Isang Daigdig na Nababahagi Dahil sa Kayamanan
NOONG huling kalahatian ng ika-20 siglo, nasangkot ang daigdig sa Cold War at nahati sa tatlong pulitikal na grupo. Ang daigdig ng Komunismo, na pangunahing kinakatawanan ng Union of Soviet Socialist Republics, at ang daigdig ng mga bansang di-Komunista, na pinangungunahan ng Estados Unidos, ay nasa magkabilang panig ng di-nakikitang Kurtinang Bakal. Ang mga bansang walang pinanigan sa makabilang grupo ang bumuo sa tinatawag na Ikatlong Daigdig.
Gayunman, ang terminong “Ikatlong Daigdig” ay itinuring nang maglaon na isang mapanghamak na paglalarawan, at pinalitan ito ng terminong “di-mauunlad na bansa.” Paglipas ng panahon, nagkaroon din ito ng negatibong kahulugan, kung kaya sinimulang gamitin ng mga ekonomista ang terminong “papaunlad na mga bansa.” Kaya mas idiniriin ngayon ng terminolohiya ang pagkakaiba sa ekonomiya sa halip na mga pagkakaiba sa pulitika.
Ngayon sa ika-21 siglo, hindi na nababahagi ang daigdig sa tatlong pulitikal na grupo na nabanggit sa umpisa. Gayunman, kung ekonomiya at industriya ang pag-uusapan, may mga pagkakaiba pa rin ang mauunlad at papaunlad na mga bansa. Nakakasalamuha ng mga turista mula sa maririwasang bansa ang mahihirap na indibiduwal na nagkukumayod upang may maipakain sa kanilang pamilya.
Kaya mahalaga ang tanong na ito: Mananatili kayang nababahagi sa ekonomiya ang daigdig, o maaari kayang maging pantay ang mayaman at mahirap anupat may magkatulad na antas ng pamumuhay?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
© Qilai Shen/Panos Pictures