Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 10/11 p. 13-15
  • Ang Sabi ng mga Magulang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Sabi ng mga Magulang
  • Gumising!—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Pagpapalaki ng mga Anak Mula sa Pagkabata Hanggang sa Maging Tin-edyer
    Gumising!—2011
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Kung Paano Tuturuan ang Iyong Anak
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
Iba Pa
Gumising!—2011
g 10/11 p. 13-15

Ang Sabi ng mga Magulang

Habang lumalaki ang mga anak mo, paano mo ituturo sa kanila ang kahalagahan ng pagiging masunurin? Paano mo sila tuturuan ng praktikal na mga kasanayan? Pansinin ang sinabi ng ilang magulang mula sa iba’t ibang bansa.

KAKAYAHANG MAKISAMA SA IBA AT GUMAWA NG GAWAING-BAHAY

“Habang kumakain kaming magkakasama at nagkukuwentuhan tungkol sa mga nangyari sa maghapon, natututong makinig ang mga bata. Kapag nakikita nila ang Mommy at Daddy nila na matamang nakikinig, natututo silang irespeto ang isa’t isa at ang kanilang sarili.”​—Richard, Britain.

“Nakakatuwang makita ang mga anak namin na nirerespeto ang isa’t isa at nilulutas ang kanilang di-pagkakasundo kahit hindi kami mamagitan. Marunong din silang makipag-usap sa mga adulto.”​—John, South Africa.

“Hindi ako perpekto, at kung minsan, nasasaktan ko ang damdamin ng mga anak ko nang hindi sinasadya. Kapag nangyayari iyan, nagsosori ako sa kanila.”​—Janelle, Australia.

“Sinasanay namin ang aming mga anak sa mga gawaing-bahay. Dahil natututuhan nilang gumawa para sa iba, nagiging maayos at mapayapa ang pamilya at nadarama ng mga anak namin na may nagagawa sila.”​—Clive, Australia.

“Hindi ito madali, pero mahalagang turuan sila kung paano magiging maunawain, magalang, at mapagpatawad sa isa’t isa.”​—Yuko, Japan.

KALINISAN AT KALUSUGAN

“Noong bata pa ang mga anak namin, tinuruan namin sila kung paano maligo. Para mag-enjoy sila, gumagamit kami ng sabon na korteng pigurin, shampoo na may cartoon character, at espongha na korteng hayop.”​—Edgar, Mexico.

“Noong ang tinitirhan namin ay walang gripo, lagi kong sinisiguro na may sabon at isang timbang tubig sa isang tabi para makapaghugas kami ng kamay pagpasok sa bahay.”​—Endurance, Nigeria.

“Pinakakain namin ng masustansiyang pagkain ang mga bata araw-araw, at ipinaliliwanag namin kung bakit mahalaga ang balanseng pagkain. Interesado silang malaman kung ano ang mga sangkap ng iba’t ibang putahe kaya pinatutulong ko sila sa pagluluto. Dahil dito, mas nagkakausap kami ng mga bata.”​—Sandra, Britain.

“Mahalaga ang ehersisyo, at bilang mga magulang, sinisikap naming magpakita ng mabuting halimbawa. Gustung-gusto ng mga bata kapag magkakasama kaming nagdya-jogging, nagsu-swimming, naglalaro ng tennis o basketball, o nagbibisikleta. Nakikita nila na ang ehersisyo ay mahalaga at nakaka-enjoy din.”​—Keren, Australia.

“Ang pinakakailangan ng mga anak ay panahon kasama ang mga magulang. Walang maipapalit diyan​—pera man, regalo, o pagbabakasyon sa ibang lugar. Pang-umagang trabaho lang ang tinatanggap ko habang nasa eskuwela ang mga bata. Kaya sa hapon, may panahon ako para sa kanila.”​—Romina, Italy.

DISIPLINA

“Natuklasan namin na hindi lang iisa ang paraan ng pagdidisiplina; depende iyan sa sitwasyon. Kung minsan, masinsinang pag-uusap ang kailangan at kung minsan naman ay pagkakait ng ilang bagay.”​—Ogbiti, Nigeria.

“Ipinauulit namin sa mga bata ang utos namin para matiyak na naiintindihan nila iyon. Pagkatapos, tinutupad namin ang aming sinabi. Kung gusto naming maging masunurin sila, kailangan naming ilapat ang sinabi naming disiplina kapag sumuway sila.”​—Clive, Australia.

“Nakita kong mabisa kung uupo ako kapag itinutuwid ang mga anak ko para magka-level ang mga mata namin at talagang makuha ko ang atensiyon nila. Nakikita rin nila ang ekspresyon ng mukha ko, na nakakatulong para maintindihan nila ang sinasabi ko.”​—Jennifer, Australia.

“Iniiwasan naming sabihin sa mga anak namin, ‘Hindi ka talaga nakikinig,’ kahit mukhang tama namang sabihin iyon. At hindi namin sila pinagagalitan sa harap ng kapatid nila. Binubulungan lang namin sila o dinadala sa isang tabi para kausapin nang sarilinan.”​—Rudi, Mozambique.

“Madaling maimpluwensiyahan ang mga bata, at mahilig silang manggaya. Kaya naman kailangan naming kontrahin ang masamang impluwensiya ng mga kaeskuwela, media, at ng komunidad, at tulungan silang magkaroon ng mga katangian na nakasalig sa mabubuting prinsipyo. Kapag naturuan sila ng mataas na pamantayang moral, makakatanggi sila sa anumang makasásamâ sa kanila.”​—Grégoire, Democratic Republic of the Congo.

“Sa pagdidisiplina, dapat kang maging matatag, makatuwiran, at hindi pabagu-bago. Dapat na naiintindihan ng mga bata ang kahihinatnan ng paggawa ng mali at na seryoso ka sa sinabi mo.”​—Owen, England.

[Blurb sa pahina 14]

“Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

KUWENTO NG PAMILYA

Kung Paano Magtatagumpay Bilang Nagsosolong Magulang

Interbyu kay Lucinda Forster

Ano ang pinakamalaking hamon sa iyo bilang nagsosolong magulang?

Mahirap maging isang magulang, at dahil nagsosolo lang ako, mas mahirap magbadyet ng panahon at lakas. Kailangan ng panahon para maituro ang mga simulain at pamantayang moral, pero kailangan din ng panahon para magrelaks at mag-enjoy. Madalas, kailangan kong isakripisyo ang panahon sa paglilibang para magawa ang mga trabaho sa bahay.

Paano mo pinananatiling maganda ang komunikasyon mo sa iyong mga anak?

Kapag nagdiborsiyo ang mga magulang, posibleng mabalisa at magalit ang mga bata. Nakita ko na kapag may problema, mahalaga ang eye contact at mahinahong pagsasalita. Hinihintay kong maging kalmado kami, saka ako magsasalita nang hindi pinalalaki ang problema. Tinatanong ko ang opinyon nila, nakikinig akong mabuti, at ipinakikita na mahalaga sa akin ang nadarama nila. Sinusubaybayan ko ang pag-aaral nila at pinupuri sila sa kanilang nagagawa. Sabay-sabay kaming kumakain at masayang nagkukuwentuhan. Madalas ko ring sabihin sa kanila na mahal na mahal ko sila.

Paano ka magdisiplina?

Kailangan ng mga bata ng mga tuntunin, at dapat na hindi ito pabagu-bago. Sinisikap kong maging mabait pero matatag. Kailangan kong makipagkatuwiranan sa kanila at ipaliwanag kung bakit mali ang isang paggawi. Tinatanong ko muna sila bago ko sila disiplinahin para malaman kung bakit gayon ang ginawa nila. Kung nagkamali ako​—halimbawa, mali ang pagkaintindi ko sa sitwasyon​—nagsosori ako.

Paano mo tinuturuan ang mga anak mo na igalang ang iba?

Ipinaaalaala ko sa kanila ang turo ni Jesus​—na gawin sa iba ang gusto mong gawin sa iyo. (Lucas 6:31) Sinasabihan ko ang mga bata na hangga’t maaari, lutasin nila mismo ang kanilang di-pagkakasundo, at itinuturo ko sa kanila ang kahalagahan ng pagiging mahinahon at mabait kahit naiinis sila.

Ano ang libangan ninyo?

Hindi namin kaya ang laging magbakasyon sa ibang lugar, kaya humahanap kami sa diyaryo ng mga libangan na hindi magastos. Nagpipiknik kami o namamasyal sa mga nursery para tingnan ang mga halaman. Nagtatanim kami ng mga herb sa bakuran at nag-e-enjoy kaming mamitas ng gagamitin namin sa pagluluto. Mahalaga ang paglilibang, kahit mamasyal lang sa isang malapit na parke.

Anong mga pagpapala ang natamo mo?

Mahirap ang sitwasyon namin dahil nagsosolong magulang ako, pero naging malapít kami sa isa’t isa, at natutuhan naming ipagpasalamat kung ano ang mayroon kami. Natutuwa akong makita ang pagsulong ng personalidad ng mga anak ko habang lumalaki sila. Sa edad nila ngayon, gusto nila akong kasama, at gusto ko rin silang kasama. Alam nila kapag masaya ako o malungkot, at kung minsan, basta na lang nila ako yayakapin para ipadama ang pagmamahal nila. Masayang-masaya ako kapag ginagawa nila iyon. Higit sa lahat, nadarama namin ang pag-ibig ng mapagmalasakit na Maylalang na umaalalay sa amin sa mahihirap na sitwasyon. Pinalalakas ako ng Bibliya para patuloy na sikaping maging mabuting magulang.​—Isaias 41:13.

[Larawan]

Si Lucinda kasama ang mga anak niyang sina Brie at Shae

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share