Pagbibigay ng Kaaliwan sa Gitna ng Trahedya
Si Dolores Gómez, isa sa mga Saksi ni Jehova sa maliit na bayan na malapit sa Barcelona, Espanya, ay 44 na taóng gulang nang sabihin sa kaniya ng doktor na may tumor siya sa utak. Tinaningan siya nito nang hanggang walong buwan. Ibinuhos ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano ang kanilang pagmamahal sa kaniya. Sa mga huling araw ng kaniyang buhay, dumating ang kaniyang mga kamag-anak, na hindi mga Saksi, mula sa iba’t ibang rehiyon ng Espanya.
Inasikaso sila ng mga Saksing tagaroon, anupat pinaglaanan sila ng matutuluyan, pagkain, transportasyon, at iba pang kinakailangang panustos. Ang di-natitinag na pananampalataya at dignidad ni Dolores hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay, pati na ang pagkamapagpatuloy ng mga Saksing tagaroon, ay nakaantig sa puso ng kaniyang pamilya. Ipinapahayag ng kasunod na liham ang kanilang nadarama.
“Ang liham na ito ay para sa isang grupo ng mga lalaki at babaing nangangaral hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasabi na iniibig nila ang kanilang kapuwa kundi sa pamamagitan din ng mga gawang nagpapahayag ng kanilang marangal na damdamin mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Naranasan namin ito sa natatanging yugto ng aming buhay, nang magkasakit nang malubha ang aming kapatid na si Loli [Dolores].
“Kaya kaming lahat (mga kamag-anak niya mula sa malalayong bahagi ng Espanya) na pare-parehong namimighati sa gayon katinding pangungulila ay nagnanais magpahayag ng aming taos-pusong pasasalamat at pag-ibig sa inyong lahat na nakasama niya sa kaniyang kagalakan at pamimighati, sa kaniyang mga tagumpay at dalamhati, hanggang sa huling bahagi ng kaniyang buhay rito sa lupa.
“Bukod diyan, gusto naming ipaalam sa inyo na naranasan namin ang isa sa pinakamasidhing kapahayagan ng pag-ibig at pagkakaisa. Babalik kami sa aming mga tahanan at sa aming mga pamilya at mga obligasyon, subalit hindi na kami gaya ng dati, yamang habambuhay kaming naapektuhan ng puwersa ng pag-ibig na nangingibabaw sa aming kapatid na si Loli at sa inyo, at pinatitibay kami nito na magpatuloy sa aming buhay araw-araw.
“Nagpapaalam kami na may magiliw na pagmamahal at taos-pusong pasasalamat. Hanggang sa muli, mga kaibigan, malipos nawa kayo ng kaligayahan mula kay Jehova.”
Nilagdaan ng pamilya at mga kapatid ni Dolores Gómez
[Mga larawan sa pahina 31]
Ilan sa lokal na mga Saksi