-
Bakit Tayo Namimili?Gumising!—2013 | Hunyo
-
-
TAMPOK NA PAKSA: BILI BA TAYO NANG BILI?
Bakit Tayo Namimili?
Sa isang pandaigdig na surbey na inilabas noong 2012, kalahati sa mga tinanong ang umamin na bumibili sila ng mga bagay na hindi naman nila talaga kailangan. Dalawang-katlo ang nababahala dahil sa sobrang pamimili ng mga tao. May katuwiran naman sila. Maraming mámimíli ang nababaon sa utang. Sinasabi ng mga mananaliksik na sa halip na masiyahan, lalo tayong nai-stress at nalulungkot dahil sa sobrang pamimili! Kung gayon, bakit nga ba tayo bili nang bili?
BILANG mga mámimíli, nakahantad tayo sa sangkatutak na advertisement. Ano ba talaga ang layunin ng mga negosyante? Ibig nilang isipin nating kailangan natin ang isang bagay pero ang totoo, gusto lang natin iyon. Alam nilang malaki ang impluwensiya ng emosyon sa mga mámimíli. Kaya ginagawa nilang exciting ang mga advertisement at ang mismong pagsa-shopping.
Sinasabi ng aklat na Why People Buy Things They Don’t Need: “Kapag may pinaplanong bilhin, ang mámimíli ay kadalasan nang nagpapantasyang hinahanap ang isang bagay, nakikita ito, at binibili ito.” Iniisip ng ilang eksperto na puwedeng manabik nang husto ang mga nagsa-shopping kaya tumataas ang kanilang adrenaline. Ganito ang paliwanag ng eksperto sa marketing na si Jim Pooler: “Kung mahahalata ng nagbebenta ang nararamdamang ito ng mámimíli, puwede niyang samantalahin [iyon].”
Paano mo maiiwasang mabiktima ng mga tusong negosyante? Sa halip na magpadala sa emosyon, paghambingin mo ang mga pangako sa advertisement at ang realidad.
PANGAKO: “Mas Gaganda ang Buhay Mo”
Natural lang na maghangad tayo ng mas magandang buhay. Palaging sinasabi ng mga advertiser na maaabot natin ang lahat ng ating pangarap—magandang kalusugan, seguridad, kawalan ng stress, at mas malapít na mga ugnayan—kung tama ang ating mga binibili.
REALIDAD:
Habang nadaragdagan ang ari-arian natin, nababawasan naman ang kalidad ng ating buhay. Mas maraming panahon at pera ang kailangan para mapangalagaan ang dagdag na mga ari-arian. Lalo tayong nai-stress dahil sa mga utang, at nababawasan ang panahon natin para sa pamilya at mga kaibigan.
Simulain: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
PANGAKO: “Hahangaan Ka ng Iba”
Iilan lamang ang aaming bumibili sila ng mga bagay para pahangain ang iba. Pero sinabi ni Jim Pooler: “Kapag nagsa-shopping ang mga tao, ang pangunahing dahilan nito ay para makipagkompetensiya sa kanilang mga kaibigan, kapitbahay, katrabaho at kamag-anak.” Dahil dito, kadalasan nang ipinakikita sa mga advertisement na ang mga produkto ay ginagamit ng mga sikát at mayayaman. Ang mensahe: “Puwede ka ring maging sikát at mayaman!”
REALIDAD:
Kung susukatin natin ang ating tagumpay sa pamamagitan ng pagkukumpara ng ating sarili sa iba, lagi lang tayong madidismaya. Kapag nakuha mo na ang isang bagay na gusto mo, maghahangad ka na naman ng higit pa roon.
Simulain: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak.”—Eclesiastes 5:10.
PANGAKO: “Ipakita Mo Kung Sino Ka”
Sinasabi sa aklat na Shiny Objects: “Ang isang karaniwang paraan ng pagsasabi sa iba kung sino tayo (o kung ano ang gusto nating marating) ay sa pamamagitan ng mga bagay na ginagamit natin at idinidispley.” Alam ito ng mga advertiser, kaya iniuugnay nila ang mga produkto—lalo na ang mga mamahaling brand—sa partikular na mga istilo ng buhay at pamantayan.
Ano ang tingin mo sa iyong sarili, at ano ang gusto mong maging tingin sa iyo ng iba? Fashionista? Mahilig sa sports? Anuman ang gusto mong maging tingin sa iyo, ipinangangako ng mga advertiser na mangyayari iyan kung tama ang pipiliin mong brand.
REALIDAD:
Hindi kayang baguhin ng anumang produkto ang tunay nating pagkatao ni mabibigyan man tayo nito ng magagandang katangiang gaya ng katapatan at integridad.
Simulain: “Ang inyong kagayakan ay huwag yaong . . . pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso.”—1 Pedro 3:3, 4.
-
-
Kung Paano Makokontrol ang Iyong PaggastosGumising!—2013 | Hunyo
-
-
Kung Paano Makokontrol ang Iyong Paggastos
Bukod sa mga advertisement, nariyan din ang ating sariling damdamin at mga kaugalian na nagiging dahilan ng sobrang pamimili. Narito ang anim na mungkahi para makontrol ang iyong paggastos.
Iwasan ang padalus-dalos na pagbili. Excited ka bang mag-shopping at makakita ng sale? Kung oo, baka magpadalus-dalos ka sa pagbili. Para maiwasan ito, huwag kang magmadali. Isipin mo munang mabuti ang pangmatagalang resulta ng pagbili, pagkakaroon, at pagmamantini ng bagay na pinaplano mong bilhin. Alalahanin mo ang mga bagay na padalus-dalos mong binili noon at pagkatapos ay pinagsisihan mo. Mag-isip-isip ka muna bago magdesisyon.
Huwag mag-shopping para lang gumanda ang pakiramdam mo. Ang pagsa-shopping ay pansamantalang nakapagpapasaya. Pero kapag bumalik ang di-magandang pakiramdam, baka mas tumindi ang kagustuhan mong gumastos. Sa halip na mag-shopping, makipag-usap sa iyong mga kaibigan o kaya’y gumawa ng ilang pisikal na gawain, gaya ng paglalakad.
Huwag gawing libangan ang pagsa-shopping. Dahil sa mga naggagandahang shopping mall, ang pagsa-shopping ay nagiging libangan na. Baka pumunta ka sa mall o mag-Internet para lang malibang, pero dahil sa mga makikita mo roon, malamang na matukso kang bumili. Mag-shopping ka lang kung may kailangan kang bilhin, at tiyaking iyon lang ang bibilhin mo.
Maging maingat sa pagpili ng mga kaibigan. May malaking impluwensiya sa iyo ang istilo ng pamumuhay at mga kuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Kung lumalaki ang gastos mo dahil nakikipagsabayan ka sa kanila, pumili ng mga kaibigang hindi sobra ang pagpapahalaga sa pera at materyal na mga bagay.
Maging matalino sa paggamit ng credit card. Madaling bumili kapag may credit card, anupat hindi iniisip ang ibubunga nito. Sikaping bayaran nang buo ang iyong credit card bill buwan-buwan. Alamin ang interest rate at iba pang sinisingil ng iyong credit card, at ikumpara ito sa ibang mga card para mapili mo ang pinakamura. Mag-ingat sa mga premium card na nag-aalok ng mas malalaking pautang at mga benepisyong hindi mo naman kailangan. Sa halip na bumili gamit ang credit card, mag-ipon at magbayad nang cash.
Alamin ang kalagayan ng iyong pananalapi. Mas madaling gumasta nang gumasta kapag hindi mo alam ang kalagayan ng iyong pananalapi. I-update ang mga rekord mo para malaman ang iyong sitwasyon sa pinansiyal. Gumawa ng realistiko at buwanang badyet batay sa iyong kinikita at nakaraang mga gastusin. I-monitor ang iyong ginagastos at ikumpara sa iyong badyet. Kung mayroon kang hindi maintindihan tungkol sa pinansiyal na mga bagay, magtanong sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan.
-