HAGAI, AKLAT NG
Isang kinasihang aklat ng Hebreong Kasulatan na nakatalang kabilang sa tinatawag na mga pangalawahing propeta. Naglalaman ito ng apat na mensahe mula kay Jehova para sa mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya, na nagpasigla sa kanila na tapusin ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Yamang makahula rin ang aklat, humula ito ng mga bagay na gaya ng pagpuno ng kaluwalhatian sa bahay ni Jehova at ng pagpapabagsak sa mga kaharian ng tao.—Hag 2:6, 7, 21, 22.
Manunulat at Pagiging Kanonikal. Ang manunulat nito ay si Hagai na propeta, na personal na naghatid ng bawat mensaheng masusumpungan sa aklat. (Hag 1:1; 2:1, 10, 20; tingnan ang HAGAI.) Bagaman hindi nakatala ang pangalan ng aklat ng Hagai sa karamihan ng sinaunang mga katalogo ng Kasulatan, maliwanag na kabilang ito sa mga pagtukoy ng mga iyon sa ‘labindalawang Pangalawahing Propeta,’ sa gayo’y magiging kumpleto ang bilang na 12. Hindi kailanman kinuwestiyon ng mga Judio ang pagiging kabilang nito sa Hebreong Kasulatan, at ang pagiging kanonikal ng aklat ay tiyakang pinagtitibay ng pagsipi ng Hebreo 12:26 mula sa Hagai 2:6.—Ihambing ang Hag 2:21.
Istilo. Ang pananalita nito ay simple at madaling maintindihan. Kung minsan ay nagbabangon ito ng nakapupukaw-kaisipang mga tanong. (Hag 1:4, 9; 2:3, 12, 13, 19) Ang aklat ng Hagai ay naglalaman ng matinding pagsaway, pampatibay-loob, at hula na nagdudulot ng pag-asa. Ang banal na pangalang Jehova ay lumilitaw nang 35 ulit sa 38 talata nito, at malinaw na ipinakikita na sa Diyos nagmula ang mga mensahe, anupat si Hagai ang nagsilbing Kaniyang inatasang mensahero.—1:13.
Petsa at mga Kalagayan. Ang apat na mensaheng itinala ni Hagai ay inihatid sa Jerusalem sa loob ng mga apat na buwan noong ikalawang taon ng Persianong si Haring Dario Hystaspis (520 B.C.E.), anupat lumilitaw na natapos ang aklat noong 520 B.C.E. (Hag 1:1; 2:1, 10, 20) Nanghula si Zacarias taglay ang gayunding layunin sa panahon ng gawaing panghuhula ni Hagai.—Ezr 5:1, 2; 6:14.
Mga Mensahe na may Namamalaging Kapakinabangan. Bukod sa iba pang mga bagay, ang aklat ng Hagai ay gumaganyak ng pananampalataya kay Jehova, na napakahalaga sa mga lingkod ng Diyos. Ipinakikita nito na ang Diyos ay sumasakaniyang bayan (Hag 1:13; 2:4, 5), at hinihimok din sila nito na unahin sa kanilang buhay ang kaniyang mga kapakanan. (Hag 1:2-8; Mat 6:33) Nililinaw ng aklat na hindi nakalulugod kay Jehova ang basta pormalistikong pagsamba (Hag 2:10-17; ihambing ang Isa 29:13, 14; Mat 15:7-9) kundi ang tapat na mga gawang kasuwato ng kalooban ng Diyos ang siyang nagdudulot ng pagpapala. (Hag 2:18, 19; ihambing ang Kaw 10:22.) Ipinakita ng manunulat ng aklat ng Bibliya na Mga Hebreo na ang Hagai 2:6 ay may malaking katuparan may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo.—Heb 12:26-29.
[Kahon sa pahina 875]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG HAGAI
Apat na mensahe na nilayong gumanyak sa mga Judio upang ipagpatuloy ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova
Isinulat sa Jerusalem 17 taon pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon, noong hindi pa natatapos ang pagtatayo ng templo
Mensahe para sa mga taong nakatira sa mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay ni Jehova ay giba (1:1-15)
Nilinaw ni Jehova sa mga nag-aakalang hindi pa panahon upang muling itayo ang templo na ang pagpapabaya sa gawaing ito ang dahilan kung bakit niya ipinagkakait ang pagpapala, anupat mahina ang mga ani at kakaunti ang kabayarang tinatanggap ng mga upahang trabahador
Si Zerubabel, si Josue, at ang iba pa sa bayan ay tumugon nang positibo; pinangakuan sila na si Jehova ay sasakanila sa gawaing muling pagtatayo ng templo; nagsimula ang paggawa sa templo
Ipinahayag na pupunuin ni Jehova ng kaluwalhatian ang kaniyang bahay (2:1-9)
Sa pangmalas ng mga may-edad na nakakita sa kaluwalhatian ng templo ni Solomon, ang bagong gusali ay waring walang kabuluhan
Hinimok ni Jehova sina Zerubabel, Josue, at ang iba pa sa bayan na magpakalakas, huwag masiraan ng loob, at magpatuloy sa gawain, anupat tiniyak sa kanila na magiging higit na maluwalhati ang muling-itinayong templo kaysa sa nauna
Ipinakita sa bayan na dahil sa pagpapabaya nila sa muling pagtatayo ng templo, sila at ang lahat ng kanilang gawain ay naging marumi sa harap ng Diyos (2:10-19)
Sinagot ng mga saserdote ang mga tanong na nagpahiwatig na ang kabanalan ay hindi maaaring isalin ngunit ang karumihan ay naisasalin
Pinatibay-loob ni Jehova ang bayan sa pamamagitan ng pagsasabi na mula sa araw na mailatag ang pundasyon ng templo, igagawad ni Jehova ang kaniyang pagpapala anupat magwawakas ang mahinang mga ani
Mensahe kay Zerubabel tungkol sa pag-uga ni Jehova sa langit at lupa (2:20-23)
Kapag inuga ni Jehova ang langit at lupa, anupat ibinagsak pa nga ang trono ng mga kaharian, ibabaling ng mga kaaway ang kanilang mga sandata laban sa kanilang sarili; sa gayon ay walang kapangyarihan ang magtatagumpay sa paghadlang sa muling pagtatayo ng templo
Gagawin ni Jehova si Zerubabel na gaya ng kaniyang sariling singsing na pantatak, sa gayon ay ginagarantiyahang magiging matatag ang kaniyang posisyon anuman ang mangyari