“Dapat Mong Ipagmalaki Ito”
TALOS ng tunay na mga lingkod ng Diyos ang kahalagahan ng pagiging tapat. Pag-ibig sa kanilang Maylalang ang nagpapakilos sa kanila na maging tapat. Kuning halimbawa ang kaso ni Lázaro. Mga ilang panahon na ang nakalilipas, noong empleado pa siya sa isang otel sa Huatulco, Mexico, nakasumpong siya ng 70 dolyar na nahulog sa lobby ng otel. Agad niyang ibinigay ang pera sa manedyer na nanunungkulan noon. Mayamaya, may natagpuan naman siyang pitaka sa banyo. Ibinigay niya ito sa reception desk, na ikinatuwa subalit ipinagtaka ng taong nawalan nito.
Nabalitaan ito ng general manager, na nagtanong kay Lázaro kung ano ang nag-udyok sa kaniya na isauli ang pera at ang pitaka. Sumagot si Lázaro na ang mga pamantayang moral na natutuhan niya mula sa Bibliya ang humadlang sa kaniya na kunin ang anumang bagay na hindi sa kaniya. Sa isang liham ng pagpapahalaga, sinabi ng general manager kay Lázaro: “Mahirap makakita ngayon ng mga taong nagtataguyod ng matataas na pamantayang moral. Pinapupurihan ka namin sa iyong saloobin. Pinatunayan mong ikaw ay isang disenteng tao, isang huwaran sa iyong mga katrabaho. Dapat mong ipagmalaki ito at ng iyong pamilya.” Si Lázaro ang pinarangalang katangi-tanging empleado ng buwang iyon.
Inakala ng ilang katrabaho niya na nagkamali si Lázaro nang isauli niya ang mga bagay na iyon. Subalit pagkatapos nilang makita ang reaksiyon ng kanilang amo, binati nila si Lázaro sa panghahawakan sa kaniyang mga pamantayang moral.
Pinapayuhan ng Bibliya ang tapat na mga tagasunod ni Jesus na ‘gumawa ng mabuti sa lahat’ at “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Galacia 6:10; Hebreo 13:18) Walang alinlangan, ang pagpapakita ng katapatan bilang mga Kristiyano ay nagdudulot ng kaluwalhatian sa “matuwid at matapat” na Diyos ng Bibliya, si Jehova.—Deuteronomio 32:4.