MATEO, MABUTING BALITA AYON KAY
Ang kinasihang ulat ng buhay ni Jesu-Kristo na isinulat, walang alinlangang sa Palestina, ng dating maniningil ng buwis na si Mateo, o Levi. Ito ang unang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at mula pa noong sinaunang mga panahon ay itinuturing na ito bilang ang unang Ebanghelyo na isinulat. Ang ulat ni Mateo ay nag-umpisa sa pinagmulang angkan ni Jesus bilang tao, sinundan ng kaniyang kapanganakan, at nagwakas sa pag-aatas ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod, pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, na humayo at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat 28:19, 20) Samakatuwid, sumasaklaw ito sa panahon sa pagitan ng kapanganakan ni Jesus noong 2 B.C.E. at sa pakikipagtagpo niya sa kaniyang mga alagad bago siya umakyat sa langit noong 33 C.E.
Panahon ng Pagsulat. Sinasabi sa mga subskripsiyon, na lumilitaw sa katapusan ng Ebanghelyo ni Mateo sa maraming manuskrito (pawang ginawa pagkaraan ng ikasampung siglo C.E.), na ang ulat ay isinulat noong mga ikawalong taon pagkaakyat ni Kristo sa langit (mga 41 C.E.). Kaayon naman ito ng panloob na katibayan. Ang bagay na hindi binabanggit ang katuparan ng hula ni Jesus may kinalaman sa pagkawasak ng Jerusalem ay tumuturo sa panahon ng pagsulat bago ang 70 C.E. (Mat 5:35; 24:16) At ang pananalitang “hanggang sa mismong araw na ito” (27:8; 28:15) ay nagpapahiwatig na mahaba-habang panahon ang lumipas sa pagitan ng mga pangyayaring tinalakay at ng panahon ng pagsulat.
Orihinal na Isinulat sa Hebreo. Ang panlabas na katibayan na nagpapatunay na sa wikang Hebreo orihinal na isinulat ni Mateo ang Ebanghelyong ito ay mula pa kay Papias ng Hierapolis, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E. Sinipi ni Eusebius ang sinabi ni Papias: “Tinipon ni Mateo ang mga orakulo sa wikang Hebreo.” (The Ecclesiastical History, III, XXXIX, 16) Noong maagang bahagi ng ikatlong siglo, tinukoy ni Origen ang ulat ni Mateo at, sa pagtalakay sa apat na Ebanghelyo, sinipi ni Eusebius ang pananalita ni Origen na ang “una ay isinulat . . . ayon kay Mateo, na dating maniningil ng buwis ngunit nang maglaon ay naging isang apostol ni Jesu-Kristo, . . . sa wikang Hebreo.” (The Ecclesiastical History, VI, XXV, 3-6) Isinulat ng iskolar na si Jerome (na nabuhay noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.) sa kaniyang akdang De viris inlustribus (Hinggil sa Tanyag na mga Tao), kabanata III, na si Mateo ay “bumuo . . . ng isang Ebanghelyo ni Kristo sa Judea sa wika at mga titik na Hebreo para sa kapakinabangan niyaong mga mula sa pagtutuli na nanampalataya. . . . Bukod dito, ang tekstong Hebreo mismo ay naingatan hanggang sa panahong ito sa aklatan sa Cesarea, na masikap na tinipon ng martir na si Pamphilus.”—Salin mula sa tekstong Latin na inedit ni E. C. Richardson at inilathala sa seryeng “Texte und Untersuchungen zur Geschichte der altchristlichen Literatur,” Leipzig, 1896, Tomo 14, p. 8, 9.
Iminumungkahi na matapos tipunin ni Mateo ang kaniyang ulat sa Hebreo, maaaring siya mismo ang nagsalin nito sa Koine, ang karaniwang Griego.
Impormasyong Natatangi sa Ebanghelyo ni Mateo. Ipinakikita ng pagsusuri sa ulat ni Mateo na mahigit sa 40 porsiyento ng materyal na nilalaman nito ang hindi masusumpungan sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Natatangi ang talaangkanan ni Jesus na itinala ni Mateo (Mat 1:1-16), anupat may presentasyong naiiba sa ginawa ni Lucas (Luc 3:23-38). Ipinakikita ng paghahambing sa dalawa na ang iniulat ni Mateo ay ang legal na talaangkanan sa pamamagitan ng ama-amahan ni Jesus na si Jose, samantalang lumilitaw na ang iniulat naman ni Lucas ay ang likas na talaangkanan ni Jesus. Ang iba pang mga insidente na sa ulat ni Mateo lamang binabanggit ay: ang reaksiyon ni Jose sa pagdadalang-tao ni Maria, ang pagpapakita ng isang anghel kay Jose sa panaginip (Mat 1:18-25), ang pagdalaw ng mga astrologo, ang pagtakas patungong Ehipto, ang pagpatay sa mga batang lalaki sa Betlehem at sa mga distrito nito (kab 2), at ang panaginip ng asawa ni Pilato tungkol kay Jesus (27:19).
Di-kukulangin sa sampung talinghaga, o ilustrasyon, na masusumpungan sa ulat ni Mateo ang hindi binabanggit sa iba pang mga Ebanghelyo. Kabilang dito ang apat na nasa kabanata 13, yaong tungkol sa mga panirang-damo sa bukid, nakatagong kayamanan, “isang perlas na may mataas na halaga,” at lambat na pangubkob. Ang iba pa ay ang mga ilustrasyon tungkol sa walang-awang alipin (Mat 18:23-35), mga manggagawa sa ubasan (20:1-16), kasal ng anak na lalaki ng hari (22:1-14), sampung dalaga (25:1-13), at mga talento (25:14-30).
Kung minsan ay naglalaan si Mateo ng mga suplementaryong detalye. Bagaman lumilitaw rin sa ulat ni Lucas ang materyal mula sa Sermon sa Bundok (Luc 6:17-49), ang Ebanghelyo ni Mateo ay malayong mas detalyado sa bagay na ito. (Mat 5:1–7:29) Bagaman binabanggit nina Marcos, Lucas, at Juan ang makahimalang pagpapakain sa mga 5,000 lalaki, idinagdag ni Mateo na ito’y “bukod pa sa mga babae at mga bata.” (Mat 14:21; Mar 6:44; Luc 9:14; Ju 6:10) Binabanggit ni Mateo na dalawang lalaking inaalihan ng demonyo ang nakatagpo ni Jesus sa lupain ng mga Gadareno, samantalang isa lamang ang tinutukoy nina Marcos at Lucas. (Mat 8:28; Mar 5:2; Luc 8:27) Sinasabi rin ni Mateo na dalawang lalaking bulag ang pinagaling sa isang pagkakataon, samantalang isa lamang ang binabanggit nina Marcos at Lucas. (Mat 20:29, 30; Mar 10:46, 47; Luc 18:35, 38) Sabihin pa, tama ang lahat ng manunulat na ito sa punto na di-kukulangin sa isang tao ang nasangkot sa bawat insidente. Ngunit kadalasan ay mas espesipiko si Mateo may kinalaman sa bilang. Ito marahil ay dahil sa kaniyang dating hanapbuhay bilang maniningil ng buwis.
Ang Paggamit ni Mateo ng Hebreong Kasulatan. Tinataya na ang Ebanghelyo ni Mateo ay naglalaman ng mga isang daang pagtukoy sa Hebreong Kasulatan. Ang humigit-kumulang sa 40 sa mga ito ay aktuwal na pagsipi ng mga talata. Kasama sa mga ito ang sariling mga pagsipi at pagtukoy ni Kristo mula sa Hebreong Kasulatan, na kinabibilangan ng mga sumusunod: ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan (Mat 10:35, 36; Mik 7:6); tinukoy si Juan na Tagapagbautismo bilang ang “Elias” na darating (Mat 11:13, 14; 17:11-13; Mal 4:5); pinaghambing ang mga karanasan ni Jesus at ni Jonas (Mat 12:40; Jon 1:17); ang utos na parangalan ang mga magulang (Mat 15:4; Exo 20:12; 21:17); paglilingkod sa Diyos nang hanggang salita lamang (Mat 15:8, 9; Isa 29:13); dalawa o tatlong saksi ang kailangan (Mat 18:16; Deu 19:15); mga pananalita tungkol sa pag-aasawa (Mat 19:4-6; Gen 1:27; 2:24); iba’t ibang utos (Mat 5:21, 27, 38; 19:18, 19; Exo 20:12-16; 21:24; Lev 19:18; 24:20; Deu 19:21); ang templo ay ginawang “yungib ng mga magnanakaw” (Mat 21:13; Isa 56:7; Jer 7:11); ang pagtatakwil kay Jesus, “ang bato” na naging “pangulong batong-panulok” (Mat 21:42; Aw 118:22, 23); ang mga kalaban ng Panginoon ni David ay ilalagay sa ilalim ng kaniyang mga paa (Mat 22:44; Aw 110:1); ang kasuklam-suklam na bagay na nasa dakong banal (Mat 24:15; Dan 9:27); mangangalat ang mga alagad ni Jesus (Mat 26:31; Zac 13:7); sa wari’y pinabayaan ng Diyos si Kristo (Mat 27:46; Aw 22:1). Nariyan din ang mga pananalitang ginamit ni Jesus upang labanan ang mga tukso ni Satanas.—Mat 4:4, 7, 10; Deu 8:3; 6:16, 13.
Kapansin-pansin din ang kinasihang pagkakapit ni Mateo kay Jesus ng mga hula sa Hebreong Kasulatan, anupat pinatutunayang Siya ang ipinangakong Mesiyas. Partikular na magiging interesado rito ang mga Judio, na siyang orihinal na pinatutungkulan ng ulat. Kabilang sa mga hula: ang kapanganakan ni Jesus sa pamamagitan ng isang dalaga (Mat 1:23; Isa 7:14); ang pagsilang niya sa Betlehem (Mat 2:6; Mik 5:2); ang pagtawag sa kaniya mula sa Ehipto (Mat 2:15; Os 11:1); ang pagtaghoy dahil sa pinatay na mga bata (Mat 2:16-18; Jer 31:15); ang paghahanda ni Juan na Tagapagbautismo ng daan sa unahan ni Jesus (Mat 3:1-3; Isa 40:3); ang ministeryo ni Jesus na naghahatid ng liwanag (Mat 4:13-16; Isa 9:1, 2); ang pagdadala niya ng mga sakit ng mga tao (Mat 8:14-17; Isa 53:4); ang paggamit niya ng mga ilustrasyon (Mat 13:34, 35; Aw 78:2); ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno (Mat 21:4, 5; Zac 9:9); ang pagkakanulo kay Kristo kapalit ng 30 pirasong pilak (Mat 26:14, 15; Zac 11:12).
Isang Tumpak at Kapaki-pakinabang na Rekord. Palibhasa’y isa siyang matalik na kasamahan ni Kristo noong mga huling taon ng buhay ni Jesus sa lupa at sa gayo’y aktuwal na nakasaksi sa Kaniyang ministeryo, hindi kataka-taka na makapag-uulat si Mateo ng isang nakaaantig at makahulugang Ebanghelyo. Taglay natin iyon sa rekord ng dating maniningil ng buwis na ito tungkol sa buhay ni Jesu-Kristo. Tinulungan siya ng espiritu ng Diyos na maalaala nang detalyado ang mga sinabi at ginawa ni Jesus sa lupa. (Ju 14:26) Dahil dito, may-katumpakang nailarawan ni Mateo si Jesus ng Nazaret bilang ang minamahal na Anak ng Diyos na may pagsang-ayon Niya, bilang ang isa na dumating “upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami,” at bilang ang inihulang Mesiyanikong Hari na darating taglay ang kaluwalhatian. (Mat 20:28; 3:17; 25:31) Noong naririto si Jesus sa lupa, itinawag-pansin niya ang kaniyang mga gawa at may-katotohanan niyang nasabi: “Sa mga dukha ay ipinapahayag ang mabuting balita.” (11:5) At sa ngayon, napakaraming tao, kapuwa likas na mga Judio at mga di-Judio, ang lubhang nakikinabang sa gayong mabuting balita ng Kaharian gaya ng nakaulat sa Ebanghelyo ni Mateo.—Mat 4:23, tlb sa Rbi8.
[Kahon sa pahina 357]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MATEO
Ang ulat ng apostol na si Mateo tungkol sa buhay ni Jesus; yamang pangunahing isinulat para sa mga Judio, ipinakikita ng Ebanghelyong ito na si Jesus ang inihulang Mesiyanikong Hari
Bilang ang unang Ebanghelyo na inirekord, malamang na una itong isinulat sa Hebreo mga walong taon pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Kristo
Tinupad ng mga detalye ng buhay ni Jesus ang Mesiyanikong mga hula
Ipinanganak si Jesus ng isang dalaga, na isang supling ni Abraham sa linya ni David, sa Betlehem (1:1-23; 2:1-6)
Pinatay ang mga sanggol na lalaki; tinawag siya mula sa Ehipto (2:14-18)
Lumaki siya sa Nazaret; inihanda ni Juan na Tagapagbautismo ang daan para sa kaniya (2:23–3:3)
Siya’y naging isang liwanag sa Galilea (4:13-16)
Nagsagawa siya ng maraming makahimalang pagpapagaling (8:16, 17)
Malugod niyang tinulungan ang mga napipighati (12:10-21)
Nagturo siya, na gumagamit ng mga ilustrasyon; manhid ang puso ng maraming tao (13:10-15, 34, 35)
Pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng bisiro ng isang asno; ibinunyi siya ng mga pulutong bilang ang Anak ni David ngunit itinakwil ng Judiong “mga tagapagtayo” (21:1-11, 15, 42)
Ipinagkanulo siya ni Hudas kapalit ng 30 pirasong pilak, ang salapi na nang maglaon ay ipinambili ng parang ng magpapalayok (26:14, 15, 48, 49; 27:3-10)
Nangalat ang kaniyang mga alagad (26:31)
Nasa libingan si Jesus sa loob ng tatlong araw (12:39, 40)
Inihayag ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos
Pagkatapos na maaresto si Juan, inihayag ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay malapit na” (4:12-23)
Dinalaw niya ang lahat ng mga lunsod at mga nayon ng Galilea upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian (9:35)
Tinagubilinan niya ang kaniyang 12 alagad at isinugo niya sila upang mangaral tungkol sa Kaharian (10:1–11:1)
Isiniwalat niya ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian, anupat inilahad ang mga talinghaga tungkol sa manghahasik, trigo at mga panirang-damo, butil ng mustasa, lebadura, kayamanang nakatago sa parang, isang perlas na may mataas na halaga, isang lambat na pangubkob, mga manggagawa sa ubasan, dalawang anak, balakyot na mga tagapagsaka, at isang piging ng kasalan para sa anak na lalaki ng isang hari (13:3-50; 20:1-16; 21:28-41; 22:1-14)
Sinagot niya ang tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto, anupat kalakip sa sagot niya ang isang hula tungkol sa pangglobong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian (24:3–25:46)
Inilantad ni Jesus ang pagpapaimbabaw ng mga lider ng relihiyon
Ipinakita niya na pinipilipit nila ang layunin ng Sabbath at na pinawawalang-bisa ng kanilang mga tradisyon ang Salita ng Diyos (12:3-7; 15:1-14)
Inilantad niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya, mapamaslang na saloobin, pagpapaimbabaw at pagmamapuri (12:24-42; 16:1-4; 21:43-45; 23:2-36)
Ibinunyag niya ang kanilang ganap na pagwawalang-halaga sa katarungan, awa, at katapatan (23:23, 24; 9:11-13)
Nagbigay si Jesus ng maiinam na payo sa kaniyang mga tagasunod
Sa Sermon sa Bundok, ipinakita ni Jesus kung bakit magiging tunay na maligaya ang kaniyang mga alagad; nagbabala siya laban sa pagkapoot at hinimok niya sila na makipagpayapaan sa isa’t isa at ibigin maging ang kanilang mga kaaway; sinabi niya ang panganib ng mapangalunyang mga kaisipan; nagbabala siya laban sa pagpapaimbabaw, nagturo kung paano mananalangin, nagbabala laban sa materyalismo, at nagpayo na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang Kaniyang katuwiran; pinag-ingat niya ang kaniyang mga tagapakinig na huwag maging labis na mapamuna, sinabi niya sa kanila na palaging manalangin, at hinimok niya sila na kilalanin na makipot ang daan patungo sa buhay at na dapat silang magluwal ng maiinam na bunga (5:1–7:27)
Nagpayo si Jesus tungkol sa pagpapakumbaba at nagbabala siya laban sa pagtisod sa iba; ipinakita niya kung paano lulutasin ang mga di-pagkakasundo (18:1-17, 21-35)
Binanggit niya ang pamantayang Kristiyano para sa pag-aasawa at diborsiyo (19:3-9)
Ang kamatayan at pagkabuhay-muli ng Anak ng Diyos
Noong gabi ng Paskuwa, pinasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang nalalapit na kamatayan (26:26-30)
Matapos ipagkanulo at arestuhin, hinatulan siya ng Sanedrin bilang nararapat sa kamatayan (26:46-66)
Siniyasat siya ni Pilato, pagkatapos ay hinagupit, nilibak, at ibinayubay (27:2, 11-54)
Inilibing si Jesus; siya’y binuhay-muli at nagpakita sa kaniyang mga tagasunod; inatasan niya sila na humayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa (27:57–28:20)