Kung Ano ang Ipinangangako ng “Tanging Tunay na Diyos”
INILAGAY ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa sa isang paraiso sa lupa—ang hardin ng Eden. Tinagubilinan niya silang magluwal ng mga anak at ‘supilin ang lupa,’ anupat pinalalawak ang kanilang Paraisong tahanan habang lumalaki ang kanilang pamilya. (Genesis 1:26-28; 2:15) Matutupad pa kaya ang layunin ng Diyos na matamasa ng mga tao ang isang paraiso sa lupa?
Tiyak na matutupad! Ayon sa hula ng Bibliya, “Lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman” at ‘tiyak na papahirin niya ang mga luha mula sa lahat ng mukha.’ Kapag nangyari ito, “tiyak na may magsasabi: ‘Narito! Ito ang ating Diyos. Umaasa tayo sa kaniya, at ililigtas niya tayo. Ito si Jehova. Umaasa tayo sa kaniya. Tayo ay magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.’ ”—Isaias 25:8, 9.
Inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya ang magiging kalagayan sa lupa kapag inalis na ang kasalukuyang sanlibutang ito, o ang sistema ng mga bagay na pinamamahalaan ni Satanas. Hinggil sa “bagong lupa” na binubuo ng mga taong umiibig sa Diyos, sinasabi ng Bibliya: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:1-4.
Kamangha-mangha ngang mga pangako ito! Mapananaligan kaya natin ang mga ito? Isaalang-alang kung paanong ang kamatayan ni Jesus bilang hain at ang mga himalang ginawa niya ay naglalaan ng saligan para magtiwala tayo na tutuparin ng Diyos anuman ang ipangako Niya.—2 Corinto 1:20.
Ang Buhay ni Jesus Bilang Pantubos
Nang hikayatin ni Satanas si Adan na suwayin ang Diyos at magkasala, minana ng lahat ng supling ni Adan ang kaniyang kasalanan. “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan,” ang sabi ng Bibliya, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Subalit sinasabi pa sa Bibliya: “Sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [ang sakdal na taong si Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.” (Roma 5:12, 19) Gaya ng binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito, si Jesus “ang huling Adan,”—ang isa na “mula sa langit”—ang isa na nagkaloob ng kaniyang buhay bilang “pantubos na kapalit ng marami.”—1 Corinto 15:45, 47; Mateo 20:28.
Kaya ang lahat ng nananampalataya kay Jesus ay makatatanggap ng “paglaya [sa kasalanan] sa pamamagitan ng pantubos” at makapagtatamasa ng buhay na walang hanggan. (Efeso 1:7; Juan 3:36) Tiyak na nagagalak tayo na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos na Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan anupat ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang ating Tagapagligtas! (Lucas 2:10-12; Juan 3:16) Ang pagsusuri sa ginawa ni Jesus alang-alang sa nagdurusang sangkatauhan noong unang siglo ay nagbibigay ng kaunawaan hinggil sa hinaharap. At talagang kagila-gilalas nga ang ginawa ni Jesus!
Patiunang Pagpapaaninaw sa Isang Bagong Sanlibutan
Pinagaling ni Jesus ang lahat ng maysakit na dinala sa kaniya. Wala ni isa man ang hindi niya napagaling, anuman ang kanilang karamdaman o kapansanan. Bukod dito, makahimala niyang pinakain ang libu-libong tao sa pamamagitan lamang ng ilang isda at tinapay, at maraming beses niyang ginawa ito.—Mateo 14:14-22; 15:30-38.
Nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag, inamin ng mga nakakakilala sa kaniya na iyon ay himala, ngunit pinag-alinlanganan ito ng mga Judiong lider ng relihiyon. Kaya nakipagkatuwiranan sa kanila ang lalaking pinagaling: “Mula noong sinauna ay hindi pa narinig kailanman na may sinumang nagdilat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.”—Juan 9:32, 33.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, nagsugo ng mga mensahero ang kaniyang pinsan na si Juan Bautista, na nakabilanggo noon, upang matiyak ang mga ulat tungkol kay Jesus. “Nang oras na iyon,” ang sabi ng Bibliya, “nagpagaling [si Jesus] ng marami sa mga sakit at mga nakapipighating karamdaman at mga balakyot na espiritu, at pinagkalooban niyang makakita ang maraming taong bulag.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga mensahero: “Iulat ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay nagkakaroon ng paningin, ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay napalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon.”—Lucas 7:18-22.
Isipin ito: Kung may mabubuting bagay na nangyari noon, hindi ba ito magbibigay sa iyo ng pananalig na maaari itong mangyaring muli? Sa pamamagitan ng kaniyang mga himala, ipinakita ni Jesus sa maliit na antas kung ano ang gagawin niya sa mas malaking antas sa panahon ng kaniyang pamamahala bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Ang kaniyang mga himala ay nagsisilbing patotoo na isinugo siya ng Diyos at na siya talaga ang Anak ng Diyos.
Sa panahon ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, literal na matutupad ang mga hula tungkol sa kamangha-manghang mga bagay. Gaya ng inihula, madidilat ang mga mata ng bulag, mabubuksan ang mga tainga ng bingi, lulukso ang pilay na gaya ng usa, at walang sinuman ang magkakasakit. Magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa. Magkakaroon ng kapayapaan maging sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop na sa kasalukuyan ay mababangis.—Isaias 9:6, 7; 11:6-9; 33:24; 35:5, 6; 65:17-25.
Gusto mo bang mabuhay magpakailanman sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na napalilibutan ng gayong mga kalagayan? Ipinakita ni Jesus kung ano ang dapat mong gawin nang sabihin niya sa panalangin sa kaniyang ama: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Huwag mo sanang hayaang mahadlangan ka sa patuloy na pagkuha ng gayong nagbibigay-buhay na kaalaman.
[Larawan sa pahina 10]
Ito ang ipinangangako ng Diyos para sa lupa