Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Salamangkero”
  • Salamangkero

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Salamangkero
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Daniel
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nang ang mga Hari ay Turuan ni Jehova ng Aral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Pakahulugan, Pagpapakahulugan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Daniel, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Salamangkero”

SALAMANGKERO

Ang salitang Hebreo na ʼash·shaphʹ (sa Aramaiko, ʼa·shaphʹ; isinalin bilang “mga astrologo,” KJ) ay wastong binibigyang-katuturan bilang “salamangkero [conjurer], necromancer, engkantador.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 80, 1083; Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner, Leiden, 1958, p. 95, 1055) Ang pandiwang Ingles na “conjure” ay nangangahulugang “manumpang magkakasama” sa pamamagitan ng sumpa o pagsusumamo, gaya halimbawa kapag mapitagang tinatawag ng isa ang diumano’y mga espiritu ng mga patay. Ang salitang Ingles naman na “necromancer” ay literal na nangangahulugang “isang manghuhula ng mga patay,” isa na nagtatangkang ihula at baguhin ang mga mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan sa mga patay.

Hinahatulan ng Diyos ang lahat ng uri ng pakikipagtalastasan sa mga patay. “At kung sasabihin nila sa inyo: ‘Sumangguni kayo sa mga espiritista o sa mga may espiritu ng panghuhula na humuhuni at nagsasalita nang pabulong,’ hindi ba sa Diyos nito dapat sumangguni ang alinmang bayan? Dapat bang sumangguni sa mga patay para sa mga buháy?” (Isa 8:19) Bagaman ipinagbabawal sa Israel, ang “babae na dalubhasang espiritista sa En-dor” na dinalaw ng di-tapat na si Haring Saul ay nakikipag-ugnayan sa mga demonyo bilang salamangkero ng mga patay.​—1Sa 28:7; Lev 20:27.

Dumami ang bilang ng mga salamangkero lalo na sa mga Babilonyo. Pagkatapos ng tatlong-taóng pantanging pag-aaral sa wika ng mga Caldeo, si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan na dinalang bihag sa Babilonya ay napatunayang ‘mas magaling nang sampung ulit [sa karunungan at pagkaunawa] kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero’ sa kaharian.​—Dan 1:3-20.

Pagkaraan ng mga walong taon, ipinatawag ni Nabucodonosor ang lahat ng mga manghuhula, hindi lamang ang mga salamangkero, at iniutos na isiwalat nila ang isang partikular na panaginip niya at pagkatapos ay bigyang-pakahulugan ito. (Dan 2:1-3, 27) Pinaghinalaan sila ng hari, sapagkat sinabi niya: “Isang kasinungalingan at maling salita ang napagkasunduan ninyong sabihin sa harap ko.” Alam din niya na nagpapaantala sila at nagbabakasakaling magbago ang mga kalagayan. Kaya, para makatiyak na kayang ibigay ng marurunong na tao ang tamang pakahulugan sa kaniyang kasindak-sindak na pangitain, iginiit ni Nabucodonosor na sabihin muna nila sa kaniya kung ano ang kaniyang napanaginipan. “Sabihin ninyo sa akin ang mismong panaginip,” ang sabi ng hari, “at malalaman ko na maipakikita ninyo ang pakahulugan nito.” (Dan 2:4-9) Nang hindi makasagot ang mga salamangkero at ang kanilang mga kapuwa manghuhula, galít na ipinag-utos ng hari na puksain ang lahat ng marurunong na tao ng Babilonya. Nabalitaan ni Daniel ang utos ng hari (na dito ay madadamay si Daniel at ang kaniyang mga kasamahan). Kaya pagkatapos na ‘isiwalat sa kaniya ng Diyos ang lihim,’ nagmadali si Daniel na sabihin iyon sa hari, anupat hindi inangkin ang anumang kapurihan para sa kaniyang sarili, sapagkat gaya ng sabi niya, “hindi dahil sa anumang karunungan na nasa akin nang higit kaysa sa kanino pa mang buháy kung kaya ang lihim na ito ay isiniwalat sa akin.”​—Dan 2:19-30.

Pagkaraan ng maraming dekada, nagitla si Belsasar nang makakita siya ng ‘sulat-kamay sa pader’ na hindi niya mabasa. Pagkatapos siyang “sumigaw nang malakas na papasukin ang mga salamangkero, ang mga Caldeo at ang mga astrologo,” ang hari ay gumawa ng napakagalanteng alok: “Ang sinumang tao na babasa ng sulat na ito at magpapakita sa akin ng pakahulugan nito, purpura ang idadamit sa kaniya, na may kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at siya ay mamamahala bilang ikatlo sa kaharian.” (Dan 5:5-7) Nabigo ang mga salamangkerong ito, pati na ang iba pang espiritistikong mga manghuhula, at muli, ang Diyos ni Daniel na si Jehova ang nagbigay ng pakahulugan.​—Dan 5:8-29.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share