Paghahanap ng Kasagutan
“Pagkatapos malaman kung ‘paano’ kikita at makuha ang mga luho na ni sa pangarap ay hindi natin naisip noon—air-conditioner, modernong sound system, . . . bumabangon naman ang tanong kung ‘bakit’ tayo nabubuhay. Bakit ka pa magpapakahirap magtrabaho kung para ka rin lamang naman sumusuntok sa hangin? Ano ang kabuluhan nito?”—David G. Myers, propesor sa sikolohiya sa Hope College, Holland, Michigan, E.U.A.
ANO ang sagot mo sa mga tanong na ibinangon ng propesor? Baka isipin ng ilan na hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon ang pag-alam sa kasagutan. Pero ang pagbale-wala sa mga tanong na tulad nito ay maihahalintulad sa pagbale-wala sa isang maliit na bato sa loob ng iyong sapatos—makalalakad ka, pero hindi komportable.
Kung nag-iisip-isip ka kung may layunin ba ang buhay, hindi ka nag-iisa. Ayon sa World Values Survey, isa sa pinakamalaking pag-aaral sa pamantayan sa kagandahang-asal, parami nang paraming tao sa iba’t ibang bansa ang nag-iisip tungkol sa “kabuluhan at layunin ng buhay.”
Para magkaroon ng tunay na kapayapaan ng isip, kailangan mong malaman ang sagot sa tatlong mahahalagang tanong.
Saan tayo nagmula?
Ano ang layunin ng buhay?
Ano ang ating kinabukasan?
Saan ka makakakuha ng maaasahang sagot sa mahahalagang tanong na ito? Sa halip na magbigay ng sagot ayon sa opinyon o pilosopiya, ihaharap sa susunod na mga pahina ang kasagutan mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pakisuyong buksan mo ang iyong Bibliya at alamin kung ano ang sinasabi nito.