Napagtagumpayan Ko ang Hamon ng Paglilingkod sa Diyos
AYON SA SALAYSAY NI IVAN MIKITKOV
“Kung mananatili ka sa bayan namin, ibabalik ka sa bilangguan,” ang babala sa akin ng opisyal ng Soviet State Security Committee (KGB). Kalalaya ko lamang mula sa sentensiyang 12 taóng pagkakabilanggo. Malubha ang sakit ng aking ama at ina at kailangan nila ang aking pag-aalaga. Ano ang gagawin ko?
ISINILANG ako noong 1928 sa nayon ng T̩aul, sa Moldova.a Noong ako ay isang taóng gulang, dumalaw ang aking ama, si Alexander, sa Ias̩i, Romania, kung saan nakausap niya ang mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang bumalik siya sa T̩aul, ibinahagi niya sa kaniyang pamilya at mga kapitbahay ang natutuhan niya mula sa mga Saksi. Di-nagtagal, isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang nabuo sa T̩aul.
Dahil bunso ako sa apat na anak—pawang lalaki—lumaki akong kasama ng mga taong palaisip sa espirituwal, na nagpakita ng mabuting halimbawa sa akin. Paglipas ng panahon, naging maliwanag sa akin na ang paglilingkod kay Jehova ay pupukaw ng pagsalansang—at magiging isang hamon ito. Tandang-tanda ko pa ang paulit-ulit na paghahalughog ng mga pulis sa aming bahay, anupat sinisikap na masumpungan ang nakatago naming literatura sa Bibliya. Hindi ako natakot sa mga ganitong pagkakataon. Natutuhan ko mula sa aming pag-aaral ng Bibliya na ang sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, gayundin ang kaniyang mga alagad, ay pinag-usig. Sa aming mga pagpupulong, madalas na ipinaaalaala sa amin na dapat asahan ng mga tagasunod ni Jesus ang pag-uusig.—Juan 15:20.
Pinalakas Upang Harapin ang Pag-uusig
Noong 1934, nang ako ay anim na taon pa lamang, binasa sa aming kongregasyon sa T̩aul ang isang liham na nagsasabi sa amin ng hinggil sa mga pagdurusa ng aming mga kapuwa Kristiyano sa Alemanya sa ilalim ng Nazi. Hinimok kami na ipanalangin sila. Bagaman bata pa ako noon, hinding-hindi ko nalimutan ang liham na iyon.
Pagkaraan ng apat na taon, napaharap ako sa unang pagsubok sa aking katapatan. Sa panahon ng mga leksiyon hinggil sa relihiyon sa paaralan, paulit-ulit akong inutusan ng paring Ortodokso na isuot ang krus sa aking leeg. Nang tumanggi ako, hinilingan niya ang lahat ng mga bata sa klase na isuot ang kani-kanilang krus bilang tanda na mabubuting miyembro sila ng simbahan. Habang nakaturo sa akin, tinanong ng pari ang klase: “Gusto ba ninyong makasama sa inyong klase ang isang katulad niya? Ang lahat ng ayaw, itaas ang inyong kamay.”
Yamang takot ang mga estudyante sa pari, lahat sila ay nagtaas ng kanilang kamay. “Nakita mo,” ang sabi niya sa akin, “walang gustong makisama sa iyo. Umalis ka sa gusaling ito ngayon din.” Pagkalipas ng ilang araw, dumalaw ang direktor ng paaralan sa aming tahanan. Pagkatapos makipag-usap sa aking mga magulang, tinanong niya ako kung gusto ko pang mag-aral. Sinabi ko sa kaniya na gusto ko. “Hangga’t ako ang direktor,” ang sabi niya, “papasok ka sa paaralan at hindi ka mapahihinto ng pari.” Tinupad niya ang kaniyang pangako, sapagkat hindi na ako ginambala pa ng pari hangga’t ang taong iyon ay direktor.
Dumami ang Pag-uusig
Noong 1940, naging bahagi ng Unyong Sobyet ang tinitirhan naming lugar, na tinatawag na Bessarabia. Noong Hunyo 13 at 14, 1941, ipinatapon sa Siberia ang lahat ng prominente sa pulitika at sa pamayanan. Hindi apektado ng pagpapatapong ito ang mga Saksi ni Jehova. Subalit mula noon, naging mas maingat kami sa pagdaraos ng aming mga pagpupulong at pangangaral.
Noong huling mga araw ng Hunyo 1941, nagsagawa ng malawakan at biglaang pagsalakay sa Unyong Sobyet ang Alemanya sa ilalim ng Nazi, na hanggang noong panahong iyon ay kaalyado nito. Di-nagtagal, muling sinakop ng mga hukbo ng Romania ang Bessarabia. Dahil dito, muli kaming napasailalim sa pamamahala ng Romania.
Dinakip sa kalapit na mga nayon ang mga Saksi na tumangging maglingkod sa militar ng Romania, at ang karamihan ay sinentensiyahan ng hanggang 20 taon ng puwersahang pagtatrabaho. Si Itay ay inutusang magtungo sa istasyon ng pulis at buong-kalupitang pinagbubugbog dahil isa siyang Saksi. Gayundin, sapilitan akong kinuha mula sa paaralan upang dumalo sa mga serbisyo ng simbahan.
Pagkatapos, biglang nagbago ang mga pangyayari noong Digmaang Pandaigdig II. Noong Marso 1944, mabilis na sinakop ng mga Sobyet ang hilagang bahagi ng Bessarabia. Pagsapit ng Agosto, nakubkob na nila ang buong bansa. Mga 16-anyos pa lamang ako nang panahong iyon.
Di-nagtagal, ang lahat ng malulusog na lalaki sa aming nayon ay kinalap para sa sapilitang paglilingkod sa hukbong Sobyet. Subalit tumanggi ang mga Saksi na ikompromiso ang kanilang neutralidad. Kaya sinentensiyahan silang mabilanggo nang sampung taon. Noong Mayo 1945, natapos ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa nang sumuko ang mga Aleman. Gayunpaman, maraming Saksi sa Moldova ang nanatiling nakakulong hanggang noong 1949.
Mga Kalamidad Pagkatapos ng Digmaan
Nang matapos ang digmaan noong 1945, dumanas ng matinding tagtuyot ang Moldova. Sa kabila ng tagtuyot, ang pamahalaang Sobyet ay patuloy na humingi sa mga magsasaka ng malaking bahagi ng kanilang ani bilang buwis. Humantong ito sa kahila-hilakbot na taggutom. Noong 1947, nakita ko ang maraming bangkay sa mga lansangan ng T̩aul. Namatay ang kapatid kong si Yefim, at sa loob ng ilang linggo ay halos hindi na ako makakilos sapagkat hinang hina ako dahil sa gutom. Sa kalaunan ay lumipas din ang taggutom, at kaming mga Saksi na nanatiling buháy ay nagpatuloy sa aming pangmadlang ministeryo. Samantalang nangangaral ako sa aming nayon, nangaral naman ang aking kuya na si Vasile, na mas matanda sa akin nang pitong taon, sa kalapit na mga nayon.
Dahil naging higit na aktibo ang mga Saksi sa ministeryo, lalo kaming sinubaybayan ng mga awtoridad. Ang aming pangangaral, gayundin ang hindi namin pakikibahagi sa pulitika o paglilingkod sa militar, ang nag-udyok sa pamahalaang Sobyet na simulang halughugin ang aming mga tahanan upang hanapin ang mga literatura sa Bibliya at arestuhin kami. Noong 1949, ang ilang Saksi sa kalapit na mga kongregasyon ay ipinatapon sa Siberia. Minsan pa, kaming naiwan ay nagsikap maging mas maingat sa pagmiministeryo.
Samantala, nagkaroon ako ng isang malubhang sakit na lumala nang lumala. Nang maglaon, sinabi ng mga doktor na mayroon akong tuberkulosis sa buto, at noong 1950 sinemento ang aking kanang binti.
Pagkatapon sa Siberia
Noong Abril 1, 1951, samantalang nakasemento pa ang aking binti, kami ng aking pamilya ay inaresto, at kasama ng iba pang mga Saksi, ipinatapon kami sa Siberia.b Palibhasa’y walang gaanong panahon upang maghanda, kaunting pagkain lamang ang aming nadala. Agad itong naubos.
Sa wakas, pagkatapos ng dalawang linggo sa tren, dumating kami sa Asino, sa distrito ng Tomsk. Para kaming mga baka na ibinaba roon. Bagaman napakalamig, napakasarap lumanghap ng sariwang hangin. Noong Mayo, nang matunaw ang yelo sa ilog, isinakay kami sa barko patungong Torba na mga 100 kilometro ang layo, kung saan may isang kampo ng pagtotroso sa kakahuyan ng Siberia. Dito nagsimula ang sentensiya sa amin na puwersahang pagtatrabaho—na sinabi sa aming tatagal magpakailanman.
Bagaman ang puwersahang pagtatrabaho sa kampo ng pagtotroso ay hindi katulad ng pagiging nasa bilangguan, patuloy naman kaming minamanmanan. Sa gabi, ang aming pamilya ay magkakasamang natutulog sa isang bagon ng tren. Noong tag-araw na iyon, nagtayo kami ng mga bahay—simpleng mga tirahan na bahagyang nakalubog sa lupa—bilang proteksiyon sa darating na taglamig.
Dahil nakasemento ang aking binti, hindi ako pinagtrabaho sa kagubatan, sa halip ay inatasan akong gumawa ng mga pako. Ang gawaing ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataong tumulong nang palihim sa pagkopya ng mga magasing Bantayan at iba pang publikasyon sa Bibliya. Sa paanuman ang mga ito ay regular na dinadala sa aming lugar mula sa kanlurang Europa na mga libu-libong kilometro ang layo.
Inaresto at Ibinilanggo
Inalis ang semento sa aking binti noong 1953. Subalit samantala, sa kabila ng pag-iingat, ang aking mga gawain sa espirituwal, pati na ang pagkopya ng literatura sa Bibliya, ay natuklasan ng KGB. Bilang resulta, kasama ng iba pang mga Saksi, nasentensiyahan ako nang 12 taon sa isang kampong bilangguan nang dakong huli. Subalit sa panahon ng paglilitis, kaming lahat ay mainam na nakapagpatotoo hinggil sa aming Diyos, si Jehova, at sa kaniyang maibiging mga layunin para sa sangkatauhan.
Nang maglaon, kaming mga bilanggo ay ipinadala sa iba’t ibang kampo malapit sa Irkutsk, daan-daang kilometro pasilangan. Ang mga kampong ito ay itinayo upang parusahan dito ang ipinalalagay na mga kaaway ng Estadong Sobyet. Mula noong Abril 8, 1954, hanggang noong mga unang buwan ng 1960, nakulong ako sa 12 sa gayong mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Pagkatapos, inilipat ako ng mahigit na 3,000 kilometro sa kanluran sa napakalaking gusali ng mga kampong bilangguan sa Mordovia mga 400 kilometro sa timog-silangan ng Moscow. Doon ay nagkapribilehiyo akong makasama ang tapat na mga Saksi mula sa maraming bahagi ng Unyong Sobyet.
Natanto ng mga Sobyet na kapag pinayagang makihalubilo ang mga Saksi sa mga bilanggong di-Saksi, ang ilan ay nagiging Saksi rin. Kaya sa mga gusali ng bilangguan sa Mordovia, na binubuo ng maraming kampo ng puwersahang pagtatrabaho at sumasaklaw ng mga 30 kilometro o higit pa, sinikap nilang ibukod kami sa iba pang bilanggo. Mahigit na 400 Saksi ang pinagsama-sama sa aming kampo. Mga ilang kilometro ang layo, isang daan o higit pang Kristiyanong mga kapatid na babae ang nasa ibang kampo ng mga gusali ng bilangguan.
Sa aming kampo, napakaaktibo ko sa pagtulong na maorganisa ang mga pulong Kristiyano gayundin sa paggawa ng mga kopya ng literatura sa Bibliya, na palihim na dinadala sa kampo. Maliwanag na natuklasan ng mga opisyal sa kampo ang gawaing ito. Di-nagtagal pagkatapos, noong Agosto 1961, nasentensiyahan akong mabilanggo ng isang taon sa kilalá sa kasamaan na Vladimir Prison na itinayo noong panahon pa ng mga czar, mga 200 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Moscow. Bilanggo rin doon hanggang Pebrero 1962 ang piloto ng Estados Unidos na si Francis Gary Powers, na pinabagsak noong Mayo 1, 1960, samantalang nagpapalipad ng isang eroplanong pang-espiya sa Russia.
Samantalang naroon ako sa Vladimir Prison, binigyan lamang ako ng sapat na pagkain upang manatili akong buháy. Nakayanan ko naman ang gutom, yamang naranasan ko na ito sa aking kabataan, subalit ang matinding ginaw noong taglamig ng 1961/62 ang napakahirap batahin para sa akin. Nasira ang sistema ng pagpapainit, at napakalamig ng temperatura sa aking selda. Nakita ng isang doktor na delikado ang kalagayan ko kaya isinaayos niyang ilipat ako sa isang selda ng bilangguan na maayos-ayos nang kaunti sa loob ng maraming linggo noong napakalamig na panahong iyon.
Pinalakas Upang Maharap ang Hamon
Maaaring makasira ng loob ng isa ang negatibong mga kaisipan pagkatapos ng mga buwan ng pagkabilanggo, na siyang inaasahan ng mga awtoridad sa bilangguan. Gayunman, palagi akong nananalangin at napalakas ako ng espiritu ni Jehova at ng mga kasulatang naalaala ko.
Inilarawan ng mga salita ni apostol Pablo ang naranasan ko lalo na samantalang nasa Vladimir Prison hinggil sa pagiging ‘ginigipit sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos,’ at ‘naguguluhan, ngunit hindi lubos na walang malabasan.’ (2 Corinto 4:8-10) Pagkaraan ng isang taon, ibinalik ako sa kampong bilangguan sa Mordovia. Sa mga kampong ito, natapos ko ang aking 12-taóng sentensiya noong Abril 8, 1966. Paglaya ko, binansagan nila ako na “imposibleng baguhin.” Para sa akin, opisyal na patotoo iyan na nanatili akong tapat kay Jehova.
Madalas akong tanungin kung paano namin tinatanggap at kinokopya ang literatura sa Bibliya sa mga kampo at bilangguang Sobyet sa kabila ng mga pagsisikap na hadlangan kaming gawin ito. Isa itong lihim na iilan lamang ang nakaaalam, gaya ng sinabi ng isang pulitikal na bilanggo na taga-Latvia na gumugol ng apat na taon sa kampo para sa mga kababaihan sa Potma. “Sa paanuman, patuloy na nakakakuha ng maraming literatura ang mga Saksi,” ang isinulat niya nang makalaya siya noong 1966. “Para bang lumilipad doon ang mga anghel at inihuhulog ito,” ang pagtatapos niya. Tunay nga, tanging sa tulong lamang ng Diyos kung kaya naisasakatuparan namin ang aming gawain!
Isang Yugto ng Relatibong Kalayaan
Pagkalaya ko, hinilingan ako ng mga nangunguna sa gawaing pangangaral na lumipat sa kanlurang Ukraine, malapit sa Moldova, upang tulungan ang aming mga kapatid doon. Subalit, bilang isang dating bilanggo na sinusubaybayan ng KGB, limitado lamang ang magagawa ko. Pagkaraan ng dalawang taon, sa ilalim ng bantang muling pagkabilanggo, lumipat ako sa Sobyet na republika ng Kazakhstan, kung saan bihirang siyasatin ng mga awtoridad ang mga papeles. Pagkatapos, noong 1969, nang malubhang magkasakit ang aking mga magulang, lumipat ako sa Ukraine upang alagaan sila. Doon, sa bayan ng Artyomosk, sa hilaga ng malaking lunsod ng Donetsk, pinagbantaan ako ng isang opisyal ng KGB na ibabalik ako sa bilangguan, gaya ng isinalaysay sa pasimula ng artikulong ito.
Lumilitaw na tinatakot lamang pala ako ng opisyal. Walang sapat na katibayan ang paratang sa akin. Yamang determinado akong ipagpatuloy ang aking ministeryong Kristiyano at patuloy naman akong sinusubaybayan ng KGB saanman ako pumunta, patuloy kong inalagaan ang aking mga magulang. Kapuwa sina Itay at Inay ay namatay nang tapat kay Jehova. Namatay si Itay noong Nobyembre 1969, subalit si Inay ay nanatiling buháy hanggang noong Pebrero 1976.
Nang bumalik ako sa Ukraine, 40-anyos na ako. Habang inaalagaan ang aking mga magulang doon, umugnay ako sa isang kongregasyon kung saan naroon ang isang dalagang nagngangalang Maria. Walong taon lamang siya nang sila ng kaniyang mga magulang, gaya ng aking pamilya, ay maging tapon sa Siberia mula sa Moldova noong mga unang araw ng Abril 1951. Sinabi ni Maria na nagugustuhan niya ang aking pag-awit. Iyan ang pasimula ng aming pagkakaibigan, at bagaman kapuwa kami abala sa ministeryo, naglaan kami ng panahon upang linangin ang aming pagkakaibigan. Noong 1970, nakumbinsi ko siyang magpakasal sa akin.
Di-nagtagal, isinilang ang aming anak na babae, si Lidia. Pagkatapos, noong 1983, nang si Lidia ay sampung taon, ipinagkanulo ako ng isang dating Saksi sa KGB. Nang panahong iyon, nakapaglingkod na ako ng halos sampung taon bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa buong silangang Ukraine. Ang mga sumasalansang sa aming gawaing Kristiyano ay nakakuha ng mga taong magbibigay ng bulaang patotoo sa paglilitis, at nasentensiyahan ako nang limang taon.
Sa bilangguan, ibinukod ako sa iba pang mga Saksi. Subalit sa kabila ng mga taon ng gayong pagkakabukod, walang ahensiya ng tao ang maaaring humadlang sa paglapit ko kay Jehova, at lagi niya akong pinalalakas. Bukod pa riyan, nakasumpong ako ng mga pagkakataong makapagpatotoo sa iba pang mga bilanggo. Sa wakas, nang matapos ko ang apat na taon sa aking sentensiya, pinalaya ako at muli kong nakasama ang aking asawa at anak na babae, na kapuwa nanatiling tapat kay Jehova.
Bumalik sa Moldova
Gumugol kami ng isa pang taon sa Ukraine at pagkatapos ay bumalik at nanatili kami sa Moldova, kung saan may pangangailangan para sa may-gulang at makaranasang mga kapatid upang tumulong. Nang panahong iyon, pinayagan ng lideratong Sobyet ang higit na kalayaang magtungo sa iba’t ibang lugar. Dumating kami sa Bălţi noong 1988, kung saan nakatira si Maria bago naging isang tapon 37 taon bago nito. Pagsapit ng 1988, mayroon lamang mga 375 Saksi sa ikalawang pinakamalaking lunsod na ito sa Moldova; subalit ngayon ay may mahigit nang 1,500! Kahit na nakatira kami sa Moldova, naglilingkod pa rin ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Ukraine.
Nang panahong maging legal ang aming organisasyon sa Unyong Sobyet noong Marso 1991, libu-libong tao ang nasiphayo dahil sa pagkabigo ng Komunismo. Marami ang naguluhan at walang tunay na pag-asa sa hinaharap. Kaya nang maging isang nagsasariling soberanong republika ang Moldova, naging mabungang teritoryo ang aming mga kapitbahay—at maging ang ilan sa dati naming mang-uusig—ay naging interesado na malaman ang mga katotohanan sa Bibliya! Pagkatapos ng aming pagkatapon noong 1951, iilang Saksi lamang ang naiwan sa Moldova, subalit ngayon ay may mahigit nang 18,000 sa maliit na bansang ito na may populasyong 4,200,000. Nabura ang dati naming mga pagdurusa dahil sa kamangha-manghang mga karanasang tinatamasa namin!
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, kailangan akong huminto sa paglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa dahil sa mahinang kalusugan. May mga panahon na nasisiraan ako ng loob dahil sa aking kalagayan. Gayunman, talos ko na nalalaman ni Jehova ang kailangan natin upang palakasin ang ating loob. Nagbibigay siya ng kinakailangang pampatibay-loob sa tamang panahon. Kung may pagkakataon akong ulitin ang aking buhay, pipiliin ko bang mabuhay sa ibang paraan? Hindi. Bagkus, sana’y naging mas malakas ang loob ko sa aking ministeryo at sa gayo’y naging mas aktibo.
Nadarama kong pinagpala ako ni Jehova at na ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay pinagpalang bayan anuman ang kanilang kalagayan. Taglay namin ang maliwanag na pag-asa, isang buháy na pananampalataya, at ang katiyakan na malapit nang magkaroon ng sakdal na kalusugan ang lahat sa bagong sanlibutan ni Jehova.
[Mga talababa]
a Ang kasalukuyang pangalan ng bansa, Moldova, ang gagamitin sa buong artikulo sa halip na ang dating mga pangalang Moldavia o Moldavian Soviet Socialist Republic.
b Noong unang dalawang dulo ng sanlinggo ng Abril 1951, isinagawa ng mga Sobyet ang isang programa na isinaplanong mainam kung saan tinipon nila ang mahigit na 7,000 Saksi ni Jehova at ang pamilya ng mga ito na nakatira sa kanlurang bahagi ng Unyong Sobyet at isinakay sila sa tren mga libu-libong kilometro pasilangan bilang tapon sa Siberia.
[Larawan sa pahina 20, 21]
Ang aming tahanan samantalang mga tapon sa Torba, Siberia, 1953. Sina Itay at Inay (kaliwa), at ang kapatid kong si Vasile at ang kaniyang anak (kanan)
[Larawan sa pahina 21]
Sa isang kampong bilangguan, 1955
[Larawan sa pahina 23]
Kristiyanong mga kapatid na babae sa Siberia, nang si Maria (gawing ibaba sa kaliwa) ay mga edad 20
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang aming anak, si Lidia
[Larawan sa pahina 23]
Ang aming kasal, 1970
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Maria ngayon