walang nangyayari sa mga pagsisikap ng mga kaibigan at kapamilya mong may mabubuting intensiyon upang ipakilala ka sa iba at sa halip ay napapahiya ka at lalong nasisiphayo. Kaya nagbabaka-sakali kang matutulungan ka ng teknolohiya.

Sa panahong ito ng computer, ang paghahanap ng angkop na kapareha ay waring napakadali lamang sa pamamagitan ng pagpindut-pindot sa isang mouse. Ayon naman sa iba, ang kailangan mo lamang gawin ay pumasok sa isang Web site, chat room, o bulletin board na pantanging dinisenyo para sa mga walang asawa. Iniulat ng The New York Times na sa loob ng isang buwan sa Estados Unidos lamang, 45 milyong tao ang pumasok sa mga Web site para sa pagde-date. Isang serbisyo sa Internet na nagpapareha sa mga lalaki’t babae ang nagsabi na mahigit siyam na milyong tao ang gumagamit ng kanilang serbisyo sa 240 bansa.

Ang Pang-akit ng Pakikipag-date sa Internet

Mahiyain ka ba at nahihirapang makipagkilala sa mga tao? Natatakot ka bang tanggihan ng iba? O nadarama mo bang wala kang makukuhang mapapangasawa sa inyong lugar? Kung gayon, maaaring maging kaakit-akit sa iyo ang pakikipag-date sa pamamagitan ng computer. Ang isang bagay na kaakit-akit dito ay ang pangako ng mga serbisyo sa pagde-date sa Internet na ikaw ang pipili ng magiging “ka-date” mo. Makikita ang mga edad, bansa, personalidad, larawan, at gawa-gawang mga pangalan sa mga search box. Palibhasa’y maraming mapagpipilian ang isang gumagamit nito, waring mas mabisa at di-gaanong maigting ang pakikipag-date sa Internet kaysa sa aktuwal na pakikipag-date.

Ano ba talaga ang totoo? Talaga nga kayang aakay sa namamalaging kaligayahan ang pakikipag-date sa Internet? Buweno, isaalang-alang ito: Sa loob ng anim na taon, isang serbisyong nagpapareha sa mga lalaki’t babae ang may 11 milyong miyembro. Subalit 1,475 pag-aasawa lamang ang nabuo sa pagitan ng mga ito. Ang isa pang serbisyo sa pagde-date na may mahigit na isang milyong miyembro ay nakapagtala lamang ng 75 kompirmadong kasalan! Ano ba ang problema sa kalakarang ito?

Tamang Pagkakilala sa Isa’t Isa?

“Sa Internet,” ang sabi ng artikulo sa isang pahayagan, “ang lahat ay inilalarawan na maganda, tapat, at matagumpay.” Pero gaano ba katumpak ang impormasyong ibinibigay ng mga tao hinggil sa kanilang sarili? Ganito ang pagkakasabi ng isa pang artikulo sa pahayagan: “Inaasahan na ang lahat ay magsisinungaling nang bahagya.” Isang editor ng isang popular na magasin para sa mga tin-edyer ang personal na nagsaliksik kung totoo nga ito. Sinalihan niya ang tatlong pinakapopular na Web site sa pagde-date at di-nagtagal ay nakatanggap siya ng ilang tugon. Umakay ito sa pakikipag-date sa ilang lalaki. Ano ang resulta? Tunay na kabiguan! Maliwanag na nagsinungaling ang mga lalaki tungkol sa kanilang sarili. Nagbabala siya: “Batay sa karanasan ko, nagsisinungaling sila.”

Ang pagsisinungaling hinggil sa taas o bigat ng isang tao ay waring maliit na bagay lamang. ‘Hindi naman gayon kahalaga ang hitsura,’ ang maaaring ikatuwiran ng ilan. Totoo, sinasabi mismo ng Bibliya na “ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan.” (Kawikaan 31:30) Pero ang pagsisinungaling ba hinggil sa waring maliliit na bagay ay isang mabuting paraan upang pasimulan ang isang relasyon? (Lucas 16:10) Gaano ka katiyak tungkol sa iba pang mga bagay na maaaring sabihin ng kabilang panig hinggil sa mas maseselang bagay, gaya ng personal na mga tunguhin? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16) Oo, ang katapatan ang nagsisilbing pundasyon para magkaroon ng isang matibay na relasyon.

Gayunman, ang pakikipag-date sa Internet ay kadalasan nang nagsasangkot ng di-makatotohanang mga pag-asam. Ganito ang sinabi ng isang ulat sa Newsweek: “Maaaring maingat na piliin ng mga gumagamit ng Internet ang kanilang mga salita sa kanilang mga e-mail at iharap ang kanilang sarili sa pinakakaakit-akit na paraan. . . . Ang resulta ay isang paborableng impresyon na nagdudulot ng paborableng tugon: waring mabait at interesado sila sa iyo, kaya ikaw naman ay mabait at interesado rin sa kanila.” Gaya ng sinabi ng isang propesor sa Rensselaer Polytechnic Institute sa New York na nagsusuri sa mga relasyon sa Internet, madaling mabuo ang isang masidhing relasyon sa gayong mga kalagayan. Ngunit gaya ng madalas na napapansin, hindi ito maaasahang aakay sa isang maligayang pag-aasawa. Isang lalaki ang sumulat hinggil sa kaniyang mga karanasan sa pakikipag-date sa Internet: “Isa itong bitag. Pupunan ng iyong imahinasyon ang nawawalang impormasyon sa pamamagitan ng mga bagay na eksaktong gusto mo.”

Mga Aktuwal na Pagkikita

Subalit maaaring naniniwala ang ilan na may tiyak na mga bentaha ang hindi pagkikita nang personal. Maaaring madama nila na ang pakikipag-date sa Internet ay nagpapahintulot sa mga magkapareha na magtuon ng pansin sa kung ano ang nasa loob ng mapapangasawa nang hindi naaapektuhan ng personal na hitsura. Totoo naman na pinasisigla tayo ng Bibliya na magtuon ng pansin sa panloob na mga katangian ng isang tao. (1 Pedro 3:4) Gayunman, ang problema sa pakikipag-ugnayan sa computer ay na hindi mo nakikita ang mga kilos, ngiti, o ekspresyon ng mukha ng isa. Hindi mo nakikita kung paano niya pinakikitunguhan ang iba o kung paano siya gumagawi kapag may panggigipit. At mahalaga ang gayong mga bagay upang malaman kung siya ay mapagkakatiwalaan at iibigin mo. Basahin ang paglalarawan ng Bibliya hinggil sa pag-ibig sa 1 Corinto 13:4, 5. Pansinin na ang pag-ibig ay nakikita sa paggawi, hindi sa salita. Samakatuwid, kailangan mong gumugol ng panahon upang obserbahan ang isang tao at tingnan kung magkatugma ang kaniyang ikinikilos sa kaniyang mga sinasabi.

Kahit wala pa ang gayong mahalagang impormasyon, madalas na sinisimulan nang ibahagi ng mga magkapareha ang kanilang niloloob at iniisip sa pasimula pa lamang ng pagliligawan. Palibhasa’y hindi maingat na nag-iisip, gumagawa kaagad ng seryosong romantikong mga pangako ang ilang magkapareha, bagaman hindi pa nila gaanong kilala ang isa’t isa. Inilahad ng isang artikulo na pinamagatang “Sa Internet, Bulag Talaga ang Pag-ibig” ang tungkol sa dalawang taong 8,000 milya ang layo sa isa’t isa at nagkakilala sa Internet. Pagkalipas ng tatlong linggo, nagkita sila. “Napakakapal ng mascara niya sa mata,” ang sabi ng lalaki. “Hindi ako nakikipag-date sa mga babaing gumagamit ng mascara.” Mabilis na natapos ang relasyon. Ang resulta ng pagkikita ng isa pang magkapareha ay lubhang nakadidismaya anupat kinansela ng lalaki na nagbayad sa pamasahe ng babae ang pauwing tiket ng babae sa eroplano!

Naalaala ng isang kabataang babae na nagngangalang Edda ang kaniyang karanasan sa pakikipag-date sa Internet. Sinabi niya: “Parang panaginip ang aming relasyon. Nagpaplano na kaming magpakasal.” Subalit nang magkita sila, nasira ang kanilang relasyon. “Ibang-iba siya sa inaasahan ko, mapamintas siya at mapagreklamo. Talagang hindi kami magkakaigi.” Pagkalipas ng isang linggo, nagwakas ang relasyon, anupat lubhang nasiphayo si Edda.

Sa guniguning daigdig ng pakikipag-date sa pamamagitan ng computer, maaaring maagang sumidhi ang mga damdamin. Dahil dito, nanganganib kang masaktan kapag hindi nagtagumpay ang relasyon​—na malamang na mangyari. “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal,” ang babala ng Kawikaan 28:26. Oo, hindi matalinong gumawa ng maseselang pasiya salig sa pantasya at emosyon. Kaya dagdag pa ng kawikaan: “Ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.”

Ang mga Panganib ng Pagmamadali

Ang pagmamadaling makipag-relasyon nang hindi pa ninyo gaanong kilala ang isa’t isa ay tiyak na hindi isang katalinuhan. Ang Ingles na manunulat na si Shakespeare ay sinipi na nagsabi: “Ang padalus-dalos na pag-aasawa ay bihirang magtagumpay.” Mas tuwiran ang payo ng Bibliya: “Ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.”​—Kawikaan 21:5.

Nakalulungkot, nasusumpungan ng marami sa mga nakikipag-date sa Internet na totoo ito. Pagkatapos makipag-e-mail sa loob lamang ng isang buwan, si Monika, na sinipi sa pasimula, ay umasang nasumpungan na niya ang sagot sa kaniyang paghahangad na makapag-asawa. Sa kabila ng pagpaplano sa kasal​—anupat isinaayos pa nga niya ang pagkuha ng mga engagement ring​—ang kaniyang madaliang relasyon ay nagwakas sa “matinding kahapisan.”

Maiiwasan mo ang dalamhati kung susundin mo ang payo ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Gayunman, hindi lamang pagkasiphayo at nasaktang damdamin ang mga panganib na maaaring idulot sa iyo ng pakikipag-date sa pamamagitan ng computer. Isasaalang-alang ng artikulo sa hinaharap ang iba pang mga problema.

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 17]

Kapag nasa Internet, kadalasan nang nagsisinungaling ang mga tao hinggil sa kanilang sarili

[Larawan sa pahina 18]

Pagkatapos ng maraming romantikong E-mail, kadalasan nang nadidismaya ang isa kapag aktuwal silang nagkita ng kaniyang kausap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share