Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Matatas na Pagpapahayag
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
    • ARALIN 4

      Matatas na Pagpapahayag

      Ano ang kailangan mong gawin?

      Magbasa at magsalita sa paraang maayos ang pagdaloy ng iyong mga salita at kaisipan. Kapag ang pagpapahayag ay matatas, ang pagsasalita ay hindi putul-putol o sobrang napakabagal, at hindi paudlut-udlot sa mga salita o nangangapa sa mga sasabihin.

      Bakit ito mahalaga?

      Kapag kulang sa katatasan ang tagapagsalita, ang isipan ng mga tagapakinig ay maaaring gumala-gala; maaaring maghatid ng maling mga ideya. Ang sinabi ay maaaring hindi makahikayat.

      KAPAG bumabasa nang malakas, napapatigil ka ba sa ilang mga pananalita? O kapag tumatayo ka sa harapan ng tagapakinig upang magbigay ng isang pahayag, nasusumpungan mo bang madalas kang nangangapa para sa tamang mga salita? Kung gayon, maaaring may suliranin ka sa katatasan. Ang isang matatas na tao ay nagbabasa at nagsasalita sa paraang ang mga salita at mga kaisipan ay dumadaloy nang maayos, na may kaalwanan. Hindi ito nangangahulugan na siya’y lagi na lamang nagsasalita, na siya’y nagsasalita nang mabilis, o na siya’y nagsasalita nang hindi nag-iisip. Ang kaniyang pagsasalita ay kawili-wili at maganda. Ang katatasan ay binibigyan ng pantanging pansin sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

      Iba’t ibang salik ang maaaring maging dahilan ng kawalan ng katatasan. Kailangan mo bang magbigay ng pantanging konsiderasyon sa alinman sa mga sumusunod? (1) Kapag bumabasa sa iba, ang pagiging di-pamilyar sa ilang salita ay maaaring maging sanhi ng pag-aatubli. (2) Ang bahagyang mga pagtigil sa napakaraming lugar ay maaaring magdulot ng putul-putol na paraan ng pagpapahayag. (3) Ang kawalan ng paghahanda ay maaaring maging sanhi ng suliranin. (4) Kapag nagsasalita sa harap ng isang grupo, ang isang karaniwang salik sa kawalan ng katatasan ay ang hindi pag-oorganisa ng materyal sa isang lohikal na paraan. (5) Ang isang limitadong bokabularyo ay maaaring magpangyari sa isang tao na mag-atubili habang siya’y nangangapa para sa tamang mga salita. (6) Kung masyadong maraming salita ang idiniriin, maaaring masira ang katatasan. (7) Ang kakulangan ng kaalaman sa mga alituntunin ng balarila ay maaaring maging sanhi ng suliranin.

      Kung kulang ka sa katatasan, ang mga tagapakinig sa Kingdom Hall ay maaaring hindi literal na lumabas, subalit ang kanilang isipan ay maaaring gumala-gala. Bilang resulta, ang karamihan sa iyong sinasabi ay maaaring mawala.

      Sa kabilang panig, kailangang mag-ingat ka upang ang nilayon na maging mapuwersang pagsasalita at katatasan ay hindi maging dominante, marahil ay maging kahiya-hiya pa nga sa tagapakinig. Kung dahil sa pagkakaiba ng pinagmulang kultura, minamalas ng mga tao na ang iyong paraan ng pagsasalita ay hindi mataktika o kulang sa kataimtiman, bibiguin nito ang iyong layunin. Kapansin-pansin na si apostol Pablo, bagaman isang makaranasang tagapagsalita, ay humarap sa mga taga-Corinto “sa kahinaan at sa takot at may matinding panginginig” upang hindi siya makakuha ng di-kinakailangang atensiyon para sa kaniyang sarili.​—1 Cor. 2:3.

      Mga Ugaling Dapat na Iwasan. Maraming tao ang nahirati na sa pagsisingit ng mga katagang “at-ah” kapag sila ay nagsasalita. Kadalasan namang pinasisimulan ng iba ang isang punto sa pagsasabi ng “ngayon,” o may pabuntot na parirala, gaya ng “alam mo” o “kuwan,” sa anumang sinasabi nila. Marahil ay hindi mo namamalayan kung gaano kadalas na ginagamit mo ang mga katagang ito. Maaari mong subukin ang isang sesyon ng pagsasanay na may isang makikinig sa iyo at uulit sa mga katagang ito sa tuwing babanggitin mo ang mga ito. Marahil ay magugulat ka.

      Ang ilang tao ay nagbabasa at nagsasalita nang pabalik-balik nang maraming beses. Alalaong baga, pinasisimulan nila ang isang pangungusap at saka humihinto sa kalagitnaan at pagkatapos ay uulitin na naman ang isang bahagi ng kanilang nasabi na.

      Ang iba naman ay nagsasalita nang may sapat na bilis, subalit sila’y nagsisimula sa isang ideya at pagkatapos, sa kalagitnaan ng pangungusap, ay lumilipat sa iba namang ideya. Kahit na maayos ang daloy ng mga salita, ang biglang mga pagbabago ng mga ideya ay sumisira ng katatasan.

      Kung Paano Susulong. Kung ang iyong suliranin ay ang madalas na pangangapa ng tamang salita, kailangan mong gumawa ng pagsisikap na mapasulong ang iyong bokabularyo. Pansining mabuti ang mga salita na hindi pamilyar sa iyo sa Ang Bantayan, Gumising!, at sa iba pang mga publikasyong maaaring binabasa mo. Tingnan ang mga ito sa isang diksiyunaryo, alamin ang bigkas ng mga ito at ang kahulugan ng mga ito, at idagdag ang ilan sa mga salitang ito sa iyong bokabularyo. Kung wala kang diksiyunaryo, humingi ng tulong sa isa na nakapagsasalitang mabuti ng wikang ito.

      Ang pag-iinsayo nang regular sa pagbabasa nang malakas ay makatutulong sa pagsulong. Bigyang pansin ang mahihirap na salita, at bigkasin ang mga ito nang malakas nang ilang ulit.

      Upang makabasa nang matatas, kailangang maunawaan kung paano nagiging magkakaugnay ang mga salita sa isang pangungusap. Kadalasang ang mga salita ay dapat na basahin nang grupu-grupo upang maitawid ang ideyang inilalahad ng manunulat. Pansining mabuti ang paggugrupo ng mga salitang ito. Kung makatutulong ito sa iyo, markahan ang mga ito. Ang iyong tunguhin ay hindi lamang basta basahin nang tama ang mga salita kundi upang maitawid din nang maliwanag ang mga punto. Pagkatapos mong suriin ang isang pangungusap, magtungo sa susunod hanggang sa mapag-aralan mo ang buong parapo. Maging pamilyar sa daloy ng ideya. Pagkatapos ay mag-insayo sa pagbasa nang malakas. Paulit-ulit na basahin ang parapo hanggang sa magawa mo ito nang hindi ka nagkakamali at hindi humihinto sa maling mga lugar. Pagkatapos ay magtungo sa iba pang mga parapo.

      Pagkatapos, pasulungin ang iyong bilis. Kung nauunawaan mo na kung paanong nagkakaugnay-ugnay ang mga salita sa isang pangungusap, makikita mo ang mahigit pa sa isang salita sa bawat tingin anupat alam mo na agad kung ano ang dapat na sumunod. Malaki ang maitutulong nito sa pagiging mabisa ng iyong pagbabasa.

      Ang regular na pag-iinsayo ng pagbasa sa isang sulyap lamang ay maaaring maging isang mahalagang pagsasanay. Halimbawa, bagaman walang patiunang paghahanda, basahin nang malakas ang teksto at mga komento sa araw na ito; gawin ito sa regular na paraan. Hayaang masanay ang iyong mata sa pagtingin sa mga grupo ng salita na nagpapahayag ng kumpletong mga ideya sa halip na sa pagtingin sa bawat salita nang isa-isa.

      Sa pakikipag-usap, upang maging matatas ay kailangang mag-isip ka muna bago magsalita. Gawing kaugalian iyon sa iyong pang-araw-araw na gawain. Pagpasiyahan kung anong mga ideya ang nais mong itawid at ang magiging pagkakasunud-sunod ng paglalahad mo ng mga ito; pagkatapos ay magsimula sa pagsasalita. Huwag magmadali. Pagsikapang ipahayag ang isang buong diwa nang hindi humihinto o binabago ang mga ideya sa kalagitnaan. Makikita mong makatutulong na gumamit nang maikli at simpleng mga pangungusap.

      Ang mga salita ay lumalabas nang natural kung alam mo kung ano talaga ang nais mong sabihin. Sa pangkalahatan, hindi na kailangan pang piliin ang mga salitang gagamitin mo. Sa katunayan, bilang pagsasanay, makabubuting tiyakin lamang na maliwanag ang ideya sa iyong isipan at pagkatapos ay saka umisip ng mga salita habang nagsasalita ka. Kung gayon ang iyong gagawin at kung ipapako mo ang iyong isip sa ideya sa halip na sa mga salitang binibigkas mo, ang mga salita ay halos kusang darating, at ang iyong mga ideya ay maipapahayag mo mula sa iyong puso. Subalit kapag nagsimula kang mag-isip ng mga salita sa halip na mga ideya, ang iyong pagsasalita ay magiging patigil-tigil. Sa pamamagitan ng pag-iinsayo, maaari kang magtagumpay sa pagkakaroon ng katatasan, isang mahalagang katangian sa mabisang pagsasalita at pagbabasa.

      Nang atasang kumatawan kay Jehova sa bansang Israel at sa harapan ni Paraon ng Ehipto, nadama ni Moises na siya’y walang kakayahan. Bakit? Hindi siya isang matatas na tagapagsalita; maaaring mayroon siyang kapansanan sa pagsasalita. (Ex. 4:10; 6:12) Si Moises ay nagdahilan, subalit wala sa mga ito ang tinanggap ng Diyos. Ipinadala ni Jehova si Aaron bilang isang tagapagsalita, subalit tinulungan din Niya si Moises na magsalita. Sa paulit-ulit at sa mabisang paraan, si Moises ay nagsalita hindi lamang sa mga indibiduwal at sa maliliit na grupo kundi sa buong bansa. (Deut. 1:1-3; 5:1; 29:2; 31:1, 2, 30; 33:1) Kung taimtim mong ginagawa ang iyong bahagi habang nagtitiwala kay Jehova, magagamit mo rin ang iyong pagsasalita upang parangalan ang Diyos.

      PANANAGUMPAY SA PAGKAUTAL

      Maraming salik ang maaaring dahilan ng pagkautal. Ang mga therapy na nakatutulong sa ilang tao ay maaaring hindi maging epektibo sa iba. Subalit upang maranasan ang kagalakan ng tagumpay, mahalaga na patuloy na magsikap.

      Ang ideya ba ng pagkokomento sa isang pulong ay nagdudulot sa iyo ng takot, ng pagkataranta pa nga? Manalangin kay Jehova ukol sa kaniyang tulong. (Fil. 4:6, 7) Ituon ang iyong mga kaisipan sa pagpaparangal kay Jehova at sa pagtulong sa iba. Huwag umasang ang suliranin ay lubusang maglalaho, kundi tingnan kung paano ka tinutulungan upang mapagtagumpayan ito. Habang nararanasan mo ang pagpapala ni Jehova at ang pampatibay ng iyong mga kapatid, nanaisin mong gumawa nang higit pa.

      Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon upang magkaroon ka ng karanasang magsalita sa harapan ng isang grupo. Baka magtaka ka kung gaano ka kahusay sa harapan ng isang maliit na grupo na umaalalay sa iyo at nagnanais na magtagumpay ka. Ito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng pagtitiwala sa pagsasalita sa ilalim ng iba pang mga kalagayan.

      Kung magbibigay ka ng isang pahayag, maghandang mabuti. Pagtuunang mabuti ang iyong pahayag. Magsalita taglay ang angkop na damdamin. Kapag nagsimula kang mautal habang nagsasalita, kung gayon, hangga’t maaari, panatilihing kalmado ang iyong tinig at kilos. Irelaks ang mga kalamnan ng iyong panga. Gumamit ng maiikling pangungusap. Bawasan ang paggamit ng mga paningit na kataga, gaya ng “um” at “ah.”

      Sa pagkaalam ng mga salitang naging suliranin nila noong una, iniiwasan ang mga ito ng ilang nakapananagumpay sa pagkautal at sa halip ay gumagamit ng mga salitang may gayunding kahulugan. Gusto naman ng iba na alamin ang mga tunog sa pagsasalita na labis na nagpapahirap sa kanila at iniinsayo ang mga ito nang paulit-ulit.

      Kung nauutal ka kapag nakikipag-usap, huwag kang susuko sa iyong pagsisikap na makipag-usap. Baka nais mong himukin ang kausap mo na magsalita muna hanggang sa makapagpatuloy ka. Kung kinakailangan, basta isulat na lamang ang salita, o ipakita sa tao ang isang nakaimprentang bagay.

      KUNG PAANO ITO GAGAWIN

      • Kapag nagbabasa ng mga magasin at mga aklat, markahan ang mga bagong salita, alamin kung ano talaga ang kahulugan ng mga ito, at pagkatapos ay gamitin ang mga ito.

      • Insayuhin ang pagbabasa nang malakas sa loob ng lima hanggang sampung minuto bawat araw.

      • Lubusang paghandaan ang mga atas sa pagbabasa. Pansining mabuti ang mga grupo ng salitang nagdadala ng ideya. Maging pamilyar sa daloy ng mga ideya.

      • Sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, pag-aralang mag-isip muna at pagkatapos ay sabihin ang kumpletong mga pangungusap nang tuluy-tuloy.

      PAGSASANAY: Patiunang suriing mabuti ang Hukom 7:1-25, na pinag-aaralang isa-isa ang mga parapo. Tiyaking nauunawaan mo ang sinasabi nito. Sa pamamagitan ng paggamit ng isang diksiyunaryo, alamin ang di-pamilyar na mga salita. Bigkasin nang malakas ang bawat pangalang pantangi. Pagkatapos ay basahin ang parapo nang malakas; maingat na gawin iyon nang may katumpakan. Kung nasiyahan ka na sa parapong iyon, magpatuloy sa susunod, at sa iba pa. Pagkatapos ay basahin ang buong kabanata. Muling gawin ito, na mas mabilis nang kaunti sa pagkakataong ito. Gawin ito minsan pa, nang mas mabilis pa sa mga angkop na bahagi​—subalit hindi masyadong mabilis anupat nagpapatigil-tigil ka.

  • Angkop na Sandaling Paghinto
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
    • ARALIN 5

      Angkop na Sandaling Paghinto

      Ano ang kailangan mong gawin?

      Gumawa ng lubusang mga paghinto sa angkop na mga dako ng iyong pahayag. Kung minsan, maaari kang huminto nang sandali o hayaan na lamang na sandaling humina ang tinig. Ang sandaling paghinto ay angkop kung ito ay nagsisilbi ukol sa isang kapaki-pakinabang na layunin.

      Bakit ito mahalaga?

      Ang wastong sandaling paghinto ay isang mahalagang salik sa pagsasalita na madaling maunawaan. Ang sandaling paghinto ay nagpapatingkad din sa mahahalagang punto.

      SA PAGSASALITA, ang wastong mga sandaling paghinto ay mahalaga. Ito ay totoo kahit na nagbibigay ka ng isang diskurso o nakikipag-usap sa isang indibiduwal. Kung wala ang gayong mga sandaling paghinto, ang anumang sinasabi ay parang alingawngaw na lamang sa halip na maliwanag na kapahayagan ng mga ideya. Ang angkop na sandaling paghinto ay tumutulong upang magdagdag ng linaw sa iyong pagsasalita. Ito rin ay maaaring gamitin upang ang iyong mga pangunahing punto ay lubos na maikintal sa isipan.

      Paano mo matitiyak kung kailan ka dapat sandaling huminto? Gaano ang dapat itagal ng mga sandaling paghinto?

      Sandaling Paghinto Upang Magbantas. Ang bantas ay naging isang mahalagang bahagi ng nasusulat na wika. Ito ay maaaring magpahiwatig ng pagtatapos ng isang pangungusap o ng isang tanong. Sa ilang wika ay ginagamit ito upang ipakita ang mga pagsipi. Ang ilang bantas ay nagpapahiwatig ng kaugnayan ng isang bahagi ng isang pangungusap sa iba pang mga bahagi nito. Maaaring makita ng isang tao na nagbabasa sa ganang sarili ang mga bantas. Subalit kapag siya ay nagbabasa nang malakas sa kapakinabangan ng iba, dapat na itawid ng kaniyang tinig ang kahulugan ng anumang bantas na lumilitaw sa nakasulat na materyal. (Para sa karagdagang detalye, tingnan ang Aralin 1, “Tumpak na Pagbabasa.”) Magiging mahirap para sa iba na maunawaan ang binabasa mo o makasisira pa nga sa kahulugan ng nilalaman nito ang hindi paghinto nang sandali kapag hinihiling ito ng bantas.

      Bukod pa sa bantas, ang paraan ng pagpapahayag ng mga ideya sa isang pangungusap ay magpapakita kung saan angkop ang sandaling paghinto. Isang bantog na musikero ang minsa’y nagsabi: “Ang pagtugtog ko sa mga nota ay hindi nakahihigit kaysa iba pang mga piyanista. Subalit ang mga sandaling paghinto sa pagitan ng mga nota, ah, naroroon ang sining.” Ito ay nakakatulad ng pagsasalita. Ang angkop na sandaling paghinto ay magpapaganda at magbibigay ng kahulugan sa iyong inihandang-mabuti na materyal.

      Sa paghahanda upang bumasa sa madla, masusumpungan mong nakatutulong na markahan ang babasahin mong nakalimbag na materyal. Maglagay ng isang maliit na linyang patindig kung saan mo ipapasok ang sandaling paghinto, marahil ay isa lamang panandaliang pagtigil. Gumamit ng dalawang magkalapit na linyang patindig para sa mas mahabang paghinto. Kung masumpungan mong naaasiwa ka sa isang pananalita at paulit-ulit kang humihinto sa maling lugar, markahan ito ng lapis upang pagdugtungin ang lahat ng salita na bumubuo sa mahirap na parirala. Pagkatapos ay basahin ang parirala mula sa pasimula hanggang sa katapusan. Ginagawa ito ng maraming makaranasang tagapagsalita.

      Ang sandaling paghinto sa pang-araw-araw na pagsasalita ay kadalasang hindi nagiging suliranin sapagkat nalalaman mo ang mga ideya na nais mong ihatid. Gayunman, kung nahirati ka sa sandaling paghinto nang palagian nang hindi na isinasaalang-alang kung ano ang ipinahihiwatig ng diwa, ang iyong pagsasalita ay mawawalan ng puwersa at kalinawan. Ang mga mungkahi para sa pagpapasulong ay ibinigay sa Aralin 4, “Matatas na Pagpapahayag.”

      Sandaling Paghinto Para sa Pagbabago ng Diwa. Kapag lumilipat ka mula sa isang pangunahing punto tungo sa iba, ang paghinto ay magbibigay sa iyong tagapakinig ng pagkakataong mag-isip, makibagay, pansinin ang pagbabago ng direksiyon, at higit pang maliwanagan ang susunod na puntong ihaharap. Ang sandaling paghinto mo mula sa isang ideya tungo sa iba ay kasinghalaga ng pagpapabagal mo ng takbo kapag lumiliko ka mula sa isang kalye patungo sa iba.

      Ang isang dahilan kung bakit ang ilang tagapagsalita ay nagmamadali mula sa isang ideya tungo sa susunod nang walang sandaling paghinto ay dahil sa sinisikap nilang saklawin ang napakaraming materyal. Para sa ilan, ipinakikita ng ganitong ugali kung ano ang kanilang paraan ng pagsasalita sa araw-araw. Marahil ang lahat ng nakapalibot sa kanila ay nagsasalita sa gayunding paraan. Subalit hindi ito ang paraan ng mabisang pagtuturo. Kung mayroon kang sasabihin na karapat-dapat marinig at karapat-dapat matandaan, kung gayon, maglaan ng sapat na panahon upang palitawin nang maliwanag ang ideya. Kilalanin na ang mga sandaling paghinto ay mahalaga sa pagsasalita na naghahatid nang maliwanag na mga ideya.

      Kung ikaw ay magpapahayag mula sa isang balangkas, ang iyong materyal ay dapat organisahin sa paraan na magiging maliwanag kung saan dapat na sandaling huminto sa pagitan ng mga pangunahing punto. Kung magbabasa ka ng isang manuskrito, markahan ang mga lugar ng pagbabago mula sa isang pangunahing punto tungo sa susunod.

      Ang mga sandaling paghinto para sa pagbabago ng ideya ay kadalasang mas mahaba kaysa sa mga sandaling paghinto dahil sa bantas​—subalit, hindi naman masyadong mahaba anupat parang tumatagal tuloy ang pahayag. Kung ang mga ito ay napakahaba, magbibigay ang mga ito ng impresyon na ikaw ay hindi handa at nag-aapuhap kung ano ang susunod na sasabihin.

      Sandaling Paghinto Para sa Pagdiriin. Ang sandaling paghinto para sa pagdiriin ay kadalasang dramatiko, alalaong baga, isa na nauuna o kasunod ng isang pangungusap o ng isang tanong na ipinahayag nang may pagdiriin. Ang gayong sandaling paghinto ay nagbibigay ng pagkakataon sa tagapakinig na pag-isipan kung ano ang kasasabi pa lamang, o ito ay lumilikha ng pananabik sa kung ano ang kasunod. Ang mga ito ay hindi magkapareho. Pagpasiyahan kung aling paraan ang angkop na gamitin. Subalit ingatan sa isip na ang mga sandaling paghinto para sa pagdiriin ay dapat na limitado sa talagang mahahalagang pananalita. Kung hindi, ang halaga ng mga pananalitang iyon ay mawawala.

      Nang si Jesus ay bumasa nang malakas mula sa Kasulatan sa sinagoga ng Nazaret, ginamit niya nang mabisa ang sandaling paghinto. Una, binasa niya ang kaniyang atas mula sa balumbon ni propeta Isaias. Gayunman, bago ikinapit iyon, kaniyang inilulon ang balumbon, isinauli ito sa tagapaglingkod, at umupo. Pagkatapos, habang ang mga mata ng lahat sa sinagoga ay nakatuong mabuti sa kaniya, sinabi niya: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.”​—Luc. 4:16-21.

      Sandaling Paghinto Kapag Hinihiling Ito ng mga Kalagayan. Ang mga pagkagambala ay maaaring humiling sa iyo paminsan-minsan na huminto sandali sa iyong pagsasalita. Ang ingay ng dumaraang mga sasakyan o ang pag-iyak ng isang bata ay maaaring humiling ng paghinto sa pakikipag-usap sa isang may-bahay na natagpuan mo sa ministeryo sa larangan. Kung ang pagkagambala sa lugar ng asamblea ay hindi naman masyadong matindi, maaari mong ilakas ang iyong tinig at magpatuloy. Subalit kung ang pagkagambala ay malakas at matagal, dapat kang huminto sandali. Tutal ang iyong tagapakinig ay hindi naman nakikinig. Kaya gamiting mabuti ang paghinto, na isinasaisip ang pagtulong sa iyong tagapakinig na makinabang nang lubusan sa mabubuting bagay na nais mong sabihin sa kanila.

      Sandaling Paghinto Upang Mabigyang-daan ang Pagtugon. Bagaman maaaring nagpapahayag ka na wala namang kaayusan para sa aktuwal na pakikibahagi ng tagapakinig, mahalaga na hayaang tumugon ang tagapakinig, hindi sa bibig, kundi sa isip. Kung ikaw ay maghaharap ng mga tanong na aakay sa iyong tagapakinig na mag-isip subalit hindi magiging sapat ang iyong sandaling paghinto, malaki ang mawawala sa bisa ng mga tanong na iyon.

      Mangyari pa, mahalaga na huminto nang sandali hindi lamang kapag nagsasalita mula sa plataporma kundi kapag nagpapatotoo rin sa iba. Ang ilang tao ay waring hindi kailanman humihinto sandali. Kung ito ang iyong suliranin, gumawa ng puspusang pagsisikap upang malinang ang kalidad na ito sa pagsasalita. Ikaw ay susulong sa iyong pakikipag-usap sa iba at gayundin sa pagiging mabisa ng iyong ministeryo sa larangan. Ang sandaling paghinto ay isang sandali ng katahimikan, at totoo ang kasabihang ang katahimikan ay nagpapatingkad, ito’y nagdiriin, ito’y nakatatawag ng pansin, at ito’y nakagiginhawa sa pandinig.

      Ang pag-uusap sa araw-araw ay nagsasangkot ng pagpapalitan ng mga ideya. Mas gusto ng iba na makinig sa iyo kapag ikaw ay nakikinig sa kanila at nagpapakita ng interes sa kanilang sinasabi. Ito’y humihiling na ikaw ay huminto nang may sapat na haba upang mabigyan sila ng pagkakataong magpahayag ng kanilang sarili.

      Sa ministeryo sa larangan, ang ating pagpapatotoo ay kadalasang mas mabisa kapag ito ay ginagawa sa anyong pakikipag-usap. Pagkatapos na magbatian, nasusumpungan ng maraming Saksi na mabisang sabihin ang kanilang pakay at pagkatapos ay magharap ng isang tanong. Sila ay humihinto sandali upang bigyan ang tao ng pagkakataong sumagot, at pagkatapos ay nagpapahayag sila ng pagpapahalaga sa sinabi ng may-bahay. Sa pag-uusap, maaaring bigyan nila ang may-bahay ng ilang pagkakataong magkomento. Batid nila na karaniwan nang malaki ang kanilang maitutulong sa tao kung kanilang malalaman ang kaniyang pangmalas sa mga bagay na pinag-uusapan.​—Kaw. 20:5.

      Mangyari pa, hindi lahat ay tutugon sa mga katanungan sa isang kanais-nais na paraan. Subalit hindi ito nakahadlang kay Jesus upang huminto nang may sapat na haba para bigyan ng pagkakataong magsalita maging ang mga sumasalansang. (Mar. 3:1-5) Ang pagbibigay ng pagkakataon sa isang tao na magsalita ay nagpapasigla sa kaniya na mag-isip, at bilang resulta, maaaring isiwalat niya kung ano ang nasa kaniyang puso. Sa katunayan, ang isa sa mga layunin ng ating ministeryo ay upang maantig ang puso sa pamamagitan ng paghaharap sa mga tao ng mahahalagang isyu mula sa Salita ng Diyos na salig dito ay kailangan silang gumawa ng mga pagpapasiya.​—Heb. 4:12.

      Ang paggamit ng angkop na sandaling paghinto sa ating ministeryo ay tunay na isang sining. Kapag ang mga sandaling paghinto ay ginamit nang mabisa, ang mga ideya ay naitatawid nang mas maliwanag at kadalasang laging natatandaan.

      KUNG PAANO ITO GAGAWIN

      • Bigyan ng pantanging pansin ang mga bantas kapag nagbabasa ka nang malakas.

      • Makinig na mabuti sa lubusang kuwalipikadong mga tagapagsalita, at pansinin kung saan sila humihinto sandali at kung gaano katagal.

      • Pagkatapos mong sabihin ang isang bagay na talagang gusto mong matandaan ng iba, huminto sandali upang maikintal ito nang malalim.

      • Sa pakikipag-usap, anyayahan ang iba na ipahayag ang kanilang mga ideya, at pagkatapos ay pakinggan ang kanilang sagot. Hayaang makatapos sila. Huwag sasabad.

      PAGSASANAY: Basahin ang Marcos 9:1-13 nang malakas; sandaling huminto nang angkop sa iba’t ibang bantas. Huwag hayaang bumagal ang pagbabasa. Pagkatapos mong makapag-insayo, hilingin sa isa na makinig sa iyo at magbigay ng mga mungkahi para sa ikasusulong ng iyong sandaling paghinto.

  • Wastong Pagdiriin ng mga Susing Salita
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
    • ARALIN 6

      Wastong Pagdiriin ng mga Susing Salita

      Ano ang kailangan mong gawin?

      Idiin ang mga salita at mga parirala sa paraan na madaling maunawaan ng mga tagapakinig ang mga ideyang ipinahahayag.

      Bakit ito mahalaga?

      Ang wastong pagdiriin ng mga susing salita ay tumutulong sa tagapagsalita na mapanatili ang atensiyon ng kaniyang tagapakinig at upang mahikayat o maganyak din sila.

      KAPAG nagsasalita o nagbabasa ka nang malakas, mahalaga na hindi mo lamang nabibigkas nang tama ang bawat salita kundi naidiriin mo rin ang mga susing salita at mga pananalitang nagdadala ng diwa sa paraang naitatawid nito nang maliwanag ang mga ideya.

      Ang wastong pagdiriin ng mga susing salita ay nagsasangkot nang higit pa kaysa ibayong pagdiriin lamang sa iilan o maging sa maraming salita. Ang tamang mga salita ay dapat na idiin. Kapag maling mga salita ang naidiin, ang kahulugan ng sinasabi mo ay maaaring maging malabo sa iyong tagapakinig, at maaaring maging dahilan naman upang gumala-gala ang kanilang isipan sa iba pang mga bagay. Kahit na maganda ang materyal, ang pahayag na kulang at di-tama ang pagdiriin ng mga susing salita ay hindi magiging epektibo sa pagganyak sa tagapakinig.

      Ang karagdagang pagdiriin ay maisasagawa sa iba’t ibang paraan, na kadalasa’y ginagamit ang kombinasyon ng mga ito: sa pamamagitan ng higit na lakas ng tinig, sa pamamagitan ng higit na tindi ng damdamin, sa pamamagitan ng dahan-dahan at di-nagmamadaling pananalita, sa pamamagitan ng paghinto bago o pagkatapos ng isang pananalita (o pareho), at sa pamamagitan ng mga kumpas at ekspresyon ng mukha. Sa ilang wika, ang pagdiriin ay maaari ring isagawa sa pamamagitan ng pagbababa o pagtataas ng tono ng boses. Isaalang-alang ang materyal at ang mga kalagayan upang matiyak kung ano ang pinakaangkop.

      Kapag nagpapasiya kung ano ang idiriin, isaalang-alang ang sumusunod. (1) Sa anumang pangungusap, natitiyak kung anong mga salita ang dapat bigyan ng karagdagang pagdiriin hindi lamang sa pamamagitan ng ibang bahagi ng pangungusap kundi sa pamamagitan din ng konteksto. (2) Ang pagdiriin ng mga susing salita ay maaaring gamitin upang patingkarin ang pasimula ng isang bagong ideya, maging ito man ay isang pangunahing punto o basta pagbabago lamang sa takbo ng pangangatuwiran. Maaari ring akayin nito ang atensiyon sa konklusyon ng isang hanay ng pangangatuwiran. (3) Maaaring gamitin ng isang tagapagsalita ang pagdiriin ng mga susing salita upang ipakita kung ano ang damdamin niya sa isang bagay. (4) Ang wastong pagdiriin ng mga susing salita ay maaari ring gamitin upang itampok ang mga pangunahing punto ng isang pahayag.

      Upang magamit ang pagdiriin ng mga susing salita sa ganitong mga paraan, dapat na maunawaang mabuti ng isang tagapagsalita o ng isang pangmadlang tagapagbasa ang kaniyang materyal at magkaroon ng marubdob na pagnanais na maunawaan ito ng kaniyang tagapakinig. Hinggil sa tagubiling ibinigay noong kapanahunan ni Ezra, ang Nehemias 8:8 ay nagsasabi: “Patuloy silang bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” Maliwanag na nalaman niyaong mga nagbasa at nagpaliwanag ng Kautusan ng Diyos sa pagkakataong iyon ang kahalagahan ng pagtulong sa kanilang tagapakinig na maunawaan ang kahulugan ng binasa, upang matandaan ito, at ikapit.

      Kung Ano ang Maaaring Lumikha ng Suliranin. Nagagawa ng karamihan sa mga tao na maging maliwanag kung ano ang ibig nilang sabihin sa normal na pag-uusap sa araw-araw. Gayunman, kapag kanilang binabasa ang materyal na isinulat ng iba, ang pagtiyak kung aling mga salita o pangungusap ang dapat na idiin ay maaaring magharap ng isang hamon. Ang susi ay naroroon sa maliwanag na pagkaunawa sa materyal. Iyon ay humihiling ng maingat na pag-aaral sa kung ano ang nakasulat. Kaya kung hinilingan kang magbasa ng ilang materyal sa pulong ng kongregasyon, dapat kang maghandang mabuti.

      Ang ilang tao ay gumagamit ng maaaring tawagin na “pantay-pantay na pagdiriin” sa halip na pagdiriin ng mga susing salita. Kanilang idiniriin ang mga salita sa halos bawat magkakaparehong agwat, maging makahulugan man o hindi ang gayong pagdiriin. Idiniriin naman ng iba ang di-pangunahing mga salita, na naglalagay marahil ng sobrang pagdiriin sa mga pang-ukol at mga pangatnig. Kapag ang pagdiriin ay hindi nakatutulong sa ikaliliwanag ng ideya, madali itong maging isang nakagagambalang pinagkagawian.

      Sa pagsisikap na gumamit ng pagdiriin ng mga susing salita, ang ilang tagapagsalita ay naglalakas ng tinig anupat maaaring madama ng tagapakinig na kinagagalitan sila. Mangyari pa, iyon ay bihirang magdulot ng mabubuting resulta. Kung ang pagdiriin ng mga susing salita ay hindi natural, maaaring magbigay ito ng impresyon na hinahamak ng tagapagsalita ang kaniyang tagapakinig. Mas mabuti pa nga ang mamanhik na lamang sa kanila salig sa pag-ibig at tulungang makita nila na ang ipinahahayag ay kapuwa maka-Kasulatan at makatuwiran!

      Kung Paano Susulong. Kadalasang ang isang tao na may suliranin sa pagdiriin ng mga susing salita ay hindi ito namamalayan. Baka kailangang may magtawag pansin pa nito sa kaniya. Kung kailangan kang sumulong sa larangang ito, ang iyong tagapangasiwa sa paaralan ay tutulong sa iyo. Gayundin, malayang humingi ng tulong sa sinumang mahusay na tagapagsalita. Hilingin sa kaniya na makinig na mabuti sa iyong pagbabasa at pagsasalita at pagkatapos ay magbigay ng mga mungkahi ukol sa ikasusulong.

      Bilang pasimula, maaaring imungkahi ng iyong tagapayo na gamitin mo ang isang artikulo sa Ang Bantayan bilang saligan ng pagsasanay. Walang pagsalang sasabihin niya sa iyo na suriin ang bawat pangungusap upang matiyak kung aling mga salita o mga parirala ang kailangang idiin upang ang kahulugan ay madaling maunawaan. Maaaring ipaalaala niya sa iyo na bigyan ng pantanging pansin ang ilang mga salita na italiko. Tandaan na ang mga salita sa isang pangungusap ay magkakaugnay. Kadalasan, ang dapat idiin ay grupo ng mga salita, hindi basta isang nagsosolong salita. Sa ilang wika, mapasisigla ang mga estudyante na isaalang-alang na mabuti kung ano ang ipinahihiwatig ng mga tuldik hinggil sa wastong pagdiriin ng mga susing salita.

      Bilang kasunod na hakbang sa pag-aaral kung ano ang dapat na idiin, maaaring himukin ka ng iyong tagapayo na isaalang-alang ang mas malawak na konteksto bukod pa sa mismong pangungusap. Ano ang pangunahing ideya na tinatalakay sa buong parapo? Paano iyon makaaapekto sa dapat mong idiin sa indibiduwal na mga pangungusap? Tingnan ang pamagat ng artikulo at ang makakapal na letrang subtitulo na sa ilalim nito ay lumilitaw ang iyong materyal. Paano ito makaaapekto sa mga pananalita na pipiliin mong idiin? Ang lahat ng ito ay mga salik na dapat isaalang-alang. Subalit mag-ingat na huwag maglagay ng mabigat na pagdiriin sa napakaraming salita.

      Nagsasalita ka man nang ekstemporanyo o nagbabasa, maaaring pasiglahin ka rin ng iyong tagapayo na hayaang ang takbo ng pangangatuwiran ay makaimpluwensiya sa pagdiriin ng mga susing salita. Kailangang malaman mo kung saan nagtatapos ang takbo ng pangangatuwiran o kung saan lumilipat ang presentasyon mula sa isang mahalagang ideya tungo sa iba. Pahahalagahan ito ng tagapakinig kung itatawag-pansin sa kanila ng iyong paraan ng pagpapahayag kung saan ang mga lugar na ito. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagdiriin sa mga salitang gaya ng una sa lahat, pagkatapos, sa wakas, kaya, at samakatuwid.

      Itatawag pansin din sa iyo ng iyong tagapayo ang mga ideyang nais mong bigyan ng pantanging damdamin. Upang magawa ito, maaari mong idiin ang mga salitang tulad ng lubha, walang pasubali, tiyak na hindi, hindi sukat akalain, mahalaga, at palagi. Ang paggawa mo nito ay maaaring makaimpluwensiya sa damdamin ng iyong tagapakinig hinggil sa sinasabi mo. Higit pa ang tatalakayin tungkol dito sa Aralin 11, “Init at Damdamin.”

      Upang mapasulong mo ang pagdiriin ng mga susing salita, pasisiglahin ka ring gawing maliwanag sa isip ang mga pangunahing punto na nais mong matandaan ng iyong tagapakinig. Ito ay bibigyan ng higit na konsiderasyon sa punto ng pangmadlang pagbabasa sa Aralin 7, “Naidiin ang Pangunahing mga Ideya,” at mula sa punto ng pagsasalita sa Aralin 37, “Itinampok ang mga Pangunahing Punto.”

      Kung pinagsisikapan mong mapasulong ang iyong ministeryo sa larangan, bigyan mo ng pantanging pansin kung paano ka nagbabasa ng mga kasulatan. Gawing kaugalian na tanungin mo ang sarili, ‘Bakit ko binabasa ang tekstong ito?’ Para sa isang guro, ang basta pagsasabi ng mga salita nang wasto ay hindi laging sapat. Maging ang pagbabasa ng teksto taglay ang damdamin ay maaaring hindi makasapat. Kung sinasagot mo ang katanungan ng isa o nagtuturo ka ng isang saligang katotohanan, makabubuting idiin sa kasulatan ang mga salita o pananalita na sumusuporta sa pinag-uusapan. Kung hindi, maaaring hindi makuha ng taong iyong binabasahan ang punto.

      Yamang ang pagdiriin ng mga susing salita ay nagsasangkot sa karagdagang diin sa ilang salita at mga parirala, maaaring maging sobra ang pagdiriin ng isang walang karanasang tagapagsalita sa mga salita at mga pariralang iyon. Ang mga resulta ay magiging gaya ng mga nota na tinutugtog ng isang tao na nagsisimula pa lamang matuto sa isang instrumento ng musika. Gayunman, sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay, ang bawat “nota” ay magiging bahagi ng “musika” na naipahahayag nang maganda.

      Pagkatapos mong matutuhan ang ilang pangunahing bagay, ikaw ay nasa kalagayan na upang makinabang sa pamamagitan ng pagmamasid sa makaranasang mga tagapagsalita. Di-maglalaon at malalaman mo kung ano ang magagawa ng iba’t ibang antas ng pagdiriin. At mapahahalagahan mo ang paggamit ng pagdiriin sa iba’t ibang paraan upang gawing maliwanag ang kahulugan ng sinasabi mo. Ang pagpapasulong sa wastong pagdiriin ng mga susing salita ay may malaking magagawa upang maging mabisa ang iyong personal na pagbabasa at pagsasalita.

      Huwag basta pag-aralan ang tungkol sa pagdiriin ng mga susing salita upang makaraos lamang. Upang makapagsalita nang mabisa, patuloy na pagsumikapan ito hanggang sa mabihasa ka sa pagdiriin ng mga susing salita at magamit mo ito sa paraang natural sa pandinig ng iba.

      KUNG PAANO ITO MAPASUSULONG

      • Insayuhin ang pagkilala sa mga susing salita at mga grupo ng salita sa mga pangungusap. Bigyan ng pantanging pansin ang paggawa nito salig sa konteksto.

      • Subuking gumamit ng pagdiriin upang ipakita ang (1) pagbabago ng ideya at (2) kung ano ang iyong nadarama hinggil sa iyong sinasabi.

      • Kapag bumabasa ng mga kasulatan, gawing kaugalian na idiin ang mga salitang tuwirang sumusuporta sa iyong dahilan ng pagtukoy sa mga tekstong iyon.

      MGA PAGSASANAY: (1) Pumili ng dalawang kasulatan na lagi mong ginagamit sa ministeryo sa larangan. Tiyakin kung ano ang sinisikap mong patunayan sa bawat teksto. Basahin nang malakas ang mga teksto sa paraang naidiriin ang mga salita o mga grupo ng mga salita na sumusuporta sa mga puntong iyon. (2) Pag-aralan ang Hebreo 1:1-14. Bakit kailangang bigyan ng pantanging pagdiriin ang mga salitang “mga propeta” (tal. 1), “Anak” (tal. 2), at “mga anghel” (tal. 4, 5) upang maipahayag nang maliwanag ang takbo ng pangangatuwiran sa kabanatang ito? Insayuhin ang pagbabasa nang malakas sa kabanata na idiniriin ang mga susing salita upang laging mapatampok ang takbo ng pangangatuwiran.

  • Naidiin ang Pangunahing mga Ideya
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
    • ARALIN 7

      Naidiin ang Pangunahing mga Ideya

      Ano ang kailangan mong gawin?

      Kapag nagbabasa nang malakas, lagyan ng pantanging pagdiriin ang pangunahing mga ideyang nasa kabuuan ng binabasang materyal, hindi lamang ang nasa indibiduwal na mga pangungusap.

      Bakit ito mahalaga?

      Ang iyong mensahe ay mas madaling matatandaan kapag ang pangunahing mga ideya ay naidiin.

      ANG isang mahusay na tagabasa ay hindi lamang tumitingin sa indibiduwal na pangungusap, ni maging sa parapo na doo’y lumilitaw ito. Kapag siya ay nagbabasa, taglay niya sa isipan ang pangunahing mga ideya ng kabuuang materyal na kaniyang inihaharap. Ito ang nakaiimpluwensiya sa kaniyang ilalagay na pagdiriin.

      Kapag hindi nasunod ang prosesong ito, hindi magkakaroon ng mga litaw na punto sa pahayag. Walang anumang maliwanag na maitatampok. Kapag natapos na ang presentasyon, baka maging mahirap na matandaan ang anumang bagay na namumukod-tangi.

      Kadalasan ay malaki ang nagagawa ng wastong pagbibigay pansin sa idiniriing pangunahing mga ideya upang mapabuti ang pagbabasa ng isang ulat sa Bibliya. Ang gayong pagdiriin ay magpapangyaring maging mas makabuluhan ang pagbabasa ng mga parapo sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o sa isang pulong ng kongregasyon. At ito’y lalo nang mahalaga kapag nagbibigay ng isang pahayag mula sa isang manuskrito, gaya ng kung minsan ay ginagawa sa ating mga kombensiyon.

      Kung Paano Ito Gagawin. Sa paaralan, maaaring atasan ka na bumasa ng isang bahagi sa Bibliya. Ano ang dapat na idiin? Kung may pangunahing ideya o mahalagang pangyayari na pinagbatayan ng materyal na iyong babasahin, magiging angkop na itampok ito.

      Kahit na ang bahaging babasahin mo ay isang tula o prosa, kawikaan o salaysay, makikinabang ang iyong tagapakinig kung babasahin mo itong mabuti. (2 Tim. 3:16, 17) Upang magawa ito kailangan mong isaalang-alang kapuwa ang iyong babasahin at ang iyong tagapakinig.

      Kung magbabasa ka nang malakas mula sa isang publikasyon sa isang pag-aaral sa Bibliya o sa isang pulong ng kongregasyon, ano ang pangunahing mga ideya na kailangan mong idiin? Ituring ang mga sagot sa nakaimprentang mga tanong sa pag-aaral bilang siyang pangunahing mga ideya. Idiin din ang mga kaisipang nauugnay sa makakapal-na-letrang subtitulo na sa ilalim nito ay lumilitaw ang materyal.

      Hindi inirerekomenda na lagi kang gumamit ng manuskrito para sa mga pahayag na ibinibigay sa kongregasyon. Gayunman, sa pana-panahon, ang mga manuskrito ay inilalaan para sa ilang pahayag sa kombensiyon upang ang nagkakaisang mga punto ay maiharap nang magkakatulad sa lahat ng kombensiyon. Upang maidiin ang pangunahing mga ideya sa gayong mga manuskrito, dapat munang maingat na suriin ng tagapagsalita ang materyal. Ano ang pangunahing mga punto? Dapat niyang matukoy ang mga ito. Ang pangunahing mga punto ay hindi basta mga ideya na sa palagay niya ay kapana-panabik. Ito ang mga susing punto na dito umiikot ang materyal. Kung minsan ang isang maikling paglalahad ng isang pangunahing ideya sa manuskrito ay nagpapakilala sa isang salaysay o sa isang argumento. Kadalasan, isang mapuwersang pananalita ang ibinibigay matapos iharap ang suhay na ebidensiya. Kapag natukoy na ang mga susing puntong ito, dapat markahan ng tagapagsalita ang mga ito sa kaniyang manuskrito. Kadalasang iilan lamang ang mga ito, marahil ay hindi hihigit sa apat o lima. Pagkatapos, kailangan siyang mag-insayo sa pagbabasa sa paraang madaling matutukoy ng tagapakinig ang mga ito. Ito ang mga litaw na punto ng pahayag. Kapag ang materyal ay ipinahayag nang may wastong pagdiriin, ang pangunahing mga ideyang ito ay malamang na matatandaan. Iyan ang dapat na maging tunguhin ng tagapagsalita.

      May iba’t ibang paraan upang magawa ng isang tagapagsalita ang kinakailangang pagdiriin upang tulungan ang tagapakinig na matukoy ang pangunahing mga punto. Maaari siyang gumamit ng higit na kasiglahan, pagbabago ng bilis, tindi ng damdamin, o angkop na pagkumpas, upang bumanggit ng ilan.

      MGA PUNTONG DAPAT TANDAAN

      • Suriin ang nakalimbag na materyal upang matukoy ang pangunahing mga ideya na pinagbatayan ng pagkakabuo nito. Markahan ang mga ito.

      • Kapag nagbabasa nang malakas, gumamit ng higit na kasiglahan, mas mabagal na pagsasalita, o tindi ng damdamin, hangga’t naaangkop, upang maitampok ang pangunahing mga ideyang iyon.

      PAGSASANAY: Pumili ng limang parapo mula sa isang artikulong nakaiskedyul na pag-aralan sa Bantayan. Salungguhitan ang mga sagot sa mga tanong sa pag-aaral para sa mga parapong iyon. Basahin ang mga parapo nang malakas sa paraang ang mga sagot ay madaling matutukoy ng tagapakinig.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share