SAALBIM
Isang lunsod na ang mga naninirahang Amorita ay isinailalim ng sambahayan ni Jose sa puwersahang pagtatrabaho. (Huk 1:35) Nang maglaon, ang Saalbim ay isinama sa isa sa mga distrito na taunang naglalaan ng pagkain sa sambahayan ni Solomon. (1Ha 4:7-9) Karaniwang kinikilala na ito rin ang Saalabin, isang lunsod ng Dan sa hanggahan nito. (Jos 19:40-42) Tanging ang huling katinig ng Hebreong baybay ng dalawang pangalang ito ang magkaiba. Maaaring ang Saalbon ay isa pang pangalan ng Saalbim.—2Sa 23:32; 1Cr 11:33.
Ipinapalagay na ang Saalbim ay ang tiwangwang na nayon ng Selbit (Tel Shaʽalvim), kung saan waring napanatili ang Biblikal na pangalang ito. Iyon ay mga 25 km (16 na mi) sa KHK ng Jerusalem at malapit sa iminumungkahing mga lokasyon ng iba pang mga lugar na binanggit kasama ng Saalbim sa Kasulatan.