Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 4/22 p. 8-9
  • “Mga Tinatawag na ‘mga Diyos’”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Mga Tinatawag na ‘mga Diyos’”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tinawag Din Bang Diyos si Jesus?
  • Sino ang “Diyos ng Daigdig na Ito”?
  • Ano ba ang Sinasabi ng Kasulatan Tungkol sa “Pagka-Diyos ni Kristo”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kumusta ang “Mga Tekstong Patotoo” sa Trinidad?
    Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
  • Juan 1:1—“Nang Pasimula ay Naroon Na ang Salita”
    Paliwanag sa mga Teksto sa Bibliya
  • Ang Katotohanan Tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 4/22 p. 8-9

“Mga Tinatawag na ‘mga Diyos’ ”

NANG pagalingin ni apostol Pablo ang isang lalaking pilay sa Listra, sumigaw ang mga tao: “Ang mga diyos ay naging tulad ng mga tao at bumaba sa atin!” Tinawag nilang Hermes si Pablo, at Zeus naman ang kaniyang kasamang si Bernabe. (Gawa 14:8-14) Sa Efeso, nagbabala ang panday-pilak na si Demetrio na kung hahayaang magpatuloy sa pangangaral si Pablo, ‘ituturing na walang kabuluhan ang templo ng dakilang diyosa na si Artemis.’​—Gawa 19:24-28.

Tulad ng mga tao sa ngayon, sinasamba ng mga tao noong unang siglo ang “mga tinatawag na ‘mga diyos,’ maging sa langit man o sa lupa.” Sa katunayan, sinabi ni Pablo: “Maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon.’ ” Gayunman, ipinaliwanag din niya: “Sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama,” at “may iisang Panginoon, si Jesu-Kristo.”​—1 Corinto 8:5, 6.

Tinawag Din Bang Diyos si Jesus?

Bagaman hindi kailanman inangkin ni Jesus na siya ang Diyos, bilang tagapamahala na hinirang ni Jehova, ipinakikilala siya sa hula ni Isaias sa mga salitang “Makapangyarihang Diyos” at “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sinabi pa sa hula ni Isaias: “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7) Kaya, bilang ang “Prinsipe”​—ang anak ng Dakilang Hari, si Jehova​—maglilingkod si Jesus bilang Tagapamahala ng makalangit na pamahalaan ng “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Exodo 6:3.

Gayunman, maaaring itanong ng isang tao, ‘Sa anong diwa “Makapangyarihang Diyos” si Jesus, at hindi ba’t sinabi ni apostol Juan na Diyos mismo si Jesus?’ Ganito ang mababasa sa Juan 1:1 sa bersiyon ng Bibliya na King James: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ikinakatuwiran ng ilan na nangangahulugan ito na “ang Salita,” na isinilang sa lupa bilang ang sanggol na si Jesus, ay ang mismong Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Totoo ba ito?

Kung bibigyang-kahulugan ang talatang ito na si Jesus mismo ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, magiging salungat ito sa naunang pananalita na “ang Salita ay kasama ng Diyos.” Hindi maaaring sabihin na “kasama” ng isa ang kaniyang sarili. Kaya naman ipinakikita ng maraming salin ng Bibliya ang pagkakaiba, anupat nililiwanag na ang Salita ay hindi siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Halimbawa, ganito ang pagkakasabi ng ilang salin ng Bibliya: “Ang Salita ay isang Diyos,” “isang diyos ang Salita,” at “ang Salita ay banal.”a

Gumagamit ng pananalitang “isang diyos” ang mga talata sa Bibliya na ang pagkakabuo ng pangungusap sa wikang Griego ay nakakatulad ng Juan 1:1. Halimbawa, nang tukuyin si Herodes Agripa I, sumigaw ang pulutong: ‘Nagsasalita ang isang diyos.’ At nang hindi mamatay si Pablo sa tuklaw ng isang makamandag na ahas, sinabi ng mga tao: “Siya ay isang diyos.” (Gawa 12:22; 28:3-6) Kaayon kapuwa ng balarilang Griego at ng turo ng Bibliya na tawagin ang Salita na “isang diyos,” at hindi Diyos.​—Juan 1:1.

Isaalang-alang kung paano ipinakilala ni Juan “ang Salita” sa unang kabanata ng kaniyang Ebanghelyo. “Ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin,” ang isinulat niya, “at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya [hindi ng sa Diyos kundi] ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” Kaya “ang Salita,” na naging laman, ay nabuhay sa lupa bilang ang taong si Jesus at nakita siya ng mga tao. Samakatuwid, hindi maaaring maging siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na tungkol sa Kaniya ay sinabi ni Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.”​—Juan 1:14, 18.

‘Kung gayon,’ baka itanong ng isa, ‘bakit bumulalas si Tomas ng, “Panginoon ko at Diyos ko!” nang makita niya ang binuhay-muling si Jesus?’ Gaya ng nabanggit na, si Jesus ay isang diyos sa diwa na siya’y banal, ngunit hindi siya ang Ama. Kasasabi pa lamang noon ni Jesus kay Maria Magdalena: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” Alalahanin din kung bakit isinulat ni Juan ang kaniyang Ebanghelyo. Tatlong talata pagkatapos ng ulat tungkol kay Tomas, ipinaliwanag ni Juan na sumulat siya upang “maniwala [ang mga tao] na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos”​—na hindi siya ang Diyos.​—Juan 20:17, 28, 31.

Sino ang “Diyos ng Daigdig na Ito”?

Maliwanag, maraming diyos. Gaya ng natalakay na, binanggit pa nga sa Bibliya ang pangalan ng ilan sa mga ito. Gayunman, ganito ang bulalas ng mga taong nakakita sa kapangyarihan ni Jehova noong sinaunang panahon: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” (1 Hari 18:39) Subalit may isa pang diyos na mayroon ding kapangyarihan. Sinasabi sa Bibliya: “Hindi sila sumasampalataya, sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng daigdig na ito.”​—2 Corinto 4:4, Magandang Balita Biblia.

Noong gabi bago siya mamatay, tatlong beses na binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad tungkol sa diyos na ito, anupat tinawag niya itong “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” Sinabi ni Jesus na “palalayasin” ang makapangyarihang tagapamahala, o diyos, na ito. (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Sino ang diyos na ito, at ano ang daigdig​—o sanlibutan​—​na pinamamahalaan niya?

Siya ay walang iba kundi ang rebeldeng anghel, si Satanas na Diyablo. Paano natin nalaman? Ipinaliliwanag ng Bibliya na nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, ipinakita ni Satanas sa kaniya ang “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian, at sinabi niya sa kaniya: ‘Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’ ” (Mateo 4:8, 9) Hindi maituturing na tukso ang alok na ito kung hindi naman pag-aari ni Satanas ang iniaalok niya kay Jesus. Sa katunayan, ipinahayag ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”​—1 Juan 5:19.

Alalahanin na nangako si Jesus: “Palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Ang totoo, ang sanlibutang ito, o sistema ng mga bagay, kasama na ang tagapamahala nito, ay aalisin, gaya ng inihula ni apostol Juan nang sabihin niya: “Ang sanlibutan ay lumilipas.” Gayunman, sinabi pa ni Juan: “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Suriin natin ngayon ang kahanga-hangang mga layunin ng tanging tunay na Diyos at kung paano tayo makikinabang sa mga ito.

[Talababa]

a Tingnan ang The New Testament, ni James L. Tomanek; The Emphatic Diaglott, na may interlinear reading, ni Benjamin Wilson; The Bible​—An American Translation, ni J.M.P. Smith at E. J. Goodspeed.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Nais ng mga tao sa Listra na tawaging mga diyos sina Pablo at Bernabe

[Larawan sa pahina 8, 9]

Sinabi ni Jesus kay Maria Magdalena: ‘Aakyat ako sa aking Diyos at inyong Diyos’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share