Ang Libis ng Magagandang Bulaklak
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA UKRAINE
KAPAG dumarating ang tagsibol sa maliit na libis na ito sa Kabundukan ng Carpathia, ang matabang lupa ay unti-unting nalalatagan ng tila isang alpombra ng mga puting bulaklak. Ang pinakamagandang panahon ng pamamasyal dito ay sa pagtatapos ng tagsibol, kapag humahalimuyak na sa kaparangan ng mataas na bundok ang mabangong samyo, anupat naaakit tuloy ang mga panauhin upang higit pang magmasid.
Nasaan ba ang magandang tanawing ito? Nasa Libis ng Narcissi—isang reserbasyong pangkalikasan na malapit sa Khust, sa Kanlurang Ukraine. Matatagpuan dito ang napakalawak na kaparangan ng ligáw na mga narcissus. Bagaman mahigit na 400 uri ng halaman ang tumutubo sa libis na ito, ang narcissus ang pinakaprominente.
Sa katunayan, ipinangalan sa bulaklak na ito ang reserbasyon, na kilala rin bilang ang narcissus na may makikitid na dahon, o daffodil. Ang halamang ito na hugis-bombilya, na may mahahaba’t makikitid na dahon at hugis-trumpetang korona na napalilibutan ng puti o manilaw-nilaw na mga talulot, ay makikita rin sa Alps at mga bansa sa Balkan.
Maraming siglo nang pinupuri kapuwa ng mga makata at manunugtog ang narcissus. Sa katunayan, may isang uri ito na tinatawag na Narcissus poeticus, o ang narcissus ng mga makata. Subalit hindi lamang mga makata ang nakapansin sa kagandahan nito. Sa sinaunang Roma, ginagamit noon ng mga pinuno ang dilaw na mga narcissus sa pagpaparangal sa kanilang nagwaging mga mandirigma. At sa Prussia naman, ang narcissus ay sagisag ng pag-ibig at kaligayahan. Sa ngayon, patuloy na pinupuri ng mga komunidad sa buong daigdig ang kagandahan ng bulaklak sa kanilang taunang mga kapistahan at pagdiriwang.
Gayunman, hindi lamang basta isang magandang bulaklak ang narcissus. Ang pangalang narcissus ay may kaugnayan sa salitang Griego na narka’o, na nangangahulugang, “mahilo.” Talaga nga kayang nakakagroge ang narcissus? Kapag namumukadkad na ang mga bulaklak na ito sa Libis ng Narcissi, parang nawawalan ng lakas ang mga panauhing naroroon o nakakaramdam pa nga ng bahagyang pagkalango!
Ang narkotikong bisa ng halimuyak nito ay umakay sa ilan upang ipalagay na nakapagpapagaling ang bulaklak. Ginamit ng mga Arabe ang langis ng narcissus bilang gamot sa mga nakakalbo, samantalang ginamit naman ito ng mga Pranses bilang gamot sa epilepsi at histirya. Sa ngayon, ginagamit ang langis ng narcissus sa mga pabango at, ang dinalisay na uri nito, sa aromatherapy.
Mapangangalagaan Kaya Ito?
Ang mga narcissus na may makikitid na dahon ay itinuturing na mga bulaklak na tumutubo sa matataas na bundok. Karaniwan nang tumutubo ito sa pagitan ng 1,100 at 2,060 metro mula sa kapantayan ng dagat. Subalit ang taas ng Libis ng Narcissi ay 200 metro lamang mula sa kapantayan ng dagat, anupat ito ang pinakamababang libis na tinutubuan ng partikular na mga bulaklak na ito.
Upang mapangalagaan ang kamangha-manghang gawang ito ng kalikasan, ginawang reserbasyon ang Libis ng Narcissi noong 1979. Makalipas ang mga 20 taon, idineklara ng Council of Europe na isang protektadong uri ng halaman ang narcissus na may makikitid na dahon.
Sa pasimula, ipinagbawal ang pagputol ng damo sa Libis ng Narcissi matapos ang panahon ng pamumulaklak. Subalit makalipas lamang ang ilang taon, umunti na ang mga bulaklak. Bakit? Natuklasan ng mga siyentipiko na kapag pinabayaang tumubo ang mga damo, nasasakal nito ang mga buko ng bulaklak. Ngunit nang alisin ang pagbabawal sa pagtatabás ng damo, nanauli ang timbang na kalikasan sa libis. Kaya naman napakaganda ngayon ng libis kung tagsibol, at napagkukunan ito ng dayami para sa mga alagang hayop sa buong panahon ng taglamig.
Ang kahanga-hangang kagandahang ito ng mga bulaklak ay isang paalaala sa kakayahan ng ating tinatahanang lupa. Sa katunayan, sabik na sabik na ang maraming estudyante ng Bibliya sa panahong iyon na, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, “ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak” sa kagandahan. (Isaias 35:1) Sa panahong iyon, ang kagandahang gaya ng sa Libis ng Narcissi ay makikita sa buong lupa yamang ang lupa ay gagawing paraiso na gaya ng orihinal na matatagpuan noon sa Eden.—Genesis 2:8-15.