Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano Ko Mapaglalabanan ang Tukso?
◼ Wala pang sampung minuto sa parti si Karen nang dumating ang dalawang lalaking may dalang malalaking paper bag. Alam na niya kung ano ang laman ng mga iyon. Kasi bago pa man ang parti, narinig na niya silang nag-uusap na magkakaroon daw ng inuman. Siyempre, hindi iyon sinabi ni Karen sa mga magulang niya. Inisip na lang niya na nagbibiro lang ang mga lalaking iyon. At katuwiran niya, ‘Hindi lang naman siguro mga kabataan ang nandun.’
Pagkatapos, may nagsalita sa likuran ni Karen. “Ano’ng tinatayu-tayo mo diyan? Ang killjoy mo naman!” Humarap si Karen at nakita niya ang kaniyang kaibigang si Jessica na may hawak na dalawang bote ng beer na kabubukas pa lamang. Itinapat ni Jessica sa mukha ni Karen ang isang bote at sinabi sa kaniya, “Huwag mong sabihing may gatas ka pa sa labi, ha!”
Gustong tumanggi ni Karen. Pero hindi niya inaasahan na ang lakas ng hatak na magpadala. Ayaw naman talaga niyang uminom. Pero kaibigan niya si Jessica, at gusto niyang patunayan dito na hindi siya killjoy. Saka mabait naman si Jessica. At kung umiinom siya, ano naman ang masama kung iinom din si Karen? ‘Beer lang naman ’to,’ naisip ni Karen. ‘Hindi naman ito kasinsama ng pagdodroga o pakikipag-sex.’
KAPAG bata ka pa, napakaraming tukso. Kadalasan na, sangkot dito ang di-kasekso. “Agresibo ang mga babae sa iskul,” ang sabi ng 17-anyos na si Ramon.a “Susubukan ka nilang tsansingan at titingnan nila kung papayag ka naman. Hindi ka nila titigilan!” Ganito mismo ang naranasan ni Deanna, 17 anyos din. Inakbayan siya ng isang lalaking hindi man lamang niya kilala. Ganito ang kuwento niya, “Sinuntok ko sa braso ang lalaki at sinabi sa kaniya, ‘Ano ba? Tigilan mo nga ako!’”
Baka mapaharap ka rin sa mga tukso, at waring ayaw kang tantanan nito. Gaya ng sinabi ng isang Kristiyano, “ang tukso ay tulad ng isang taong walang kasawa-sawa sa pagkatok kahit hindi mo siya pinapansin.” Lagi ka rin bang napapaharap sa tukso? Halimbawa, natutukso ka ba sa alinman sa mga sumusunod?
□ Paninigarilyo
□ Pag-inom ng alak
□ Pagdodroga
□ Pagtingin sa pornograpya
□ Imoral na pakikipag-sex
□ Iba pa ․․․․․
Kung naglagay ka ng tsek sa alinman sa mga nabanggit sa itaas, huwag mong isiping hindi mo kayang sumunod sa mga pamantayang Kristiyano. Makakaya mong kontrolin ang maling mga pagnanasa at labanan ang tukso. Paano? Mahalagang malaman mo kung bakit ka natutukso. Talakayin natin ang tatlong dahilan.
1. Di-kasakdalan. Lahat ng di-sakdal na tao ay may tendensiyang magkamali. Maging si apostol Pablo—isang maygulang na Kristiyano—ay umamin: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Maliwanag na kahit ang isang matuwid na tao ay maaaring maakit paminsan-minsan ng “pagnanasa ng laman at [ng] pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:16) Pero mapapahamak ka kung hindi mo kokontrolin ang iyong maling mga pagnanasa, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”—Santiago 1:15.
2. Impluwensiya ng iba. Kabi-kabila ang tukso. “Sa iskul at sa trabaho, sex ang laging usapan,” ang sabi ni Trudy. “Sa TV at mga pelikula, lagi itong ginagawang katanggap-tanggap at kapana-panabik. Bihirang ipinakikita ang masasamang resulta nito!” Mula sa karanasan niya, alam ni Trudy kung gaano kalakas ang gayong mga impluwensiya. “Noong 16 anyos ako, akala ko’y umiibig na ako,” ang sabi niya. “Kinausap ako ni Inay at sinabi niyang hindi malayong mabuntis ako dahil sa mga ikinikilos ko. Nagulat ako sa sinabi niya! Pero pagkaraan nga ng dalawang buwan, nabuntis ako.”
3. “Mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Puwedeng kasama rito ang anumang pagnanasang karaniwan sa mga kabataan, gaya ng pagnanais na magustuhan o tanggapin ng iba, o kagustuhan mong ituring kang adulto. Hindi naman masama ang mga pagnanasang ito, pero kung hindi ito kokontrolin, mas mahirap nang labanan ang tukso. Halimbawa, dahil sa kagustuhan mong ituring kang adulto, baka gumawa ka ng mga bagay na salungat sa itinuro sa iyo ng mga magulang mo. Ganiyan ang nangyari kay Steve noong 17 anyos siya. Ganito ang sabi niya: “Nagrebelde ako sa mga magulang ko. Ginawa ko ang lahat ng ipinagbabawal nila—kahit kababautismo ko pa lang noon.”
Hindi maikakaila na mahirap paglabanan ang mga nabanggit sa itaas. Pero makakaya mong paglabanan ang tukso. Paano?
◼ Una, pag-isipan mo kung sa anong bagay ka madaling matukso. (Malamang na nagawa mo na ito sa itaas.)
◼ Saka mo tanungin ang iyong sarili, ‘Kailan ako malamang na mapaharap sa tuksong ito?’ Lagyan ng tsek ang isa sa mga sumusunod:
□ Kapag nasa eskuwela
□ Kapag nasa trabaho
□ Kapag nag-iisa
□ Iba pa ․․․․․
Posibleng maiwasan ang tukso kung alam mo kung kailan ito malamang na mangyari. Halimbawa, pag-isipan ang situwasyong binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Anong indikasyon ng panganib sa parting iyon ang binale-wala ni Karen? Ano sana ang ginawa niya para makaiwas sa tukso?
◼ Ngayong napag-isipan mo na (1) kung ano ang nakatutukso sa iyo at (2) kung kailan ito posibleng mapaharap sa iyo, ano ang gagawin mo? Napakahalagang malaman kung paano ka makaiiwas sa tukso. Isulat sa ibaba kung ano ang puwede mong gawin.
․․․․․
․․․․․
(Halimbawa: Kung pagkatapos ng klase ay may mga kaeskuwela kang laging namimilit sa iyo na manigarilyo, baka puwedeng sa iba ka dumaan para maiwasan mo sila. Kung madalas na may lumilitaw na pornograpya kapag gumagamit ka ng Internet, baka puwede kang maglagay ng programa sa computer na dinisenyo para hindi makapasok ang mga ito at ang anumang pornograpikong Web site. Isa pa, maaari mong gawing mas espesipiko ang mga salitang ita-type mo kapag naghahanap ka ng impormasyon sa Internet.)
Siyempre pa, hindi mo maiiwasan ang lahat ng tukso. Sa kalaunan, malamang na mapaharap ka rin sa isang napakatinding tukso—marahil kung kailan hindi mo ito inaasahan. Ano ang puwede mong gawin?
Maging handa. Nang ‘tuksuhin ni Satanas’ si Jesus, agad siyang tumanggi. (Marcos 1:13) Bakit? Dahil alam na niya kung saan siya dapat manindigan hinggil sa mga isyung bumangon. Pag-isipan iyan. Hindi robot si Jesus. Nasa kaniya kung magpapadala siya sa tukso o hindi. Pero buo na ang kaniyang pasiya—susundin niya ang kaniyang Ama sa lahat ng panahon. (Juan 8:28, 29) Talagang desidido si Jesus nang sabihin niya: “Bumaba ako mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 6:38.
Isulat sa ibaba ang dalawang dahilan kung bakit dapat mong paglabanan ang tuksong pinakamadalas na mapaharap sa iyo. Isulat mo rin ang dalawang paraan kung paano mo ito mapaglalabanan.
1. ․․․․․
2. ․․․․․
Tandaan, kung magpapadala ka sa tukso, magiging alipin ka ng iyong mga pagnanasa. (Tito 3:3) Huwag mong hayaang mangyari ito. Maging determinadong kontrolin ang iyong mga pagnanasa, sa halip na ikaw ang kontrolin ng mga ito.—Colosas 3:5.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
PAG-ISIPAN
◼ Posible bang matukso ang sakdal na mga nilalang?—Genesis 6:1-3; Juan 8:44.
◼ Kung paglalabanan mo ang tukso at mananatili kang tapat, ano ang magiging epekto nito sa iba?—Kawikaan 27:11; 1 Timoteo 4:12.
[Kahon sa pahina 27]
SUBUKAN ANG EKSPERIMENTONG ITO
Kumuha ka ng isang kompas. Pansinin na lagi itong nakaturo sa hilaga. Pero subukan mong tabihan ng magnet ang kompas. Ano ang nangyari? Hindi na nagbibigay ng tamang direksiyon ang kompas dahil sumusunod na ito sa direksiyon kung saan naroon ang magnet.
Ang iyong budhi ay katulad ng isang kompas. Kapag sinanay ito nang wasto, ituturo ka nito sa tamang direksiyon at tutulungan kang gumawa ng matalinong mga pasiya. Pero kung hindi mabuting impluwensiya ang mga kasama mo, makaaapekto sila sa iyong pangmalas sa kung ano ang tama o mali. At gaya ng isang magnet, mahihila ka nila sa maling direksiyon. Ang aral? Iwasan ang mga tao at mga situwasyong makasisira sa iyong paninindigan sa pamantayang moral!—Kawikaan 13:20.
[Kahon sa pahina 27]
TIP
Isipin kung ano ang isasagot mo kapag may humikayat sa iyong gumawa ng hindi mabuti. Huwag kang mag-alala. Hindi mo naman kailangang magmukhang nagmamalinis. Kadalasan, kailangan mo lang lakasan ang loob mong tumanggi. Halimbawa, kung alukin ka ng sigarilyo ng kaeskuwela mo, puwede mong sabihin: “Masasayang lang ’yan. Hindi ako naninigarilyo!”
[Larawan sa pahina 28]
Kung magpapadala ka sa tukso, magiging alipin ka ng iyong mga pagnanasa