Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagtatalo ng Pamilya—Bakit Ito Nangyayari?
    Gumising!—2015 | Disyembre
    • Mga anak habang naririnig ang pagtatalo ng kanilang mga magulang

      TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN

      Pagtatalo ng Pamilya​—Bakit Ito Nangyayari?

      “MADALAS kaming magtalo dahil sa pera,” ang sabi ni Saraha na taga-Ghana at 17 taon nang kasal kay Jacob. Sinabi niya: “Naiinis ako dahil wala man lang nababanggit sa akin si Jacob pagdating sa pera, samantalang ako naman halos ang nag-aasikaso sa aming pamilya. Ilang linggo kaming hindi nagkikibuan.”

      “Oo nga,” ang sagot ni Jacob, “may mga panahong nagbabatuhan kami ng masasakit na salita. Karaniwan nang dahil ito sa di-pagkakaunawaan at sa kakulangan ng magandang pag-uusap. Nagkakaroon din ng pagtatalo kapag sobra ang reaksiyon namin sa mga sitwasyon.”

      Ikinuwento ng bagong kasal na si Nathan na taga-India, kung ano ang nangyari nang sigawan ng kaniyang biyenang lalaki ang asawa nito. “Nagalit ang biyenan kong babae,” ang sabi niya, “at umalis ng bahay. Nang tanungin ko ang biyenan kong lalaki kung bakit siya sumigaw, akala niya, iniinsulto ko siya. Nalaman ko na lang, kami palang lahat ang sinisigawan niya.”

      Marahil napansin mo rin kung paanong ang isang salitang binitiwan sa maling paraan o maling panahon ay puwedeng mauwi sa malubhang pagtatalo sa loob ng tahanan. Baka ang maayos na pag-uusap ay biglang mauwi sa pagtatalo. Walang sinuman ang nakapagsasabi ng tamang salita sa lahat ng panahon, kaya madali sa atin na mabigyan ng maling pakahulugan ang sinasabi ng iba o pagdudahan ang motibo nila. Pero posible pa rin ang kapayapaan at pagkakaisa.

      Ano ang puwede mong gawin kapag nagkaroon ng mainitang pagtatalo? Anong mga hakbang ang makatutulong para maibalik ang kapayapaan sa inyong pamilya? Paano mapananatili ng mga pamilya ang kapayapaan sa loob ng tahanan? Basahin ang susunod na mga artikulo.

      a Binago ang ilang pangalan sa mga artikulong ito.

  • Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo sa Loob ng Tahanan
    Gumising!—2015 | Disyembre
    • Mag-asawang nakaupo habang nakikinig ang mister sa misis niya

      TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN

      Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo sa Loob ng Tahanan

      PAANO kung lagi na lang nagtatalo ang pamilya mo? Baka mas tumitindi at nagiging madalas ito. Baka hindi mo pa nga alam kung paano nagsimula ang inyong di-pagkakaunawaan. Pero mahal ninyo ang isa’t isa, at ayaw ninyong magkasakitan kayo.

      Mahalagang tandaan na ang pagkakaiba ng mga opinyon ay hindi naman nangangahulugang nasisira na ang pamilya ninyo. Hindi rito nakadepende ang pagiging payapa o pagiging magulo ng inyong pamilya, kundi sa kung paano ninyo ito hinaharap. Pansinin ang ilang hakbang na maaaring makatulong para maiwasan ang pagtatalo.

      1. HUWAG GUMANTI.

      Ang pagtatalo ay nagsisimula sa pagitan ng dalawang tao, pero kung makikinig ang isa sa halip na magsalita nang magsalita, baka unti-unting humupa ang pagtatalo. Kaya iwasan ang tendensiyang gumanti kapag ginagalit. Kung kokontrolin mo ang iyong damdamin, mapananatili mo ang paggalang sa sarili at ang iyong dignidad. Tandaan, ang kapayapaan sa pamilya ay mas mahalaga kaysa sa manalo sa pagtatalo.

      “Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy, at kung saan walang maninirang-puri ay natitigil ang pagtatalo.”—Kawikaan 26:20.

      2. UNAWAIN ANG DAMDAMIN NG IYONG KAPAMILYA.

      Ang pakikinig na mabuti nang hindi sumasabat o nanghuhusga ay may malaking nagagawa para mapahupa ang galit at maibalik ang kapayapaan. Sa halip na paratangan ang motibo ng isa, unawain ang damdamin niya. Huwag ikagalit ang isang bagay na maaaring nagagawa ng isa dahil sa pagiging di-perpekto. Ang masasakit na salita ay maaaring resulta lang ng pagiging padalos-dalos o nasaktang damdamin, at hindi para makasakit o makapaghiganti sa iba.

      “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”—Colosas 3:12.

      3. MAGPALAMIG MUNA NG ULO.

      Kapag nag-iinit ka na sa galit, makabubuting magalang na magpaalam muna para magpalamig ng ulo. Puwede kang pumunta sa ibang kuwarto o maglakad-lakad hanggang sa kumalma ka. Hindi naman sa umiiwas ka o ayaw mo nang makipag-usap. Sa halip, baka ito ang magandang pagkakataon para hilingin sa Diyos na sana’y maging mapagpasensiya ka at maunawain.

      “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.”—Kawikaan 17:14.

      4. PAG-ISIPANG MABUTI KUNG ANO ANG SASABIHIN AT KUNG PAANO ITO SASABIHIN.

      Walang mabuting idudulot kung magpopokus ka sa pagsagot nang pabalang. Sa halip, subukang magsabi ng isang bagay na magpapagaan sa sama ng loob ng iyong minamahal. Imbes na diktahan mo siya kung ano ang dapat na madama niya, mabait na hilingin ang kaniyang opinyon at magpasalamat sa paliwanag na narinig mo.

      “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.”—Kawikaan 12:18.

      5. MAGING MAHINAHON SA PAGSASALITA.

      Sa loob ng pamilya, kapag nagalit ang isa, malamang na magalit din ang ibang miyembro nito. Labanan ang tendensiyang mang-insulto o magtaas ng boses, gaanuman kasama ang loob mo. Iwasan ang masasakit na akusasyon, gaya ng “Bale-wala naman ako sa ’yo” o “Hindi ka naman nakikinig.” Sa halip, sabihin sa asawa mo sa mahinahong paraan kung paano ka naaapektuhan ng ginagawa niya (“Nasasaktan ako kapag . . . ”). Ang panunulak, pananampal, paninipa, o anumang uri ng karahasan ay hindi nga makatuwiran. Totoo rin iyan pagdating sa pagbibigay ng bansag, panlalait, o pagbabanta.

      “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”—Efeso 4:31.

      6. HUMINGI AGAD NG TAWAD, AT SABIHIN ANG GAGAWIN MO PARA ITUWID ANG SITWASYON.

      Huwag mong hayaang masira ng mga negatibong damdamin ang pangunahin mong tunguhin—ang pakikipagpayapaan. Tandaan, kapag nakipag-away ka, pareho kayong talo. Pero kapag nakipagpayapaan ka, pareho kayong panalo. Kaya gawin ang bahagi mo para ayusin ang problema. Kahit alam mong wala ka namang nagawang mali, puwede ka pa ring humingi ng tawad dahil nainis ka, nagpakita ng di-magandang reaksiyon, o nakaragdag sa pagtatalo nang di-sinasadya. Mas mahalaga ang kapayapaan kaysa sa pride at pagiging panalo. At kapag may humingi ng tawad sa iyo, patawarin mo agad.

      “Yumaon ka at magpakumbaba at paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa.”—Kawikaan 6:3.

      Kapag naayos na ang pagtatalo, ano naman ang puwede mong gawin para maitaguyod ang kapayapaan sa pamilya? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.

  • Kung Paano Itataguyod ang Kapayapaan sa Pamilya
    Gumising!—2015 | Disyembre
    • TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN

      Kung Paano Itataguyod ang Kapayapaan sa Pamilya

      SA PALAGAY mo, makatutulong ba ang Bibliya para maitaguyod ang kapayapaan sa pamilya? Ikumpara ang sinasabi ng Bibliya sa sinasabi ng mga ininterbyu na nakatulong sa kanila. Pag-isipan kung anong mga punto ang makatutulong sa iyo para maiwasan ang pagtatalo, mapanatili ang kapayapaan, at tumibay ang ugnayan sa isa’t isa.

      MGA SIMULAIN SA BIBLIYA NA NAGTATAGUYOD NG KAPAYAPAAN

      MAGKAROON NG POSITIBONG PANANAW SA ISA’T ISA.

      Pamilyang nasa beach

      “Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:3, 4.

      “Nakita namin na mabuting ituring ang iyong asawa na mas mahalaga kaysa sa iyong sarili at sa iba.”—C. P., 19 na taon nang kasal.

      MAKINIG NA MABUTI AT MAGING BUKÁS ANG ISIP.

      “Patuloy mo silang paalalahanan na . . . huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:1, 2.

      “Maiiwasan natin ang tensiyon kung hindi tayo sasagot nang pagalít sa ating asawa. Mahalagang makinig nang hindi nanghuhusga, at igalang ang kaniyang pananaw kahit hindi tayo sang-ayon dito.”—P. P., 20 taon nang kasal.

      LINANGIN ANG PAGKAMATIISIN AT KAHINAHUNAN.

      “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”—Kawikaan 25:15.

      “Hindi maiiwasan ang di-pagkakasundo, pero nakadepende sa atin ang magiging resulta nito. Kailangan nating maging mapagpasensiya para maayos ang mga problema.”—G. A., 27 taon nang kasal.

      IWASAN ANG BERBAL O PISIKAL NA PANANAKIT.

      “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.”—Colosas 3:8.

      “Hanga ako sa pagpipigil sa sarili ng asawa ko. Palagi siyang kalmado, at hindi niya ako sinisigawan o ipinapahiya.”—B. D., 20 taon nang kasal.

      MAGING HANDANG MAGPATAWAD AT AYUSIN AGAD ANG DI-PAGKAKASUNDO.

      “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—Colosas 3:13.

      “Kapag nai-stress ka, mahirap maging kalmado, at madali kang makapagsalita o makagawa ng mga bagay na makakasakit sa asawa mo. Kapag nangyari iyan, mahalagang maging mapagpatawad. Ang matagumpay na pag-aasawa ay imposible kung walang pagpapatawad.” —A. B., 34 na taon nang kasal.

      UGALIIN ANG PAGBIBIGAY AT ANG PAGBABAHAGI SA IBA.

      “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. . . . Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”—Lucas 6:38.

      “Alam ng mister ko kung ano ang nagpapasaya sa akin, at lagi siyang may mga sorpresa. Kaya naman malimit kong pinag-iisipan, ‘Paano ko kaya siya mapapasaya?’ Dahil diyan, madalas kaming magtawanan, at ganiyan pa rin kami hanggang ngayon.”—H. K., 44 na taon nang kasal.

      HUWAG SUMUKO SA PAGTATAGUYOD NG KAPAYAPAAN SA PAMILYA

      Ang mga ininterbyung ito ng Gumising! ay ilan lamang sa milyon-milyong tao na natulungan ng Bibliya na magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging mas mapayapa ang pamilya.a Kahit parang hindi nakikipagtulungan ang ilang kapamilya, nakikita nilang sulit pa rin ang pagiging mapagpayapa, dahil nangangako ang Bibliya: “Yaong mga nagpapayo [o, nagtataguyod] ng kapayapaan ay may kasayahan.”—Kawikaan 12:20.

      a Para sa higit pang impormasyon kung paano magiging maligaya ang buhay pampamilya, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.pr2711.com/tl. Tingnan din sa TURO NG BIBLIYA > TULONG PARA SA PAMILYA.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share