May Sakit Na, Palabiro Pa Rin
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
SI Conchi, nasa katanghaliang gulang, ay isang masayahing babae na pitong taon nang nakikipaglaban sa kanser. Mula nang matuklasang may kanser siya sa suso, pitong beses na siyang sumailalim sa iba’t ibang operasyon upang makontrol ang kaniyang nakamamatay na mga tumor. Paano niya ito nakakayanan?
“Sa tuwing may sasabihing masamang balita ang mga doktor, kung nararamdaman kong kailangan, iiyak ako nang iiyak hangga’t gusto ko upang lumuwag ang aking kalooban,” ang sabi niya. “Pagkatapos, sinisikap kong ituloy ang rutin ng aking buhay at gawin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin—gaya ng pag-aaral ng wikang Tsino, pagdalo sa mga kombensiyong Kristiyano, at pagbabakasyon kasama ng aking pamilya at mga kaibigan. Palagi kong naaalaala ang mga salita ni Jesus: ‘Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?’ ”—Mateo 6:27.
“At palagi kong sinisikap na maging palabiro,” dagdag niya. “Nakikipagbiruan ako sa mga doktor, nanonood ng mga pelikulang makapagpapatawa sa akin at, higit sa lahat, sinisikap kong palaging makasama ang aking mga kaibigan at mga kamag-anak. Napakabisang gamot ang pakikipagtawanan sa mga kaibigan. Minsan, bago ako operahan, may ikinuwento sa akin ang ilang kaibigan at mga kamag-anak tungkol sa isang nakatutuwang pangyayaring naganap noong nakaraang gabi. Tawa ako nang tawa anupat relaks na relaks ako nang ipasok ako sa operating room.”
Hindi lamang si Conchi ang nakatuklas na nakatutulong pala ang pagiging palabiro at pagkakaroon ng positibong disposisyon upang maharap natin ang mga problema sa kalusugan. Kinikilala na rin ng modernong panggagamot ang mahalagang papel ng pagpapatawa sa ating pakikipaglaban sa kirot at sakit.
Mabuti sa Katawan at Pag-iisip
Hindi na bago ang konseptong ito. Tatlong libong taon na ang nakalilipas, sumulat si Haring Solomon: “Ang masayang puso ay napakabisang gamot.” (Kawikaan 17:22, The Jerusalem Bible) Si Lope de Vega, Kastilang awtor noong ika-17 siglo, ay sumulat din: “Kung magiging palatawa tayo, sa palagay ko’y magiging mas malusog tayo.” Subalit sa maigting na daigdig sa ngayon, waring pinipigil na lamang ang pagpapatawa sa halip na ilabas ito. Maaari ngang namumuhay tayo ngayon sa pasulong na panahon ng teknolohiya, ngunit paurong naman tayo pagdating sa pagpapatawa. Binanggit sa akdang El arte de la risa (Ang Sining ng Pagtawa) na sa modernong lipunan, waring napalitan na ang “Homo sapiens [sangkatauhan] ng Homo digitalis.” Kung minsan, waring napapalitan na ng mga digital byte at mga computer ang lengguwahe ng pagtawa, pagkumpas, at pagngiti.
Ang pagpapatawa ay nakatutulong sa mga pasyente na magkaroon ng mas positibong kaisipan, emosyon, at paggawi. Ayon sa kamakailang artikulo ni Dr. Jaime Sanz-Ortiz, espesyalista sa kanser at palliative medicine (panggagamot na nagpapaluwag ng kalooban) ang pagpapatawa “ay nagpapadali ng komunikasyon, nagpapalakas ng imyunidad, nakababawas ng kirot at agam-agam, nagpapahupa ng tensiyon sa emosyon at kalamnan, at nagpapasigla ng pagkamalikhain at pag-asa.”
Ang Napakahalagang Katangian ng Pagiging Palabiro
Bakit mabisang gamot ang pagiging palabiro? Dahil isa itong katangian na tumutulong sa atin na harapin ang mga situwasyon sa positibong paraan, maging ang di-kanais-nais na mga kalagayan. “Kung ilalakip natin ang pagbibiro at pagtawa sa ating pang-araw-araw na buhay, mapananatili natin ang ating lakas, mababawasan ang ating pagod, at mawawala ang pagkadama natin ng awa sa sarili,” ang tinitiyak ni Sanz-Ortiz.
Mangyari pa, ang mga bagay na nakapagpapangiti o nakapagpapatawa sa atin ay nagkakaiba-iba depende sa tao at sa kultura. “Kung paanong ang kagandahan ay nasa tumitingin, ang pagpapatawa naman ay nasa nakikinig,” ang paliwanag ni Sanz-Ortiz. Pero anuman ang ating pinagmulan o edukasyon, ang pagiging palabiro ay madalas na isang mabisang paraan ng pakikipag-usap at nakatutulong upang maihinga ang kinikimkim na agam-agam, tensiyon, o kawalang-kapanatagan. Kung malaki nga ang maitutulong nito sa atin, ano ang puwede nating gawin upang magkaroon ng katangiang ito ng pagiging palabiro?
Ang unang hakbang na dapat nating gawin ay huwag nang labis na magbigay-pansin sa ating mga problema o sakit at sikaping tamasahin ang positibong bagay na inilalaan sa atin ng bawat sandali. Bukod diyan, pilitin nating maging makatuwiran, anupat iwinawaksi sa isip ang anumang bagay na masama o di-makatuwiran na magpapalubha lamang ng ating problema. Magiging palabiro rin tayo kung matututuhan nating malasin ang mga bagay-bagay sa ibang paraan. Hindi naman kailangang palagi tayong nakatawa o nakangiti, subalit kung ang titingnan natin ay yaong nakatutuwang bagay sa isang situwasyon, matutulungan tayo nito na makapagbata. “Dahil sa pagpapatawa, pansamantala nating nalilimutan ang ating mga agam-agam at nagkakaroon tayo ng bagong pananaw sa problema . . . , anupat nahaharap natin ito taglay ang panibagong solusyon,” patuloy pa ni Sanz-Ortiz.
Mangyari pa, hindi laging nadadaan sa biro ang bawat krisis na kinakaharap natin sa buhay, subalit madalas pa ring nakatutulong ito sa atin na harapin ang mga problema sa mas positibo at timbang na paraan. Gaya ng inamin ni Conchi, “hindi isang biro ang magkasakit, pero dapat mong sikapin na mapanatili ang iyong pagiging palabiro. Inilalarawan ko ang aking sarili sa isang gulayan na may iba’t ibang uri ng tanim, isa na rito—nakalulungkot man—ang aking sakit. Pero sinisikap kong mapigil ito sa isang sulok upang hindi nito mapinsala ang iba. Hindi ko naman sinasabing natalo ko na ang kanser, pero nasisiyahan pa rin ako sa aking buhay, at iyan ang mahalaga.”
[Larawan sa pahina 27]
Tumatanggap si Conchi ng pampalakas-loob mula sa kaniyang asawang si Felix, at sa kaniyang nakababatang kapatid na si Pili