“Malugod Namin Kayong Tinatanggap sa Organisasyon ni Jehova”
Isang pamilya sa Finland na matagal-tagal nang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova ang dumanas ng pagsalansang mula sa iba’t ibang grupo. “Kukunin nila ang pera ninyo,” ang babala ng mga tao. Sinabi ng iba, “Mawawalan kayo ng bahay.” Nagkataon naman na isang gabi, nasunog ang gusaling kinalalagyan ng sistema ng pagpapainit para sa bahay ng pamilya—malaking kawalan kapag nasa malamig na klima sa hilaga.
Napakaliit ng sinagot na halaga ng seguro para sa mga materyales sa muling pagtatayo. Waring pinatutunayan ng sunog na nangyayari nga ang masasamang bagay na sinasabi ng ibang tao. Nagbubuntung-hiningang naalaala ng ama ng pamilya, “Talagang nasiraan kami ng loob.” Sa kabila nito, hindi nabago ang plano ng mag-asawa na magpabautismo pagkalipas ng tatlong linggo.
Natanto ng mga nasa kongregasyon doon na ito ang pagkakataon upang ikapit ang payo ng Bibliya: “Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) Gumawa ng plano ang mga kapananampalataya ng pamilya para kumpunihin ang gusali. Nagbigay ng praktikal na payo ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Finland kung ano ang gagawin. Gumawa sila ng mga drowing at kumuha ng mga permit para sa pagtatayo ng gusali, nag-ipon ng mga listahan ng kakailanganing mga materyales, at nanawagan ng mga boluntaryo.
Mga isang buwan pagkalipas ng sunog, abalang-abala na ang lahat sa paggawa. Isang araw ng Miyerkules, binuwag ng mga Saksing tagaroon ang natupok na gusali. Pagdating ng Biyernes, sa tulong ng mga Saksi mula sa iba’t ibang kongregasyon, naitayo na ang balangkas ng bagong gusali. Nang magpunta sa bayan ang ama ng pamilya, nakasalubong niya ang isang lokal na opisyal na nagtanong kung nilagyan ba niya ng lona ang bubong ng nasirang gusali upang hindi mabasa ng ulan. “Hindi, hindi ako naglagay ng lona,” ang buong-pagmamalaking isinagot ng ama, “pero 30 katao ang gumagawa sa bubong!”
Noong Sabado, halos 50 kapatid sa espirituwal ang pumunta roon, maligaya sa pribilehiyong makatulong. Ganito ang komento ng isang kapitbahay na tumulong din: “Napag-isip-isip ko kagabi na talagang naiiba kayo! Totoong nagmamalasakit kayo sa isa’t isa at nagtutulungan.”
Natapos ang gawain nang gabing iyon. Ang bagung-bagong gusali ay nagsisilbing malinaw na sagot sa di-makatuwirang mga babala na ibinigay sa pamilya. Natatandaan ng isang elder sa kongregasyon ang sandali nang siya at ang ama ay nakatingala sa naging resulta ng kanilang pagpapagal: “Napakasarap ng pakiramdam na maakbayan ang bagong bautisado nating kapatid at masabi, ‘Malugod namin kayong tinatanggap sa organisasyon ni Jehova.’”
[Larawan sa pahina 31]
Natupok ng apoy
[Larawan sa pahina 31]
Habang nagkukumpuni